HINDI na nakatiis si Lexine na manatiling nasa labas at walang gagawin. Sinamantala niya ang pagkakataon na magkausap si Elijah, Devorah at Ansell. Agad niyang binuksan ang pinto at bumalik sa loob ng kwarto.
"Lexine!" huli na nang mapansin ni Elijah ang ginawa nito.
Dire-diretsong pumasok si Lexine sa presidential suite at nagigilalas nang makita ang itsura ni Night. Daig pa nito ang malaking gorilya na nagwawala habang paulit-ulit na binabanga ang ulo sa barrier. Hindi alintana ang kuryenteng tumatama sa katawan nito.
"Oh my God, Night…" naiiling niyang bulong sabay napatakip ng kamay sa bibig.
"Raaaaaaaaaaaawrrr!!!"sabay na inangat ni Night ang dalawang braso at tuluyang nasira ang kadena.
Pawis na pawis na si Miyu upang panatiliin ang natitirang kadena sa mga paa ni Night pero hindi nagtagal at ito naman ang sunod nitong sinira. Tuluyang nakawala sa pagkakagapos ang prinsipe ng dilim. Nagilalas si Eros at Miyu.
Muling umalulong si Night at buong lakas na binanga ang barrier atsa pagkakataong ito, tuluyan nang nasira ang harang. Nanigas sa kinatatayuan si Miyu sa labis na takot. Sa isang iglap ay nakatalon na si Night at hawak na siya sa leeg.
"Miyu!!!" hinumpas ni Eros ang kamay at naglabas asul na mahika na tumama sa likuran ni Night.
Pero tila hangin lang ang dumapo sa katawan ni Night at hindi ininda ang sakit. Imbis, nanlisik ang mata nito at unti-unting lumingon kay Eros. Halos mamutla si Eros sa labis na takot. Marami na siyang nakaharap na mga halimaw sa maraming taon ngunit, ang nilalang na nasa harapan niya ngayon ay walang katulad. Napaka-itim ng aura na bumabalot sa buong katawan ni Night. Isang klase ng kapangyarihan na kahit sinong nilalang ay katatakutan.
Isang halimaw na nagmula sa pinakailalim na parte ng mundo, isang binhi na pinagmulan ng kasamaan at kadiliman. Isang bagay na nilikha upang kalabanin ang kabutihan sa bawat puso ng bawat nilalang sa mundo upang hilahin palayo sa paniniwala sa pag-ibig ng Maykapal.
Evilness.
Binitawan ni Night si Miyu at dahan-dahang humakbang palapit kay Eros. Tumakbo palapit si Lexine upang daluhan ang nanghihinang kaibigan.
Napaatras sa takot si Eros at tinaas ang dalawang nagliliwanag na kamay. Hindi niya gustong saktan si Night pero wala na siyang ibang choice kung hindi ipagtangol ang mga kaibigan.
Sunod-sunod na nagtapon ng asul na mahika si Eros na tumama sa magkabilang balikat ni Night pero tila hangin na dumaplis lang ang mga iyon at hindi natinag ang halimaw. Mabibigat ang mga yabag ni Night habang parang bato sa tigas ang katawan at patuloy na lumalapit sa kanya.
Nalukot ang mukha ni Eros, masyadong malakas si Night at wala siyang laban. Hindi pa rin siya tumigil at mas binilisan ang pagtapon ng mga atake sa demonyo ngunit, mas bumilis ang mga hakbang ni Night hanggang sa nakatayo na ito sa kanyang harapan. Nanginginig ang mga tuhod ni Eros sa takot.
"N-night…"
Tumaas ang sulok ng bibig ni Night habang nakatingin ang puro itim nitong mga mata sa kanya, mga mata ng halimaw na walang katiting na awa. Sa mga sandaling ito walang ibang tumatakbo sa utak ni Night kung hindi ang nakakatakot na boses na umiikot sa isipan niya at siyang yumayakap sa kanyang buong katauhan.
KILL HIM! KILL HIM! KILL HIM!
In one swift move, dinakma ni Night ang leeg ni Eros at binuhat na parang basahan. Pinalabas ni Night si Gula at handa na itong saksakin.
Tinagilid ni Night ang mukha at ngumisi, "Are you ready to face your death?"
Napailing si Eros at pilit na nagsalita, "N-night h-huwag…"
KILL HIM NIGHT!!! KILL!!!
Tinaas ni Night ang espada at tinutok ang patalim sa dibdib ni Eros nang isang malakas na pwersa ang tumalon sa kanya at lumipad sila patungo sa kabilang panig ng silid.
Nakaibabaw si Elijah kay Night, namumula ang mga mata at nakalitaw ang mga pangil habang sinasakal si Night.
"Night! Tumigil ka na!"
Pero walang naririnig si Night kung hindi ang boses ng demonyo na patuloy na bumubulong sa kanya.
KILL ALL OF THEM!
Nanlisik ang itim na mga mata ni Night at sinapak nang malakas si Elijah, tumilapon ito at bumanga sa dingding at diretsong lumusot sa kabilang kwarto.
Muling bumangon si Night na handa na ulit kumitil. Lumingon ang ulo niya na agad naghanap kung sino ang pinakamalapit na pwede niyang saktan. Natagpuan niya si Devorah na napako sa kinatatayuan at nanginginig sa sobrang takot. Hindi makalapit si Eros sa kanya dahil nanghihina ito at pinipilit na gumapang.
"D-devorah… r-run… run!"
Pero tila naging estatwa si Devorah at hindi maigalaw ang mga paa.
KILL HER!!!
Ngumiti ang demonyo kay Devorah. Tinaas ni Night ang nagliliwanag na kamay at isang invisible force ang bumuhat kay Devorah, lumutang ito mula sa sahig habang naninikip ang dibdib hindi siya makahinga.
Isang malakas na sigaw ang sunod na narinig ni Night sa kanyang kaliwa ngunit, huli na ang lahat nang lumingon siya. Nakalapit na sa kanya si Cael na sumanib sa katawan ni Ansell at hinumpas ang dyamanteng espada sabay tinamaan siya sa braso. Tumulo ang dugo niya sa sahig.
Nahulog si Devorah at umubo sa labis na kakulangan sa hangin. Namumula ang buong mukha at umiiyak.
"Tagasundo! Itigil mo na ito!" pumuwesto si Cael hawak ang espada na nakatutok sa demonyo.
Umismid si Night "It's good to see you again little birdie!" hinanda niya ang espadang binabalot ng asul na apoy at walang pag-aalinlangang sinugod ang anghel.
Nag-krus ang espada nilang dalawa at nakipagtagisan nang lakas si Cael. Labis na nagigimbal si Cael sa nakikitang itsura ni Night, "I am always waiting for the day that I can finally kill you. This is my lucky night."
Ngumiti si Night sabay tinulak ang espada at napaatras si Cael. Mabilis na umatake si Night at hinumpas si Gula, lumabas ang asul na apoy mula doon at tumama kay Cael pero sinanga ng huli ang atake niya sa pamamagitan ng espada. Tumalsik ang apoy sa kabilang panig ng kwarto. Nagsimula ito ng sunog.
Mabilis na kumalat ang apoy sa paligid at lalong nabahala ang lahat.