Chereads / Pulang-Pulang Rosas / Chapter 9 - Ika-siyam na Yugto

Chapter 9 - Ika-siyam na Yugto

Isang luhaang babae ang tumakbo papalapit sa kinaroroonan namin kung hindi ako nagkakamali ay si Jane ito. Kakatapos ko lamang mananghalian kasama si Carla at Gema ng mga oras na iyon. Hilam sa luha ang kanyang mga mata ng hindi sinasadyang mabunggo niya si Gema. Kapwa sila natimbuang ngunit tila ba tinakasan ng natitira niyang lakas hindi na tuminag si Jane sa kanyang pagkakaupo.

May pag-aalala namin siyang tiningnan, "Bakit ka umiiyak?" Hindi mapigilang pagtatanong ni Carla.

Nang hindi siya sumagot at tumuloy lamang sa pag-iyak ay niluhod ko siya at marahang hinawakan sa balikat, "Halika doon tayo sa makakasagap ka ng sariwang hangin."

Saglit siyang napahinto at tumingin sa akin. Nginitian ko siya at inabutan ng panyo. Tinangap niya iyon at tumango bilang tugon sa aking imbetasyon.

Marahan namin siyang inalalayan at tumungo sa likod ng eskwelahan kung saan ay umupo kami sa lilim ng isang puno. Doon sa pagitan ng mga hikbi ay nagkwento siya.

"Ang tinutukoy mo bang lalaki ay yung bagong estudyante?" Hindi maitagong pagkairita na tanong ni Gema.

Tumango naman si Jane habang sumisinga.

"Si Jay yung magiging ama ng mga anak ko?" Hindi naman makapaniwalang bulalas ni Carla, na sa kabila ng kaseryosohan ng aming diskusyon ay nakapagbibiro pa din.

"Lilinawin ko lang," simula ko habang umiiling sa kumento ni Carla, "pinadalhan ka niya ng sulat na nag-sasabing nais ka niyang makausap at hihintayin sa may likod ng klinika. Nang makarating ka doon ay nagtapat siya sa iyo ng paghanga sa iyo?"

Tumango-tango si Jane, "Tatangapin ko sana ang kanyang alak na maging manliligaw ko siya, ngu"

"Ngunit bigla siyang nag-tanong kung ano ang kulay ng iyong damit panloob, at ano ang sukat ng iyong dib-dib!" Nanggigigil na putol ni Gema. "Bastos! Buti na lamang at sinampal mo siya."

Napailing na lamang ako, hindi ito ang Jay na kilala ko. Ngunit hindi ko maitatangging ang Jay na nakilala ko sa hinaharap ay maaring iba sa Jay ng nakaraan. Napatingin ako kay Jane, muli sumagi sa aking isip ang kaniyang karanasan kay Jay, walang ano-ano ay may maliit na baga sa aking dib-dib na matutupok lamang sa isang komprontasyon.

"Sa lahat ng ayaw ko yung walang galang sa babae!" Sa gigil ko ay nahila ko ang damo kasama ang ugat nito. Tikom ang palad kong nilingon ang dalawang kong kaibigan, hindi ko kailangang magsalamin upang malaman kung ano ang aking itsura ng mga oras na iyon.

Napalunok si Gema, "Maki, kalma ka lang!" payo niya na para bang hindi siya nanggigigil kanina lamang.

Naramdaman ko ang mahinahonong pag-hawak ni Carla sa aking nakakuom na palad, "Kalma ka lang Mak, tingnan mo binunot mo ang kaawa-awang damo." Pang-aalo pa niya habang pilit na kinukuha ang damo sa aking kamay.

Makalipas ang ilang segundo ay binitawan ko ito, nilingon si Jane, hinawakan sa kaniyang balikat na may kaunting diin at direkta akong tumingin sa kaniyang mga mata, "Huwag kang mag-alala Jane nasa likod mo lang ako." Buong determinasyon kong sabi, habang iniisip ang mekanismo ng nabubuong gulo sa pagitan namin ng lalaking ipinangako kong mamahalin ko.

"Maki, hinay-hinay lang." Nauniligan ko pang sabi ni Gema.

***

Determinado kong nilakad ang pasilyo ng paaralan, hangang sa makita ko si Jay na hawak-hawak ang kaniyang pisngi na kapansin-pansin ang pamamaga. Nang mamataan ko siya ay hinila ko ang kaniyang kwelyo at dinala siya sa kung saan makakapag-usap kaming dalawa.

"Anong ginawa mo kay Jane?" magkahalong selos at pagka-irita na tanong ko sa kaniya.

Nagkibit balikat lamang siya. "Nagsabi ng totoo." Nakangisi niyang sagot.

Kumunot ang noo ko sa sagot niya. Hindi ko inaasahan na ganito si Jay noong kabataan niya. Bahagya akong nalungkot sa aking nadiskubre. Tumingin ako sa kaniyang mga mata, hinahanap ang Jay na aking kilala. Naroon pa din ang mga ngiting minahal ko. Ngunit bakit iba ang kaniyang pag-uugali? Kung gayon ay malaki ang kaniyang ipinagbago. Naiiling akong tumingin sa kabuuan niya. "Babantayan kita." Sabi ko na lamang sabay talikod.

"Kung gusto mo didikitan pa kita." Paghabol niya sa akin sabay lapit.

"Layuan mo ako, manyak!" Sabi ko sabay tulak sa kaniya at tuluyang iniwan siya.

Nakalipas ang ilang araw, at tulad nga ng sabi ko ay binantayan ko siya. May pagkakataon na naaala ko sa kaniya ang nakilala kong Jay at may mga pagkakataon na may nadidiskubre akong bago tunkol sa kaniya. Isang araw ay hindi ko sinasadya na makita siya sa isang establisyemento. Karaniwan ay nilalapitan ko siya para kutyain o para ipaalam sa kaniya nasa paligid lamang ako ngunit iba ang ginawa ko ng araw na iyon, nagtago ako at naupo sa may di kalayuan upang makinig sap ag-uusap na namamagitan sa kasama niya.

"Mama, ilang ulit ko po bang ipapaliwanag hindi po ganun ang nangyare." Narinig kong pahayag niya.

"Jay, alam kong hindi ka ganoon at hindi mo kailangan sa aking magpaliwanag pero ayaw mo bang linawin sa mga taong nasa paligid mo kung anong nangyare?" May pag-aalalang tanong sa kaniya ng kanyang mama.

Umiling-iling lang si Jay ng may ngiti sa mukha, "Totoo namang bakat yung kulay ng panloob niya sa uniporme, at isa pa tinanong ko lang naman kung anong sukat ng dib-dib niya kasi parang sikip na sikip yung suot niyang panloob at mukhang tatalon na ang kaniyang dib-dib. Isa pa kung ganoon siya haharap sa mga tao palage hindi ba siya natatakot na bigla na lang siyang sungaban? Hayaan mo na sila. Isipin mo na lang po Ma, ngayon yung babaeng binastos ko ay nagsusuot na ng matinong damit. Mas mukha na siyang desente ngayon."

Napako ako sa aking pagkakaupo sa aking narinig. Yun ba talaga ang dahilan? Kung titingnan ko at iisipin tama siya, ganoon nga manamit si Jane noon. At isa pa hindi ko naman inalam ang kaniyang panig.

"Pero nabansagan ka namang bastos sa inyong eskwelahan, at diba may isa pang babae na lagi kamo kayong nag-aaway dahil sa insidenteng iyon?"

Malakas na tawa ang itinugon ni Jay sa tanong na iyon, "Ma hindi po away. Para lang kaming nag-lalaro ni Maki. Isa pa hindi ko naman kailangang dib-dibin ang sinasabi ng iba sa akin hindi po ba? Ang mahalaga alam kong walang mali sa ginawa ko."

Sa unang pagkakataon direkta akong tumingin sa kanya binanaag ko ang taong ang nakikita. Tama kung iisipin ay ito ang kilala kong Jay. Hindi pala siya nagbago. Napatingin siya sa direksyon ko at bahagyang nagulat, mabilis din itong napawi ng palitan niya ito ng ngiti.

Walang nagbago sa kaniya. Simula sa panhong ito hangang sa panahong nakilala ko siya, hindi siya nagbago. Kung may nagbago man ako iyon. Sa mga nakalipas na araw na nakilala ko siya at may nadiskubreng bago sa pagkatao niya, lalo lamang lumalim ang pagtingin ko sa kaniya.

Hindi ko na namalayan ng suklian ko ng ngiti ang ngiti niya. Ipinangako sa sarili na siya ang lalaking mamahalin ko ng walang alinlangan. Tumayo siya lumakad papalapit sa akin ngunit bago pa siya makalapit ay isang nakakarinding ingay ang nangibabaw sa paligid sa pagkarindi ay ipinikit ko ang aking mata at tinakpan ang aking tenga.

Hangang sa unti-unti itong humina at maulinigan kung ano ang ingay na iyon. Para itong kahoy na kinakatok. Tama parang may kumakatok sa pinto. Bigla akong nagmulat at tumingin sa direksyon nito. Kunot noo akong tumingin sa parang pamilyar na pinto.

"Maki, gising ka na?" Isang pamilyar na boses ang aking naulinigan.

"Panaginip?" tanong ko sa sarili ng bumangon ako. Ipinagwalang bahala ko na lamang ito. Hindi ko na rin naman ito halos matandaan. Muli may kumatok sa pinto.

"Maki, mahuhuli na tayo sa ospital." Si Jay iyon. Bigla kong naalala na ngayon ang nakatakda niyang pagpunta sa ospital. Tinungo ko ang pinto at binuksan ito.

Nakangiti siyang pumasok sa kwarto, gayunpaman kahit anong tago niya sa kaniyang iniindang sakit ay kaya kong banaagin iyon sa kahit na maliit na butil ng pawis sa kaniyang mukha.

"Sandali lang magpapalit lang ako." Paalam ko sa kaniya at tinungo ang banyo. Nanginginig kong binuksan ang gripo pigil ang luhang hinilamusan ang aking mukha. Kailangan kong maging matatag para sa kaniya. Hinding-hindi ko siya bibitawan kahit anong mangyare.