Nakasulat sa libro ang mga kahinaan at mga ginawa ni Master Mo Yang.
"Ang tunay niyang pangalan ay Yang Mo, isang baguhang mag-aalahas. Isang manggagantso sa Liuzhu Kingdom na nakilala bilang isang mag-aalahas, kilala siya sa mga pandaraya niya para yumaman at para pagkaguluhan ng mga babae!"
"Battle Techniques: Voice of Allurement (Rookie). Nilinlang nito ang isipan ng ibang tao gamit ang mga salita, dahilan para madaling makumbinsi ang ibang tao!"
"Mga Kahinaan: No. 1, tinutugis siya ng mga maharlika sa Liuzhu Kingdom. No. 2…"
Hindi malaman ni Zhang Xuan kung matatawa ba siya o maiiyak.
Hindi niya lubusang maisip na ang taong may itsura at disposisyon ng isang ekaperto ay isa palang manloloko! Kanina lang, inisip din ni Zhang Xuan na isang kamangha-manghang tao si Master Mo Yang!
Mukhang may ilang tao sa madla na kakontsaba niya. Malamang kakontsaba niya rin yung nagtitinda ng mga artifact. Nagtulungan silang pasikatin siya sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga kayamanan, para makumibinsi nila ang mga tao na bumili ng mga walang kwentang bagay sa mataas na halaga, dahilan para kumita sila ng malaki.
"Kung may mga nanloloko, siguradong may mga maloloko din sila!"
Kahit na nalaman niyang manloloko si Master Mo Yang, walang balak si Zhang Xuan na ibunyag ang sikreto niya.
Una sa lahat, wala siyang ebidensya para patunayan 'to. Hindi pwedeng mabunyag ang tungkol sa Library of Heaven's Path kahit na anong mangyari! Pangalawa, lahat ng mga naloko niya ay wala na sa katinuan. Kung susubukan niyang kumbinsihin silang manloloko si Master Mo Yang, posibleng patayin siya ng mga tao.
Kahit kailan hindi gagawa si Zhang Xuan ng mga bagay na hindi siya makikinabang, lalo na kung bibigyan siya nito ng maraming problema.
"Bahala na nga. Magtitingin na lang ako at bibili ng sarili kong gamit!"
Dahil ayaw niyang magpaabala kay 'Master Mo Yang' na nagpapaka astig sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang isang eksperto, nagpatuloy si Zhang Xuan na magtingin sa mga kayamanang nakalagay sa platform, hinahawakan niya ang mga ito habang dumadaan siya.
Basta mahawakan niya ang isang bagay agad na nabubuo ang isang libro sa kanyang isipan. Kahit na hindi nakikita ang presyo ng mga gamit sa library, ang mga gamit na mas konti ang kahinaan ay siguradong mas mataas ang halaga.
Pagkatapos niyang hawakan ang apatnapu hanggang limampung gamit, napansin niyang wala man lang kahit isang gamit dito na mataas ang halaga. Sobrang baba ng posibilidad na makahanap ng isang kayamanan sa tambak ng mga artifact na ito.
"Ang huling pagkakataon ay ibibigay ko… sayo!"
Habang abala si Zhang Xuan na hawakan ang mga artifact sa silid, umalingawngaw ang isang mapagmataas na boses sa loob ng silid.
Nang lumingon siya para tingnan ito, nakita niyang nakatingin sa kanya si Master Mo Yang, na tumango at tila sinasabi kay Zhang Xuan na siya ang kanyang napili. Maraming tao ang nakatingin sa kanya na punong puno ng inggit.
"Ako?" Nabigla si Zhang Xuan.
"Kaibigan, hindi mo kailangang mahiya. Ikaw ang napili ko!" Hinaplos ni Master Mo Yang ang kanyang balbas, na tila sinasabi kay Zhang Xuan na isang karangalan na mapili siya ng master.
"Nahihiya?" Napailing si Zhang Xuan.
Saan banda sa kanya yung mukhang nahihiya? Sa halip, iniisip niya na napaka malas niya para mapili siya ng taong 'to. [Sa dami ng mga taong nagkakagulo sayo, bakit ako pa yung pinili mo?]
Subalit, ilang sandali pa, bigla siyang may naisip. Karamihan ng nagpunta dito ngayon para sa treasure speculation ay nakasunod sa likuran ng 'master'. Dahil si Zhang Xuan lang ang tanging nagpapaikot-ikot sa lugar, habang nagtitingin at hinahawakan ang mga artifact, mahihirapan siyang makapagtago!
"Nagpapasalamat ako sa kabutihan mo, pero hindi ko yan kailangan!"
Dahil alam niyang manloloko si Master Mo Yang, ayaw niyang mapagkakitaan siya ng taong 'to. Ikinumpas ni Zhang Xuan ang kanyang kamay at nagpatuloy sa pagtingin sa tambak ng mg kayamanan.
"Hindi mo 'to kailangan?" Sumimangot si Master Mo Yang.
Sa siyam na slot na ibinigay niya kanina, kahit na sino pa sila, lahat sila ay masayang sumagot kay Master Mo Yang, ang ilan ay halos mahimatay pa dahil sa sobrang tuwa. Peor, nang piliin niya ang taong ito, sinabi niyang… ayaw niya?"
Itinago niya ang nagdilim niyang mukha. Ikinumpas niya ang kanyang kamay, lumapit siya habang hinahaplos ang kanyang balbas at tiningnan si Zhang Xuan, "Dahil nandito ka para sa treasure speculation, siguradong gusto mong bumili ng isang tunay na kayamanan. Napansin kong kanina ka pa nagpapaikot-ikot sa buong lugar, kaya naisip kong gabayan ka para hindi ka malugi. Sigurado ka bang hindi mo 'to kailangan? Huwag mo 'kong inisin sa pamamagitan ng pagtanggi mo sa kabutihang ipinapakita ko sayo!"
"Bata, kung ayaw mo, ibigay mo na lang sakin yung slot mo!"
"Talagang ayaw niya yung slot na binigay sa kanya ng master, may sira ba siya sa utak?"
"Madaling makita na abnormal siya sa isang tingin pa lang. Napansin ko na siya kanina. Hinahawakan niya ang lahat ng mga artifact sa silid, siguro iniisip niyang magnakaw!"
"Kung bibigyan ako ni master ng gamyang pagkakataon, siguradong lagi akong nakangiti tuwing gigising ako!"
…
Naririnig ng lahat ang pag-uusap ni Zhang Xuan at ng 'master', at tumingin sila kay Zhang Xuan na parang isa siyang halimaw.
[Isa siyang napakahusay na mag-aalahas!
Aalis na siya ngayong araw pagkatapos niyang sumuri para sa sampung tao! Napaka gandang pagkakataon nito at lahat ng tao ay pinag-aagawan ito. Pero, ang taong 'to… ayaw niya?
Kung walang sira ang utak niya, ano pa bang dahilan niya?]
"Hindi ko talaga kailangan yan…" Umiling si Zhang Xuan.
[Malulugi? Kapag nakinig ako sayo, siguradong malulugi ako…]
"Huwag mo 'kong tanggihan agad!" Bago pa man makatapos si Zhang Xuan sa pagsasalita, nagsalita bigla si 'Master Mo Yang'. Makikita sa mga mata niya ang kanyang pagmamahal sa mundo at ang detsrminasyon niyang iligtas ang mga naghihirap, at sinabing, "Hindi madali para sa isang binatang tulad mo ang kumita ng pera. Wala akong makukuha sa pagbibigay ko sayo ng slot na 'to. Bukal sa kalooban ko na tulungan ka para hindi ka makabili ng walang kwentang bagay at masayang ang pera mo!"
"Masyadong maawain si Master Mo Yang!"
"Bukod sa may kakayahan siyang malaman kung tunay ang isang kayamanan, mabait din siya! Siya ang idolo ko!"
"Simula ngayon, isang tao lang ang irerespeto ko at si Master Mo Yang yun!"
…
Nang marinig nila ang mga sinabi niya, nakaramdam ng pagrespeto sa kanya ang lahat.
[Tingnan mo kung gaano siya kamaawain?
Bukod sa pagkakaroon niya ng kakayahang suriin ang mga kayamanan, hindi niya ito ginagamit para kumita ng malaking pera. Sa halip, dahil sa takot niyang maghirap ang ibang tao dahil sa maling desisyon nila, handa siyang sumuri ng kayamanan para sa kanya! Siguradong wala ka nang makikitang tao na kasing bait niya, kahit na ikutin pa ng isang tao ang mundo nang may dalang lampara!]
"Ano…"
Hindi niya inasahang napakawalang hiya ni Master Mo Yang para masabi niya ang mga ito ng may dignidad. Napailing si Zhang Xuan, ngunit bago pa man siya makapagsalita, muli nanaman siyang pinigilan ni Master Mo Yang.
"Sige, alam ko na ang iniisip mo! Huwag mo nang sabihin!" Tumingin sa kanya ang matanda.
"Alam mo ang iniisip ko?" Nagdududang nagtanong si Zhang Xuan.
"Oo. Malamang iniisip mong masyado ka pang bata at kulang ang lakas mo. Kahit na makakuha ka ng isang kayamanan, wala kang taglay na lakas para bantayan ito! Sa halip, baka maghatak ka pa ng kapahamakan palapit sayo!" Ang nagmamarunong na sinabi ni Master Mo Yang habang nasa likuran niya ang kanyang mga kamay.
"Yun pala ang dahilan!"
"Bukod sa magaling ang master sa pagsusuri sa mga kayamanan, mayroon din pala siyang kakayahan na silipin ang isipan ng ibang tao!"
"Totoo na kapag nagmamay-ari ka ng kayamanan na higit pa sa iyong kakayahan ay posible kang mapahamak. Normal lang na maisip yun ng binayang 'to!"
…
Nang marinig nila ang paliwanag ni Master Mo Yang, naliwanagan ang mga tao. Naintindihan na nila kung bakit tinanggihan ni Zhang Xuan ang pagkakataong ito.
"Ito ay…" Hindi alam ni Zhang Xuan kung paano siya sasagot.
[Punong puno ng paghanga sa sarili 'tong tao na ito.
Walang lakas para bantayan yun… Hindi ko naisip na maiisip mo yun.]
"Lahat kayo!" Lilinawin pa lang sana ni Zhang Xuan ang sitwasyon, nang tumingin sa paligid ang master sa harap niya at nagsalita, "Napili ko ang taong ito. Kaya, kahit ano pa ang kayamanang napili ko para sa kanya, sana ay hindi kayo mag-isip ng masama tungkol dito! Kung hindi, ako ang makakalaban niyo. Kaya huwag niyo akong sisihin sa kalupitan ko!"
"Master, anong sinasabi mo? Bakit naman namin sasaktan ang isang taong napili mo!"
"Master, huwag kang mag-alala. Siguradong hindi namin yun gagawin…"
Sabay-sabay na sumagot ang mga tao.
"Sige, dahil nasabihan ko na ang lahat, huwag ka nang mahiyang bilhin 'to. Hindi mo na kailangang mag-alala na baka mapahamak ka!" Tiningnan ni Master Mo Yang si Zhang Xuan at ngumiti.
"Ano…"
Hindi inakala ni Zhang Xuan na masyadong nagmamagaling ang taong 'to. Bago pa man siya makapagsalita, muli siyang napigilan ni Master Mo Yang. "Hindi mo kailangang maging emosyonal. Dahil ibinigay ko ang huling slot sayo, ibig sabihin itinadhana ang pagkikita natin! Mahirap ipaliwanag ang isang bagay na gaya ng tadhana, kaya hindi mo kailangang magpasalamat sakin. Hindi ako humihingi ng kapalit sa pagpili ko ng kayamanan para sayo, bukal sa kalooban ko ang pagtulong sayo!"
"Ano kasi…"
"Hindi mo na kailangan pang mag-isip. Itong kayamanang ito. Masisiguro ko sayo na sa oras na bilhin mo 'to, siguradong kikita ka ng malaki!"
Hindi binigyan ni Master Mo Yang ng pagkakataon na makapagsalita si Zhang Xuan. Kumuha siya ng isang bagay mula sa tambak ng mga artifact at iniabot ito.
"Hmmm…"
Habang tinitingnan niya ang kayamanang ito, hindi makapagsalita si Zhang Xuan.
Sinuri na niya ito kanina. Walang kwentang basura lang 'to. Hindi rin ito nagkakahalaga ng kahit isang pirasong ginto. Kasing laki ng ipinambili mo dito ang ikalulugi mo!
"Boss, pwede mo bang kunin ang pambayad ng kaibigang kong 'to!"
Pagkaabot niya ng kayamanan, sumenyas si Master Mo Yang para lumapit ang nagtitinda.
"Ang halaga nito ay 30000 pirasong ginto!" Lumapit ang nagtitinda.
"Bilisan mo at magbayad ka na, ito ang pinaka mahal na kayamanang nasuri ko ngayong gabi! Kaibigan, mayaman ka na!" Nang makita niyang nanatiling nakahinto si Zhang Xuan, hinaplos niya ang kanyang balbas at makikita ang isang mapagkalingang ngiti sa kanyang mukha, "Pagbalik mo, linisin mo ang labas nito. Huwag kang mabahala dahil sa iyong pagyaman!"
"Mabahala? Baka ikaw ang mabahala!" Dahil ilang beses siyang nagulo sa pagsasalita niya, hindi na mapigilan ni Zhang Xuan ang inis niya. "Kung gusto mong manloko ng iba, sige lang, hindi kita pipigilan! Bakit kailangan mo pa 'kong piliin? Masaya ba na magpaka astig? Hindi mo ba napansin kung gaano kahirap para sakin na isalba ang dignidad mo?"