Chereads / Hey, Mr. Soldier! (Gabriel) / Chapter 2 - Ikalawang Kabanata

Chapter 2 - Ikalawang Kabanata

"What are your orders, ma'am?" Hindi siya kumibo. Nanatiling nakatayo lamang silang dalawa ni Claire sa harap ng mga ulam na naka-display sa glass. Siniko siya ni Claire kaya natauhan siya. Matalim ang mga tingin na nilingon niya ito.

"Sige na, Triz. Huwag na kayong mahiya." Wika naman ni Mark na basang-basa niya na nagpapa-cute at panakaw-nakaw ng tingin kay Claire. Napailing-iling nalang siya.

"Kayo na ang bahalang um-order." Wika niya. Uupo na sana siya sa silya ngunit hinarang siya ni Gabriel. Napataas siya ng mga tingin rito. Masyado kasing mataas ang binata para sa isang 5'2 lang na katulad niya. At kung nagkataong nabangga siya ay paniguradong masusubsob sa malalapad na mga bisig ng binata. Oh no, she cannot even imagine it. Sa isipan niya palang ay parang gusto na niyang magmura.

"Sige na, pumili ka na ng ulam." Malumanay na wika ni Gabriel. Lihim na kinuyom niya ang dalawang kamay. Sinusubukan talaga siya ng Gabriel na ito, ah. Naiinis na siya. Napapansin niya kasing manaka-nakang pinagmamasdan siya nito. Ewan ba niya. Naiinis siya sa mga ganoon! Sigaw niya sa isipan. Kahit pa mahinhin ang boses nito at malambing ay naiinis pa rin siya.

"Okay, I want this, this, this, and this." Isa-isa niyang itinuro ang magkasunod-sunod na ulam na naka-display. Ngunit biro niya lamang iyon. Nasorpresa nalang siya nang tawagin nito ang tindera.

"Ate, pa-order nga nito, nito, nito, saka nito. Lahat po ng gusto niya at itinuro niya." Nanlaki ang mga mata ni Beatriz. Seryoso ba ito? Nakagat niya ang pang-ibabang labi at nilingon si Mark na kinindatan naman siya. Tahimik na naupo lamang siya sa silya matapos maihatid ang mga orders nila.

Adobong manok, chicken curry, chopsuey, saka adobong baboy. Napakamot nalang ng ulo si Beatriz habang tinititigan ang mga orders sa harapan niya. Ganito ba karaming pera itong si Gabriel? Sabagay, malaki naman talaga ang sweldo nito. Napabikit-balikat nalang ang dalaga habang halos ay hindi na makakibo nang nakangiting tingnan siya ni Gabriel.

"Kain na tayo, gutom na kasi kami ni tol. Saka babalik na kasi kami kaagad sa loob ng kampo pagkatapos naming kumain." Wika ni Mark. Napatitig nalang siya sa kaibigang nasa tabi. Sa palagay niya ay makokonsensya siya anumang oras na kumain siya. Nag-aalangang tinanggap pa niya ang pinggan at kutsara na inabot ni Gabriel.

"Triz, kain ka na." Untag ni Gabriel sa kanya nang iabot nito ang pinggan.

"Damihan mo ang kain, Triz, para tumaba ka." Napataas ang isang kilay niya sa kaharap ni Claire na si Mark.

"Oy, ganyan lang 'yung katawan ni Triz pero mas malakas pa sa akin kumain 'yan. Ilang pinggan ng rice ba nauubos mo sa Mang Inasal, Triz?" Isa pa itong kaibigan niyang si Claire.

"Lima lang naman." Napansin niya ang pagtigil ng pagsubo ni Gabriel. Naiwan sa ere ang kutsara nitong isusubo na sana. Lihim na napatawa si Beatriz sa reaksyon ng binata.

"Ate, padagdag pa nga ng limang rice." Mabilis na sigaw ng binata sa tindera. Napataas ang mga paningin niya sa binata. Hindi niya alam kung seryoso ito o dinaragdagan lang nito ang inis na nararamdaman niya na kanina pa niya tinatago na siya lang naman ang nakakaalam.

"Sa palagay mo talaga mauubos ko ang limang order ng kanin? Ate, dalawa lang para sa kanilang dalawa." Turo ni Beatriz kina Gabriel at Mark. Napatawa na rin ang tindera sa kanila.

"'Di, joke lang. Talaga ba'ng di na kayo magdadagdag ng ulam saka rice?" Tanong nito kay Triz. Naramdaman niyang hindi ito makatingin sa kanya ng diretso nang magkasalubong ang kanilang mga tingin.

"Huwag kayong mag-alala. Si Gabriel naman magbabayad niyan." Wika ni Mark. Wala namang karekla-reklamong tumango ang kaharap niya. Siya man ay hindi makasubo at makanguya nang maayos dahil sa minsang panakaw-nakaw ng mga tingin ni Gabriel sa kanya. Bagkus sa kahihiyang nararamdaman niya ay idinadaan nalang niya sa pagtawa sa minsang pagbibiro ni Mark.

Ilang saglit pa ay hinatid na rin ng tindera ang dalawang extra rice. Napatigil si Beatriz nang iabot sa kanya ni Gabriel ang pinggang may kanin.

"Hindi, ayoko na talaga. Busog na ako." Pigil niya habang hinahawakan ang pinggan upang pigilan ang binata.

"Sige na." Pamimilit ng binata. Nasa ere pa rin ang pinggang pinagtutulakan nila.

"Busog na nga ako." Tanggi niya ulit.

"Baka nahihiya ka lang. sige na, " tulak nito ulit sa pinggan.

"Ehem, " parehong napatigil silang dalawa nang tumikhim si Mark. Kapwa nakahawak pa rin sila sa pinggang may lamang kanin.

Ilang sandali pa ay binitawan na rin niya ang pinggan. Si Gabriel man ay nahihiyang nagpatuloy nalang sa pagkain. Naramdaman niya ang pagsiko ni Claire sa kanya. Hindi niya ito nilingon. Alam niya ang ibig sabihin niyon. At kung may balak man ang dalawang tuksuhin siya kay Gabriel, tingnan nalang nila kung matatablan ba siya.

Matapos maghapunan ay dinampot niya ulit ang aklat at nagpatuloy sa pagbabasa. Ang kaibigan naman niya ay walang sawang kausap si Mark sa cellphone. She sighed. Napalingon siya nang umilaw ang kanyang cellphone at tumunog iyon. Napabuntong-hininga siya ulit. Marami na palang missed calls si Gabriel. Iniwan niya kasi ang cellphone niya kanina nang maghapunan sila. At ngayon naman ay tumatawag pa ulit. Simula nang ma-meet niya kanina ang binata ay panay pa rin ang tawag at text nito sa kanya.

"Hello, " sagot niya sa kabilang linya.

"Hi, bud. Tapos ka nang kumain?" Napaikot ang dalawang mata ni Beatriz. Alam na alam niya ang linyahan na mga ganoon ng mga lalaki.

"Oo, bakit?" Pinigilan niya ang sariling mainis.

"Eh, snacks? Tapos na rin?" Tanong ulit nito.

"Busog pa ako." Reklamo niya. Baka mamaya ay magyayaya na naman itong kumain sa labas.

"Triz, samahan mo naman ako sa kanto. Bibili lang ako ng load." Kalabit sa kanya ni Claire. Tumango naman siya kaagad.

"Oh, siya, bud. Ibababa ko na muna ang cellphone, ha. Lalabas lang kami ni Claire. May bibilhin lang kami." Napansin niya ang pagkadismaya sa boses ni Gabriel nang magpaalam siya rito. Ngunit wala siyang pakialam. Mas mabuti nga'ng maturn-off ito sa kanya habang maaga pa upang iwasan na siya nito at tigilan.

Nag-arko ang dalawang kilay ni Beatriz. Madilim man sa kanto ay nakikilala pa rin niya ang dalawang lalaking nasa tindahan, nakatayo at tila inaabangan sila. Binawi niya ang brasong hawak ni Claire at matalim na tinitigan ito. Pareho silang napatigil sa paglalakad.

"Sabihin mo nga sa akin ang totoo, Claire. Bibili ba talaga tayo ng load?" Tanong niya rito. Napabuntong-hininga nalang siya nang ngumisi ang kaibigan at tila nakikiusap sa kanya na huwag na niya itong pagalitan pa.

"Bibili rin naman talaga ako ng load. Saka may ibibigay lang din si Mark sa 'kin." Tinaas pa nito ang dalawang kamay tanda ng pakikusap sa kanya.

Malayo palang sila ay kitang-kita na niya ang nakangising si Gabriel. Kaya pala tawag nang tawag ito sa kanya ay dahil nasa labas din pala ito kasama ni Mark.

Napaismid nalang siya nang lapitan ni Mark si Claire. Dumistansya nalang siya sa dalawa. Napansin niya ang papalapit na si Gabriel. Agad na dinukot niya ang cellphone mula sa bulsa at kunwaring tumatawag sa ina.

"Ma? Oh, bakit? Ayos naman ako rito. Huwag ka nang mag-alal…." Napatigil nalang si Beatriz nang tumunog ang kanyang cellphone. At nang tingnan niya iyon ay numero ni Gabriel ang nakarehistro na tumatawag. Dahan-dahang nilingon niya ito. Hawak nito ang cellphone at nakangiting nakatitig sa kanya.

"Ang galing mo talagang mag-drama, Miss Beatriz. Nakakalungkot lang. Tila tingin ko sa sarili ko ay ang pangit ko kasi ramdam na ramdam kong iniiwasan mo ako. Wala naman akong sakit, ah." Naroon ang bahagyang kalungkutan sa boses ng binata. Nasa mukha pa nito ang pagkadismaya. Napakurap-kurap ang mga mata ng dalaga. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito.

"P…pasensya ka na. Akala ko kasi tumatawag 'yung mama ko. Saka ano kasi…"

"Gusto mong magmeryenda? Libre kita ng siomai at mango shake." Putol nito sa sasabihin niya. Siguro ay napuna nito na medyo nagulat rin siya sa reaksyon ng binata. Ano ba ang problema ng taong ito? Bakit napaka-sweet ng boses nito kahit halata naman niyang nadismaya ito dahil sa pag-iiwas niya?

"Naku, busog pa talaga ako." Tanggi niya. Itinaas pa niya ang dalawang kamay. Tila kasi anumang oras ay papagalitan niya ang sarili. She's not the type na sweet ang boses o kaya ay mahinhin. Sabi pa nga ng mga kaibigan niya, kung makalakad raw siya minsan ay daig pa niya ang lalaki o sasabak sa isang bugbugan. Kung kausap naman siya sa cellphone ay daig pa niya ang nanghahamon ng digmaan o nagagalit. Ewan ba niya sa sarili kung bakit siya ganoon.

"Hay, ano ba ang gagawin ko para maging kaibigan mo?" Nagugulumihanang sinalubong ni Beatriz ang mga tingin ng binata. Hindi niya alam kung maiinis ba siya rito, maaawa o matatawa. Ano naman kasi sa binata kung ayaw niyang makipagkaibigan dito. Sundalo naman ito, ah. At alam niyang maraming babae ang maghahabol dito kung nagkataon. Napansin niyang isinuot ni Gabriel ang hood ng kanyang jacket. Narinig pa niya ang malakas na buntong-hininga niyon.

Mayamaya pa ay walang paalam na umalis ito. Sinundan niya ito ng tingin. Pumasok ito sa tindahang nagbebenta ng siomai na nasa tabi. Nag-arko ang mga kilay ni Beatriz. Ano'ng nangyari do'n? Bulong niya. Nilingon niya si Claire at Mark. Gusto niyang pag-untugin ang dalawa. Halos hindi na maputol-putol ang pag-uusap nila. Napaismid siya. Ayaw naman niyang isturbuhin ang dalawa kaya napagdesisyunan nalang niyang umalis pabalik ng boarding house.

Bubuksan na sana niya ang gate nang mag-ring ang kanyang cellphone. Si Claire iyon.

"Triz, bakit mo 'ko iniwan? Hintayin mo nga ako sa gate." Nilingon niya ito habang patakbong pumunta sa direksyon niya.

"Ano ka ba? Bakit mo ako iniwan? Saka bakit hindi mo kinausap si Gabriel?" Tampal nito sa kanyang braso. Bumikit-balikat lamang siya saka nagpatuloy sa paglalakad papunta sa kanilang kwarto.

"Pasensya ka na. Inaantok na talaga ako. Saka wala naman kaming pag-uusapan ni Gabriel." Wika niya habang nilalatag ang sarili sa kama. Tinanggal niya ang laso ng kanyang buhok saka dinukot mula sa bulsa ang cellphone na nagri-ring.

"Bud, 'di mo man lang ako hinintay." Bungat kaagad ni Gabriel. Dismayado ang boses nito. Nagulat tuloy siya.

"Ha? Bakit? Eh, bigla ka namang umalis, ah." Wika kaagad ni Beatriz. Nakakunot ang noo.

"Bumili nga ako ng meryenda. Ano nalang gagawin ko rito sa siomai, eh, ang dami kaya nito. Hindi ko mauubos 'to. Ang sakit naman ng ginagawa mo sa 'kin. Bakit mo ba ako iniiwasan, Triz? Pangit ba ako? Kapalit-palit ba ako? Masama ba akong tao? Sa palagay ko naman kaya ako nakapasok sa pagiging sundalo ay dahil mabuti naman siguro akong tao. Kung gusto mo e-B.I. mo nalang ako." Naroon ang pagkadismaya sa boses ni Gabriel na halos ay ikinagulat niya. Nawala kasi ang pagkamalambing sa boses niyon. Sa loob-loob niya ay kinakain siya ng konsensya sa kanyang ginawa. Patong-pato na yata ang mga kasalanan niya rito.

"B.I.?" tanong niya sa kausap na sandaling natahimik. Kahit nainis siya ay pinigilan nalang niya ang matawa sa mga linyahan ni Liza Soberano sa My Ex and Why's na sinabi nito.

"Oo, e-Background Inspection mo ako. Pati ang pamilya ko para malaman mo na hindi ako masamang tao. Siguro magiging sapat na sana iyon upang tanggapin mo naman ako bilang kaibigan." Isang malalim na hininga ang pinakawalan bago patayin ang cellphone.

Naiwang nakatunganga si Beatriz. Hindi niya alam kung bakit nakokonsensya siya sa ginawa niya. Nagiging madamot na ba siya? Napatitig siya sa cellphone na nasa kama. Bakit sa palagay niya ay gusto niyang hilingin na sana ay tumawag sa kanya ang binata? Bakit sa palagay niya ay gusto niyang humingi ng dispensa rito? Isang buntong-hininga nalang ang kanyang pinakawalan bago ibinagsak ang sarili sa kama. Mahinang tinampal niya ang sarili. Hindi siya dapat magpapa-apekto sa anumang mga bagay o kung sinumang mga sundalo diyan. She sighed. Matutulog nalang siya. Maaga pa siyang gigising bukas dahil magjo-jogging pa siya. Dalawang linggo nalang at PFT na nila.

Magkahalong basa ng pawis at ulan ang katawan ni Beatriz kasama ang mga nakilala niyang kapwa aplikante na papauwi na rin sa kani-kanilang boarding house galing nag-jogging nang halos anim na kilometro at pabalik na lakad-takbo. Nang papauwi na kasi sila ay siya namang pagbuhos ng malakas na ulan. Hindi pa naman siya nakaligo.

"Claire, pakiabot naman ng tuwalya ko." Katok niya sa kaibigang nasa loob ng kwarto. Yakap-yakap niya ang sarili dahil sa lamig. Tinatamad kasi itong si Claire na sumama sa kanya upang mag-jog kaya hinayaan nalang niya. Alas-singko pa ng umaga ay gumising na siya dahil hinihintay na siya ng mga ibang aplikante sa kanto upang makasabay niya sa jogging.

Binuksan naman ni Claire ang kwarto saka inabot sa kanya ang kanyang tuwalya na kulay pink.

"Naku, Triz, baka magkakasakit ka niyan. Bilisan mong maligo roon. Basang-basa ka na." Utos nito sa kanya. Patakbong pumunta naman kaagad siya ng banyo upang maligo.

At hindi nga nagkakamali ang kaibigan niya. Pagkatapos niyang magbihis at hihiga na sana upang magpahinga ay inaatake na siya ng pag-hatsing. Hindi pa naman siya nakabili ng gamot at vitamins. Hindi rin siya makalabas dahil malakas pa rin ang ulan.

"Parang lalagnatin ka niyan, Triz, ah." Wika ni Claire sa kanya nang mapansin nito ang sunod-sunod na pagsingot niya. Inilapat nito ang kamay sa noo at tila napapasong tinggal ang kamay. "Mainit ka, Triz."

"Huwag naman sana. Papahinga ko nalang ito." Wika ni Beatriz. Bago magpahinga ay ipinagtimpla na muna siya ng gatas ni Claire saka ininom iyon at pinagpahinga ang sarili hanggang sa makatulog.

Mabigat ang ulo ni Beatriz na bumangon nang magising siya ay alas dose na pala ng tanghali. Tanging gatas lang ang laman ng kanyang tiyan kanina. Binuksan niya ang jalousie, mabuti naman at tumigil na rin ang ulan. Makakalabas na siya upang bumili ng ulam saka gamot para sa ubo o sipon. Napansin niya kasing makati rin ang lalamunan niya at masakit lumunok ng laway. Pati ulo niya ay namimigat kaya tinatamad tuloy siyang lumabas.

"Claire, pwede ba'ng ikaw nalang muna ang lumabas upang bumili ng ulam natin? Medyo nahihilo kasi akong bumangon saka masakit ang ulo ko." Wika ni Beatriz sa medyo namamaos na boses na sinundan pa nang pag-ubo.

Kaagad na nilapat ni Claire ang palad nito sa kanyang noo.

"Confirm! May lagnat ka nga. Oh siya, sige. Diyan ka na muna at ibibili kita ng gamot." Wika nito. Napalingon siya sa cellphone na nagri-ring.

"Pakisagot naman, please." Pakiusap niya sa kaibigan. Hinila niya ang kumot saka pumailalim doon. Giniginaw kasi siya.

"Pasensya ka na, Gabriel. Hindi ka masasagot ni Beatriz, nilalagnat kasi siya. Mainit siya masyado saka inuubo at sinisipon. Nabasa kasi kanina sa ulan. Masyado kasi itong masipag. Ayan tuloy, nagkakasakit. Wala pa namang mag-aalaga sa kanya maliban sa 'kin." Rinig niyang pagsusumbong ni Claire kay Gabriel. Napaismid nalang si Beatriz. Napalingon siya nang ibaba ni Claire ang telepono saka nagpaalam na at lumabas na ng kwarto.

Nakaramdam siya ng kaunting lungkot. Hindi man lang ba tinanong ni Gabriel kung okay siya o hindi? Sabagay, siya naman ang unang umiwas dito. Oh, ano ngayon ang kaunting lungkot na nararamdaman niya? Para saan pa, eh, siya naman talaga ang unang nagkasala sa binata. Kung hindi ba naman niya sinasagot ang tawag nito ay iniiwasan naman niya o kung minsan ay nagwa-walk-out pa siya. Sinaway niya ang sarili. Mas lalo pang nakakadagdag ng sakit ng ulo ang iniisip niya. Ang dapat niyang isipin ngayon ay ang magpagaling dahil malapit na ang PFT nila.

Mayamaya pa ay napalingon nalang siya nang bumukas ang pinto. Si Claire iyon, nakangising tinitingnan siya at may bitbit na ulam at mga gamot. Nakakunot ang noong tiningnan niya ito. Pinilit niya ang sariling bumangon sa kabila ng pagkahilong nararamdaman.

"Ang bait naman ng taong iniiwasan mo. Kita mo, nang sabihin ko sa kanyang may lagnat ka ay kaagad na pinatay niya ang cellphone at bumaba kaagad upang ipagbili ka ng makakain at gamot. Ang sweet niya. Nawa'y makonsensya ka sa iyong ginagawa sa kanya. Amen!" Biro pa nito sa kanya. Kahit sumasakit ang ulo niya ay nagawa pa rin niyang tumawa sa pagbibiro ng kanyang kaibigan. Tiningnan niya ang supot na inilapag ni Claire sa mesa. Fried chicken, sabaw ng manok, bioflu, biogesic, neozip at colvan ang mga dala nito.

"Bakit ang dami?" Pilit na wika ni Beatriz kahit masakit ang kanyang lalamunan.

"Syempre, para marami kang choices. Pero siya iisa lang ang choice niya. Iyon ay ang gumawa ng paraan upang gumaling ka. Kaya huwag mo nang pagsusungitan iyong tao. 'Yan tuloy, gumawa ng paraan si Lord upang makonsensya ka. Huwag ka nga'ng pusong bato, Triz." Sermon sa kanya ni Claire. Wala naman siyang lakas upang pumatol sa mga sermon nito. Ngunit sa kabilang banda ay lihim na natuwa siya at naibsan rin ng kaunti ang kanyang pag-aalala na baka nga ay galit si Gabriel sa kanya. Hindi yata siya nito natiis. Napalingon nalang siya nang mag-ring ang kanyang cellphone.

"Sagutin mo na. Pharmacist mo ang tumatawag, oh." Utos nito sa kanya habang inaabot ang kanyang cellphone.

Tumikhim na muna siya bago sinagot iyon.

"Hello?" Mahinang wika ni Beatriz. Pilit na inaayos ang boses.

"Kumain ka ng marami. Saka 'yung gamot mo inumin mo kaagad pagkatapos mong kumain. Dadalhan kita mamaya ng mga prutas para makatulong sa katawan mo." Kaagad na bungat ni Gabriel sa kabilang linya. Napangiwi siya. Tila isang ama itong nanenermon sa anak. Ngunit sa kabilang banda ay naramdaman nalang niya ang kaunting tuwa sa kanyang puso.

"Salamat nga pala." Ang tanging nasabi ni Beatriz. Narinig pa niya ang pagbuntong-hininga ng kausap sa kabilang linya.

"Walang anuman, Triz. Sana sa ganyang paraan bigyan mo naman ako ng puwang dyan sa puso mo na maging kaibigan. Saka huwag kang mag-alala, kahit anong gamot ang kailangan mo bibilhin ko. Kahit gamot pa para sa puso mong matigas, gagawin ko ang lahat lumambot lang 'yan." Napangiti si Beatriz. Hindi niya alam kung bakit natuwa siya sa sinabi nito. Parang kahapon at kagabi lang ay inis na inis siya sa mga pinanggagawa nito, ah. Napatikhim siya nang mapansing tumahimik ang binata.

"Salamat nga pala rito, Gabriel." Wika ni Beatriz.

"Anything for you, Triz. Huwag mo lang akong i-abandona. Handa akong magpa-B.I. mapatunayan ko lang na wala akong masamang intensyon sa 'yo."