Chereads / I am a Rebound / Chapter 116 - Si Yen Lang

Chapter 116 - Si Yen Lang

Hindi mapagkit ang tingin ni Jason sa anak na siyang siya sa pakikipaglaro sa ilang kabataang namamasyal sa park. Ang park na iyon ay hindi kalayuan sa kanilang tirahan. Nakalagak yon sa loob ng subdibisyon na tinitirhan nila. Ang bahay ni Yen.

Pagkablik ni Jason galing sa ospital ay nagdesisyon siya na ibenta ang bahay niya at sa bahay na lamang ni Yen manirahan. Doon ay mas matindi ang seguridad at nais niya na aabutan sila ni Yen doon sakaling bumalik ito. Pinili niyang ipagbili ang bahay niya dahil iyon ay puno ng mga di kanais nais na alaala. Isa pa, ang bahay na iyon ay naitayo dahil kay Trixie at hindi kay Yen. Pakiramdam ni Jason ay mas makabubuti na iabaon na sa limot ang lahat. Natuto na siya at ang sakit na dinanas niya ay sapat nang dahilan para mas maging matatag siya. Bagama't araw araw siyang kinakain ng lungkot ay pinipili niya pa ring maging positibo dahil sa kanyang anak.

Malayo layo na rin ang kanyang narating. Nagawa niyang palaguin ang kanyang sarili kaakibat ang kirot ng pagkawala ni Yen. Gayunpaman ay si Yen pa rin ang ginawa niyang inspirasyon para marating ang kinaroroonan niya ngayon. Dahil kay Yen ay natuto siyang magpursige at manangan sa kanyang prinsipyo. At ngayon ay hindi na siya madaling magtiwala at maloko.

Hindi na siya mabilis magtiwala lalo na sa mga nagpapanggap na tupang maamo.

Katulad na lamang ng ginagawa ni Sandra. Kung inaakala nito na hindi niya alam ang mga ginagawa nito ay nagkakamali siya. Sa unang pagkikita lamang nila ay nagsimula na siyang mag imbestiga. Lubhang maingat na siya sa bawat taong nakakasalamuha lalo't higit sa mga kababaihan. Mahusay silang magpanggap na mahina subalit sa likod pala ay halimaw.

Galing sa prominenteng pamilya si Sandra. Mayaman ito at si Sandra mismo ay isa na sa mga pinakamayaman sa bansa. Lahat ng gusto niya ay nakukuha niya dahil na din sa yaman nito at impluwensiya. Mahilig ito sa challenge. Sa kahit anong bagay maging sa pag-ibig. Mas mahirap makuha mas maganda. At palagay niya ay nakuha niya ang atensiyon nito dahil sa pagiging mailap niya.

Hindi siya ang unang nakahumalingan nito. Ilang lalaki ang nabiktima nito. At sa kasamaang palad ay wala na ni bakas ang mga taong iyon. Wala nang makapagsabi kung nasaan ang mga ito. Kung buhay pa ba o nasa hukay na. Hindi niya alam pero nong nalaman niya ito ay talaga namang siya ay kinilabutan.

May sakit yata ito. Palagay niya ay may sapak ito sa utak. Sa totoo lang ay wala naman nang kapansin pansin sa kanya. Sa pisikal na anyo lamang ay hindi na kanais nais ang kanyang balat. Pilantod siya at paika-ika kung lumakad at kung isasama siya sa karamihang tao ay hindi na siya magiging kapansin pansin. Hindi siya ganon kayaman. Isa lang siyang simpleng negosyante na kaya lamang sumuporta ng sapat sa kanyang pamilya. May anak na siya at marami ang nangingilag sa pagiging masungit niya. Subalit iba si Sandra.

Una silang nagkita sa isang restawran na kung saan ay nakipagkita si Jason sa isa niyang investor. Hindi pribado ang lugar na iyon pero hindi gaano ang mga tao roon kaya yon ang lugar ni pinili ni Jason. Habang nakikinig sa pahayag ng kausap ay namataan niya ang dalaga sa isang sulok ng kainan kung saan ay mag isa lamang itong nagmamasid. Pagkunwa'y naghahalo ito ng kape sa kanyang tasa at napabaling ang tingin sa kanila. Pagkatapos ay tumigil ang mata nito sa kanyang mukha at pinanood siya nito habang nakikipag usap.

May distansiya ang lamesang kanilang inuupuan pero si Jason ay nakaharap sa direksiyon ni Sandra na nakaharap din sa kanya. Dinaanan lamang niya ito ng tingin. Hindi niya ito pinansin. Subalit alam niya na ang huli ay matagal na sa kanya nakatitig.

Dahil wala naman siyang interes ay binalewala na lamang niya ito at itinuoon ang atensiyon sa kausap. Ramdam niya na hayagan ang pagpapapansin nito sa pamamagitan ng pagtitig sa bawat niyang kilos. Hindi napuknat ang tingin nito sa kanya simula nang makita niya itong nakatingin sa kanya. Naisip niya na baka napagti-tripan lamang siya ng isang babaeng walang magawa sa buhay.

Natapos ang meeting na iyon sa kanyang investor at agad naman siyang lumabas ng kainan para umuwi. Alam niya na naghihintay si Jes. Pagkalabas ng pinto ng restawran ay dinukot niya ang kanyang cellphone sa bulsa at nagdial ng numero para tawagan si manang at kumustahin ang anak. Ginagawa niya ito habang naglalakad patungong parking lot. Mga apat na hakbang na lamang ang layo niya sa kanyang sasakyan, nang bigla na lamang may katawan na tila nagpatihulog kung saan. Sa pagkabigla ay nasalo niya ito at nang mapagsino ay kumunot ang kanyang noo.

" Thank you. " anito habang nasa bisig niya ito.

Wala siyang maapuhap na salita dahil sa pagkabigla. Dahan dahan ay inalalaayan niya niya itong tumayo nang maayos at nang nakita niyang nakabalanse na ito at ayos naman ito ay walang sali-salita, agad na siyang umalis.

" Hey!! " narinig niyang habol nito. Huminto siya sa paglakad at nilingon ito. Nakahawak na siya sa pinto ng kanyang kotse. Blangko ang ekspresyon sa kanyang mukha. Kalamado at tila ba walang nangyari.

" Thank you. What's your name? " ani Sandra.

Matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. Na kung simpleng lalaki at binata ka ay agad kang hahanga sa ganda nito. Ang katawan nito ay perpekto ang hubog at tila isa itong modelo. Malambot ang balat nito na tila balat ng baby. Kaaya-aya ang amoy nito at walang normal na lalaki ang hindi magkalaroon ng makalamang pagnanasa lalo na sa ginagawa nito.

Kung ibang tao si Jason ay baka agad na siyang sumunggab sa babaeng naghahain ng kanyang sarili subalit husto ang kanyang isip at katinuan. At may kung anong panganib siyang nararamdaman.

" Welcome. Sa susunod, galingan mo. Yung hindi naman halatang sinadya. " sagot ni Jason.

Pagkasabi niyon ay muli siyang tumalikod. Binuksan ang kotse. Agad siyang sumakay at pinaharurot iyon.

Naiwang nakatanga si Sandra na bahagyang napahiya sa huling sinabi ni Jason. Siya ang kauna-unahang tao na trumato sa kanya ng ganon. Hindi siya nagalit bagkos ay lalo siyang nagkaroon ng interes sa lalaki. Muling gumuhit ang isang nakakalokong ngiti sa kanyang labi na tila ba may kung anong magandang ideyang pumasok sa isip.

Para kay Jason ang mga ganong klaseng babae ay hindi karapat dapat maging ilaw ng tahanan. Kawawa ang mga lalaking makakasama nila. Masyado silang dominante at palagay niya ay mas mahirap pakisamahan. Hindi katulad ni Yen.

Sa bawat babaeng nakikita niya ay si Yen ang una niyang maiisip. Kaya siguro agad siyang nawawalan ng interes. Totoo...kahit ang kanyang mga magulang ay hinihimok siyang magsaya at maghanap ng katuwang sa buhay. Pinahayag nito maging ni Rico na hindi sila tutol kung sakaling mahdesisyon siyang mag asawa muli. Karapatan niya din daw sumaya. Oo tama sila. Karapatan niya sumaya at ang kasiyahan ay ang mabuong muli ang kanyang pamilya. Pakasalan si Yen. Pag nangyari yon ay wala na siyang ibang mahihiling pa. Si Yen lang ang pinangakuan niyang ihaharap sa altar. At iyon ay mananatili hanggang bumalik ito.

Habang tumatagal ay papaliit nang papaliit ang tsansa na magbabalik si Yen. Subalit hindi niya balak sumuko. Kung sakali mang tumanda siya at hindi na nga ito bumalik. Paninindigan niya na tumandang mag-isa. At desidido na siya. Ngayon pa nga lang ay pinaghahandaan na niya ang kanyang pagtanda. Ayaw niya na maging sakit ng ulo ni Jesrael balang araw. Sinisiguro niyang may sapat siyang pondo at hindi magiging pabigat sa anak. Hindi na niya balak pang mag asawa. Trenta y dos anyos na siya at may anak. Bata pa pero kung hindi si Yen ang kanyang makakasama ay ayaw na niyang muling magmahal ng iba. Si Yen lang. Kung hindi si Yen ay huwag na lang.