Ngayon ay nakahimlay ang katawan ni Deception sa lupa. Pinili niyang hindi na muna mabuhay muli, kasi alam naman niya na hindi naman kaagad na aalis ang kaniyang mga kalaban. Hindi niya magawang talunin sila, at hindi rin niya magawang takasan sila.
Kapag nabuhay siyang muli ay sigurado siya na magiging ganito pa rin ang kahihinatnan niya.
Mukhang ang pinakamainam na desisyon ay ang umalis na lamang muna sa laro.
Gayunpaman, kahit na ito ang pinakamainam na desisyon ay ayaw na ayaw ni Deception na isagawa ang desisyong ito! Sa sobrang tagal na niya sa larangan ng pamumulot ng mga tira-tira ay ito pa lamang ang unang beses na may nakaharap siyang kalaban na kasing-lakas ni Lord Grim.
Pero ano pa ba ang magagawa niya?
Hindi niya kayang talunin silang lahat, talagang hindi niya kaya. Hindi naman kasi sumasapat ang kaniyang abilidad para gawin 'yun.