Kinuha ni Elder Mo ang libro mula kay Shen Bi Ru, nanginig ang buong katawan ni Elder Mo nang silipin niya ito.
[Imposible 'to!]
"Sige na, may mga gusto pa ba kayong itanong? Kung wala na, aalis na 'ko!" nagtatakang tumingin sa kanila si Zhang Xuan.
[May mga sakit ba sila!?!]
Kung gusto nilang magtanong sa kanya, dapat nag-isip pa sila ng mga mas mahirap na tanong. Pero, mas pinili nilang itanong yung mga bagay na nasagot na sa mga libro. Hindi nga niya kinailangang pigain ang utak niya para lang sagutin sila. Nakakabagot.
[Nakakatawang isipin na librarian at expert ang isa sa kanila habang kilalang teacher naman yung isa… Pui! Para hindi nila matapatan ang isang transcender na tulad ko, kulang na kulang ang kaalaman nila!]
"Kung ayos lang sayo, may isa pa sana akong itatanong. Ano ang pagkakaintindi mo sa 'Pagpapaikot sa siklo ng qi, ay repleksyon ng sampung-libong nilikha'?"
Nagpatuloy sa pagtatanong si Elder Mo habang pilit na itinatago ang kanyang pagkamangha.
Itinanong din ito sa kanya ng isa pang elder ilang araw na ang nakalipas. Mula nang hindi niya masagot ang tanong na ito, nagsimula siyang maghanap ng mga kasagutan sa Compendium Pavilion, ngunit wala siyang napala sa paghahanap niya. Kaya naman, malungkot siyang umalis ng library. Ngayong nasagot ng binata sa harap niya ang ilan sa kanyang mga katanungan, hindi niya mapigilan ang sarili na itanong ang tungkol dito.
"Hindi mo alam yun?" Tiningnan ni Zhang Xuan si Elder Mo na para bang tanga ang kausap niya. "Yun ang pinaka basic ng cultivation, di ba? Tumutukoy ito sa paglalakbay ng isipan ng isang tao sa buong mundo para maintindihan nila ang mga batas ng creationism habang umiikot sa buong katawan ng isang tao ang kanyang qi! Nakasulat ang mga ito sa librong isinulat ni senior Bai Ming na pinamagatang 'Theories of Blood and Qi'. Ang libro ay nasa ik-27 shelf at ang eksplanasyon tungkol dito ay nasa ika-69 na pahina!"
'Pagpapaikot sa siklo ng qi, ay repleksyon ng sampung-libong nilikha', ito ang isa sa mga itinuturo sa mga manual ng Fighter 1-dan cultivation technique, kaya naman tumatak ito kay Zhang Xuan. Ito ay pinag-aralan ng isa sa mga naunang miyembro ng Hongtian Academy, kaya naman pinagtuonan niya ito ng pansin. Bakit naman itinatanong sa kanya ng isang elder, na nagsisilbing bantay ng Compendium Library, ang isang napakadaling tanong na gaya nun?
Hindi agad sinagot ni Elder Mo ang mga sinabi ni Zhang Xuan at sa halip, gaya ni Shen Bi Ru, nagmadali siyang pumasok sa Compendium Pavilion. Ilang sandali pa, nahanap niya ang librong pinamagatang 'Theories of Blood and Qi' at binuklat niya ito sa ika-69 na pahina. Nanlupaypay ang kanyang katawan.
Eksakto ito sa mga sinabi ni Zhang Xuan!
Noong mga nakaraang araw, iba't ibang libro ang binasa ni Elder Mo, ngunit wala siyang nahanap na sagot sa kanyang katanungan. Hindi niya inakalang nakasulat ito sa isang misteryosong libro!
Napaka misteryoso ng librong 'to… Kakatwang isipin na binasa niya ang librong 'to, at naalala pa niya pati… ang mga pahina?
Pakiramdam ni Elder Mo ay umiikot ang lahat ng nasa paligid niya at naging kakatwa ang lahat para sa kanya.
Kung hindi niya inaalala ang kanyang reputasyon, malamang sinasabunutan na niya ang sarili niya sa mga oras na 'to.
Kani-kanina lang, inakusahan niya si Zhang Xuan na nanggugulo daw siya sa library. Bandang huli, hindi lang siya basta nagbabasa ng libro, kinabisa pa niya ang lahat ng nilalaman ng mga ito. Uminit ang mukha niya dahil sa pagkapahiya at hiniling niya na sana ay kainin na lang siya ng lupa.
Siya pa rin ba yung teacher na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination?
Kung naging pinaka huli si Zhang Xuan kahit ganito siya katalino, ibig sabihin ba nun hindi siya dapat nakakuha ng zero sa exam?
"Sige na. Sa susunod, magbasa pa kayo ng mas maraming libro. Ang lahat ng mga sagot sa mga itinatanong niyo ay nakasulat sa mga libro!" Nang makita niyang tulala ang dalawa, pinagsabihan ni Zhang Xuan ang dalawa ng may malalim na tono. Pagkatapos ay umiling siya at sinabing, "Kung wala na kayong itatanong, aalis na 'ko!"
Pagkatapos niyang magsalita, naglakad na siya paalis.
Gutom na gutom na siya. Kapag hindi siya nakakain agad, malamang ay mahimatay na siya sa gutom.
"Zhang Xuan laoshi, hintayin mo 'ko…"
Ngayon lang nahimasmasan si Shen Bi Ru at mabilis siyang sumunod kay Zhang Xuan.
"Ano pa bang kailangan mo?" Ang naiinis na tanong ni Zhang Xuan.
[May sakit ba 'tong babaeng' to o ano?
Sinagot ko na lahat ng tanong mo para sayo! Hindi ka pa ba tapos? Hindi mo ba nakikitang gutom na ako at gusto ko na talagang kumain?]
"Hindi pa din ako kumain. Gusto mo ba 'kong sabayan?" Lumangutngot ang ngipin ni Shen Bi Ru.
Siya ang Aphrodite ng akademya. Maraming lalaki ang nagyaya sa kanyang kumain sa labas, ngunit tinanggihan niya lang ang mga ito. Hindi nga rin niya tinanggap ang ilang ulit na pagyaya sa kanya ni Shang Bin kahit minsan.
Naging interesado siya kay Zhang Xuan dahil sa mga ipinakita nitong kamangha-manghang talino, kaya naman niyaya niya itong kumain kasama siya, para malaman niya kung ano ang dahilan ng biglaang pagbabago ni Zhang Xuan.
"Gusto mong ilibre kita?" Napatingin si Zhang Xuan sa kanya. "Ano bang iniisip mo! Kung gusto mong kumain, gamitin mo yung pera mo! Gaano ba kakapal yang pagmumukha mo?"
[May mga katanungan ka para sakin, kaya sinagot ko lahat yun. Inaasahan mo pang ililibre kita pagkatapos ng lahat ng yun?
Ganyan ka ba talaga kawalang-hiya?]
Sa dati niyang buhay, marami siyang pinanood na mga 'action film', ngunit ganun pa man, hindi siya lumalabas ng bahay niya. Kahit minsan ay hindi pa siya nakihalubilo sa isang babae noon, kaya paano naman niya maiintindihan ang iniisip ng isang babae?
"Ikaw…" Nang makita niya kung paano siya tingnan ni Zhang Xuan at marinig niya ang mga sinabi nito, muntik nang sumuka ng dugo si Shen Bi Ru at mahimatay.
[Isa 'kong magandang binibini, di ba? May espesyal na pribilehiyo ang magagandang babae!
Kaya maraming nagyaya sakin na lumabas at tinanggihan ko lang silang lahat. Tapos, ngayong niyaya kita, titingnan mo ako ng parang isa 'kong halimaw…
Walang hiya?!
Ikaw ang walang hiya!
Meron bang kahit sino sa mundong 'to na tatawag sa isang magandang babae ng ganun?]
Halos magwala na si Shen Bi Ru.
"Sige, ililibre na kita, okay? Ililibre na kita! Nagkiskisan ang mga ngipin ni Shen Bi Ru, nang sinabi niya ang mga salitang ito.
"Ililibre mo 'ko?" Napahinto saglit si Zhang Xuan. Dahil ang dating siya ang pinaka walang kwenta sa akademya, sobrang liit ng sinasahod niya. Kaya, hindi masama kung may manlilibre sa kanya. Kaya naman, tumango si Zhang Xuan, "Ayos lang sakin, pero gusto ko ng mamahaling pagkain. Ayaw kong kumain ng karaniwang mantou[1] lang at fried pancake!"
"..." nagwala uli si Shen Bi Ru.
[Mantou at fried pancake? Bahala ka na!]
"Tara na!" Ayaw na niyang magsalita pa. Natatakot siya na kapag kinausap pa niya si Zhang Xuan, ay baka mamatay siya sa sobrang galit.
Binigyan siya ng Library of Heaven's Path ng kakayahang makita ang mga kahinaan ng mga skill at ang mga mingmen ng lahat ng tao. Ngunit, hindi nito kayang silipin ang damdamin ng isang babae. Hindi alam ni Zhang Xuan na nagalit sa kanya ng sobra ang pinaka magandang babae sa Hongtian Academy dahil sa mga pinagsasabi niya.
Nakasunod siya kay Shen Bi Ru, naglakad si Zhang Xuan sa pasilyo patungo sa entrance ng campus.
Kahit na hindi kasing liwanag ng mga tanawin sa gabi sa kanyang dating buhay ang tanawin sa Hongtian Academy, napakaganda pa rin ng tanawin sa ilalim ng liwanag ng buwan. Napaka tahimik at payapa ng paligid habang pinalilibutan ito ng spirit energy.
Sa kanyang dating buhay, napaliligiran siya ng usok at nagkalat ang dumi kung saan-saan. Ibang iba ang mararamdaman mong kapayapaan sa lugar na ito. Nadala ng kagandahan ng lugar si Zhang Xuan.
Habang naglalakad sa unahan si Shen Bi Ru, iniisip niya na tatanungin siya ng lalaking nakasunod sa kanya para mabasag ang nakabibinging katahimikan. Ngunit, dahil hindi umiimik si Zhang Xuan, hindi napigilan ni Shen Bi Ru na lumingon sa likuran niya.
Pagsilip niya, nagulat siya sa kanyang nakita.
Tahimik na naglakad si Zhang Xuan sa ilalim ng liwanag ng buwan, tila'y nasa isa siyang maganda at payapang larawan.
"Ito ang… Ito ang… Will of Mind 2-dan, ang Heart of Tranquil Water?"
Tiningnan niyang maigi si Zhang Xuan.
Hindi lamang ang katawan at ang zhenqi nila ang kinu-cultivate ng mga Fighter. Ang higit na mahalaga para sa kanila ay ang kanilang isipan!
Kapag mas malakas ang isipan ng isang tao, mas kontolado nila ang kanilang cultivation. Dulot nito, mas mabilis na tataas ang kanilang cultivation, at dahil dito maaari nilang mas mapalago ang kanilang cultivation sa hinaharap.
Yun ang dahilan kung bakit hinati ng mga eksperto ang Will of Mind sa iba't ibang lebel.
Ang Heart of Tranquil Water ang 2-dan na realm nito!
Mas mahirap ang pagsasanay sa isipan kaysa sa mga battle technique. Sinasabi na sa buong akademya, tanging ang principal lamang ang nakaabot sa ganitong lebel. Kahit si Shen Bi Ru, na kilala sa kanyang kahusayan at sa pag-abot niya sa Fighter 5-dan pinnacle sa edad na 20, pangalawa sa kilalang henyo na si Bai wangye[2], ay malayo pa sa pagkakamit ng Will of Mind 2-dan.
Noong una, iniisip niyang napakahirap para sa isa pang tao na makaabot sa ganitong lebel, ngunit hindi niya inaakalang ang tinatawag ng iba na basurang teacher ay maaabot ang ganitong lebel!
Kung hindi niya ito nakita ng personal, hindi niya ito paniniwalaan!
[Paanong nangyari 'to?
Iyon ang Will of Mind 2-dan! Ito ay masmahirap abutin kaysa sa Fighter 6-dan at 7-dan]
"Posible kayang… Hindi talaga siya basura, sa halip ay… sinadya niyang makakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination, para magamit niya ang mga panlalait at pang-aalipusta sa kanya upang mas mapalakas ang kanyang kalooban at isipan?"
Biglang may sumulpot na ideya sa kanyang isipan.
Dati, hindi niya masyadong nakakasalamuha si Zhang Xuan laoshi, kaya wala siyang masyadong alam tungkol kay Zhang Xuan. Ngayong araw, dahil sa naging pag-uusap nila, nalaman ni Shen Bi Ru na hindi lang siya basta matalino, naabot na din pala ni Zhang Xuan ang Will of Mind 2-dan ang Heart of Tranquil Water!
Iyon ang lebel na pinapangarap ng lahat, ngunit hindi pa nila ito naaabot!
Mukhang hindi totoo ang resulta ng Teacher Qualification Examination niya. Ang tunay niyang layunin ay para gamitin ang galit ng ibang tayo sa kanya para sanayin ang kanyang isipan, upang maabot niya ang Will of Mind 2-dan.
Hindi siya makapaniwala na ang isang taong may ganitong Will of Mind ay babagsak sa Teacher Qualification Examination.
"Hmph, ipagpatuloy mo lang ang pagpapanggap mo. Tingnan lang natin kapag binisto kita!"
Habang naiisip niya kung paano siya nalinlang ni Zhang Xuan, madiin nagkiskisan ang mga ngipin ni Shen Bi Ru.
Sadyang nakakagalit talaga ang taong ito. Determinado si Shen Bi Ru para makahanap ng pagkakataon na ibunyag ang lihim ni Zhang Xuan sa ibang tao!
[1] Mantou -> Tinapay| Sa madaling salita, hindi siya kakain ng basta-bastang street food lang/ mula sa mga tindero sa kalye.
[2] Wangye ay isang titulo na ibinibigay mula sa emperador hanggang sa mga prinsipe ng bansa.