SOBRANG SUCCESSFUL ng kanilang show. Bakas sa mukha ng mga manunuod ang tuwa at aliw sa nakitang galing ng labing dalawang ballet dancers ng Primera Belle Philippines. Sa backstage ay excited na nag-picture taking ang lahat at nagkanya-kanyang post sa social media accounts. Samantala, si Ms. Garcia naman ay panay ang papuri sa kanila habang sinasabi kung gaano ito ka-proud sa buong grupo.
Nagpaalam si Lexine na magtutungo ng comfort room. Sinuot niya ang maong na jacket pangpatong sa kanyang leotards at tutu skirt. Tapos na'ng sayaw nila pero ang kabog sa dibdib niya ay mas lalong tumitindi. Ngayon gabi ang kabilugan ng buwan at ngayong gabi niya rin isusuko ang sarili sa mga kalaban.
Agad siyang naghilamos ng mukha nang makarating sa restroom. Walang ibang tao doon maliban sa kanya. Ilang beses siyang huminga nang malalim habang pinagmamasdan ang namumutlang repleksyon sa harap ng salamin.
Hindi siya dapat matakot. Lalaban siya sa abot ng makakaya niya. Gagawin niya ito para iligtas si Alejandro at para tapusin na'ng gulong ito. Para sa ikatatahimik ng lahat ng mga taong pino-protektahan niya.
"Lexine, you are more than what you think you are," taimtim niyang sinambit sa harap ng salamin. Mukhang hindi lang isang beses na kailangan niyang i-recite ang mantra ngayong gabi.
Bigla ang pagbaba ng temperatura sa paligid. Munting nang mapatalon si Lexine nang magpatay-sindi ang mga ilaw ng bumbilya. Sabay-sabay na nagbukas-sara ang bawat pinto ng mga cubicle habang nagpa-flush ang mga toilet. Kusa rin bumukas ang mga gripo sa lababo at umingay ang tunog ng hand-blower sa gilid. Nilamon ng lamig ang buong sistema ni Lexine.
"What's h-happening?"
Hindi mapakali ang kanyang mga mata sa lahat ng nangyayari sa paligid. Tumirik ang balahibo niya nang maaanig mula sa repleksyon ng salamin ang isang maliit at itim na bulto na unti-unting lumalapit sa kanya mula sa kabilang sulok ng restroom. Panay ang taas-baba ng dibdib niya. Agad siyang tumakbo palabas, pinihit niya ang door knob pero ayaw bumukas ng pinto. Pinagbabayo ni Lexine ang pintuan at sumigaw ng tulong.
"Help! I'm stucked here! Help!"
Natataranta niyang kinapa ang bulsa, wala roon ang cellphone niya! Shit! Naiwan niya sa bag! May nakapa siyang malambot na bagay. Pagtingin niya sa kamay ay naroon ang puting balahibo.
Mas bumilis ang pagpantay-sindi ng ilaw at malakas siyang tumili nang sabay-sabay na pumutok ang mga bumbilya sa kisame. Nasundan `yon ng tunog ng short-circuit. Napatakip siya sa magkabilang tenga. Nararamdaman niyang nakatayo na'ng bulto sa kanyang likuran.
"Alexine . ."
Isang napakalamig na bulong ang narinig niya. Naiiyak na siya sa takot.
"Alexine..."
Napapikit siya nang mariin. Ito na ba ang katapusan niya?
`Di nagtagal at tumigil ang lahat ng nangyayari. Mahabang katahimikan ang lumamon sa paligid. Wala na siyang ibang naririnig maliban sa nagwawalang tibok ng kanyang dibdib.
Nakiramdam muna si Lexine bago hinugot ang lahat ng lakas loob at dahan-dahang dinilat ang mga mata. Bumalik na sa dati ang lahat. Maging ang mga ilaw ay umayos na rin na tila walang nangyari. Unti-unti siyang nakahinga nang maluwag. Unti-unti siyang lumingon sa likuran. Walang tao roon kundi siya lang. Kumpleto maging ang mga bumbilya sa kisame. Sarado ang lahat ng pinto sa cubicle at tuyo ang lababo. Ano'ng nangyari? Nag-hallucinate lang ba siya?
"`Wag ka nga praning, Lexine." Bumuntong-hininga siya at pumihit uli paharap sa pintuan, agad siyang natigilan. Isang maliit na bulto na natagpuan niyang nakaharang sa tapat niyon. "Amethyst! What are you doing here?"
Tumitig lang sa kanya ang dilaw nitong mga mata. Kumabog ang dibdib niya. Bakit nandito ang pusa? Dahan-dahan niya itong nilapitan habang nakalahad ang dalawa niyang palad. Nang makarating siya rito ay agad siyang umupo. "Come here, Amethyst."
Ngumiti ang pusa sa kanya.
"Kamusta ka, Alexine?"
***
NAPATAKIP NG BIBIG si Lexine habang namimilog ang mga mata. Hindi siya makapaniwala sa narinig niya. Hindi sa katotohanang nagsasalita si Amethyst kundi dahil sa pamilyar na boses na nangagaling mula rito. "M-madame Winona?"
Muling ngumiti ang itim na pusa at mas lalong tumirik ang mga balahibo niya sa katawan. "Ako nga `to, Alexine."
"Y-you're alive!"
Binalot ng liwanag ang maliit na katawan ni Amethyst. Humakbang siya paatras. Tinakpan niya ang mukha gamit ang braso. Nalusaw ang nakasisilaw na liwanag at sa likod niyon nakatayo ang bulto ng isang babae. "Alexine." Nakangiting nilahad nito ang dalawang braso.
Agad niya itong tinalon ng yakap. "Thank, God you're okay, Madame Winona!"
Napakasarap sa pakiramdam ng mainit nitong mga bisig. Ang buong akala niya ay napahamak na ito. She sighed heavily as she clutched her tighter. Mahinang tumawa ang ginang bago siya nito pinakawalan at masuyong hinaplos ang kanyang pisngi.
"I'm sorry anak kung kinailangan kong magtago sa katawan ni Amethyst. Tinutugis ako ng mga kalaban kaya kailangan ko silang paniwalain na wala na `ko," paliwanag nito.
"I understand, Madame." She smiled. Ang mahalaga ay ligtas ito. Saglit silang nagtitigan nang bigla siyang may naalala. Kumunot ang noo niya. "Pero bakit `di niyo po sinabi sa `kin ang totoo nung unang beses akong nagpunta sa bahay niyo?"
Matipid na ngumiti ang ginang. Noon pa man ay magaan na'ng loob ni Lexine sa manghuhula. Hindi na siya magtataka dahil isa pala itong matalik na kaibigan ng kanyang ina at ang babaeng ito ang isa sa mga pumu-protekta at lumalaban para sa kanya.
Humugot ng mabigat na hininga si Winona bago ito nagsalita. Her chinita eyes never left her face. "Una pa lang kitang nakita sa pintuan ko nakilala na agad kita. Kamukhang-kamukha mo si Leonna." Lumambot ang mga mata nito.
Tumalon ang dibdib ni Lexine. Marami siyang gustong itanong tungkol sa kanyang mga magulang at si Winona lang ang makakasagot nito.
"Gusto kitang protektahan anak kaya hindi ko muna ipinagtapat sa `yo ang lahat. Matapos ang gabi kung kailan sumabog ang sinasakyan ni Leonna at Andrew, binigyan kita ng mas matibay na proteksyon nang sa ganoon ay `di malaman ng mga kalaban na buhay ka pa at isipin nilang kasama kang namatay sa pagsabog. Lumapit sa `kin si Ithurielle, sugatan siya at malubha ang kalagayan. Sinumpa siya ng makapangyarihang demonyo at para mailigtas ang Tagabantay na anghel ay kinulong ko siya sa loob ng kwintas. Sa gano'ng paraan ay mapu-protektahan siya ng mahika na nakapaloob sa gintong alahas.
"Binalik kita kay Alejandro, sinabi ko na iniwan ka sa `kin ni Leonna bago sila nagtungo ni Andrew sa Hongkong. Ibang bata ang napagkamalan na bangkay mo. Namuhay ka ng tahimik at masaya sa lumipas na mga taon. Pero dahil sa isang malakas na kapangyarihan na ginawad sa `yo ng Tagasundo, nasira ang proteksyon ng mahika ko. Ang sumpa ng halik na binigay niya sa `yo ang bumago ng lahat. Ngayon, nakarating sa mga kalaban na buhay ka pa kaya ka nila ulit tinutugis. Hinding-hindi sila titigil hangga't hindi ka nila nakukuha anak. Nasa panganib ang buhay mo.���
Niyakap ni Lexine ang sarili na para bang kaya siyang protekahan ng mga braso niya sa panganib na nag-aabang sa kanya. Subalit marami pa siyang mga tanong lalo na tungkol sa mga magulang.
"Pero meron ho 'kong hindi naiintidihan. Kung totoong anak ako ng isang Arkanghel na si Daniel. Paano nagkaroon ng ugnayan si Mommy sa kanya? Ang sabi sa `kin ni Cael, mahigpit na pinagbabawal ng banal na kautusan na makipag-ugnayan ang mga anghel sa mortal sa lupa. Kaya paano nangyari `yon?"
Kinuha nito ang dalawa niyang kamay at pinisil iyon. "Pinangako ko sa mommy mo na gagawin ko ang lahat para protektahan ka at `di ko siya bibiguin. Dumating na ang tamang panahon para malaman mo ang lahat."
Hinanda ni Lexine ang sarili. Sa lahat ng mga nalaman niya sa lumipas na araw, sa palagay niya ay matibay na ang puso niya para sa mga susunod pang rebelasyon.
Humugot ang ginang nang malalim na hangin at binitawan ang kamay niya. Naglakad ito palayo at tumingala sa kawalan na para bang inaalala ang nakaraan.
"Bata pa lang kami ay lumabas na'ng espesyal na katangian ni Leonna. Nakakakita siya ng mga bagay sa mundo na hindi nakikita ng ordinaryong mga mata. Noon pa man ay nakikita at nakakausap na niya si Ithurielle, ang kanyang Tagabantay. Sabay kaming lumaki, parang kapatid na ang turing namin sa isa't-isa. Hanggang isang araw, sinabi ni Leonna sa `kin na umiibig na siya. Ang akala ko nga noon sinagot na niya si Andrew. Pero nagulat ako nang pinagtapat niya sa `kin na isang Arkanghel ang lalaking minamahal niya.
"Unang beses pa lang na nasilayan ni Daniel si Leonna, umibig na agad `to sa `yong ina. Nagsimula ang lahat noong nagtungo kami sa Bacolod para mag-attend ng kasal ng isang kaibigan. Habang abala ang lahat sa party, naglakad-lakad si Leonna sa paligid. Doon niya natagpuan si Daniel na tahimik na nagmamasid."