PAGSULAT
I.
Mga damdamin kong nais ipahayag
Sa pagsulat ko ilalahad
Pero bago muna mabuo ang isang katha
Mayroon muna itong panimula
Kung saan masusi ko itong ihahayag mula sa umpisa
Kabilang na rito ang araw na una tayong nagkita at nagkakilala
At inakala ko pa nga na hanggang sa dulo ikaw pa rin ang makakasama
II.
Kung aking uumpisahan
Ang paglalarawan
Mag-uumpisa ako sa ngiti mong bumihag sa aking puso at tumatak sa aking isipan
Sa labing mamula-mula na dumadampi
Sa naghihintay ko na labi
Sa mga matang nakatitig na may kahalong paglalambing
Sa tuwing ikaw ay kapiling
At nagpapabilis sa pintig ng puso ko
At umaagaw sa buong atensiyon ko
Sa mga oras na ako ay naninimdim
Ikaw ang nagsisilbing
Liwanag ko
At tumatayong superhero ko
Sa tuwing naglalapat ang ating mga katawan
O ginagawa ang isang ritwal na karaniwan sa magkasintahan
Tila mala-apoy itong nagbabaga
At ang ating mga puso, isipan at kaluluwa
Kapag nagsanib puwersa
Walang kahit sinong puwedeng gumiba
III.
Iyon ang akala ko
Inakala ko na kahit hanggang sa wakas ng mundo
Ikaw pa rin ang makakasama ko
At sa kabilang buhay ay muling magtatagpo tayo
Ngunit nagkamali ako
Maling-mali ako
IV.
Abstract ka nga pala
Kakaiba sa una at may dating pa nga ang bawat kataga
Mga katagang binibitawan mo
Kapag ako ay kasama o kaharap mo
Napaniwala mo nga ako
Sa mga pangakong sabi nga ng iba ay madalas mapako
V.
Kung alam ko lamang
Ang ating kahahantungan
Sana man lamang ay aking napaghandaan o iniwasan
Mapagbiro kasi ang tadhana
At isa ako sa mga nabiktima
VI.
Katulad ng mga nababasa ko sa nobela
Hindi lahat nang naging pagtatapos ay masaya
At kabilang ako roon na sa halip na happy ending
Ngunit hindi, sapagkat sad ang ending
VII.
Ganoon ang tadhana
Para rin itong pre-writing kapag nag-uumpisa
Ginagamitan ito ng malawak mong imahinasyon kapag gumagawa ng draft
At dahil ikaw nga ang tagapagsulat
Ikaw ang mastermind sa lahat
VIII.
Parang ako
Kung ako ay makatatagpo ng pang-Forever ko
Mayroon akong Ideal Man na nais makatagpo
Natagpuan nga kita
Ngunit ang akala ko ay pangmatagalan na kita
IX.
Parang sa kuwentong isinusulat
Nakaplano na ang lahat nang magaganap
Ngunit ang buhay ay kagaya rin nang pagsusulat
Dahil ikaw ay para rin ang karakter mo
Sa kuwentong isinulat mo
Kahit hindi mo gusto ang mangyayari sa iyo
Wala kang magagawa kung ito ang nakasulat sa kapalaran mo
X.
Pero sabi nga nila
May pangalawang pagkakataon ang bawat isa
Kung sa pagsusulat puwede ang pag-edit sa iyong nobela o katha
Ganoon din sa buhay, puwede pa rin maging maayos ang lahat o maging tama
At dahil pangalawang pagkakataon ko na
Panahon na siguro para buhay ko ay irebisa