"Nilagay ko yung card ko sa bulsa ni Little Red Bean. Kapag pagod o
nalulungkot ka sa ibang bansa, tawagan mo lang ako anytime. Iuuwi kita dito."
Ito ang mga salitang sinabi ni Xu Jiamu kay Song Xiangsi habang nasa CR sila
ng Aroma Garden food stall…
Sa totoo lang, nakalimutan niya na ang tungkol sa business card dahil simula
noong umuwi siya sa America, pinangako niya sa sarili niyang iiwanan niya na
sa China ang lahat ng nangyari. Pero siguro noong nakita ito ni Little Red Bean
sa bulsa nito, akala siguro ng anak niya, laruan ito kaya ngayon, medyo sira-
sira na ang mga kanto nito.
Biglang natulala si Song Xiangsi sa business card. Sa totoo lang…. Gusto niya
na talagang magbagong buhay, pero bakit ba sa tuwing susubukan niya, lagi
nalang siyang nakakakita ng mga bagay na konektado kay Xu Jiamu….
Pagkalipas ng halos isang oras, bigla siyang tumayo at inilapag ang business
card sa coffee table at nagpatuloy sa paglilinis ng mga laruan ni Little Red
Bean. Nang maayos niya na ang buong sala, sinadya niyang maghanap ng
gagawin para makalimutan niya ang mga iniisip niya, kaya kumuha siya ng
basahan at nilampaso ang sahig.
Binuhos niya ang buong lakas niya sa paglalampaso kaya wala pa man din
siya sa kalahati ay pagod na pagod na siya.
Hindi niya sigurado kung dahil ba hindi niya lang napiga ng maayos ang
basahan o ano, pero sobrang nabasa niya ang sahig, kaya pagkatayo niya,
para sana banlawan ulit ang basahan, bigla siyang nadulas at tumama ang ulo
niya sa coffee table. Dahil dito, hindi niya napigilang umiyak sa sobrang sakit.
Ilang minuto rin siyang nakahiga sa sahig bago siya dahan-dahang bumangon.
Pagkaupo niya, nakita niyang nagdudugo ang braso at siko niya, pati ang ulo
niya na tumama ay sobrang sakit din.
Simula pagkabata, sobrang dami niya ng hirap na pinagdaanan, pisikal man o
emosyunal. At kumpara sa mga 'yun, walang wala ang sakit na natamo niya
ngayon, pero sa hindi malamamang kadahilanan, bigla siyang naawa sa sarili
niya kaya hindi niya mapigilang umiyak.
Habang umiiyak siya, lalo lang niyang nararamdaman, hindi ang sakit, kundi
ang lungkot. Tandang-tanda niya ang hirap niya noong pinagbubuntis niya
palang si Little Red Bean. Labindalawang oras siyang nag'labor, at noong
akala niyang mamatay na siya sa sobrang sakit, narinig niya ang iyak nito, at
nang sandaling ipakita sakanya ng nurse, parang nawala ang lahat ng sakit,
kaya ngayon hindi maisip kung anong mangyayari sakanya kung talagang
pinalaglag niya si Little Red Bean.
Tiniis niya ang lahat… Noong unang buwan ni Little Red Bean, wala siyang
katuwang, at dahil 'yun ang unang beses niyang mag'alaga ng baby, nangapa
talaga siya ng sobra kaya halos isang buwan siyang walang tulog. Nakakatawa
nga eh… kadalasan tumataba ang mga buntis, pero siya? Bumagsak ang
timbang niya ng halos limang kilo…
Habang lumalaki si Little Red Bean, sobrang pasalamat niya na hindi ito
malikot at masunurin sakanya, pero kahit na ganun, hirap na hirap pa rin
siyang maging isang single mom.
Pero bukod sa sarili niya, sino pa bang maasahan niya?
Kaya ngayon kahit gaano pa kalala ang pagkakaumpog niya o kahit gaano pa
kalaki ang mga sugat niya, wala namang magtatanong sakanya kung kamusta
siya, kaya kagaya ng ginagawa niya mula pagkabata, kikimkimin niya nalang
lahat ng ito.
Minsan, gusto niya nalang talagang umiyak….
Mangiyak-ngiyak na pinilit ni Song Xiangsi na tumayo at sa tulong ng coffee
table, tumanday siya rito para makaupo sa sofa. Paano niya makakalimutan
ang business card? Pumwesto siya sa tapat mismo ng pinaglapagan nito, at
muli, napatitig siya dito. Maging siya ay hindi niya maintindihan kung ano ba
talaga ang gusto niyang mangyari, pero pagkalipas ng mahigit sampung
minuto, hindi niya na natiis at bigla niya itong kinuha.
Kagaya ng sinabi nito sakanya noong huling beses silang nagusap, hindi pa rin
nagpapalit ang number nito… Parehong-pareho sa eleven digits na
natatandaan niya.
Habang tinititigan niya ang number ni Xu Jiamu, parang nagre'replay sa isip
niya ang mga ginawa nito para sakanya at sa papa niya, at ang mga sinabi
sakanya ni Yang Sisi noong gabi bago siya bumalik sa America, at hanggang
ngayon…ginugulo pa rin ng mga ito ang puso niya.