PANGARAP
I.
Ang bawat isang tao
Mayroong pinapangarap na nais matamo
Mga pangarap na nagmula sa puso
O kaya kung minsan ay may ibang nagdidikta nito
II.
Ang sabi ng iba, "Hindi naman masama ang mangarap."
Lalo na kung pursigido kang ito ay matupad
Ngunit kung minsan parang ang hirap din nitong malasap
Sapagkat mga balakid ay iyo munang makakaharap
III.
Pero minsan kahit naabot mo na
Ang mga pangarap na iyong ninanasa
Ngunit ang puso mo ay tila may nagkukubli pa rin pangungulila
At hindi mawari kung bakit ito ay nadarama?
IV.
Bakit nga ba parang mayroon pa rin kulang?
Bakit minsan kung kailan nakamit mo naman ang pangarap na inaasam-asam?
Tila hindi pa rin nakukuntento
Palaging may hinahanap itong puso
V.
Sapat na nga bang ang mga pangarap mo ay makamtan?
Upang masabing ikaw ay nasisiyahan
O baka naman ikaw ay may nakaliligtaan?
Na mas importante pala at dapat mas pahalagahan
VI.
Kagaya ng mga masasayang alaala
Habang kasama mo pa
Ang mga taong umalalay sa iyo
Noong nagsisimula ka pa lamang bumuo ng mga pangarap mo
VII.
Hindi naman masama
Ang tuparin ang mga pangarap na ninanasa
Ngunit huwag sanang kalilimutan
Kahit makarating ka na sa iyong nais puntahan
VIII.
Lumingon ka pa rin sa pinagmulan o pinanggalingan mo
At magpasalamat sa mga taong naging bahagi ng buhay mo
Habang tinutupad ang mga pangarap mo
Lalo higit ay magpasalamat sa Maykapal na lumikha sa iyo
IX.
Sapagkat siya ang nagbigay sa iyo ng kakayahan o talento
Upang matupad ang mga pangarap mo
Gumagabay sa iyo
Kahit kung minsan ay nais mo nang sumuko