Chereads / Library of Heaven's Path (Tagalog) / Chapter 24 - Itapon Siya Palabas

Chapter 24 - Itapon Siya Palabas

"Imposible…"

Hindi rin makapaniwala si Wang Tao.

Bago siya dumating, sinigurado niya muna kung gaano kalakas si Zhang Xuan. Base sa nakuha niyang impormasyon, nasa Fighter 3-dan Zhenqi realm lang si Zhang Xuan, napakahina niya!

Paano niya nagawang pigilang ang atake ni Wang Tao gamit lang ng dalawang daliri?

Para magawa ang ganung bagay, bukod sa nangangailangan ng sapat na lakas ang gagawa nito, kailangan din na tama ang kanyang tyempo, ang pagkontrol niya sa kanyang lakas, ang kanyang posisyon at marami pang iba. Kapag nagkamali siya sa pagtantya, posibleng maputol ang kanyang mga daliri at siguradong grabe ang matatamo niyang pinsala!

Ang ibang mga guro, o pati na rin ang mga Pixue realm elder, ay hindi ito magagawa! Pero, ang taong tinaguriang basura sa akademya…

Imposible!

"Tyamba! Nakatyamba lang siya!"

Naisip niyang nagkataon lang ang nangyari. Lalong naging mabagsik ang itsura ni Wang Tao at sinubukan niyang hilahin ang kanyang espada, at sinabing, "Bumitaw ka!"

Gusto niyang alisin ang kanyang espada sa pagitan ng mga daliri ni Zhang Xuan.

Subalit, kahit na ilang beses niya sinubukang alisin ito, naglalabasan ang mga ugat sa kanyang sentido at halos sumuka na siya ng dugo dahil sa kaka-pwersa niyang alisin ang espada, nabigla siya nang mapansin niyang tila nakadikit ng maigi ang kanyang espada sa pagitan ng dalawang daliri ni Zhang Xuan. Kahit na gaano pa niya ito pwersahin, hindi niya pa rin ito matanggal sa kinalalagyan nito. .

"Posible nga kayang… ang tunay niyang lakas ay higit pa sa Zhenqi realm?" Isang kakaibang bagay ang sumagi sa kanyang isipan.

[Pero imposible 'to!

Hindi pa nagtatagal mula noong ganapin ang Teacher Qualification Examination. Alam ng lahat ng tao sa akademya na nasa Zhenqi realm pinnacle lamang ang lakas niya… Higit pa dito, kahit na makalagpas pa siya sa kasalukuyan niyang realm, mapupunta lamang siya sa Pigu realm, na kapareho lamang ng lebel ni Wang Tao. Hindi siya dapat nahihirapan ng dahil lang sa dalawang daliri ni Zhang Xuan!]

"Alis na!"

Habang iniisip ni Wang Tao ang kakaibang sitwasyon nila, naramdaman niya ang isang matinding pwersa na papunta sa kanya galing sa espada at narinig niya ang boses ni Zhang Xuan.

Hu!

Bago pa man siya makakilos, bigla siyang tumalsik.

Boom!

Sumalpok ang ulo niya sa pinto ng silid aralan.

"Ok, ipagpatuloy na natin ang ating klase!"

Pagkatapos niyang itapon palabas si Wang Tao, lumingon si Zhang Xuan sa kanyang mga estudyante at mahinahong nagsalita.

"..."

Nagkatinginan sila Wang Ying, Zhao Ya, Liu Yang, Zheng Yang at Yuan Tao. Natulala sila sa nangyari at halos sumabog sila sa sobrang pagkagulat.

[Isa siyang Fighter 4-dan Pigu realm expert! Bukod pa dito madaling napigilan ni Zhang Xuan ang buong lakas niyang pag-atake, at itinapon pa siya nito palabas ng ganun kadali…

Hindi ba't ang guro nila ang pinaka walang kwentang guro at ang pinaka mahina sa buong akademya?

Paano niya nagawa yun?]

"Itinatago ni guro ang… tunay niyang lakas?"

Walang anu-ano'y, napaisip si Zhao Ya at namula ang mukha niya sa sobrang pananabik.

Ang ibig sabihin lamang nito ang guro sa harapan niya ngayon ay itinatago lamang tunay niyang lakas!

Kung hindi, paano niyang nalalaman ang mga problemang hindi kayang makita ng iba at paano niyang napapalakas ang isang tao sa pamamagitan ng isang payo lang?

Hindi rin mga tanga ang iba. Sinara nila ang kanilang mga kamay dahil sa pananabik.

Sa pagpunta nila sa akademya para turuan ng isang guro, sino ba naman ang ayaw na mapunta sa pangangalaga ng isang mahusay na guro?

Noon, inisip nilang lahat na magiging miserable ang mga buhay nila, dahil napunta sila sa pangangalaga ng pinaka walang kwentang guro sa akademya. Ngayon lang nila nalaman na… nanalo sila sa paligsahan ng pagpili ng mga guro, isang kamangha manghang tao pa nga ang naging guro nila!

Ang guro na may pinaka pangit na reputasyon sa akademya ay isa pa lang… tunay na eksperto!

"Un!"

Nang dumating sila sa puntong ito, lahat ng mga pagdududa nila ay naglaho at masigla silang tumango. Pati si Liu Yang, na may pagdududa sa pagtuturo ni Zhang Xuan, ay walang magawa kundi tumingin ng masigasig sa kanilang guro, ayaw niyang may malampasan kahit isang salita mula kay Zhang Xuan.

Anong Lu Xun laoshi at Wang Chao laoshi… Lahat ng mga ito ay nasa likod na ng kanilang mga isipan!

Hindi lang sila, kahit ang mga elder ay luluhod kung ikukumpara kay Zhang laoshi!

...….

"Para sumugod siya bigla sa loob, sana maayos ang kalagayan ng young master!"

Sa labas ng silid aralan, nag-aalalang tumingin si Tandang Liu kay Wang Tao, na galit na galit na pumasok sa silid aralan.

"Huwag kang mag-alala, nasa Fighter 4-dan Pigu realm na si Wang Tao shaoye [1] habang nasa Zhenqi realm pa rin hanggang ngayon si Zhang Xuan. Ilang sandali lang, siguradong tuturuan niya ng leksyon ang guro na yun at dala niya ang young mistress niyo na si Wang Ying paglabas niya!"

Tumango si Yao Han habang nakangiti ng maigi.

Habang iniisip niya ang nakakaawang itsura ng walang hiyang guro na 'yon na kalat kalat ang mga ngipin sa lapag, bigla niyang narinig ang galit na sigaw ni Wang Tao mula sa silid.

"Nagsimula na!"

Nagningning ang mga mata ni Yao Han at dahan dahan siyang napangiti.

Kung sakaling pinaka huli lang sa buong akademya si Zhang Xuan, hindi na sana mangingialam pa si Yao Han. Subalit, para subukan niyang bastusin ang young mistress hindi ito mapapalampas ni Yao Han!

Kung walang ginawang masama si Zhang Xuan, paano niyang nakumbinsi ang young mistress na piliin siya bilang guro nito?

Kung si Yao Han mismo ang kikilos, siguradong magagalit sa kanya ang young mistress, bukod pa dito maaapektohan ang Hongtian Academy sa gagawin niya. Mas magandang si Wang Tao na lang ang kumilos para sa kanya!

Matatagpuan ang Hongtian Academy sa Tianxuan Royal Capital, ang bayan ng pamilyang Wang. Kahit na mambugbog ng guro si Wang Tao, siguradong madali nila itong magagawan ng paraan! Higit pa dito, disipulo ng isang elder si Wang Tao at mayroon siyang mataas na katungkulan sa akademya. Mas mabuting siya na lang ang kumilos.

"Hehe, gusto kong makita kung paano ipapahiya ng basurang guro na yun ang sarili niya…"

Habang naiisip niya ang mangyayari, lalo siyang natutuwa. Dahan-dahang lumapit sa tapat ng pinto si Yao Han, balak niyang sumilip sa pintuan nang makarinig siya ng malakas na tunog at biglang bumukas ang pinto.

Peng!

Hindi na nagkaroon ng pagkakataon si Yao Han na makakilos dahil sa biglaang paghampas sa kanya ng bakal na pinto. Sumalpok ito deretso sa pagmumukha niya, at nayanig siya. Habang nahihilo siya, may sumalpok na ulo sa kanya!

Kacha!

Lumagutok ang buto niya at natanggal ang dalawang natitira niyang ngipin nang tumama sa mukha niya ang isang ulo.

"Pu!"

Namaluktot sa sobrang sakit si Yao Han at bumulwak ang sariwang dugo mula sa bibig niya.

Hindi mahina ang katawan niya, pero… kinakailangan niya pang pagalingin ang mga sugat na natamo niya bago pa ang araw na 'to. Kahapon lang, binugbog ang kanyang mukha at ngayon naman, nahampas siya ng bakal na pinto sa mukha niya pagkatapos ay may sumalpok naman na ulo sa kanya… Isang himala na buhay pa siya sa puntong ito.

"Young master…"

Napansin ni Tandang Liu na ang taong tumalsik palabas ay ang young master niya at natataranta siyang lumapit dito,

"Bwisit, bwisit!"

Tumama man sa bakal na pinto si Wang Tao, hindi pa rin naging malala ang mga natamo niyang pinsala dahil nasalo siya ni Yao Han. Tumayo siya at naalala niya kung paanong sinalo ng basurang guro na 'yon ang atake niya at binato siya palabas, nakaramdam siya ng matinding takot. Kahit na sumigaw pa siya ng malakas, hindi na niya sinubukan pang lumapit uli sa silid aralan.

"Young master Wang Tao, anong… anong nagyari…"

Ngayon lang napansin ni Yao Han na si Wang Tao ang sumalpok sa kanya dahil sa pagkahilo niya. Nagtaka si Yao Han, at nagpumilit na makatayo.

[Hindi ba't sumugod ka dun para bugbugin siya? Bakit ikaw yung tumalsik palabas?]

"Ah… Nagsasanay ako ng isang bagong battle technique!" Hindi masabi ni Wang Tao na itinapon siya palabas ng basurang guro na yun, kaya nag-isip na lang siya ng idadahilan niya.

"Battle technique?" Nanlalabo pa rin ang paningin ni Yao Han dahil sa nangyari. Agad siyang nagtanong, "Naibunyag mo ba ang tunay niyang pagkatao? Anong naging reaksyon ng young mistress namin…"

"Ehem ehem. Ah… Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon kasi itinulak ako ng kapatid ko palabas. Naisip ko lang… bakit hindi na lang tayo maghintay dito sa labas!" Nahihiyang nagsalita si Wang Tao.

Kani-kanina lang, kung anu-ano pa ang sinasabi niya kung paano niya parurusahan si Zhang Xuan. Ngunit, pagkatapos nito, tumalsik siya palabas ng silid aralan. Hindi niya matatanggap ang nakakahiyang pangyayaring iyon kahit na bugubugin pa siya hanggang mamatay siya!

"Sandali lang?"

Napakamot ng ulo si Yao Han at nagsimula siyang pagdudahan si Wang Tao. Subalit, naisip niyang hindi niya dapat ito ipaalam, kaya pinili na lang niyang ibahin ang usapan, "Wang Tao shaoye, may itatanong lang sana ako sayo, dahil isa ka ring estudyante ng Hongtian Academy!"

"Sige lang!"

Nang hindi na nagpatuloy si Yao Han sa pag-uusisa sa mga nangyaribsa loob ng silid aralan, nakahinga na ng maayos si Wang Tao at sumagot.

"Mayroon bang mga babaeng guro sa akademya na may 'Bi' sa pangalan?" Nang maalala niya yung taong bumugbog sa kanya, umigkas ang galit ni Yao Han.

"Bi? Ang pinaka kilala sa kanilang lahat ay ang diyosa ng akademya, si Shen Bi Ru! Narinig kong gusto rin siyang ligawan ni Zhang Xuan laoshi. Para siyang palakang nagnanasa… sa laman ng swan…"

Sa kalagitnaan ng kanyang pagsasalita, biglang napahinto si Wang Tao.

Noon, ang alam ng lahat ay mahina si Zhang Xuan at hindi rin siya magaling sa pagtuturo. Sa ganitong mga pamantayan niya, ang lakas ng loob niya para ligawan ang diyosa ng akademya na si Shen Bi Ru… Kaya naman ganun ang itinawag sa kanya ng lahat. Ngayong nakita na ni Wang Tao kung gaano kalakas si Zhnag Xuan at naintindihan niyang higit na mas mataas ang lebel ni Zhang Xuan kaysa sa kanya, naisip niyang hindi niya dapat tawagin na palakang nagnanasa sa laman ng swan si Zhang Xuan!

"Shen Bi Ru? Gusto siyang ligawan ni Zhang Xuan?" Kumislap ang mga mata ni Yao Han nang bigla siyang may naisip. Siya siguro yung taong tinutukoy ng lalaking bumugbog sa kanya. Nagpatuloy si Yao Han sa pagtatanong,"Maliban kay Zhang laoshi, may iba pa bang nanliligaw sa kanya?"

"Napakaganda talaga ni Shen laoshi, masyadong marami yung mga nanliligaw sa kanyang mga guro para mabilang ko pa. Pero, ang pinaka kilala sa kanilang lahat ay ang apo ni Elder Shang Chen, si Shang Bin laoshi!" Pagkatapos niyang makapag-isip-isip, nagtaka si Wang Tao kay Yao Han, "Bakit nagtatanong ng ganito si butler Yao?"

"Ah, nagtatanong lang ako!"

Hindi na nag-usisa pa si Yao Han tungkol dito, ngunit nagningning ang kanyang mga mata.

"Makakasigurado akong siya yun kung sakaling nagkaroon sila ng alitan ni Zhang Xuan kahapon. Kung siya nga talaga yun, kahit na apo pa siya ng isang elder, sisiguraduhin kong magdudusa siya…"

Kailan pa na ang butler ng Baiyu City Lord, na nakatataas sa karamihan, at mas mababa sa iisang tao lamang, ay nakaranas ng matinding kalapastanganan!

Kapag hindi niya pinaghigantihan ang gumawa sa kanya nito, hindi mawawala ang galit na nararamdaman niya. Para dito, handa siyang maging isang demonyo!

......…...

Habang nag-iisip pa si Yao Han kung sino ang pwede niyang mapagkukunan ng impormasyon, ang taong iniimbestigahan niya, na si Shang Bin, ay katatapos lang sa kanyang klase at nakaalis na sa kanyang silid aralan nang may makita itong isang binata.

Cao Xiong laoshi!

[1] Shaoye -> Young master