"Qiao Qiao, hindi ako galit…" Kalmadong paliwanag ni Lu Jinnian. "Sa
pagkakataong ito, gusto ko lang sanang unahin na ang sarili ko."
Sa mga nagdaang taon, sa sobrang pagmamahal ko sayo, ikaw ang una kong
iniisip bago ang sarili ko.
Sa paglipas ng ng panahon, nakalimutan kong nasasaktan rin pala ako.
Sa mundong ito, walang sinuman ang may pakielam sa akin, kaya nga sa
pagkakataong ito, gusto ko ng alagaan ang sarili ko.
Ayokong sumugal ulit dahil lang sa kapiranggot na pagasang nakikita ko,
tapos bandang huli masasaktan lang din ako.
"Kahapon, lahat ng sinabi ko sayo sa elevator ay hindi dahil sag alit, galit
talaga ang mga 'yun sa puso ko. Ayoko na talagang magkaroon ng anumang
kaugnayan sayo." Natigilan si Lu Jinnian bago siya muling magsalita na
parang nangungumbinsi, "Kaya Qiao Qiao, bumalik ka na sa Beijing at wag
mo ng sayangin ang oras mo dito."
Seryosong nagpaliwanag si Lu Jinnian para maintindihan ni Qiao Anhao na
hindi siya galit lagat ng nangyari, at sadyang sumusuko na talaga siya.
Hindi alam ni Qiao Anhao kung anong gagawin niua. "Pero Lu Jinnian, diba
gusto mo ako… Gusto mo ako sa loob ng labintatlong taon…"
Dahil sa sinabi ni Qiao Anhao, biglang naalala ni Lu Jinnian noong panahong
nasa loob siya ng sasakyan at sinend niya ang text na [Minahal kita ng
labintatlong taon]. Hanggang ngayon ay tandang tanda niya pa kung gaano
kasakit ang naramdaman niya noong mga oras na 'yun.
Hindi niya maipaliwanag ang lungkot na biglang bumagabag sakanyang puso.
Matagal din siyang nanahimik bago siya magpatuloy, "Oo, minahal kita ng
labintatlong taon. Pero Qiao Qiao, alam mo ba? Sinusubukan na kitang
kalimutan ngayon."
Nanlamig ang buong katawan ni Qiao Anhao at parang may sumaksak ng
napaka diin sakanyang puso. Hindi niya alam kung bakit pero bigla nalang
nanginig ang kanyang buong katawan.
Anong sinabi ni Lu Jinnian?
Sinabi ba ni Lu Jinnian na sinusubukan na siyang kalimutan nito?
Sa loob ng apat na buwang nawala ito, ang buong akala niya ay pwede na
silang maging masaya kapag nagkita sila ulit. Kahit kailan ay hindi niya inisip
na ang muli pala nilang pagkikita ay ang magiging katapusan ng lahat
sakanila.
Dahil hindi nagsasalita at nakatitig lang sakanya si Qiao Anhao, alam ni Lu
Jinnian na sobrang nasaktan ito sa mga sinabi niya.
Hindi niya kayang makitang nasasaktan si Qiao Anhao kaya yumuko nalang
siya at sinabi, "Hihintayin nalang kita sa baba."
Pagkatapos niyang magsalita, tumayo siya at lumabas ng kwarto.
Pagkasarado ng pintuan, saka palang nahimasmasan si Qiao Anhao. Nang
sandaling ikurap niya ang kanyang mga mata, hindi niya nanaman napigilan
ang pag'agos ng kanyang mga luha.
Sinabi talaga ni Lu Jinnian na sinusubukan na siyang kalimutan nito… Halos
hindi na siya makahinga sa sobrang sakit ng kanyang naramdaman.
Wala siyang ideya kung paano siya nakalabas ng kwarto at lalong hindi niya
alam kung paano siya nakababa at nakasakay ng taxi kasama ni Lu Jinnian.
Sa buong byahe, walang ibang tumtakbo sa kanyang isip kundi ang mga
salitang sinabi sakanya ni Lu Jinnian.
Nakatitig lang siya sa bintana at habang inuulit ulit niya sakanyang isipan ang
mga sinabi ni Lu Jinnian, lalo lang siyang namumutla. Bandang huli, halos
kakulay niya na ang papel sa sobrang kaputlaan.
Kagaya ni Qiao Anhao, nakatitig din si Lu Jinnian sa kabilang bintana ngunit
wala siyang anumang reaksyon.
Pagkahinto ng taxi sa airport, binayaran ni Lu Jinnian ang driver at naunang
bumaba. Naglakad siya papunta sa kabilang pintuan para pagbuksan naman
si Qiao Anhao. Hanggang ngayon ay tulala pa rin si Qiao Anhao at noong
bumaba siya ay para siyang naka auto-pilot mode.