Chapter 72 - Chapter 1

"Sino ang umubos ng shampoo ko?"

Umalingawngaw ang sigaw ni Jemaikha sa buong bahay. Galit na galit siya habang hawak ang basyo ng STALLION Shampoo and Conditioner. Nasa gitna siya ng paliligo nang matuklasan na simot na ang shampoo niya. Sa sobrang inis niya ay napalabas siya ng banyo nang nakatapis lang ng tuwalya.

"Hoy! Ano ba ang isinisigaw mo diyan?" tanong ng Tiya Vilma niya.

"Ito pong shampoo ko ubos na," maktol niya.

"Ah, iyan bang shampoo mo?" Saka nakangising ipinagwasiwasan ang di kahabaang buhok. "Ginamit ko kahapon nang maligo ako. Maganda naman pala iyang shampoo mo. Tingnan mo, ang lambot ng buhok ko."

Napapadyak siya sa inis. "Tiya naman! Huling gamitan ko na iyon."

Namaywang ito at pinanlakihan siya ng mata. "Aba! Huwag ka ngang kumontra diyan. Iyang kakarampot lang na shampoo, pinagmamalakihan mo pa ako. Baka nakakalimutan mong ako ang kumupkop sa inyong magkapatid nang mamatay ang tatay ninyo. Pinatira ko kayo sa bahay ko nang mailit ang bahay ninyo at wala kayong matuluyan. Tapos shampoo lang… shampoo lang!"

Pasimple niyang hinaplos ang tainga. Umagang-umaga kasi ay binabanatan na siya nito ng drama at sumbat. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, wala na itong ginawa kundi ipaalala sa kanila ang kamiserablehan ng buhay nila.

Apat na taon na ang nakakaraan nang mawala ang tatay niya. Saka nila natuklasan na marami pala silang pagkakautang kaya nailit ang bahay at lupa at iba pang ari-arian nila. Wala silang ibang natakbuhan kundi ang Tiya Vilma niya. Bunso itong kapatid ng tatay niya at matandang dalaga. Masyado nga lang itong madada at mabunganga. Kaya pinagtitiisan na lang nila ng kapatid na si Robin.

"Hindi ko naman nakakalimutan ang istorya ng buhay natin, Tiya. Kaso, paano naman ang istorya ng buhok ko? Wala akong shampoo."

"Mag-gugo ka na lang."

"Ano?" bulalas niya. "Kayo lang ang gumagamit ng gugo. Obsolete na iyon."

"Stallion Shampoo na rin ang gamit ko."

"Basta kailangan ko ng Stallion Shampoo." Wala pa mandin iyong tinda sa tindahan at sa grocery pa niya nabibili. Di siya gumagamit ng ibang shampoo dahil Stallion Shampoo lang ang hiyang buhok niya.

"Hay, naku! Bukas ka na lang mag-shampoo. Maligo ka na at baka ma-late ka pa sa trabaho," anito at ipinagtabuyan siya papasok ng banyo. "Sa aircon ka naman nagtatrabaho kaya hindi halata kung hindi ka nag-shampoo. Sweldo mo ngayon."

"Sa wakas, makakahawak na rin ako ng pera," usal niya sabay nagbuhos. Iyon lang naman ang hinihintay niya sa tagal ng pagtatrabaho. Ang sweldo.

Napapitlag siya nang kalampagin ng tiya niya ang pinto. "Jem, huwag mong kakalimutan ang mga bayarin, ha? Iyong bill ng kuryente, tubig at telepono naghihintay lang sa iyo. Due date na iyon bukas. May cellphone bills pa!"

Bumuntong-hininga siya habang naiisip kung magkano na lang ang matitira sa sweldo niya. Pinag-aaral pa niya ng Computer Engineering ang kapatid na Robin. Baon pa nito sa araw-araw. "Hay! Ang hirap may obligasyon!"

Papasok na siya nang daanan ang kapatid na si Robin sa kuwarto. Tulog na tulog pa rin ito dahil na rin sa lakas ng ulan sa labas. Tinanggal niya ang nakatalukbong nitong kumot at ginulo ang buhok. "Hoy! Gumising ka na diyan!"

Umungol ito. "Wala kaming pasok, Ate. May bagyo daw ngayon. Huwag ka na ring pumasok. Baka delikado sa daan."

"Kailangan kong magtrabaho. Santambak ang bills na naghihintay sa akin. Magbubunganga si Tiya kapag hindi nabayaran iyon."

Ngumiwi ito at tinakpan ang tainga habang ini-imagine ang pagbubunganga ng tiya nila. "Oo nga. Maingay na naman ang bahay no'n. Huwag kang mag-alala, Ate. Titiyakin ko na dean's lister ako sa sem na 'to."

"Dapat lang, no? Basta huwag kang maggi-girlfriend!" Saka niya kinurot ang pisngi nito. "Tapusin mo ang course mo dahil iyan ang pangarap ni Tatay."

Nangako siya bago mamatay ang tatay niya sa sakit na liver cancer na igagapang niya ang kapatid para mapagtapos ng pag-aaral.

"Kailan ka naman magbo-boyfriend, Ate?"

Umingos siya. "Hindi ko kailangan ng lalaki. Sakit lang iyan ng ulo. Mas iisipin ko na lang kung paano kikita ng pera."

"Hindi kaya si Kuya Hiro pa rin ang gusto mo?"

"Tsismoso!" Inakmaan niya itong tatadyakan. "Matulog ka na nga lang ulit at baka ano pa ang magawa ko sa iyo."

Paglabas ng bahay ay malungkot siyang ngumiti nang maalala si Hiro. He was her first love and first boyfriend. Wala siyang ibang minahal maliban dito. Subalit ito rin ang lalaki na di na niya pwedeng makasama pa.

"My Hiro. Kumusta ka na kaya ngayon?"