Chereads / Library of Heaven's Path (Tagalog) / Chapter 61 - Mahal Niya Ako?

Chapter 61 - Mahal Niya Ako?

Pagkatapos niyang yayain na kumain sa labas si Zhang Xuan kahapon, nakasalubong nila si Shang Bin.

Para sa kanya, bilang isang apo ng elder at isang guro na mataas ang antas, para mabugbog siya ng ganun, baliw na lang siya kung hindi siya maghihiganti!

Pero ipinagbabawal ang pagduduwelo ng dalawang guro sa loob ng akademya. Hindi kaya pinadala niya ang taong ito para atakihin si Zhang Xuan?

Hindi na rin malayo na mag-isip si Shen Bi Ru ng ganito. Ang kasuotan kasi ni Yao Han ay sobrang kakaiba. Isang makapal na puting tela ang nakabalot sa kanyang mukha na mata na lang niya ang nakikita. Sa unang tingin, ang impresyon na binibigay niya ay sa isang taong tinatago ang kanyang katauhan!

Higit pa roon, hindi pa siya sumasagot sa mga tanong niya!

Kung iisipin, ang tunay na dahilan kung bakit pinigilan siya ni Zhang Xuan na sundan siya kahapon ay dahil alam niyang hindi ito ipagsasawalang bahala ni Shang Bin. Alam niyang maghahanap si Shang Bin ng tao para makapaghiganti sa kanya!

Lumamig ang tingin ni Shen Bi Ru. Siya ang dahilan kaya nangyayari ang sitwasyon na ito, hindi nararapat para sa kanya na manood na lang sa gilid at walang gawin tungkol dito. "Alam mo ba ang kaparusahan sa pag-atake sa isang guro sa akademya?"

"Pag-atake sa isang guro?"

Hindi inaasahan ni Yao Han na magtatanong ng ganito ang magandang babae. Nagulat siya noong una, pero naalala niya bigla ang pangyayari tungkol kay Shang Bin kahapon. Sa isang iglap ay napagtagpi-tagpi niya ang lahat. "Ikaw ba si Shen Bi Ru?"

Ang dahilan kung bakit siya binugbog ni Shang Bin ay dahil nagselos siya kay Zhang Xuan dahil pinag-aagawan nila si Shen Bi Ru. Hindi niya makakalimutan ang pangyayaring ito kahit na patayin pa siya. Pero sa oras na ito, isang magandang babae ang biglang sumulpot at tinanong siya kung alam niya ba na ang pag-atake sa isang guro ay mayroong kaparusahan. Sino pa ba ang babaeng ito kundi siya?

Mukhang nandito siya para maghiganti para kay Shang Bin pagkatapos mabugbog ang manliligaw niya kahapon.

"Tama ka!" May ekspresyon ng pagkabahala si Shen Bi Ru nang hinigpitan niya ang kanyang mga kamao. "Kung ayaw mo ng gulo, umalis ka na. Dahil kung hindi, 'wag mo akong sisihin sa gagawin ko!"

Bilang isang Fighter 5-dan pinnacle, nagbibigay siya ng matinding pressure sa ibang tao pag nilalabas niya ang buo niyang lakas.

"'Di ba ikaw ang naghahanap ng gulo? Anong klaseng palusot 'yan!"

Nang makitang naghahanda na siyang umatake kahit na hindi pa sila nakakapag-usap ng matagal ay lalong nagdilim ang mukha ni Yao Han.

Bilang isang butler ng Baiyu City Lord Residence, isa siyang makapangyarihang tao sa Baiyu City. Kahit sino pa ang makasalubong niya ay nagbibigay respeto sa kanya. Pero dito, una ay nabugbog siya ng lubusan ng kung sinuman, tapos ngayon, isang mababa at ordinaryong guro ang hindi man lang tumanaw ng respeto sa kanya. Umusok ang kanyang tuktok sa sobrang galit.

Paano pa siya magtitimpi pagkatapos niyang marinig ang mga salitang iyon? Nagdilim ang kanyang mukha at tinikom ang kanyang mga kamao. Walang anu-ano ay bigla siyang sumugod.

Sa oras na kumilos siya, bumara sa lalamunan ni Shen Bi Ru ang mga isasagot niya. Wala na siyang magawa kundi harapin siya.

Peng peng peng!

Sa isang iglap, silang dalawa ay nagpalitan ng mga suntok.

Kahit na isang Fighter 5-dan pinnacle lang si Shen Bi Ru, mayroon siyang matinding stamina at mahuhusay na technique. Higit pa roon, kahit na si Yao Han ay higit na mas malakas, dahil sa kanyang mga sugat ay hindi pa rin niya napapatumba si Shen Bi Ru ng mabilis.

.....

"Shang shaoye, anong sabi ni Elder Shang?"

Sa pasilyo ng akademya, hindi matiis ni Cao Xiong na tanungin ang binatang napadaan.

"Huwag kang mag-alala. Basta hindi pa tinatanggap ng estudyante mo si Zhang Xuan bilang kanyang guro, lagot na talaga siya ngayon!" Singhal ni Shang Bin.

Itong umaga, tumakbo si Elder Shang patungong Teacher Guild para hanapin si Elder Mo at yayain siya rito.

Basta't dadalhin nila si Zhang Xuan at ang kanyang estudyante sa [Enlightenment Will Tower], ang reputasyon ng huli ay tiyak na masisira at mapapatalsik siya sa Hongtian Academya! 

"Maganda 'yon. Sa oras na mapatalsik si Zhang Xuan sa akademya, mapapasuko mo na rin Shen laoshi sa pagtitiyaga ng gongzi! Malamang ay magiging mahirap para sa kanya na lumayo sayo…"

Pinuri siya ni Cao Xiong ng nakangiti.

"Un! Malamang ay naloko lamang ng mga mabubulaklak na salita ng lalaking iyon si Shen Bi Ru kaya siya napasama at kumain kasama niya. Kapag napalayas ko ang lalaking iyon sa akademya, naniniwala ako na hindi mapupunta sa wala ang mga pagsisikap ko para mapasagot siya!"

Sa oras na lumitaw si Shen Bi Ru sa isip niya ay muling tumaas ang kumpyansa ni Shang Bin.

Siya ang apo ng isang elder at isa rin siyang nakatataas na guro, hindi rin lingid sa kaalaman ng iba na matangkad at makisig siya. Kahit na alin pa rito ang pag-usapan nila, mas magaling pa rin siya kay Zhang Xuan ng napakaraming beses! 

Sa buong akademya, tanging siya lang ang karapat-dapat sa isang napakagandang babae kagaya ni Shen Bi Ru.

Basta magtiyaga lang siya, kanino pa ba magkakagusto ang babae kundi sa kanya?

"Ibibigay ko na ang basbas ko kay Shang shaoye na maiuwi ang magandang babae sa hinaharap!"

Biglang dugtong ni Cao Xiong.

"Huwag kang mag-alala, kung ako man ay maging kasintahan ni Shen laoshi, titiyakin ko na gagantimpalaan kita ng malaki…" Gusto sanang tumawa ng malakas ni Shang Bin kaso hindi niya sinasadyang magalaw ang kanyang mga masasakit na kalamnan at nasaktan lamang siya sa kanyang ginawa. "At saka maliban kay Zhang Xuan, hindi ko mapapatawad yung bumugbog sakin kahapon, si Yao Han! Eh ano ngayon kung isa siyang butler ng Baiyu City Lord Residence? Nasa Tianxuan Royal City tayo, hindi ito isang lugar na pwede niyang gawin kahit anong gusto niya!"

Ang taong iyon ay binugbog siya sa harap ng maraming tao at naiwan siyang bugbog-sarado. Paano niya mapapatawad ang gaya niya!

"Natural!" Tumango si Cao Xiong. Bigla-bigla, napahinto siya at tumuro paharap, "Shang shaoye, bilisan mo, tignan mo yun…"

"Anong nangyari?" nagtaka si Shang Bin. Lumingon siya sa direksyong itinuro niya. Sa isang iglap ay napatitig siya ng maigi, "Di ba si Shen laoshi yun? Bakit siya nakikipaglaban? Iyon ay si… Yao Han!"

Sa labas ng klase ni Zhang Xuan, ang dalawang iyon ay seryosong naglalaban.

Ang isa ay ang diyosa na iniisip niya hanggang sa pagtulog, si Shen Bi Ru, at ang isa naman ay ang taong sinasabi niya kanina, ang taong nagpangitngit sa mga ngipin niya sa galit, si Yao Han.

Hindi naman magkakilala ang dalawang ito, pero bakit sila naglalaban?

"Shang shaoye, hindi kaya… nalaman ni Shen laoshi na binugbog ka ng taong ito kaya nagalit siya at gusto ka niyang ipaghiganti?"

Pagkatapos niyang magdalawang-isip, biglang nakaisip ng posibilidad si Cao Xiong at nagkomento.

"Un? Totoo ba 'yun?" nagulat si Shang Bin.

"Oo. Kung hindi, walang dahilan para kalabanin nila ang isa't isa! Si Shen laoshi ay mahinhin at mabait sa ibang tao, hindi siya basta bastang nakikipag-away. Malamang ay alam mo rin yan. Pagkatapos kang mabugbog, bigla siyang nakipaglaban sa kanya. Kung 'di niya ginawa yun para kay Shang shaoye… hindi na ko makaisip ng iba pang dahilan sa likod nito! Para magawa niya ang ganoon, maaaring may nararamdaman na si Shen laoshi para sayo, at malamang ito ay… pag-ibig!"

Sabi ni Cao Xiong.

"Mahal niya ako?"

Nanigas ang buong katawan ni Shang Bin nang nakaramdam siya ng galak mula sa kanyang puso.

[Tama, walang ibang pwedeng maging dahilan para kalabanin ni Shen Bi Ru ang taong 'yon.]

Kahit kailan ay hindi niya naisip na ang babaeng ito, kahit na lagi siya nitong tinatanggihan at nilalayuan, ay… ganito pala siya kamahal, at inaalala siya!

Kahit na umabot pa sa… pakikipaglaban sa isang ekspertong Fighter 6-dan kahit na isa lamang siyang Fighter 5-dan!

"Hindi pwede 'to. Hindi ko papayagan na masaktan siya ng dahil sakin!"

Napuno ng kaba ang puso niya. Naramdaman ni Shang Bin na parang nabuhay siyang muli at dumaloy ang kanyang fighting spirit.

Ang utang na pinakamahirap pasanin ay yaong sa isang magandang dilag.

Umabot na sa ganitong sitwasyon ang kabilang partido. Ano pa bang pinag-aalinlangan niya?

Kapag nagpatuloy siyang mag-alinlangan, hindi na siya magiging isang tunay na lalaki!

"Shen laoshi, andito ako para tulungan ka…"

Sumugod si Shang Bin kasabay ng kanyang sigaw.

Nasa gitna ng pakikipaglaban si Yao Han kay Shen Bi Ru. Pagkatapos niyang pag-aralan ang mga atake ng kanyang kalaban, nalaman niya na agad ang mga paraan ng pag-atake nito. Tiwala siya na basta magseryoso lang siya ay matatalo niya ito sa ilang atake lamang. Nang gagawin na niya sana ang kanyang pinakamalakas na technique, nakarinig siya ng sigaw at biglang lumitaw si Shang Bin sa harap niya.

"Sabi na nga ba, magkasabwat sila. Buwisit, buwisit!"

Pagdating niya ay nagalit muli si Yao Han.

Pinaghihinalaan niya kanina na ang mga nangyayari ay dahil lang sa hindi sila nagkakaintindihan, kaso sa sitwasyon ngayon, hindi na to matatawag na simpleng hindi pagkakaintindihan lang!

Halata na ang dalawang ito ay magkasabwat at intensyon talaga nilang guluhin siya.

Habang naiisip niya ito, lalong lumalala ang galit niya. Dahil dito hindi na siya nagdalawang-isip pa at inatake ng walang pakundangan si Shang Bin.

"Un?"

Biglang sumugod si Shang Bin at sa isang iglap ay nakikipaglaban na siya kay Yao Han. Hindi nakakibo si Shen Bi Ru dahil sa biglaang pagbabago ng sitwasyon.

Nang makita niya ang dalawa na naglalaban, hindi niya mapigilang magulat.

"Maaari kaya na nagkamali siya ng hinala kanina, at hindi niya talaga pinadala ang taong ito?"

Sa oras na naisip niya iyon ay isa pang posibilidad ang lumitaw sa kanyang isipan at nagdilim ang kanyang mukha, "Ah, ganoon pala ang gusto niyang mangyari. Kaya pala kakaiba ang mga nangyayari. Kung ang taong ito ay talagang naghahanap ng gulo kay Zhang Xuan, sana ay sumugod na lang siya. Wala na siyang dahilan para tumambay sa harap ng klase nito. Ang dating nito ngayon ay gusto niyang magpanggap bilang isang bayani na magliligtas sa isang magandang dilag para kunin ang aking atensyon. Hmph!"