Chereads / I am a Rebound / Chapter 118 - Email

Chapter 118 - Email

Hindi alam ni Yen kung gaano na siya katagal sa karimlang iyon. Tila ba siya nahuhulog sa isang malalim na hukay na napakalalim at waring walang katapusan ang kanyang pagbulusok. Inip na inip na siyang naghihintay na makita ang dulong panig nito. Malaman kung ano ang kayang babagsakan subalit wala. Ilang oras na siyang ganoon. Tuloy-tuloy na bumubulusok paibaba. Walang katapusan. Tila napakalalim ng hukay na nababalot ng dilim. Wala siyang nakikita at ang tunog ng paghampas ng alon sa dalampasigan at huni ng ibon ang kanyang naririnig. Teka... alon?? Dagat?? Ibon??

Nakadama siya ng tuwa. Hanggang nahinto ang nahuhulog na pakiramdam. Nakadama siya ng init. Init na nagmumula sa sikat ng araw. Unti-unti niyang binuksan ang talukap ng kanyang mga mata. At inikot ang kanyang paningin. Isang kwarto. Malakinh kwarto kung saan punong puno ng mga aparato. Nasa ospital ba siya??Naramdaman niya ang panunuyo ng kanyang lalamunan. Nauuhaw siya. Ngunit tila walang tao sa lugar na iyon. Tahimik. Patuloy siyang nakiramdam. Sinubukan niyang igalaw ang kanyang mga daliri. Tila naninigas ito. Hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa. Naisin man niyang bumangon ay tila wala siyang lakas. Ilang araw ba siyang nakahiga?

Tambak ang mga papel sa mesa ni Jason. Malalim na ang gabi pero hindi pa rin natatapos ang kanyang trabaho. Kaharap ang laptop sa pag gawa ng mga reports, at sa tabi nito ay mga papeles na kailangan niyang pirmahan.

Ting!

Napukaw ang kanyang atensiyon sa tunog na iyon. Dis oras ng gabi pero may nagsisend ng email? Hindi na ito bago. Sanay na sanay na siya sa ganito. May oras siya sa pagbabasa ng mga email at yon ay pag gising niya ng umaga. Minsan ay ginagawa na niya ito sa opisina pagpasok na niya.

Tinawag niya si Manang para magpatimpla ng kape. Tiningnan niya ang oras. Alas dose na ng madaling araw. Malapit naman na siyang matapos. Pinipilit niyang tapusin ang trabaho niya dahil wala siyang pasok kinabukasan. At ang araw na iyon ay para sa anak niya lang. Tuwing linggo ay wala siyang trabaho at ang mga araw na wala siyang trabaho ay binibigay niya sa anak niya ng buo. Mamamasyal sila, kakain kung saan gusto ni Jes, maglalaro, magluluto. Wala siyang ibang gagawin kundi samahan si Jes mula sa pag gising hanggang sa pagtulog nito. Kaya naman kahit si Jason lang ang tumatayong magulang nito ngayon ay busog na busog pa rin ito sa pagmamahal.

" Son... kape mo. Magpahinga ka na at malalim na ang gabi." ani Manang na dala ang kanyang kape.

Hindi siya nito tinatawag na sir. Ayaw niya dahil alam niya na kaibigan ito ni Yen. Nagpapasalamat siya dahil bagamat wala si Yen ay nanatili pa rin ito sa kanila. Ni hindi na nga ito nagdi-day off dahil matanda na daw siya para maglakwatsa. Napangiti si Jason nang maalala niyang sinabi nito iyon nang minsan kinausap niya ito at sinabihan na maaari itong mag day off tuwing araw na wala siyang pasok. Wala naman daw siyang pupuntahan. Kaya hinayaan niya na lamang ito.

Muli siyang tumingin sa monitor ng laptop niya. Habang nagkakape ay minabuti niyang magbukas at magbasa muna ng email. May pakiramdam siya na parang may importanteng bagay dito at hindi siya nagkamali.

Kumunot ang noo ni Jason sa di pamilyar na account na lumabas sa kanyang inbox.

Gerald???

Naisip niya ang Gerald na kasama ni Yen noong naglayas ito kaya agad niya itong binuksan. Nakapaloob sa email ang isang mapa at paraan kung papano doon makakarating. Malinaw ang instructions at binasa niya ang mensahe.

[ Nasambot ako ni Gabriel. Baka mamatay ba ako ngayon. Kuhanin mo si Yen at pakaingatan. Alisin mo siya doon. ASAP. Baka matunton ni Gabriel. Ingat ka.]

Tila nabato balani si Jason sa nabasa. Matagal niya tinitigan ang monitor niya. Buhay si Yen... Nagdidiwang siya ng sobra. Pero sino si Gabriel? Walang ibang detalye. Bukod sa kinaroroonan ng isla. Kailangan niyang magmadali.

" Nang!!" Sigaw niya.

Nahintakutan ang matanda at dali daling tumakbo papalapit sa kanya. Wala itong binitiwang salita ngunit ang mukha nito ay nagtatanong at tila nag-aalala.

" Bantayan mo si Jes. Paliwanag mo na may emergency akong lakad. Hindi ko alam kung ilang araw pero pipilitin ko bumalik agad."

" Saan ka pupunta???! " tanong ng matanda.

Hindi na niya nagawang sumagot kaya itinuro na lamang niya ang nakabukas niya pang laptop. Dali dali siyang lumabas at sumakay ng kotse at pinaharurot iyon.

Nakatanga naman si Manang habang takang taka sa kinilos ni Jason. Ngayon lang niya nakita iyon. Dapat ay araw nilang mag ama bukas at walang anumang bagay na pwedeng umistorbo noon. Marahil ay napaka-importante nga nito. Bigla siyang kinabahan. Dumako ang kanyang mata sa nakabukas pang laptop. Itinuro iyon ni Jason. Marahil ay iniuutos nito na siya na ang magpatay. Lumapit siya dito at hindi niya napigilan na basahin ang nakikita niya.

Namilog ang kanyang mga mata. May gumuhit na kaba sa kanyang dibdib. Si Gabriel ang may pakana ng lahat. Nasa panganib si Gerald. Tiningnan niya ang oras ng email. 30 minuto ang nakakalipas. Kinuha ang detalye at nagsend ng mensahe sa hindi kilalang address gamit ang laptop ni Jason. Hindi na siya nagsayang ng oras. Nagdial siya sa kanyang cellphone na lagimg nasa bulsa.

" I-track mo ang laptop na yan. Nasa panganib si Gerald."

Pagkasabi niyon ay agad niyang pinutol ang usapan at payapang nagtungo sa kwarto ni Jason at Jesrael para tabihan ang alaga.

Lingid sa kaalaman ni Jason, Si Manang ay hindi simpleng yaya lamang. Alam ito ni Yen. Subalit tinanggap siya nito. Para makapamuhay siya ng payapa at malayo sa gulo. Si Manang Doray. O si Ms. Dorothy Chua. Alibughang anak ng isang prominenteng tao sa lipunan. May sarili mga bodyguard noon at tila reynang nagmamando sa mga ito kung anuman ang kanyang naisin. Napakarangya ng kanyang buhay at marami ang taong naiingit sa kanya. Subalit para sa kanya, wala nang mas miserable pa sa buhay na pinatatakbo ng pera.

Nagtago siya at nagpanggap na pulubing manang na tagatinda ng yosi at kendi sa lansangan. Tumakas siya sa kanyang ama. Dahil sa nais siya nitong ipakasal sa lalaking mayaman na may halang na kaluluwa at lider ng isang sindikato. Walang importante sa kanyang magulang maliban sa pera. At yon ang labis na ikinalulungkot niya. Wala itong ibang sinasamba kundi ang yaman. Mas mahalaga ang kayamanan kaysa sa pamilya. At sila sila ng kanyang kapamilya ay nag aaway-away dahil lang pera. Noong una ay kontento na siya dahil nagagawa niya ang gusto niya. Hindi siya pinakikialaman ng magulang niya at malaya siyang pumunta kung saan. Hanggang sa mapasama siya sa isang gang. Doon ay natuto siya makipagbuno at lumaban para sa sariling kaligtasan. Riot dito, riot doon. Laban kung laban, patay kung patay. Takbo nang takbo tago nang tago. Hanggang isang araw ay napagod siya. Umuwi siya sa mansiyon at nadismaya sa ibinalita ng kanyang ama. Nakatakda na siyang ikasal. At nang makita at makilala niya ang taong iyon ay agad siyang tumanggi. Ngunit ipinilit pa rin ng kanyang ama. Dahil sa alam niyang ang taong iyon ay halang ang kaluluwa, ay naisipam niyang lumayo. At sa araw mismo ng kanyang kasal niya siya pumuslit at tumakas. Nagbalat kayo siya at nagpanggap na pulubi. Dahil wala siyang baong pera ay nagtinda siya ng yosi para kumita at makakain araw-araw. Ok na siya don. Masaya na siya don. Hanggang sa nagkita sila ni Yen. Nagkapalagayan ng loob. Hindi naman ganon kalaki ang agwat ng edad nila ni Yen. Manang ang tawag nito sa kanya. Ibig sabihin ay ate.

Naging payapa at tahimik ang buhay niya sa poder ni Yen kaya pinili niyang manatili na lamang doon. Lahat ng ito ay alam ni Yen. Tanging sila lang ang nakaka-alam. Kaya pinili ni Yen na siya ang mag alaga kay Jes dahil alam nito na kaya niya itong protektahan. Nanatili silang ganon hanggang sa mapahal na siya dito ng husto. Nagdesisyon na siya na tumandang mag-isa at alam niya na hindi siya pababayaan ni Yen.

Pinutol niya ang kumunikasyon sa kanyang pamilya. Kahit makibalita ay hindi niya ginawa. Inalipin siya ng pagkamuhi at wala na siyang makitang puwang sa kanyang puso para sa mga ito. Namuhay siya bilang Manang Doray. At balak sana niyang manatiling ganoon. Subalit kailangan ni Yen ng tulong. Kailangan niyang mapigilan si Gabriel. Kilala niya ito. Isa ding taong yumaman sa maduming paraan. Isang taong pumapatay ng tao na tila pumipitik lang ng langaw. Iyon ang pinakamadaling paraan para mailigtas si Gerald. Na matalik na kaibigan ni Yen. Tinulungan siya ni Yen noon, siya naman ngayon. Kahit pa buhay niya pa ang maging kapalit nito.