"Sa tingin ko ay hindi na muna babalik rito ang mga manlalaro ng Misty Castle."
Natanggap ni Ye Xiu ang ulat ng mga kasamahan niya na nakabantay sa Congee City. Ngayon ay matapos mabuhay muli ng limang manlalarong iyon sa siyudad, nawalan na ng plano ang grupo ng Misty Castle na umalis sa siyudad at pumunta sa dungeon.
Dalawa sa mga kasamahan nila ay nilibot ang palengke, ang iba pang dalawa ay nandoon sa Arena at ang isa nama'y nakatayo lang at nakatingala sa kalangitan, malinaw na natutulala.
"Hahaha, mga matatalino nga sila. Mabuti na lang ay alam nila kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng takot." Nasiyahan si Steamed Bun Invasion.
"Steamed Bun, ikaw at si Concealed Light, mag-ensayo na muna kayong dalawa. Kami na ang bahala sa Thousand Waves lake." Sabi ni Ye Xiu. Lubhang mababa ang level ng dalawa kaya kahit na manatili sila rito ay wala pa rin naman silang magagawa para tulungan siya.