Pero ngayon, nagising na siya sa katotohanan…Mula pagkabata, wala siyang
ibang ginawa kundi mahalin ang taong nagbigay sakanya ng buhay pero
nagbago ang lahat simula noong magising siya sa pagkacomatose…Doon niya
nakita ang tunay nitong kulay at noong nalaman niya ang kapasidad nitong
manakit ng ibang tao, hindi siya makapaniwala kaya pinili niyang umiwas muna
siya hindi dahil galit o nagtatampo siya rito, kundi dahil gusto niya itong bigyan
ng pagkakataon na magisip-isip habang magkalayo sila… Pero mukhang
masyadong mababaw ang pagkakakilala niya sa babaeng tinatawag niyang
'mama' dahil base sa mga ginagawa nito, mukhang wala naman itong
intensyong magbago at habang patagal ng patagal, palala rin ng palala ang
mga naiisip nitong gawin, lalo na noong plinano nitong patayin ang taong
minsan na rin nilang itinuring na pamilya.
Walang buhay siyang sumandal sa bakod at para siyang biglang namanhid na
hindi niya naramdaman ang mga tinik ng rosas na tumusok sa kanyang leeg.
Kanina… may isang taong nagplano na saktan si Qiao Qiao habang dinudumog
ito ng mga reporters.
Kanina…may isang taong nagplano na sadyaing ilaglag ang camera…isang
napaka bigat na camera na kung hindi siya umiwas ay siguradong babaldado
sa kaibigan niya…
Kung hindi pala siya umuwi sa Mian Xiu Garden kagabi at lumabas para
manigarilyo sa balcony kanina, hindi niya malalaman na kinukuyog si Qiao
Qiao ng mga reporters at malamang, nagaagaw buhay na ito ngayon sa
ospital, kagaya ng nangyari dito noong nakaraang Chinese Valentine's day.
Aksidente…May mga bagay na mukhang aksidente, pero sa totoo lang, may
isa palang napakasamang tao na punong puno ng galit puso ang gustong
maghiganti, kahit pa ang ibig sabihin nito ay kamatayan ng iba.
Sa sobrang lalim ng iniisip ni Xu Jiamu, hindi niya na namalayan kung gaano
na siya katagal na nakatulala hanggang sa may naramdaman siyang humihila
sa manggas ng kanyang damit kaya bigla siyang nahimasmasan at dali-daling
yumuko. Hindi niya inaasahan na isang batang lalaki na may edad lima
hanggang anim na taon na may hawak na isang tumpok ng pera ang
inosenteng nakatingin sakanya, "Kuya? Pera mo ba 'to? Ito oh! Pinulot ko na
para sayo."
Hinimas niya ang ulo ng bata at nagpasalamat pero imbes na kunin ang pinulot
nitong pera, iniwan niya ito at dumiretso siya sakanyang sasakyan.
Pagkapasok niya, nakita niya na lumapit ang bata sa isang umiiyak na batang
lalaki na halos kaedad lang din nito. "Kuya, tignan mo! May napulot akong
pera, ito yung sayo oh!"
Hindi niya inaasahan na ganun ang sunod niyang makikita…Hindi niya alam
kung bakit pero pakiramdam niya ay parang sinaksak ng madiin ang kanyang
puso… Masyado ng mabigat ang mga nangyari ngayong araw at habang
tinitignan niya ang eksena sa harapan niya, lalo lang siyang nalulungkot kaya
bigla niyang inapakan ang accelerator pero imbes na huminto sa tapat ng
bahay nila, kagaya ng una niyang plano, walang pagdadalawang isip siyang
humarurot ng takbo palayo.
Habang nagmamaneho, para siyang bumalik sa nakaraan at naalala niya
noong nakapulot siya dati ng wallet. Hindi niya ito binigay sa teacher niya o
kahit sa pulis, at kagaya ng ginawa ng batang lalaki, masaya niya itong binigay
sa kapatid niyang si Lu Jinnian.
Tinanong siya nito kung saan niya napulot ang wallet kaya sabay silang
bumalik kung saan niya ito nakita. Tandang-tanda niya na naghintay sila
hanggang magdilim para lang maibalik nila ito sa may-ari.
Hindi sila magkapareho ni Lu Jinnian… Lumaki siyang nakukuha ang lahat ng
gusto niya kaya hindi siya sanay na mahirapan. Noong araw na 'yun, gutom na
gutom na siya at ayaw niya ng maglakad kaya para makauwi, binuhat siya ng
kapatid niya hanggang sa makasakay sila ng bus.
-
Dumiretso si Xu Jiamu sa Su Yuan Apartments.
Naabutan niyang nanunuod ng TV si Song Xiangsi kaya pagkabukas niya ng
pintuan, sumalubong sakanya ang boses ng kumakang artista mula sa
pinapanuod nito.
Kabisado ni Song Xiangsi si Xu Jiamu kaya alam niyang hindi maganda ang
naging araw nito, pero hindi kagaya ng ginagawa niya noon, hindi siya
nagtanong kung anong nangyari at dumiretso lang siya sa pintuan para bigyan
ito ng tsinelas.
Pagkapasok ni Xu Jiamu, dali-dali niya itong ikinuha ng tubig. Sumilip siya sa
bintana at nang mapansin niyang madilim na, tinanong niya ito, "Kumain ka
na?"
Umiling si Xu Jiamu at humigop ng konting tubig bago nito ibalik sakanya ang
baso. Ilang araw palang simula noong nagkaayos sila kaya hindi naman siya
umaasa na magkwekwento ito kaya balak niya sanang hayaan nalang muna
itong magpahinga pero bigla nitong itinuro ang kwarto, na alam niyang may
ibig sabihin, at naglakad papasok dito.
Hindi niya alam kung anong nangyari pero sa tagal nilang nagsama, kabisado
niya na ang ugali nito kaya matapos ang ilang sandaling pagdadalawang isip,
inilapag niya ang basong hawak niya at sinundan ito sa kwarto.
Hindi niya makakalimutan ang araw na nalaman niyang wala pala itong balak
na magpakasal sakanya… Sobrang sama ng loob niya noon kaya hiniwalayan
at iniwasan niya ito…pero kahit gaano pa kabuo ang desisyon niya, pagdating
kay Xu Jiamu, handa niyang kalimutan ang lahat…