"What the hell Isabel!"
Napaatras ang babae sa pagkabigla nang bulyawan niya.
"G-Gian?" natatakot na sambit ng babae.
Natigilan naman ang binata nang mapagtantong nasa labas pa lang pala sila ng salon.
Tahimik siyang tumalikod at pumara ng tricycle.
Nakasunod naman si Isabel.
Pagkapasok niya sa loob ay nanatili lang itong nakatayo.
" Sasakay ka ba o hindi?"
"S-sasakay," anitong hindi malaman kung tatabi sa kanya o hindi gayong dadalawa lang naman ang kasya roon.
Tahimik itong tumabi sa kanya.
"Asa ta sir?" tanong ng driver at naagaw nito ang pansin niya.
"Sibugay hotel po," aniya sa lalaki.
Tahimik silang bumyahe pabalik ng hotel.
Mas mabuting manahimik talaga ito dahil napupuno na siya.
Inaari na nga siya nito pinalitan pa ang pangalan niya, bagay na kahit kailan ay hindi nagawa ni Ellah.
Halos siya pa ang magmakaawa magkaroon lang sila ng relasyon.
Huminto ang tricycle pagdating nila.
Tahimik siyang nagbigay ng pamasahe para sa kanilang dalawa.
Mabilis namang bumaba si Isabel pero hindi ito pumasok, hinintay pa siyang mauna bago ito sumunod ng tahimik pa rin.
Ayaw na niyang sitahin pa ito dahil baka makasakit siya ayaw niyang malaman ng ama nito na nagtitimpi na lang siya sa anak nito.
Dumeretso siya sa kanyang silid ngunit sumunod pa rin ang babae sa loob.
"Dito ba ang kwarto mo?" tanong niya habang nakatalikod.
"Gian sorry..."
Humagkis ang matalim niyang tingin sa babae paglingon niya.
Hinagis niya ang salamin na suot sa ibabaw ng kama.
Napaatras ang babae.
"Marami ka ng kasalanan sa akin Isabel kaya umalis ka na ngayon dahil baka hindi kita matant'ya," mariin niyang utos dito.
Umatras ang babae ngunit hindi tuluyang lumabas.
"Get out!" singhal na niya kasabay ng pagturo sa pinto.
"S-sorry..." nanginig ang babae ngunit hindi pa rin tuluyang lumabas.
Humulagpos ang kanyang pagtitimpi at dinaklot ito sa braso.
"Labas!"
Kinaladkad niya ito palabas.
"Aray!"
Napabalik siya kasama si Isabel nang may makasalubong na ibang tao sa pasilyo.
Halos ihagis niya ito sa sahig bago isinara ang pinto.
Halos maluha si Isabel sa takot na nararamdaman.
"Gian sorry please-"
Hinarap niya ang babae.
"Bakit? Hindi mo ba 'yon sinadya? Inaangkin mo na nga ako pinalitan mo pa ang pangalan ko anong karapatan mong gawin 'yon ha?"
"N-naisip ko lang na 'yon ang bagay sa bago mong pagkatao."
"Ni hindi mo ako tinanong! Anong klase ka?"
"N-nakalimutan ko na excite kasi ako sa-"
"Ikaw na ang nagdesisyon kung paano baguhin ang pagkatao ko. Tigilan mo 'yan hindi mo ako pag-aari at wala tayong relasyon, may mahal akong iba at alam mo 'yon!"
Natahimik ang babae at yumuko.
"Isipin mo muna ang gagawin mo. Huwag taklesa Isabel. Mag-aabogado ka pero hindi mo naiisip ang pinagagawa mo?
Huwag mong kalimutan na kaya tayo magkasama ay para mapagbagsak ang kalaban iyon lang Isabel wala ng iba.
Kapag hindi ka tumigil magkanya-kanya na tayo!"
Narinig niya ang mahinang hikbi nito bago marahang tumayo.
Natahimik naman siya dahil parang na personal niya ito.
"P-pasensiya na hindi na mauulit," tumakbo ito patungo sa pinto.
"Siguraduhin mo lang," mariin niyang wika bago narinig ang pagbukas ng pinto.
Paglingon niya wala na ito.
Napabuga ng hangin ang binata.
Alam niyang nasaktan niya si Isabel.
Ngunit kailangan niyang gawin 'yon upang matigil na ito sa pinagagawa.
Ayaw niyang bigyan nito ng kahulugan ang kanyang ginagawa rito.
Ayaw niyang umasa ito sa isang bagay na hindi niya maibibigay.
Nahagip ng kanyang tingin ang salaming nasa kama at kinuha niya 'yon bago umupo.
Kahit paano nagpapasalamat siya kay Isabel dahil tinutulungan siya nito para sa kanyang kaligtasan kaya lang lumagpas ito sa limitasyon.
Pakiramdam niya hindi na ito interesado sa kanilang plano kundi sa kanya na.
Hindi na rin niya babaguhin ang pangalang binigay nito dahil nakilala na siya ng ibang tao sa pangalang 'yon.
Tumayo siya at isinara ang pinto.
Inilagay niya ang salamin sa lamesita bago umupo sa kama.
Marahan siyang humiga at ipinikit ang mga mata.
Hindi na siya dapat mag-aksaya pa ng panahon tungkol sa mga ganitong bagay.
Ilang araw na lang anibersaryo na ng club ni wala pa siyang nabiling ari-arian.
Bumangon siya at kinuha sa bulsa ang cellphone saka naghanap sa internet ng prospect.
Nang makakita ng isa ay mabilis niyang tinawagan ang numero na naroon.
Nasa harap siya ng glass window ng naturang hotel habang nagsimulang makipag-usap.
Nag ring at ilang sandali pa ay may sumagot sa linya.
"Hello kinsa ni?"
Tumikhim siya at nagsalita.
"Sir, nakita ko ang post ninyo sa inyong beach resort na for sale interesado ho ako."
"Gano'n ho ba sir? Aba'y magandang balita 'yan. Tamang-tama at hindi pa naibebenta 'yan."
"In good condition pa ho ba 'to?"
"Oo sir, wala lang nag manage niyan sa ngayon dahil ang anak ko ay nag Canada na at ayaw ng hawakan ang resort. May hotel at restaurant ding kasama 'yan, maayos pa ho lahat bago lang namin pina renovate isa pa hindi namin pinababayaan ang resort na 'yon."
Natuwa ang binata sa narinig.
Basa sa nakita niya ay malinis ang kulay asul na tubig dagat nito sa larawan maging sa video.
"Gusto ko ho sanang makita, kailan ho pwede?"
"Ikaw sir kung kailan mo gusto."
"Bukas ho pwede ba? Medyo nagmamadali kasi akong makabili agad kailangang mabili ko na 'yan bago sumapit ang ikaanim na araw."
"Oo ba! Mas mainam nga 'yon. Sige bukas saan tayo magkikita?"
"Taga Pagadian ho ba kayo?"
"Ay oo!"
"Pupunta ako diyan bukas sir mga anong oras tayo pwede magkita?"
"After lunch siguro sir pwede ba?"
"Sige ho sabihin niyo lang kung saan tayo magkikita."
"Oo, teka sandali ano ho palang pangalan ninyo sir?"
Lumunok siya bago sumagot.
Ito na ang umpisa.
"R-Rage Acuesta ho."
"Ha? Rerage?"
"Rage lang ho. Rage Acuesta."
"Ah okay sir Rage ako nga pala si Damian Delos Santos."
"O, sige ho sir Damian, magkikita na lang ho tayo bukas sabihin niyo lang kung saan."
"Sige, sasabihin ko muna sa anak ko ang tungkol dito, matutuwa 'yon sigurado."
"Sige ho, maraming salamat."
"Maraming salamat din sir."
Pagkatapos ng usapan ay marahang ibinaba ng binata ang cellphone.
Kapag nagkataon ay magkakaroon siya ng beach resort.
Unang ari-arian na magiging kanya.
Naghanap pa ulit siya ng iba pang kumpanya na madaling bilhin.
Marami naman siyang nakita.
Nakakausap din niya ang mga may-ari nito at mukhang sinuswerte siya ngayon dahil maraming nagbebenta ng mga negosyo nila basta sa tamang halaga.
Pangalawa niyang kinausap ay may-ari ng kumpanya ng rubber plantation sa Naga na may singkwenta ektarya.
"Bibilhin ko ho sir, sabihin niyo kung magkano," aniya sa kausap.
Pumayag siya sa presyo nito ngunit bago bilhin ay sinabi niyang gusto niyang makita muna.
"Sabihin niyo kung magkano at bibilhin ko," tugon niya sa may-ari ng palaisdaan sa Siay na may tig tatlumpong ektarya at planong ibenta ng lahat ng korporasyon kaya halos umabot ng isang daang ektarya ang palaisdaang 'yon.
May nakita rin siyang private bank na nakahanda ring ibenta ng mabilisan.
Korporasyon ito ngunit papa bankrupt na dahil walang mamumuhunan.
"I need it sir. I' ll buy your company," deretso niyang tugon.
May nakausap din siyang shipping line company na taga Zamboanga.
Kargamento ang negosyo at hindi de pasahero ang mga barko nito.
"Yes it is for sale but in good price, " anang kausap niya na Chairman ng naturang kumpanya.
"I' ll buy it please name your price sir, " tugon niya.
Kahit masaid siya at mamulubi ay ayos lang makapasok lang sa naturang organisasyon.
May construction company din na mabilis din ang bentahan.
"I'll buy that company sir. I need it as soon as possible before six days can I have it?"
Sa lahat ng kausap ay sinasabihan niyang bago sumapit ang ikaanim na araw kailangang maayos na ang mga ito at mapasakanya na.
Nagkukumahog ang lahat ng kausap mapunta lang sa kanya ang mga kumpanya nila.
Kapag nakuha niya ang lahat ng ito ay sapat na' yon upang makapasok bilang miyembro ng Zamboanga Business Club.
Kung magkataon ay isa siya sa sampung pinakamayaman sa lahat ng miyembro.
Madali ang lahat kapag salapi ang kumilos.
At siya bilang isang bilyonaryo ay gagawin ang lahat upang maging miyembro bago sumapit ang anibersaryo.
May natitira pa siyang araw upang maghanda.
At bilang isang bilyonaryo ay pera ang pakikilusin niya.
Desperado na kung desperado ngunit gagawin niya ito makapasok lang sa mundo ng kalaban.
Tumalim ang tingin niya sa kawalan at humigpit ang paghawak sa cellphone.
"Maghintay ka Delavega dahil itataob kita."
Huminga siya ng malalim.
Kailangan na niya ang pangalang Rage Acuesta.
Nang napagod ay iba naman ang kanyang planong gawin.
Tumayo siya at tinawagan ang pinsan.
Naka ilang ring na ngunit hindi pa rin nito sinasagot.
Matiyagang naghintay ang binata.
Alam niyang alam nito kung sino ang tumatawag.
Hindi nagtagal ay may sumagot sa kabilang linya.
"What the fuck do you want?"
Bahagya niyang nailayo ang aparato sa tainga.
Gandang pambungad ng hinayupak.
Tumiim ang kanyang bagang bago sumagot.
"I need you to change my name Hendrix."
"What? Anong kabaliwang-"
"Gusto mong linisin ko ang pangalan ko hindi ba? Ito na ang umpisa.
Tulungan mo akong baguhin ang pangalan ko bago pa malaman ni don Manolo ang tungkol sa akin."
"Ano bang plano mo?" iritado nitong tanong.
Naiintindihan niyang ganito ito makaasta dahil nagulpi niya ito at hindi man lang nakaganti.
"Papasok ako sa organisasyon na pinasukan ng kalaban sa pamamagitan ng bagong katauhan."
"Kalokohan!"
"Kapag hindi mo ako tinulungan pupunta ako diyan at sasabihin ko kay don Manolo ang totoong ako. Karapatan niyang malaman ang nangyari sa akin-"
"Tarantado subukan mo lang!"
"Huwag mo akong takutin at huwag mo akong murahin dahil hindi mo ako kilala!" singhal na niya.
Natahimik naman ito.
"Hindi ko hinihingi ang tulong mo dahil hindi ko kaya. Ayaw ko lang na biglang lumitaw ang bago kong pangalan at magtaka si don Manolo, baka iyon pa ang maging dahilan ng pagkapahamak niya nakuha mo ba ang punto ko ha Hendrix?"
"Putang ina Gian ayusin mo lang! Ayusin mo lang talaga!"
"Ikaw ang umayos dahil ikaw ang nandiyan.
Ayusin mong walang makakaalam na ako 'yon.
Ako ang magsasabi kay don Manolo kung sino ako nagkakaintindihan ba tayo sir?"
"Gagawin ko' to para kay grandpa at hindi para sa'yo tandaan mo 'yan!"
"Ginagawa ko rin 'to para sa kanya."
Saglit itong natahimik.
Maging siya ay natigilan.
Ang totoong dahilan ay ayaw niya ng eskandalo.
Pangalawa ay ayaw niyang mag-alala ang abuelo sa kanya.
Kahit masama ang kanyang loob sa bago nitong pamilya ayaw niyang mag-alala ito sa kanya.
"Ano bang gagawin ko?"
Lihim na napangiti ang binata.
Alam niyang matutulungan siya ni Hendrix sa pinakamabisa at pinakamabilis na paraan.
"Kailangan ko ng bagong pangalan, ng bagong katauhan."
"Anong ipapalit?"
"Rage Marasigan Acuesta. "
"Acuesta? Fuck Acuesta pa talaga!"
Panay ang pagmumura nito ngunit alam niyang tutulungan pa rin siya.
Wala siyang intensyon na masaktan si don Manolo ngunit kapag bigla nitong natuklasan ang tungkol sa bagong lilitaw na pangalan ay tiyak na ikapahamak nito.
Bago na ang kanyang anyo kailangan na lang ng bagong pangalan.
Muli niyang naalala si Ellah.
Ano kaya ang magiging reaksyon nito sa oras na makita siya?
---
Sa loob ng mansyon ng mga Lopez ay heto siya at pabalik-balik ng lakad sa sala.
Papalapit na ang anibersaryo pero wala pa rin siyang maisip na gagawin upang makakuha ng investor.
"Ellah hija, maupo ka nga ako ang nahihilo kakatingin sa'yo."
Binalingan niya nag abuelo.
"Lolo, what do you think may mga investor kaya roon sa club?"
"Ba't mo naman naitanong?" umupo ito sa sofa at tumabi siya.
"Plano kong kumuha ng bagong investor lolo."
Kumunot ang noo ng don.
"Bakit? Kailangan ba natin 'yon?"
"Yes," deretso niyang sagot.
"Kahit isa lang ang importante matino at mapagkakatiwalaan.
Remember sa isa sa mga kinuha ni Mr. Go na investor noon malaking kawalan sa, atin 'yon lolo."
"Kaya nga hindi na tayo kumukuha tapos ngayon sasabihin mo 'yan?"
Hindi na sila, nagtiwala pa, sa iba mula noon.
Ngunit iba ngayon.
"We need it lolo. Aside from financial kailangan natin ng influence, power para mas makilala pa.
Plano ko kasing mag export tayo ng produkto sa ibang bansa kaya kung makakahanap tayo ng investor doon mas maganda.
What do you think?"
"Hm, okay sige. Maganda 'yang plano mong sumubok sa ibang bansa."
"Kasabay no' n, magbubukas tayo ng panibagong produkto lolo, which is iron ore.
In demand sa ibang bansa ang mineral na' yan."
"Iron ore?"
"Yes. Alam ko dati niyo na itong plano wala pa lang hahawak pero makakabuti ng gawin na natin 'yon para mas madagdagan pa ang negosyo natin.
Kapag hindi pumatok ang carbon doon tayo sa isa pa."
"Sabagay tama ka. May area na tayo sa Bayog kailangan lang ng pormal na pagbukas ng negosyo."
Napangiti ang dalaga.
Ganito siya nagbibigay ng ideya sa chairman at iaanunsyo iyon ni don Jaime sa lahat kaya lumalabas na tinutulungan pa rin siya, na kung wala ito ay wala siyang magagawa.
" Kaya kailangan natin ng investor na may koneksyon sa ibang bansa."
"Ibig sabihin pupunta ka sa pagdiriwang para makakuha ng mamumuhunan?"
"Yes lolo."
"Okay sige, pupunta tayo. Tama 'yon para maungusan natin ang kalaban."
Napailing si Ellah.
Hindi na kailangang malaman ng abuelo na kaya niya ito ginagawa ay dahil sa hamon.
Sapat na sa kanya na makita ang mamahaling ngiti ng don sa tuwing napapasaya niya ito.
---
" Wow! Ikaw ba 'yan Gian? " nanlalaki ang mga matang sambit ni mang Isko pagkakita sa kanya.
Nagkakape ito sa labas ng silid na may beranda.
Alanganin naman siyang ngumiti lalo pa at may hindi sila pagkakaunawaan ng anak nito.
Hinaplos niya ang batok. "Bagay ho ba?" tipid na ngiting tanong ng binata.
"Oo naman bagay na bagay. Kape gusto mo?"
Magalang siyang umiling.
"Teka nasaan na nga pala si Isabel?" tanong ni mang Isko.
Umiwas siya ng tingin sa matanda at tumabi rito.
"Nandiyan lang ho siguro. Ano ho bang plano niyo? Saan niyo balak tumira?" pag-iiba niya ng usapan.
Humigop ito ng kape sa maliit na tasa bago siya hinarap.
"Ayaw ko rito sa Ipil Gian, delikado rito malapit lang sa Zamboanga plano ko sana sa Pagadian kaso parang ayaw ng anak ko roon."
"Ho? Bakit ayaw niya?" kumunot ang kanyang noo.
"Hindi ko alam ayaw niya lang daw at malayo roon."
Napailing ang binata.
Parang alam na niya ang dahilan nito.
"Maghahanap tayo ng matitirhan ninyong lahat sa Pagadian."
"Gian napakarami namin! Nahihiya na nga ako sa'yo na karga mo kami ni Isabel ngayon. Kung hindi lang sana sinunog ang lugar namin hindi ito mangyayari."
"Mang Isko, huwag niyo hong isipin ang gastos sagot ko na kayong lahat dahil kasalanan ko rin naman kaya sinunog ang lugar ninyo."
"Gian sa totoo lang parang wala talaga kaming masasandalan sa ngayon hanggat hindi namin nababawi ang lupa namin sa mga Delavega."
"Ayos lang ho. Babawiin natin 'yan."
"Hindi kasi kami taga rito. Taga Cavite kami, pero ang lahat naming kasama ay mga bisaya lang, kami lang ng anak ko ang hindi taga rito."
"Tama na sa Pagadian kayong lahat. Hahanap tayo ng apartment o hindi kaya ay bahay paupahan para sa inyo."
"Gian, sampung may bahay lahat ang nasunugan sa kasamahan namin. Sapat na siguro 'yong makitira muna sila sa bahay ng mga kamag-anak nila."
Umiling siya. "Nasa kanila ho ang desisyon pero kung ako ang masusunod gusto kong magkaroon kayo ng matitirhan."
"Nakakahiya sa' yo Gian."
"Ako ho ang nahihiya sa inyo dahil sa akin nadamay kayo.
Nagpapasalamat ako dahil wala namang nasaktan sa inyo. Kaya sige na ho mang Isko pumayag na ho kayo at baka pumayag na rin ang kasama ninyo."
Huminga ito ng malalim bago siya hinarap.
"Napakabait mo at napakabuti Gian. Kaya napakaswerte ng apo ni don Jaime sa'yo. Wala na yatang kagaya mo."
Tipid siyang ngumiti bago hinawakan ang batok.
"Hindi naman ho, ako ho ang maswerte sa kanya."
Umiling ito bago muling humigop ng kape.
"Kaya hindi ko masisisi kung mahulog ang loob ng anak ko sa'yo Gian."
Biglang kumabog ang dibdib ng binata sa kaba.
Alam ng ama nito ang nararamdaman ng anak.
"Sa totoo lang kung wala ka lang ibang minamahal hindi ako tutol sa nararamdaman ng anak ko sa'yo. Pero alam ko na hindi mo ipagpapalit ang apo ni don Jaime kahit sa anak ko pa."
Napayuko ang binata.
Kung hindi niya mahal si Ellah ay baka magustuhan niya si Isabel.
Mabait ito at matalinong babae.
" Matalino naman dati 'yon. Magaling mag-isip at magdesisyon, pero nang dumating ka hindi na makapagdesisyon ng para sa amin lang.
Naapektuhan na ang mga plano niya dahil sa' yo."
"Mang Isko, hindi ko ho planong masaktan ang anak ninyo pero wala ho akong-"
"Naiintindihan ko hijo at iginagalang ko ang nararamdaman mo. Pihikan ang isang 'yon kaya hindi pa nagkakanobyo pero nagulat ako ng sinabi niyang parang may gusto na siya sa' yo.
Hindi basta umaamin ang batang 'yon sa nagugustuhan niya kaya nagulat ako nang umamin siya sa akin. "
Kinagat ng binata ang ibabang labi dahil hindi na niya alam ang sasabihin.
" Pero huwag kang mag-alala, hindi ko kukunsintihin ang damdamin ng anak ko Gian," ngumiti ito ng tipid. "Makakaasa kang hindi ko hahayaang guluhin ni Isabel ang mga plano natin dahil lang sa walang kwentang bagay."
"Pasensiya na ho mang Isko."
"Wala 'yon. Ano ng plano mo?" pag-iiba nito ng usapan kaya nakahinga siya ng maluwag.
"Naghanap ako ng mga properties sa Pagadian at may nakita na ako. Puntahan natin, kaya lang kailangan ho natin ng abogado pero hindi pa sa ngayon.
No offense meant mang Isko pero hindi pa ho kasi lawyer ang anak ninyo pwede kaya siyang makahanap?"
Ngumiti ang matanda.
"Oo naman, marami namang kaibigan si Isabel na totoong abogado."
"Bukas pupuntahan natin ang mga kumpanyang nakita ko kukumpirmahin natin kung pwedeng bilhin."
Tumango-tango si mang Isko. "Susunod kami sa mga plano mo Gian. Ikaw ng bahala."
"Hangad ko na kapag natapos na ito ay magiging totoong abogado ang anak ninyo mang Isko. Matalino ho si Isabel at madiskarte alam kong balang araw ay matutupad ang mga pangarap ninyo."
"Salamat Gian, napakabuti mo."
"Kapag nabili ko ho ang mga kumpanyang nakita ko ay ipapangalan ko ho lahat sa anak ninyo."
Napanganga ang matanda.
"N-nagbibiro ka ba?"
Umiling siya.
"Kailangan ho dahil hindi pwedeng lumitaw ang pangalan ko sa kahit anong papeles o dokumento.
Hindi pwede ang totoo kong pangalan lalo naman ho ang peke.
Lahat ho ng pagmamay-ari ko ay ipapangalan ko kay Isabel.
Pagdating ng panahong may hihilingin siya ay ibibigay ko ho."
"Gian tama ng makatulong ka sa amin, hindi namin kailangan ng mga bagay na para naman sa'yo.
Papayag akong ipangalan mo sa anak ko pero alam na ba niya ang tungkol dito?"
"Hindi pa ho, kayo ho sana ang pakikiusapan kong magsabi sa kanya."
"Aba'y bakit ako pa? Teka bakit hindi sa,
kamag-anak mo?"
Huminga ng malalim ang binata.
"Wala ho akong makasundo isa man sa kanila.
Hindi rin pwedeng malaman ng abuelo ko ang tungkol dito.
Hindi pa sa ngayon. Mang Isko kayo lang ho ang pinagkakatiwalaan ko sa ngayon. Kailangan ko ho ang tulong ninyo."
"Tay."
Napalingon sila sa nagsalitang si Isabel.
Alanginin itong sumulyap sa kanya.
"O anak, buti nandito ka na plano ni Gian na pumuntang Pagadian bukas may kilala ka bang abogado? Kailangan natin ng-"
"Kayo na lang ho. Masama ang pakiramdam ko."
Natahimik sila at nagkatinginan ng ama nito.
Nabanaag niya ang lungkot sa mga mata ni mang Isko ngunit saglit lang at binalingan ang anak.
"Bakit may masakit ba sa'yo? May lagnat ka?" nilapitan nito ang anak at dinama ng palad ang noo.
"Wala po tay. Kayo na lang ho muna ang sumama dito na lang ako," matamlay na tugon ng babae.
"Isabel anak, tutulungan natin si Gian hindi mo ba-"
"Kaya na niya 'yan."
Tumiim ang kanyang bagang sa narinig.
"Sige ho, magpapahinga na ako," anito ni hindi siya sinulyapan.
"Mang Isko kakausapin ko sana si Isabel pwede ho ba?"
"Oo naman, sige puntahan mo at baka sakaling makumbinsi."
"Salamat ho."
Dumeretso siya sa silid na kinaroroonan ng babae.
Hindi magandang magiging hadlang ang nararamdaman nito sa kanya para sa mga layunin nila.
Pagdating sa pinto ay huminga siya ng malalim bago kumatok ng tatlong beses ngunit walang sumagot.
"Isabel? Isabel buksan mo ang pinto mag-usap tayo," mahinahon niyang wika.
Narinig niya ang mga yabag nitong papalapit bago bumukas ang pinto.
"Anong kailangan mo?" matigas nitong tanong.
"I'm sorry."
Natahimik ito.
"Look Isabel ayaw kitang saktan pero hindi pwede ang na nararamdaman mo sa akin."
Nanatili itong walang imik kaya nalilito na ang binata kung ano ang gagawin.
Yumuko siya at nahimas ang batok.
Hindi siya sanay makisuyo sa isang babae gayong hindi naman niya mahal. Ang sanay siya ay kay Ellah na mahal niya.
"Naiintindihan ko, masakit lang na walang katugon ang nararamdaman ko.
Ano bang meron kay Ellah bukod sa kayamanan niya?"
Hindi siya kumibo.
Hinayaan niyang ilabas nito ang hinanakit sa kanya.
"Noong una hindi ganito ang nararamdaman ko. I swear Gian pinigilan ko. Pero sadyang isa akong malaking tanga at nagustuhan ka," sumilay ang mapait nitong ngiti sa labi.
"Sorry-"
"Shit naman oo! Sorry? Grabe naman 'yan! Nakakaawa na dating ko. Hindi ako sanay sa ganito eh. Hindi ko alam kung paano pigilan ang nararamdaman ko Gian. Ayaw ko nito pero nasasaktan ako. Hindi ako sanay."
Napansin niya ang pagpatak ng luha ng babae.
Mas lalo siyang nalito kung yayakapin ba ito o tatahimik na lang.
Ayaw niyang mag-isip ito ng ibang kahulugan sa bawat kilos niya.
"Isabel..."
"Gian ayaw ko nito. Pero hindi ko alam kung paano alisin eh."
"Hindi ko rin alam kung paano pigilan 'yan. Ayaw kong mag-iwasan tayo dahil maaapektuhan ang plano natin, ang plano ninyo ng ama mo. Sorry kung hindi ko matutugunan ang damdamin mo sa akin."
"Ang dali namang sabihin 'yan sa'yo. Hindi mo kasi naiintindihan ang nararamdaman ko dahil hindi tayo pareho. Ayaw ko nito pero hindi ko mapigilang hindi malungkot, wala akong gana sa lahat.
Sabihin mo ng makapal ang mukha ko at walang hiya pero ang sakit eh. Ang sakit."
Umiling-iling si Isabel kasabay ng pag-iyak nito.
Nahahabag niyang pinagmasdan ang babae.
"Ayaw muna kitang makita," akmang isasara nito ang pinto nang mabilis niyang itinulak kaya hindi nito naisara.
Pumasok siya sa silid nito.
"Tigilan na natin ang plano hindi ko kayang makatrabaho ka. Mag kanya-kanya na tayo."
"Huwag namang ganyan, Isabel please umaasa ang ama mo rito."
"Kaya namin ang sarili namin, kaya mo ang sarili mo. Hindi mo kami kailangan. Bumalik ka na sa mahal mo."
"Isabel-"
"Please lang Gian," iritadong wika nito.
"Hindi," matigas niyang tugon.
Nilingon siya ng babae.
"Nakaplano na ang lahat, sa ayaw at sa gusto mo itutuloy ko ang plano kasama ang ama mo. Huwag kang makasarili hindi 'yan ang nararapat ngayon. Umaasa ang grupo niyo sa' yo at dahil lang sa personal na bagay idadamay mo ang pangarap nila?"
Hindi ito nakakibo.
" Sasama ka bukas, kung ayaw mong magkagulo kayo at sisisihin ka ng mga kasamahan ninyo dahil lang sa pansarili mong dahilan. "
Nang hindi ito nakaimik ay muli siyang nagsalita.
"Kailangan kita Isabel, alam mo 'yan. Kailangan kita sa mga plano natin, sa mga hangarin natin."
Tumalikod ang binata at umasang hindi siya bibiguin ng babae.
Ngunit bago pa man makahakbang palayo ay narinig na niya ang paghagulgol nito.
Hindi na makapag-isip ng maayos ang binata at binalikan ang babae.
Nakasalampak ito sa malamig na sahig.
Tinakbo niya ang distansya nila at kinabig ito saka niyakap.
Humagulgol ito sa kanyang dibdib bago yumapos ng mahigpit sa kanya.
Mariing ipinikit ng binata ang mga mata habang yakap-yakap ang babae.
Ayaw niyang manakit ngunit walang ibang paraan.
Kahit ano at paano pa niya ipaliwanag ang panig niya masasaktan pa rin ang babae.
Umasa na lang siyang bukas ay magbabago ang isipan nito at sasamahan sila.
"Gian, mahal kita," pag-amin nito sa pamamgitan ng mga hikbi.
Marahan siyang kumalas at pinagmasdan ang mukha ng babae.
Marahan niyang pinahid ng palad ang pisngi nitong basa ng luha.
" Mahal din naman kita bilang kaibigan."
Muling naglaglagan ang mga luha nito habang nakatingin ng direkta sa kanya.
"Huwag mong hayaang masira ang mga hangarin natin dahil sa nararamdaman mo sa akin."
Mariin itong umiling.
"Wala akong pakialam sa mga plano, lahat kakalimutan ko magiging akin ka lang."
Napalunok ang binata sa narinig.
Hinawakan niya ang magkabilang braso nito at tinitigan sa mga mata.
"Makinig ka Isabel.
Lahat ibibigay ko sa'yo, lahat! Huwag mo namang hilingin pati ang puso ko dahil hindi ko 'yon magagawa.
Iyon lang ang tanging maibibigay ko sa mahal ko iyon lang," halos magmakaawa siya sa babae maintindihan lang siya nito.
"Wala, wala akong ibang gusto sa' yo kundi ang pagmamahal mo lang..." yumuko ang babae at umiyak ng husto.
Sa pagkakataong ito ay wala siyang ibang ginawa kundi pagmasdan ang babaeng nasasaktan nang dahil sa kanya.
Napagtanto ng binata ang malaking pagkakaiba ni Isabel kay Ellah.
Si Isabel ay nagsasabi ng totoong nararamdaman punto per punto.
Iba si Ellah, hanggat maari ay hindi ito aamin.
Handang iwan ni Isabel ang lahat ng mga hangarin nila para sa damdamin nito.
Samantalang si Ellah ay handang isakrpisyo ang pagmamahal nito sa kanya.
Kung hindi pa niya pinilit, kung hindi pa siya nagmakaawa ay hindi niya makukuha ang pag-ibig nito.
Samantalang si Isabel ay nakahandang ibigay ang pag-ibig nito at ipinagpilitan pa sa kanya.
Mariing napapikit ang binata.
Wala siyang nararamdaman kay Isabel maliban sa awa.
"Isabel, iginagalang ko ang nararamdaman mo sa akin pero sana ay igalang mo rin ang damdamin ko."
Hindi ito sumagot at nanatiling tahimik.
Tumayo siya at marahang naglakad palabas.
Sa pagkakataong ito ay wala na siyang maitutulong pa.
Kinagabihan.
Nakahanda na siyang matulog at nakahiga na sa kama ngunit hindi siya dinalaw ng antok.
Lumabas siya ng silid at magpapahangin muna saglit ngunit nang patungo na siya sa beranda ay may narinig siyang tila nag-uusap.
"Isabel anak, tigilan mo na si Gian, wala kang puwang sa puso niya dahil sa iba."
Naudlot ang kanyang pagpasok at nanatili sa kinaroroonan.
"Hindi kita pinalaki upang maging mang-aagaw lang.
May darating na para sa'yo.
Huwag mong hayaang maapektuhan ng damdamin mo ang trabaho."
"Masakit tay."
"Naiintindihan ko, pero hindi naririto si Gian para sa'yo kundi sa plano. Umpisa pa lang humingi tayo ng tulong kaya hanggang ngayon ay nandirito pa rin siya. Anak pakiusap, tulungan mo pa rin si Gian."
"Tay natatakot akong mas masaktan pa."
"Makakalimutan mo rin siya. Matapang ka anak, matatag."
"Natatakot din ako na baka kapag tumagal malalaman niya ang tungkol sa nangyari noon. Isa rin 'yan sa dahilan kaya dapat matapos na ito."
Kumunot ang kanyang noo sa narinig.
"Hindi na niya malalaman 'yon walong taon na 'yon eh."
"Sana nga. Kasi kung malaman niyang sinadya 'yon katapusan na natin tay."
"Ipanatag mo ang kalooban mo. Wala siyang malalaman."
"Sana nga."
Natigilan ang binata.
May inililihim ba ang mag-ama sa kanya?
Anong meron sa walong taon?
Bakit hindi niya pwedeng malaman?
May kinalaman ba ito sa kanya?
"Kailangan niya ng tulong natin, lalo na sa'yo."
"Bakit ho?"
"Kasi ng sabi niya kapag nakabili siya ng mga ari-arian ay ipapangalan niya lahat sa'yo."
"Kalokohan."
"Kailan ba tayo niloko ni Gian?"
Natahimik ito.
"Isay anak, kailangan niya ng tulong natin. Gagamitin niya lang ang pangalan mo dahil hindi pwede sa kanya."
"Bakit hindi sa kamag-anak niya?"
"Siguro kasi hindi sila magkasundo."
"Papayag ho ako. Wala ho akong hindi gagawin para sa kanya."
Napalunok ang binata.
Oo masaya siya pero nangangamba rin sa nararamdaman ni Isabel para sa kanya.
Sana lang ay hindi ito magiging hadlang sa kanila ni Ellah.
Hindi na yata siya makakapayag na may hahadlang pa.
Napabalik ang binata sa silid nang marinig ang mga yabag ng mag-ama palapit.
Mataman siyang nag-isip sa narinig.
Unang pagdating pa lang niya rito ay narinig na rin niya ang ganoong pag-uusap ng mag-ama.
Nag-aalangan pa ang mga ito sa pagkupkop sa kanya noon.
Malinaw sa kanyang isipan ang sinabi noon ni Isabel sa ama.
"Hindi niya malalaman 'yon. Matagal na 'yon walong taon na.
Ang mahalaga ngayon may panlaban na tayo laban kay Delavega. Siya lang ang tanging makakatulong sa atin laban sa hayop na 'yon!"
Ipinilig ng binata ang ulo.
Kung ano man ang lihim ng mga ito ay igagalang niya hanggat hindi ipinagtapat ng mag-ama.
Hindi naman siguro matinding lihim 'yon.
Marami siyang dapat unahin at naghahabol na siya ng panahon.
Mapagkakatiwalaan naman ang mga ito kahit pa may inililihim.
Siya rin naman ay napakaraming lihim.
Kinalma niya ang sarili hanggang sa makatulog.
Kinabukasan.
Tuloy ang plano ni Gian.
Sumama pa rin si Isabel sa kabila ng nangyari at lihim niyang ipinagpasalamat 'yon.
Nag renta sila ng van sa naturang hotel papuntang Pagadian.
Katabi niya ang driver at nasa likuran ang mag-ama.
Walang imik si Isabel wala rin siya.
"Ano bang uunahin natin Gian?" si mang Isko.
"Bibili ho tayo ng sasakyan."
Tumango ang matanda at tumahimik na.
Iyon ang pinakaunang dapat niyang gawin para may magamit sa mga lakaran.
Tumahimik na ang mga ito.
Siya naman ay ipinikit ang mga mata.
Ngunit hindi naman siya natulog.
Pinag-iisipan niya ang mga hakbang na gagawin mula ngayon hanggang sa sumapit ang araw ng pagdiriwang.
Kumabog ang dibdib niya sa isiping dadalo si don Jaime kasama ang pinakamamahal na kasintahan.
Ngunit mas kumabog ang dibdib niya kung isasama si Vince.
Siguradong hindi niya maipagkakaila rito ang totoong siya kahit pa nagbago siya ng anyo, pangalan at katauhan.
Kilala siya nito. Mula buhok sa ulo hanggang sa kuko ng mga paa.
Malilinlang niya ang iba ngunit hindi ang matalik na kaibigan.
Hindi naman niya matawagan ang don tungkol kay Vince sa hiya.
Nagtatago pa siya at wala pang mukhang ihaharap sa mga ito.
Ipinilig niya ang ulo at nagpasyang matulog.
"Gian, pagkatapos mong makabili ng sasakyan pupuntahan mo na ba ang sinasabi mong kumpanya?"
"Mamayang hapon pa ho 'yon. Maghahanap muna tayo ng matitirhan ninyo."
"Isabel anak, kung sakaling makakakita tayo ng tirahan doon sasama ka ba?"
Tumahimik si Gian at hinintay ang sagot ng babae.
Pinagmasdan niya si Isabel sa rear view mirror.
Nakatingin ito sa labas.
Nilingon nito ang ama at mahinang nagsalita.
"Sasama ba si Gian?"
Hindi nakasagot si mang Isko sa tanong ng anak.
Huminga siya ng malalim.
"Gian sasama ka ba sa amin?" si mang Isko ang nagtanong.
"Hindi ho, maiiwan ako sa Ipil."
Maiintindihan ng mag-ama 'yon dahil alam ng kalaban na sa Pagadian siya nakatira, balwarte din nito ang Zamboanga kaya sa Ipil siya titira.
"Hindi anak, mas mabuti nang nandito siya sa Ipil."
"Siya lang ba mag-isa?" tanong ulit nito.
Naiirita siya dahil hindi siya ang diniderekta nitong tanungin at idinadaan pa sa ama.
Bago pa makasagot si mang Isko ay inunahan na niya.
"Ako lang mag-isa," deretso niyang tugon.
"Narinig mo anak, siya lang mag-isa, sasama ka ba sa akin?"