Sa totoo lang ay hindi naman masasabing walang nararamdamang pagod si Ye Xiu sa mga nagdaang oras. Ang buong magdamag niyang paglalaro at gamit-gamit pa ang buo niyang lakas ay nagbalot rin ng pagod sa kaniyang katawan.
Pero pag may tiyaga, may nilaga. At ang kaniyang makukuha ay karagdagan pang mga gantimpala mula sa mga halimaw na kaniyang napatay.
Ang Experience na natanggap ni Lord Grim, Soft Mist, at Cleansing Mist mula sa magdamag nilang paglalaro ang naging daan para maakyat nila ang Level 35. Ang mga naging kasamahan nilang mga manlalaro mula sa ibang mga guild ay nakaakyat rin ng isang antas.
Naging masaya ang lahat ng mga guild na naambunan ng biyayang ibinigay ni Lord Grim sa kanila, pero kahit na ganiyan ay nagkaroon pa rin sila ng problema na parehas sa problemang kinakaharap ni Chen Yehui. Ang isyu kung kailan matutulog si Lord Grim.