Hindi naman pala totoong matibay ang bawat relasyong nabuo sa pagkakaibigan. Kung totoo iyon hindi na siguro ako kinailangan pang umiyak magdamag para lang maunawaang hindi tayo para sa isa't isa. Hindi ko na siguro kailangan pang uminom ng sampong lata ng beer para lang maintidihang hindi mo na ako mahal. At higit sa lahat, kung totoo iyon hindi ko na siguro kailangan pang pilitin ang sarili kong bumangon para lang harapin ang bagong umaga na hindi ka na kasama.
Ilang taon ngang naging tayo? Sampo ba? Kasing dami nga ba ng lata ng beer na aking binuno ng nakaraang gabi? Tama sampo. Nag simula lang tayo sa simpleng asaran, hanggang sa maging magkaibigan, hanggang sa maging sandalan ang isa't isa, hangang sa maramdaman nating hindi na natin kayang mawala sa piling ng isa't isa.
Nilungon ko ang litrato nating dalawa, kay ganda ng ating mga ngiti. Sana may kakayahan akong ibalik ang mga iyon. Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon inabot ko ang litrato, tinitigan ang iyong mukha at muli nanalaytay ang luha sa aking mata, kung ganito kasakit ang magmahal at maiwan hindi na sana kita nakilala. Ang tahimik kong luha ay naging hikbi hanggang sa maging hinagpis. Hindi ko kayang bumangon, hindi ko pa kaya, kaya naman bumalik ka na. Gusto na ulit kitang makita
***
"Maki, pag hindi ka pa bumangon malamig na tubig na ang gigising sayo." Boses iyon ni mama. Bakit parang bumata ang boses niya, nawala ang hingal na tila ba naging permanente na sa kanya simula noong umabot siya ng singkwenta. At teka paano siya nakapasok sa bahay? Napabalikwas ako ng bangon at hindi ko mapaniwalaan ang bumungad sa aking mata. Isang malaking poster ni Taylor Swift? Teka siya yung mang-aawit na naging paborito ng nakaaraang dekada.
Napakunot ang aking nuo, bakit ito naririto? Sa aking pg-iisip ay bumukas ang pinto ng aking kwarto. Doon isang babae na kahawig ni mama ang sumilip. Kahawig niya ito ngunit mas bata, "Ano na Maki mahuhuli ka na sa eskwela!", may panggigigil na sabi niya.
Napatulala ako, nilunok ang laway na nakabikig sa aking lalamunan, "Mama?" halos pabulong kong bigkas. "Kelan ka pa bumata mama? Umepekto na ba yung mga pinapahid mong produkto sa balat mo? Parang sampong taon ang ibinata mo?" Sunod-sunod kong tanong sa kabila ng aking pagkalito.
Hindi lumipas ang segundo ay nasa tabi ko na siya at pak! "Puro ka kalokohan, bumangon ka na, at maghilamos, may pasok ka pa."
"Pasok? Ayaw kong pumasok. Wala akong gana." Nagmamaktol kong pahayag, na hindi naman na narinig ni Mama. Muli akong nahiga sa kama ngunit bago ko pa man maipikit ang aking mata isang awitin ni Taylor Swift ang umalingaw-ngaw sa kwarto. Hinanap ko kung saan nag mumula ang tunog hanggang sa makita ko ang isang lumang bersyon ng Blackberry phone sa baba ng aking kama.
'Gema'ā¦ ang pangalan ng tumatawag sa telepono. Gema? Hindi ba't nasa ibang bansa siya ngayon? Kelan pa siya bumalik ng Pilipinas? Lalong lumalim ang kunot ko sa aking nuo, habang sinasagot ko ang tawag.
"Ano, tulog ka pa?" bungad sa akin ng nasa kabilang linya.
"Ano?"
"Sinasabi ko na nga ba eh, malapit na ako sa bahay niyo. Sabay na tayong pumasok."
"Pumasok? Kelan pa kita naging katrabaho?"
"Katrabaho?" Nanahimik si Gema sa kabilang linya. Maya-maya pa'y isang malakas na tawa ang aking narinig. "Mak, nanaginip ka pa ano? Haha- malapit na ako. Pag di ka pa gumising ng maayos iiwan kita."
"Teka kung hindi sa trabaho, saan tayo pupunta?" Hindi ko alam kung anong nakakatawa.
Kahit hindi ko siya kaharap naramdaman ko nag pagtirik ng kanyang mata sa aking tanong, "Saan pa? Pasukan na po ulit. May pasok na po tayo."
"Ano?" Kasabay ng aking pagtatanong ay ang pag-ikot ng aking paningin sa kabuuan ng aking paligid. Ang aparador na puro larawan nina Deither Ocampo at Derek Ramsay. Ang mga nagkalat na libro. Ang larawan ni Taylor Swift sa ding-ding at higit sa lahat ang nakasabit na uniporme sa pinto. Bakit nasa luma ko akong kwarto?
Tumingin ako sa labas ng bintana, nadagdagan ang aking pagkalito ng makita ko ang lumang tindahan ni Nanay Sita, matagal na itong wala, hindi ba't nasunog ito walong taon na ang nakakalipas? Ngunit bakit naririto pa ito? Ibinalik ko aking pansin sa loob ng aking kwarto, nahagilap ko ang kalendaryo sa ibabaw ng luma kong lamiseta.
August 2009
"2009? Hindi ba'tā¦"