Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 298 - Pamamanhikan [2]

Chapter 298 - Pamamanhikan [2]

SA LIKOD ng bahay nila ay may sariling manukan si Sergio. Mas tipid kasi kung mag-aalaga siya ng mga manok para may sarili silang supply para sa restaurant. Meron siyang labing limang chicken pens na siya mismo ang gumawa. Bukod pa doon ay may piggery din siya at mga tanim na iba't ibang gulay.

"Oh siguraduhin mong lilinisin mo ng maayos 'yang mga chicken pens, walisin mo ang mga tae nila at pakainin mo silang lahat!"

"Sir yes sir!" with feelings and determination na sagot ni Night habang hawak niya ang walis tingting at dustpan. Dahil mainit sa probinsya kaya nagbuhol na siya ng bimpo sa noo para hindi tumatagktak ang pawis niya.

"Ilipat mo muna yung mga manok dun sa kabilang chicken pens bago mo walisin ang tae nila," utos ni Sergio na tila manager na nagmamando sa restaurant.

Agad sumunod si Night at pumasok sa loob ng unang chicken pen, isa-isa niyang hinuli ang mga manok na makukulit at lumilipad-lipad pa dahil ayaw magpahawak. Ilang beses na siyang nasampal ng mga pakpak nito sa mukha. Halos kumain na siya ng balahibo sa likot ng mga manok.

Matapos ilipat ay sinimulan na niyang walisin ang mga dumi sa loob ng kulungan. Pagkatapos linisin ang lahat ng chicken pens ay nilagyan naman niya ng pagkain ang mga kainan nito.

"Oh mag-tubig ka muna," lumapit si Lexine sa pawisang nobyo at inabutan ito ng baso.

Tinangap ito ni Night. Habang umiinom ay pinupunasan niya ng pawis ang nobyo.

"Bumibilib na pa ang Papang mo?"

Sumulyap si Lexine kay Sergio na prenteng nakaupo sa kawayan na upuan at nagbabasa na naman ng dyaryo.

"Siguro? Nahihirapan ka na ba?"

Ngumisi ito, "Tss, sisiw lang 'to. Kahit utusan niya pa akong huliin ang araw, buwan at bituin para sa'yo gagawin ko."

"Ang korni mo!" natatawang pinunasan ni Lexine ang mukha nito.

"Oo nga, kahit isama na niya ang venus, mercury, mars, jupiter, saturn, uranus, neptune at pluto."

"Ewan ko sa'yo!"

"Gusto mo rin ba ng comets at asteroids?"

"Ayoko! Wala akong gusto sa mga binangit mo!"

Pilyong ngumiti si Night at nilapit ang bibig sa tenga niya, "Eh, abs ko na lang gusto mo?" kinuha nito ang kamay niya at pasimpleng hinagod sa matigas nitong tiyan.

Nanlaki ang mata ni Lexine at mabilis na binawi ang kamay sabay kinurot ito sa kili-kili, "Shh! Tumigil ka nga sa kapilyuhan mo at nandyan lang si Papang sa likuran, nakuuu… malilintakan ka talaga pag narinig ka nyan!"

"Tapos ka na ba dyan sa mga manok?" sigaw ni Sergio na tapos nang magbasa.

"Opo! Tapos na po!" sagot agad ni Night at lumayo kay Lexine.

"Oh, halika dito at may ipapagawa pa ako sa'yo!"

Dinala ni Sergio si Night sa restaurant nila sa bayan. Weekends ngayon kung kaya't marami ang parokyana at mga turista.

"Ang restaurant namin ang pinaka sikat dito sa bayan pagdating sa Bicol Express. Minana ko pa ang recipe na yan sa mga ninuno ko. Itong ulam na ito ang nagpaaral kay Samantha at sa mga kapatid niya. Itong ulam na 'to ang bumili ng mga damit nila at pagkain sa pang-araw-araw," buong pagmamalaki na kwento ni Sergio sa binata pagdating nila sa loob ng mataong kainan.

Palinga-linga si Night sa paligid, "Mukha nga pong patok na patok sa lahat ng Bicol Express niyo. Sigurado ako na masarap kayong magluto."

"Talagang masarap at walang katulad. Halika, pumasok ka dun sa loob at suotin mo na ang uniform para makapagsimula ka na."

Napangang siya sa narinig, "P-po? Simula po saan?"

Umismid ito, "Saan pa ba? Edi magtrabaho dito sa restaurant ko. Bilang gusto mong maging miyembro ng pamilya namin dapat na pagsilbihan mo din ang family business. Magwe-waiter ka dito. Hala! Bilis at sayang ang oras!

Natatarantang sumunod si Night at nagtungo sa employees area upang magbihis ng uniform. Pulang polo, brown slacks at black shoes ang pinasuot sa kanya. Mabilisan siyang binigyan ng briefing ng manager sa mga table numbers at kung paano ang operation sa buong restaurant. Maiging nag-focus si Night at dahil likas na matalino siya kaya mabilis makapag-pick up ng instruction ang utak niya.

Di nagtagal at sinimulan na niyang pagta-trabaho at kumuha ng mga orders ng customer.

"Pst! Waiter! Pa order kami!" sigaw ng isang babae kasama ang mga kolehiyalang kaibigan sa table.

Agad lumapit si Night sa mga ito at nagbigay ng magandang ngiti, "Good afternoon Ma'am, may I now take your orders?" naka-ready na ang papel at ballpen sa kamay niya.

Sabay-sabay na napanganga ang limang babae sa table nang makita ang mukha ng waiter sa harapan nila. Dahil literal na kumikinang ang kagwapuhan nito at parang mas lalo silang nakaramdam ng gutom at malapit na silang mag-laway.

"Pwede ka bang ma-order?" wala sa sariling sagot nito.

Kinikilig na nagtilian ang mga babae sa table. Napangiti si Night sa narinig na lalong nagpalikot ng mga puwetan nila sa upuan.

"Sorry ma'am pero taken na po ako."

"Ayy… sayang naman. Ang swerte-swerte ng girlfriend mo sa'yo."

Mas lalong lumaki ang ngiti ni Night nang maalala si Lexine,"Ako ang swerte sa kanya. I have the most wonderful bride to be. She's not only beautiful physically as well as her heart. She's the most passionate person I know. She's very dedicated in her career and most of all, she deeply loves her family. Kaya ako na talaga ang pinakaswerteng lalaki sa buong mundo kasi minahal niya ako kahit na marami akong pagkakamali at kasalanan," humble na yumuko si Night at napahawak sa batok.

"Awwwwww….." sabay-sabay na napabuntong hininga ang limang babae na sobrang touch na touch sa narinig. May humawak sa puso, may nakapalumbaba at merong teary eyed habang nakatunganga sa kanya.

"Pogi na ang sweet pa!" kinikilig na komento ng babae, "Sige dahil diyan, bigyan mo kami lahat ng meron sa menu niyo."

Tuwang-tuwa si Night sa narinig, "Sure ma'am. Thank you! Please wait for a while," muli siyang nag-iwan ng makalaglag panty na ngiti bago kinuha ang menu at naglakad patungong bar counter para-ipa-punch ang order sa cashier.

Naiwan pa ring nangangarap ng gising ang limang babae sa table.

"Ito na ang favorite restaurant ko sa buong buhay ko. Mukhang araw-araw akong mapapakain dito," muling nabungingisan ang lahat sa table na nag-uumapaw sa kilig.

Samantala, sa isang tabi ay narinig ni Sergio ang mga sinabi ni Night sa mga customer. Tahimik niyang tinatanaw ang binata na sobrang masipag sa pag-aasikaso sa bawat orders ng mga parokyano. Lagi itong nakangiti kahit pa kabilaan ang nagtatawag for assistance.

Unti-unti ay napapangiti siya.