Karapat-dapat nga sa kaniyang trabaho ang chauffeur, naging mabilis at kalmado ang kaniyang pagpapatakbo sa sasakyan.
Nakaupo sa tabi ng drayber si Tang Rou, habang si Ye Xiu, Chen Guo, at Steamed Bun naman ay nakaupo sa likuran. Walang kahit na sino sa kanila ang gumawa ng kahit na anong ingay. Kinuha ni Chen Guo ang kaniyang cellphone, at sinubukang hanapin sa Internet ang apilido ni Tang Rou.
Matapos lamang ang ilang mga sandali ay pinukaw niya ang atensyon ni Ye Xiu. Hinarap niya ang kaniyang cellphone kay Ye Xiu, at doon ay nakita nilang dalawa ang mga impormasyong nasa screen.
Tang Corporation Limited. Noong una ay hindi pa naman masyadong malaki ang korporasyon na ito, pero matapos lamang ang sampung taon ay lumago ito sa mga kamay ng ama ni Tang Rou na si Tang Shusen.
Gayunpaman, kahit na masyadong marami ang mga litratong nagpapakita sa ama ni Tang Rou ay hindi nila makita mismo si Tang Rou.