Chereads / Hey, Mr. Soldier! (Gabriel) / Chapter 3 - Ikatlong Kabanata

Chapter 3 - Ikatlong Kabanata

"Maaari ka bang lumabas sandali kung kaya mong bumangon?" Wika ni Gabriel sa kabilang linya nang magising siya dahil sa tumutunog na cellphone. "Andito kasi ako sa labas ng gate." Dugtong pa nito. Wala si Claire. Siguro ay nasa kusina ito kasama sina Jomar na nagluluto at ang iba pa nilang kasamang mga lalaki na aplikante.

"Oo, kaya ko naman." Inayos niya muna ang sarili at nagsuklay. Medyo gumaan-gaan na rin naman ang pakiramdam niya dahil sa mga gamot na kanyang ininom at nakapagpahinga rin siya nang mabuti.

"Claire, pakisamahan naman ako sa labas." Mahinang wika niya sa kaibigan na nasa kusina kasama ang ibang aplikante.

"Oy, Triz, ayos ka lang?" Bungad naman ni Nat na pinakabata sa kanilang anim. Mahinang tumango siya bilang tugon. Sinalikop niya ng dalawang braso ang sarili dahil ramdam pa rin niya ang lamig kahit na naka-jacket naman siya.

Nang nasa gate na sila ay nandoon nga at nakatayo ang binatang may dalang supot na sa palagay niya ay sobrang nakokonsensya na yata siya dahil sa pagtataray at pag-iiwas na ginagawa niya rito. Pero kalmado lamang itong tumititig sa kanya kahit nasa mukha ang pag-aalala. Pilit na nginitian niya ito nang makalabas na siya ng gate.

Ngunit nagulat nalang siya nang kaagad na inilapat nito ang kanang kamay sa kanyang noo at leeg. Hindi na siya nakaiwas at nakailag dahil nga medyo hilo pa rin ang pakiramdam niya. Hindi niya naman magawang magalit dahil sa ginawa nito. Kahit na nagulat siya ay para namang nakaramdam siya ng kaunting kudlit ng tuwa sa kanyang puso dahil sa pag-aalala ng binata sa kanya.

"Medyo mainit ka pa rin. Ito ang mga prutas, kainin mo saka may gatas din iyan. Iniinom mo ba iyong mga gamot na binili ko?" Masuyong wika nito sa kanya. Sandaling napatitig siya sa binata. Bakas sa boses at sa mga mata nito ang pag-aalala sa kanya. Sa bawat pagbigkas nito ng mga salita ay tila hinahaplos niyon ang nababato niyang puso.

"Ininom na niya, Gabriel. Huwag kang mag-alala, nandito naman ako." Si Claire nalang din ang sumagot matapos tumikhim at nagising ang kanyang diwa.

"Paki-alagaan namang mabuti ang buddy ko, Claire. Alam mo namang hindi ako makapagtrabaho nang maayos doon hangga't ganyan ang sitwasyon niya. Saka malapit na kaya ang PFT ni'yo." Mas lalong nalito ang puso at isipan ni Beatriz. Ano nga iyong sinabi ni Gabriel kanina? Buddy ko? Gustong magronda ng kanyang dalawang kilay at umikot ng kanyang mga mata ngunit hindi niya magawa. Napatikhim nalang siya. Hindi niya kasi alam kung bakit tila napapanic ang kanyang puso sa tuwing nagkakatagpo ang kanilang mga tingin. Nagpaparamdam ba itong si Gabriel sa kanya? Sinaway niya ang sarili, sabi nga nito ay pakikipagkaibigan lang ang sadya nito sa kanya. Huwag nga siyang feeling!

"Salamat nga pala sa tulong mo, Gabriel." Marahang wika niya. Napansin niya ang sandaling pagtitig ng binata sa kanya. Sinalubong nito ang mga tingin niya. Namuo ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Nang mga sandaling iyon ay tila ba gusto niyang humingi ng tawad sa binata. Naramdaman nalang niya ang sariling ngumingiti rito. And there she goes, smiling to this man in front of her. At ang mapupungay na mga mata nito'y tila ba sa pagkakatong iyon ay kay akit-akit tingnan dahil na rin sa mga pares ng mga makakapal na kilay nito. She really appreciate that kind of beauty.

Natikop ni Beatriz ang baba. Ano ba ang kanyang iniisip? Marahang napailing-iling siya.

"Ah, kailangan ko nang pumasok sa loob, Gabriel. Maraming salamat talaga sa mga tulong mo." Pilit ang mga ngiti na itinugon niya rito upang makaiwas. Bago pa siya tumalikod ay sinikap niyang bilisan ang mga hakbang. Hindi pa rin kasi inaalis ng binata ang pagtitig sa kanya kanina pa na siyang iniiwasan niya. Kung dati ay kaya naman niyang umiwas rito nang walang nararamdaman ngunit ngayon ay tila sa bawat pag-ilag niya sa mga tingin nito ay natatamaan siya. Tila ba nakakamagneto ang mga tingin nito na siyang dahilan nang ikinababalisa niya.

"Alam mo, Triz nararamdaman ko talagang mabait si Gabriel. Alam ko na nararamdaman mo rin kung saan papunta itong ginagawa niya, hindi ba?" Nilingon niya ang kaibigang matamang nakatitig sa kanya nang pumasok na sila ng kwarto at inilapag sa mesa ang mga dalang prutas at karton ng bear brand.

"Iyon na nga, Claire, kung bakit ko siya iniiwasan. Ayaw kong mahulog ang loob ko sa kanya. Baka iyon pa ang maging dahilan na madi-distract ako sa mga plano ko. Ni hindi sumagi sa isip ko ang magkipagrelasyon sa isang sundalo, Claire. Not even once. I cannot take that risk now. I can't." Iling-iling niya. Nakaramdam siya ng kaunting kirot sa kanyang puso. Hanggang pakikipagkaibigan lamang ang maibibigay niya kay Gabriel. Dahil sa oras na mahulog siya sa ginagawa nito ay iiwasan na niya kaagad hangga't maari. Kailangan niyang mag-focus. Kailangan niyang pigilan ang sariling mahulog dito. Iyon ang pinakakinatatakutan niya. Malaki pa ang responsibilidad niya sa kanyang pamilya. Sa oras na mabibigo siya ay hindi niya alam kung ano ang gagawin.

"Pero ngayon palang ay pumapasok na siya sa buhay mo, Triz. Hindi mo ba nararamdamang may gusto siya sa iyo? Na ginagawa niya ang lahat upang maiparamdam lang sa iyo na malinis ang motibo niya?" Isang buntong-hininga ang kanyang pinakawalan saka inilipat ang mga tingin sa labas ng jalousie. I'm sorry, Gabriel. Bulong niya sa kanyang utak. Sa pagkakataong iyon ay kudlit ng kirot ang kanyang nararamdaman. Inuunahan na siya ng takot. Takot na magmahal ulit. Takot na masaktan at mabigo ulit. Hanggang kaya niya ay pipigilan niya ang sariling mahulog sa binata.

"Congratulation sa ating dalawa, Triz." Yakap sa kanya ni Claire. Tahimik na nagpasalamat siya sa Panginoon. Matapos ang PFT nila na kailangan nilang mag-perform ng 20 push-ups passing score, 27 sit-up and 3.2 kilometers na takbo sa dalawampong minuto ay naipasa nilang dalawang magkakaibigan kasama na ang iba pang aplikante. May mga bumagsak kakaunti sa kanila pero labis na rin ang pasasalamat niya at sa unang pasulit na iyon ay nakapasa siya. Bukas na bukas rin ay magkakaroon sila ng ranking pagkatapos ng kanilang initial interview. Simpleng katanungan lang naman daw. Tell me about yourself at saka bakit mo gustong maging sundalo.

Liliko na sana sila sa kanto papuntang boarding house nila nang bumosena ang isang motorsiklo sa harap nila. Pareho silang napatigil ni Claire. Si Mark iyon ngunit nagulat nalang si Triz kung sino ang naka-angkas sa likod ng motorsiklo ni Mark. Napalis ang mga ngiti niya sa mukha. Si Gabriel, matamang nakatingin sa kanya. Ni wala siyang mabasang emosyon sa mukha nito. Tanging pagtitig lamang ang ginawa nito. Papaano kasi ay halos isang linggo na hindi niya nasagot ang tawag nito. Litong-lito na kasi siya kung papaanong kakausapin ang binata na huwag na siya nitong abalahin o puntahan pa. Kailangan niyang mag-focus sa kanyang pag-a-apply lalo na at malayo siya sa kanyang pamilya.

"Mark, bud." Tawag ni Claire nang iparada ni Mark ang motorsiklo sa tabi. Parehong nakawhite t-shirt at short lang sila ni Claire dahil kakababa lang nila galing sa loob ng kampo at katatapos lang din ng kanilang PFT. Pareho rin silang pawisan ng kanyang kaibigan.

Lumapit sa kanila si Mark ngunit si Gabriel ay nanatili lamang sa motorsiklo. Biglang nagtaka si Beatriz. Wala ni anumang ngiti siyang nasilayan sa binata. Nakatalikod ito sa kanila at ni hindi man lang sila nilapitan at binati.

"Congratulations nga pala sa inyong dalawa. Siyanga pala, Triz, ano ba ang nangyayari sa iyo? Bakit hindi mo raw sinasagot ang mga text at tawag ni Gabriel?" Bungat kaagad ni Mark sa kanya saka nginuso ang binatang nasa motorsiklo lamang nanatili. Nakatanaw ang mga paningin sa malayo at naka-krus ang dalawang braso. Tila nagtatampo.

"Wala akong load kasi." Rason niya. Nakita niya ang pag-irap ni Claire sa kanya.

"Triz, sasabihin ko sa iyo, ha. Alam mo ba ano ang sabi ni Gabriel sa akin? Sabi niya gusto ka raw niya at handa raw siyang patunayan sa akin iyon. Syempre dahil kaibigan kita at ako ang nagpakilala sa inyong dalawa. Triz, sasabihin ko sa iyo, mabait si Gabriel kahit pa isa-isahin mong tanungin ang mga ka-batch niya o mga kasamahan namin doon. Kahit ako man ay patutunayan ko sa iyo iyon. Tingnan mo tuloy, hindi lumapit sa atin dahil nahihiya na at nasasaktan. Bigyan mo kasi ng chance iyong tao, Triz." Nakagat niya ang pang-ibabang labi. Parang kinurot ang kanyang puso dahil sa mga sinabi ni Mark. Ganoon na ba siya kasamang tao? Nailipat niya ang mga tingin sa binata. Hindi pa rin iyon lumilingon sa kanila. Gusto man niya itong lapitan at kausapin ngunit wala siyang lakas ng loob upang magpaliwanag dito.

"Lapitan mo, " utos sa kanya ni Claire. Nanlaki ang mga mata niya nang magkasalubong ang mga paningin nila ni Gabriel nang lumingon ito ngunit umiwas kaagad iyon nang tumunog ang hawak na cellphone.

"Iniiwasan ako, eh." Wika niya sa dalawa. Nagsimula na siyang mag-alala.

"Sige na, " tulak sa kanya ni Claire.

"Tol, pinapatawag na tayo sa loob. Kailangan na nating umalis." Tawag ni Gabriel kay Mark. Hindi man lang siya nito nilingon. Napatitig siya sa binata. Mas lalo pa siyang nag-alala nang hindi man lang nito sinalubong ang mga tingin niya. Nilingon niya si Mark. Gusto niyang humingi ng saklolo. Napaismid lang ito saka nagpaalam na sa kanila. Naiwang nakatulala si Beatriz. Kahit dumaan man ito sakay ng motorsiklo ni Mark ay ni hindi man lang siya nilingon nito kahit man lang nagpaalam.

Laglag ang mga braso niya nang makapasok na sila sa loob ng boarding house ni Claire. Hindi na tuloy siya makapag-focus. Interview pa naman nila sa susunod na araw. Lihim na tinitigan niya ang cellphone, wala man lang siyang natanggap na tawag kay Gabriel ngayong araw. Papaano ba niyang kakausapin ang binata o ang makikipagbati rito?

"Oy, nagyaya si Mark makipag-meryenda bukas. Wala naman tayong formation, hindi ba? Samahan mo naman ako." Untag sa kanya ni Claire habang nagbibihis at nilalagay sa hanger ang basang damit.

"Saan?" Matamlay niyang wika habang hinuhubad ang sapatos na suot.

"Sa bayan. Ayaw kong sumama kapag hindi ka sasama. Sige na, celebration natin dahil nakapasa tayo sa PFT." Nakangiting wika nito.

"Ang sabihin mo, gusto mo lang makasama si Mark. Aminin mo nga sa akin, kayo na ba?" Tanong niya rito. Nasilayan niya ang matamis na mga ngiti sa labi ng kaibigan.

"Ano kasi…ang totoo niyan, Triz, gusto ko na siya. Alam mo 'yun, kakaiba ang nararamdaman ko sa kanya, eh." Wika nito. Inikot niya ang dalawang mata.

"Sana all!" Biro niya. "Baka ang susunod na malalaman ko nalang kapag hindi pa kita tinanong ay kayo na." Hinampas siya nito ng unan. "Kuu, kinikilig?" Tukso niya rito.

"Basta samahan mo ako bukas, ah. Please, " Pakiusap ni Claire sa kanya habang kinikiliti siya sa tagiliran.

"Oo, na." Pabirong bulyaw niya.

"So, si Gabriel, ano ang plano mo sa kanya?" Sandaling natahimik si Beatriz. Ang totoo ay hindi niya alam kung ano ba ang nararamdaman niya para sa binata. Binigyan na niya ito ng pagkakataong maging kaibigan, but for now, not more than that yet. Gusto niyang siguraduhin ang nararamdaman sa binata.

"Hindi ko talaga alam, Claire. Pero alam mo kanina nang hindi siya lumapit sa atin ay tila may kaunting kirot akong nararamdaman. Hindi yata ako sanay na nakikita siyang ganoon. Sa tuwing nakakasalubong kasi natin siya ay panay ang ngiti. Kahit sa tawag man lang ay panay ang pag-aalala. Pero kung talagang hindi na niya ipagpapatuloy, " natutop ni Beatriz ang bibig. Naputol niya ang sasabihin.

"Ipagpapatuloy ang ano?" Nakangising tanong ni Claire sa kanya. Marahang sinipa pa siya nito.

"I mean…ang pakikipagkaibigan sa akin ay wala akong magagawa dyan. Nasa kanya na naman ang desisyon, eh."

"Pusong bato ka nga. Syempre nasa iyo rin ang desisyon, Triz. Hangga't binabakuran mo ang sarili mo. Hangga't hindi mo siya binubuksan at binibigyan ng pagkakataon na makapasok sa buhay mo, wala siyang magagawa dyan. Mahihirapan siyang paamuhin ka. Akala ko nga tuloy-tuloy na ang pagkakaibigan ninyo noon, eh. Ngunit 'eto ka ngayon, matapos mong gumaling sa lagnat ay bumalik ka na naman sa dati. Sana nga lagnatin ka nalang ulit para kaibiganin mo ulit at pansinin si Gabriel, eh. Hindi mo man lang ba makita-kita ang effort no'ng tao, Triz? Ano pa ba ang gusto mong gawin niya? Ang totoo niyan, nakausap ko siya kahapon, ang sabi niya ano nga ba raw ang dapat niyang gawin para maniwala ka sa kanya? Hindi ko siya masagot-sagot dahil tanging ikaw lamang ang makakasagot sa katanungan niya, Triz. Huwag ka namang madamot, Triz. Subukan mo siyang kausapin nang maayos. Tanungin mo siya sa mga gusto mong malaman about sa kanya. Maging open ka sa kanya para maging open din siya sa 'yo." Natukod niya ng kanang kamay ang baba. Mabigat ang loob niya. Hindi siya makapag-isip ng tama sa totoo lang. Ipinikit niya ang dalawang mata. Talaga bang naging pusong bato siya? O talagang simula nang maghiwalay sila ng kanyang unang kasintahang labis niyang minahal noon ay mabilis na siyang maturn-off sa isang tao. Nagkakaboypren naman siya ngunit panandaliang panahon lamang. Kapag nakakakita siya ng hindi pagkagusto rito ay hinihiwalayan niya kaagad.

Isang buntong-hininga ang kanyang pinakawalan. Kaya ba niya ulit mag-take ng risk para sa isang relasyon? Ibinagsak niya ang sarili sa kama at sinalubong ang mga tingin ng kaibigang tila nalilito rin sa kanya. Ginulo niya ang buhok at ipinukpok ang unan sa kanyang ulo. Damn! What is happening to her?Tahimik naman ang buhay niya ngunit ngayon ay ginugulo ni Gabriel ang isipan niya.

"Triz, nasa labas na si Mark." Untag sa kanya ni Claire habang tinatapos ang binabasa niya." Itinaas niya ang kaliwang kamay.

"Wait lang, nasa ending na ako." Wika niya ngunit hindi pa rin inaalis ang mga mata sa aklat.

"Bilisan mo, magdadapit-hapon na kasi." Hila nito sa kanya ngunit hindi siya umimik hanggang sa natapos niya ang binabasa.

"Okay na, sandali lang at magbibihis lang ako." Nakangusong wika niya sa kaibigan na kanina pa handa. Isang black t-shirt lamang ang kanyang isinuot at black pants. Nilugay na rin niya ang hanggang balikat na buhok at naglagay ng kaunting face powder saka lip tint.

Papalabas na sila ng gate nang magulat siya kung sino ang kasama ni Mark. Si Gabriel iyon. Sa mga sandaling iyon ay tila nababalisa na naman ang kanyang puso. Parang hindi niya alam kung tatakbo ba siya. Napatigil siya sa paghakbang. Tig-iisa ng motorsiklo ang mga ito. Kung nagkataong sasakay si Claire sa motorsiklo ni Mark ay maiiwan siyang sakay rin sa motorsiklo ni Gabriel at magkakaroon sila ng oras na magkausap. Papaano nga ba niya sisimulan ang pakikipag-usap sa binatang wala na yatang planong umimik sa kanya? Isinuot nito ang hood ng kulay gray na jacket na pinarisan ng black short at sapatos.

"Let's go?" Yaya ni Mark sa kanila. Naiwan siyang nakatayo. Hindi alam kung saan sasampa. Si Claire naman ay mabilisang sumampa kaagad sa likod ng motorsiklo ni Mark.

Nagpalipat-lipat pa siya ng mga tingin sa kanilang tatlo. Ilang saglit ring nagkatitigan sila ni Gabriel. Ramdam na ramdam niya ang pang-iinit ng kanyang mukha at tila matutunaw siya anumang oras na hindi ito tumigil sa kakatitig sa kanya. Hindi na rin nga niya alam kung humihinga pa ba siya sa pagkakataong iyon.

"So, magtititigan nalang ba kayong dalawa dyan? O baka naman pwede ka nang sumakay sa motorsiklo ni Gabriel, Triz?" Untag sa kanila ni Mark. Napakurap-kurap siya.

"D…dyan ako sasakay?" Utal-utal pa niyang tanong. Hindi umimik si Gabriel. Inayos nito ang sarili saka pinaandar ang makina ng motor.

"Halika na, " yaya nito sa kanya ngunit hindi siya nililingon. Wala naman siyang nagawa kundi sundin ito. Dahan-dahang isinampa niya ang sarili sa motorsiklo ni Gabriel. Naglagay pa siya ng espasyo mula sa binata. She feel so awkward. Saglit na napapikit siya. Gustong-gusto niya kasi ang klase ng amoy ng perfume nito. It's seductive. Iyon ang paborito niyang amoy ng mga lalaki.

"Talaga bang hindi kayo mag-uusap?" Nakakunot ang noo ni Mark nang kanina pa ay wala silang imikan at kibuan na mas lalong nakakapagbalisa kay Beatriz. Halos nangangawit na nga ang leeg niya kanina dahil hindi siya makalingon sa katabi. Panakaw na sinulyapan niya ang binatang tahimik lamang na nakatanaw sa malayo. Kasalukuyang nasa park sila. Mas lalo tuloy siyang nag-aalala. Buong sistema niya ay apektado na sa ginagawang ito ni Gabriel sa kanya.

"Bud, samahan mo naman akong bumili ng softdrinks. Para kasing hindi ako natunawan sa kinain natin, eh." Napataas siya ng tingin kay Mark na niyayaya si Claire. Dinilatan niya ng mga mata si Claire na huwag siyang iwan ngunit hindi talaga nagpatinag ang huli. Kinindatan lamang siya nito at nginuso ang binatang tahimik lamang na halos ay hindi niya maramdaman ang presensya nito lalo na sa malaking espasyong namamagitan sa kanilang dalawa.

"Gusto mo rin ba ng softdrinks?" Halos gustong pasalamatan ni Beatriz ang lahat ng mga bituin sa langit nang sa wakas ay nagsalita na rin si Gabriel. Kanina pa kasi napapanis ang laway niya at hindi mapakali ang sarili dahil wala siyang alam kung ano ang unang sasabihin dito.

Umiling-iling siya bilang sagot.

"Busog na busog ako sa kinain natin. Salamat nalang." Nagulat siya sa sarili. Para kasi siyang isang malumanay na probinsyana kung magsalita ngayon. Nakita niya ang marahang pagtawa ni Gabriel.

"Hindi ko talaga matiis." Naiiling na wika nito. Nag-arko ang kanyang mga kilay nang lingunin ang binata. Nagsisimula na naman siyang kabahan.

"A…ang…ang alin?" Pautal-utal pa na wika niya habang nakatitig rito. Nakayuko. Pilit ang mga ngiting pinapaskil sa mukha kahit madilim man ay naaninag pa rin niya iyon.

"Ang hindi ka kausapin." Parang may kung anong kuryente ang kumunekta sa kanyang puso. Napatigil si Beatriz. Halos hindi na niya maramdaman ang kanyang hininga. Lalo na nang salubongin ni Gabriel ang kanyang mga paningin. Ilang beses rin siyang napakurap. Panay ang mabilisang kabog ng kanyang puso. Tila hindi niya mapigilan ang pagtibok niyon.

"Triz, gusto kita. Hindi ko alam kung papaano nagsimula. Hindi ko alam kung bakit. Hindi ko alam kung kailan pa itong nararamdaman ko. Pasensya ka na kung pinipilit kitang bigyan ako ng pagkakataon. Pasensya ka na kung ikaw ang gusto ko. Pasensya ka na kung sinasabi ko ito sa iyo ngayon. After this, you can avoid me. You can neglect and ignore me…again. Sundalo ako, Triz. Tinuturing kami ng mga tao na matatapang. Pero hindi ko alam kung bakit pagdating sa iyo nagiging duwag ako. Hindi ko alam kung bakit ikaw pa. Ikaw na iniiwasan ako. Ikaw na nakasarado ang puso. Ikaw na hindi ako sigurado kung kaya bang masuklian itong nararamdaman ko. I'm sorry for telling you this. I am sorry kung iniwasan kita pagkatapos ng halos isang linggo ay iniwasan mo na naman ako. Hindi ko alam kung papaano pa lalapit sa iyo. Hindi ko alam papaano sirain ang mga bakod dyan sa puso mo. Nakakatawa ano? Pakikipagkaibigan lang naman ang hiningi ko sa iyo noon, eh. Pero hindi ko alam at hindi ko mapigilan ang sarili ko na isipin ka. Na nakakaramdam ako ng sakit sa tuwing iniiwasan mo ako. Triz, sinubukan ko namang pigilan ang sarili ko, eh, pero mapilit ang puso ko. Ewan ko ba kung bakit?" Pilit na lumunok ng laway ang dalaga. Hindi niya alam kung papaanong tumugon sa mga sinasabi ni Gabriel. Pero lahat ng iyon ay tumagos sa kanyang pusong kanina pa nag-uunahan sa pagtibok. Halos mawalan siya ng lakas. Gusto niyang kumbinsihin ang sarili na hindi totoo ang mga narinig niya. Gusto niyang kurutin ang braso niya at baka nag-iilusyon lang siya. But after that naramdaman nalang niya ang kamay ni Gabriel sa braso niya.

"I mean it, Triz." Dugtong pa nito. Nakatitig sa kanya. But that statement was too long. Na sa bawat pagbigkas niyon ay tila tumatama sa kanyang puso.

"H…hindi ko alam kung bakit iyan ang nararamdaman mo sa akin, Gabriel. Sinadya kong iwasan ka. Sinasadya kong magalit ka sa akin. Dahil…dahil natatakot akong mahulog sa mga efforts mo. B…bakit ako? Bakit ba pinagpipilitan mo ang sarili mo sa isang taong iniiwasan ka?" Gusto niyang sampalin ang sarili. Pilit kinukumbinsi na hindi totoo ang nararamdaman ni Gabriel sa kanya. But deep inside she wanted him. She misses him.

Sinundan niyon ni Beatriz ng marahang pagtawa. Ngunit nang lingunin niya si Gabriel ay sumilay sa mukha nito ang mga ngiting noon ay naasar siya. Inilipat ng binata ang mga mata sa ibang direksyon.

"I stalked your facebook account. Marunong ka palang mag-gitara? Marunong ka rin sa piano."

"Basic lang ang alam ko, hindi ako expert."

"Marunong ka ring mag-drive ng motorsiklo."

"Gabriel, hindi lang ako ang babaeng marunong magmaneho ng motorsiklo."

"I like you not just because of that. Hindi lang iyon ang rason, Triz. Alam mo ba iyong kantang I like you and you'll know it?" Napangiti si Beatriz. Of course, she like that movie and that song. Napansin niya ang bahagyang pag-usog ni Gabriel ng kaunti sa tabi niya saka sinalubong nito ang kanyang mga tingin. "I like your eyes you look away when you pretend not to care. I like the dimples on the corners of the smile that you wear. I like you more the world may know but don't be scared. 'Cause I'm fallin' deeper, baby be prepared. Triz, you are all of that song. You are all worth of that song. Alam mo, when I first saw you, bumulong ako sa sarili ko, sabi ko, siya na. Siya na talaga ang babaeng gusto kong maging kasintahan. At sana ay ang babaeng una kong ipapakilala sa mga magulang ko. Maniwala ka sa love at first sight, Triz. It still exist." Napatigil sa paghinga ang dalaga. Sa bawat salitang binibigkas ng binata ay rumirihestro iyon sa kanyang isipan. She cannot skip even one word from it. At aaminin niya, gusto nang bumigay ng kanyang puso. And that song. That was the first time na may kumanta sa kanya ng isa sa mga paborito niyang kanta.

"Gabriel, marami pang babae dyan sa paligid." Giit ni Beatriz. Sinalubong ang mga tingin ng binata. Kahit alam niyang lutang na lutang na siya.

"Pero ikaw ang gusto ko. Gusto kita, Triz." Napatigil si Beatriz. Ilang minuto ring namuo ang katahimikan sa kanilang dalawa. Kapwa hindi alam kung ano ang sasabihin. Naiwang nakatulala ang dalaga. Doon niya napatunayan ang kalitohang namuo sa kanyang damdamin. Ay dahil nagkakaroon na ito ng puwang sa puso niya. Doon niya napatunayan na unti-unti pala ay nahuhulog na siya sa binata. Iyon pala ang ibig sabihin ng pag-aalala niya nang dahil ay tumigil na rin ito sa kakasuyo sa kanya. Hindi niya alam na mamimiss niya rin pala ang paulit-ulit na mga tawag nito lalo na ang mga ngiti nito sa tuwing nagkakasalubong sila. Mariing ipinikit niya ang mga mata.

"Kung bibigyan mo ako ng pagkakataon, Triz, I will do anything para maging masaya ka." Saad nito. But she shook her head.

"Gabriel, hindi ganoon kadali iyon. Hindi pa natin lubusang kilala ang isa't-isa." Wika niya. Nakita niya ang seryosong mukha ng binata. Lumapit ito sa kanya.

"Then give me a chance upang sabihin sa iyo ang lahat tungkol sa akin. Tungkol sa pamilya ko. Kahit buong gabi o gabi-gabi kong ike-kwento sa iyo iyon, hindi ako mababagot. Mapatunayan ko lang sa iyo ang nararamdaman ko. Give me a chance para kilalanin mo ako, Triz." After that, she found herself nodding at him. Tila ba ay may sariling isip din ang kanyang ulo nang tumugon at pumayag sa mga sinasabi ni Gabriel.

"Totoo ba ang nakikita kong tumango ka?" Halos ay sumigaw at napaiktad pa ang binata.

Hinarap niya ito. Nahihiya man ngunit walang pag-aalinlangan na tumango siya ulit.

"Pumapayag ka na? Pumapayag ka nang kilalanin ako at…at ligawan kita?" Napangisi siya dahil sa pananabik ng binata na halatang-halata sa boses nito.

"Oo na nga." Saad niya.

Itinaas ng binata ang dalawang kamay at kinuyom iyon.

"Yes, thank you, Lord. Thank you, Triz." Impit na bulong niya.

Nanlaki nalang ang mga mata niya nang akmang yayakapin sana siya ng binata. Mabuti nalang at mabilis na natauhan ito at napatigil. Pareho nilang inilipat sa ibang direksyon ang kanilang mga mata nang mapatikhim siya at mapalingon ay nasa harap na nila sina Claire at Mark na naiiling na nakatitig sa kanila.

Kakahiga palang ni Beatriz sa kama at kakarating palang nila sa boarding house ay panay na kaagad ang tunog ng kanyang cellphone. Si Gabriel iyon. Wala namang pag-aalinlangan na sinagot iyon ng dalaga nang may kasabikan.

"Hello, " wika niya.

"Matutulog ka na ba, bud?" Andoon na naman ang napakasweet na boses ng binata. Napangiti ang dalaga sa tono ng pananalita niyon.

"Hindi pa naman. Kakarating lang nga natin, eh." Wika niya habang pagulong-gulong sa kama. She just found herself smiling comfortably.

"Bigyan mo naman ako kahit isang oras lang na makausap ka." Napangiwi si Beatriz. Ano naman ang pag-uusapan nila sa loob ng isang oras na iyon? Tanong niya sa isipan. Ngunit sa pagkakataong iyon ay tila nasasabik siya sa anumang sasabihin ng binata. Ipinwesto niya ang sarili sa headboard ng kama at sumandal doon.

"Hindi ba at kanina lang ay nag-usap naman tayo?" Tanong niya. Narinig niya ang pagtawa ng nasa kabilang linya. Kanina kasi ay panay ang tawa niya sa mga pagbibiro ni Gabriel habang naka-angkas sa likod nito nang papauwi na sila. Things were happening differently simula nang gumaan na ang loob niya kay Gabriel. Tila namumuo na ang kasabikan niya na makausap ito palagi.

"Ke-kwento ko sa iyo ang tungkol sa pamilya ko." Napangiti si Beatriz. Hindi rin pala nito nakalimutan ang mga sinabi kanina. Kahit nasa motorsiklo ito kanina ay panay ang kwento nito tungkol sa mga pinagdaanan nito sa training. Siya naman ay tila tuwang-tuwa sa likod habang nakasampa at nakikinig sa mga walang kwentang nakakatawang kwento ng binata na ewan ba niya at tila nadadala naman siya.

Ang isang oras na hiningi ng binata ay umabot na yata hanggang tatlong oras. Alas onse na ng gabi sila natapos mag-usap. At hindi lang isa o dalawang gabi nangyari iyon. Gabi-gabi ay kausap niya ang binata bago matulog at pagising naman sa umaga ay tumatawag naman ito kaagad. Ngayon ay naiiintindihan na niya ang mga ginagawa ni Claire na halos ay araw-araw kausap ang nobyong si Mark. Inamin na rin kasi nito na sila na. Hindi niya maintindihan pero tila naging magaan na ang loob niya kay Gabriel nang ganoon nalang. Hindi na siya naiinis na kausap ito, bagkus ay tila sa tuwing hindi ito makatawag dahil sa overtime ay panay ang lingon niya sa cellphone at hinihiling na sana ay tumunog iyon. Halos araw-araw naman ay nagkikita sila nito at nagkakasalubong ngunit hindi naman nila magawang mag-usap palagi dahil may formation sila. Tanging pagtanaw lamang sa isa't isa at pagngitian ang kanilang ginagawa. Pero inaamin niya sa sarili, araw-araw ay namimiss niya ang binata lalong-lalo na ang napaka-sweet na boses nito na tila ay dinuduyan siya sa bawat pagbigkas ng mga salita nito.