Naiinis na itinikom ng assistant ang kanyang bibig.
Nawawalan rin naman siya ng pasensya no… Ayaw mo talagang marinig Mr.
Lu? Sige, bahala ka! Ayoko na ring sabihin sayo. Sa bagay, ikaw rin naman
ang mamomroblema sa huli at hindi ako.
Kahit na ang tapang tapang niya sa isip niya, hindi pa rin maitatago ng
reaksyon niya na napahiya siya.
Ang ganda ganda ng intensyon niya, pero walang kahit kapiranggot na utang
na loob si Lu Jinnian!
Habang hindi mapakali ang assistant, abala naman si Lu Jinnian sa pagkalikot
ng kanyang WeChat. Hinanap niya ang post ni Zhao Meng sa friends' circle at
nilike ang pinaka bago nitong post!
Mmm… sa wakas, napanatag na siya…
-
Matatapang ang mga babae pero bigla silang tumitiklop kapag ang lalaking
mahal na nila ang pinaguusapan.
Kagaya nga ng sinabi ni Zhao Meng, 'ang mga babae, mahilig talaga yang
magpalambing sa mga lalaki, samantalang ang mga lalaki naman ay gustong-
gusto kapag nagpapasuyo ang mga babae'.
Pito o walong beses ng binabaan ni Qiao Anhao si Lu Jinnian. Hindi niya
naman itinatanggi na pinagbuhusan niya ito ng galit, pero ngayong kalmado
na siya, gusto niya sanang sagutin na ang sunod nitong tawag.
Pero… hindi niya naman alam na hindi pala ulit tatawag si Lu Jinnian…
Habang patagal ng patagal siyang naghihintay, lalo lang siyang naiirita dahil
kahit paulit-ulit niya pang sabihin sa sarili niya na tama lang na binabaan niya
si Lu Jinnian ay binabagabag pa rin siya ng kanyang konsensya. Grabe ba
talaga yung ginawa niya? Masyado niya bang pinersonal si Lu Jinnian?
Mula middle high, madalas ng magkasama sina Zhao Meng at Qiao Anhao
kaya kabisado na niya ang bawat kilos nito. Habang kumakain ng scallops,
tinitigan niya ito na para bang gustong ipahiwatig ng itsura niya na 'buti nga
sayo', at nagsalita, "Karma niya yan. Diba nasaktan ka noong bigla ka niyang
binabaan? Sigurado nasaktan din yan dahil….
Habang nasa kalagitnaan ng pagsasalita, biglang natigilan si Zhao Meng at
napatulala.
Kumunot ang noo ni Qiao Anhao at nagtatakang nagtanong, "Bakit?"
Pero parang walang narinig si Zhao Meng kaya naguguluhan niyang sinundan
ang direksyon ng tinitignan nito.
Nakatitig si Zhao Meng sa pintuan pero na wala namang kahit anong
katitigtitig…
Malinaw na hindi ito gagawin ng normal na tao, tama? Pero noong titignan
niya na sana ulit si Zhao Meng para sabihing, "Baliw ka na ba?" sakto namang
nakita niya si Lu Jinnian, na naka kulay blue na suit, na naglalakad papasok
sa Japanese Restaurant.
Sasabihan niya palang na baliw si Zhao Meng, pero bakit parang siya ang
nababaliw?
Diba nasa America si Lu Jinnian? Malinaw na sinabi nito kagabi na may
importante itong meeting ng alas tres at may kailangan itong pirmahang
kontrata ngayong araw…Kaya paano nangyari na nandito ito ngayon?
Inisip niya nab aka namamalik-mata lang siya kaya paulit-ulit siyang kumurap
para magising sa katotohanan.
Habang nagtatanong si Lu Jinnian sa isang waiter, sakto namang nakita ng
kanyang assistant sina Qiao Anhao at Zhao Meng. Dali-dali nitong itinuro ang
dalawa, pero imbes na magpasalamat ay tinignan niya lang ito ng masama, na
para bang naiinis na naunahan siya nitong makita si Qiao Anhao, kaya sa
sobrang takot, bigla itong natahimik at napaatras.
Ano bang nangyayari? Tama ba ang nakikita ko? Dali-daling kinusot ni Qiao
Anhao ang kanyang mga mata. Si Lu Jinnian nga… Umuwi na siya galing
America?
Ibig sabihin pauwi na siya noong binabaan niya ako kagabi?
Hindi maipaliwanag ni Qiao Anhao ang nararamdaman niya at noong oras na
'yun, parang biglang nawala ang lahat ng lungkot na dinadaing niya mula
noong bigla siyang babaan nito hanggang sa magising siyang walang tawag o
kahit text manlang galing dito, sa mga masasakit na pambabash na natanggap
niya sa internet, at sa lahat ng mga paninira ni Lin Shiyi… Dahil ngayong nasa
harapan niya na ang pinakamamahal niyang Lu Jinnian, balewala na ang lahat
ng nangyari dahil nangingibabaw na sa puso niya ang magkahalong saya at
kilig.
Sa totoo lang, hindi naman talaga si Lu Jinnian ang tinitignan ni Zhao Meng…
May nakita kasi siyang isang nakasumbrerong lalaki na kanina niya pa
napapansing kinukuhaan ng patago si Qiao Anhao.
Noong una, binalewala niya lang ito dahil akala niya nagkataon lang.