Walang kaalam-alam si Zhang Xuan sa mga pangyayaring naganap sa Wang Clan. Pagkatapos ng leksyon ay nagtungo siya sa Compendium Pavillion.
"Tumaas nga ang cultivation ko sa ngayon, pero hindi ko pa rin lubusang naiintindihan ang mga battle technique at iba pang mga bagay. Kailangan kong pag-aralan ito agad! At saka titignan ko na rin ang mga 1-dan at 2-dan na cultivation technique. Kung hindi, pagdating na nagturo ako nang walang kaalam-alam, mabibisto nila ako!"
Ilang beses umangat ang cultivation ni Zhang Xuan kagabi, dahilan para higit na madagdagan ang lakas niya. Ngunit, kulang na kulang pa ang nalalaman niya tungkol sa mga battle technique. Higit pa dito, hindi pa ganoong kalalim ang nalalaman niya sa mga 1-dan at 2-dan na cultivation technique. Halimbawa, noong nagbigay siya ng payo kay Zhao Ya kanina, hindi niya alam kung anong uri ng cultivation technique ang ibibigay niya kay Zhao Ya para malutas ang problema niya tungkol sa kanyang Pure Yin Body.
Ngayon ang pinaka magandang oras upang gumawa ng pagsusuri at maghanda para sa susunod na leksyon.
Dahil kung sakaling hindi niya masagot ang mga tanong ng kanyang mga estudyante, malalaman nila na wala talaga siyang alam. .
"Elder Mo!"
Pagkarating niya sa Compendium Pavillion ay nagbabantay pa rin sa may entrance si Elder Mo.
"Anong pinunta mo rito?"
Kahapon, ang taong ito, ay nanggulo sa loob ng pavillion dahil sa paghahangad niya na maging mas magaling, kaya naman sumama ang impresyon sa kanya ni Elder Mo. Hindi mapigilan ni Elder Mo na sumimangot nang makita niyang nasa pavillion nanaman si Zhang Xuan.
"Nais ko pong makita ang mga manual tungkol sa mga battle technique!" yumuko si Zhang Xuan.
"Mga battle technique? Ang cultivation technique ng isang tao ay ang puno ng kanyang lakas. Kaysa magsanay ka ng maayos ng iyong cultivation technique, gusto mo pa talagang gayahin ang masamang halimbawa ng iba, ang maging hambog, magpakasasa sa ilusyon ng katanyagan at magpakatamad! Ngayong araw na 'to, 'wag mo nang isiping pumasok pa sa Compendium Pavilion!"
Kumumpas si Elder Mo para itaboy siya.
Para sa kanya, ang pagpunta dito ni Zhang Xuan ay hindi para magbasa ng libro… sa halip, siya ay nagpunta upang pahapyawan ito nang matandaan niya ang ilang mga importanteng salita para magmukha siyang matalino.
Ang pinakamalaking kasalanan sa pagtuturo sa isang estudyante ay ang pagbibigay ng hindi sapat na kaalaman. Kung ang iyong timba ng kaalaman ay hindi puno, mas madaling mawala ang kontrol ng isang estudyante sa kanyang cultivation dahil sa maling pagtuturo ng guro.
Kahapon, dalawang beses ring nagpunta rito si Zhang Xuan, at sa parehong pagkakataon ay basta basta lang niyang pinahahapyawan ang mga manual. Sa sobrang bilis niya, malamang ay hindi niya maaalala ang mga pangalan ng libro, lalo na ang mga nilalaman nito. Ano pa bang ibig sabihin ng ginagawa niya, kundi para magpasikat lang?
Ang Compendium Pavilion ay isang lugar para ang mga guro ay magpalawak at magdagdag ng kanilang kaalaman. Paanong pinayagang pumasok ang isang taong tulad niya dito?!
"Isa akong hambog at nagpapakasasa sa ilusyon ng katanyagan?" Kumurap si Zhang Xuan at kitang-kita sa kanyang mga mata ang kanyang pagtataka.
Bakit siya nagsasalita ng ganoon?
Hindi niya napigilang magtanong, "Elder Mo, nandito talaga ako para mag-aral at hindi para manggulo…"
Da da da!
Habang nagpapaliwanag siya, maririnig ang mga yabag mula sa kanyang likuran at umalingawngaw isang magandang boses.
"Elder Mo, magbabasa lang ako ng ilang libro!"
Pagkalingon niya, nakita niya ang diyosang guro na nakita niya kahapon, si Shen Bi Ru!
Sa oras na ito, si Shen Bi Ru ay nakasuot ng mapusyaw na lila. Ang kanyang balingkinitang katawan at napakagandang mukha ay nagbibigay sa kanya ng malaperpekto at eleganteng aura na nagbibigay liwanag sa kanyang paligid.
"Oh, ikaw pala Shen laoshi. Pumasok ka!" Nang makita niyang si Shen Bi Ru pala ang dumating, hindi man lamang siya sinubukang pigilan sa ni Elder Mo na pumasok ng pavillion.
Hindi lang basta maganda si Shen Bi Ru, isa rin siyang kapuri-puring henyo sa mga kapwa niya guro. Kahit na 20 taong gulang pa lamang siya ay nakaabot na siya sa Fighter 5-dan pinnacle, isang hakbang na lang patungong Pixue realm.
"Salamat, Elder Mo!" Elegante siyang tumango. Pagkalingon niya, nakita niya si Zhang Xuan na nakatayo lang sa isang gilid at hindi niya mapigilang magulat.
Dati kasi, kahit hindi pa nagtatapat si Zhang Xuan ay namumula na agad ang kanyang mukha kapag nagkakatinginan sila at hindi siya nakakapagsalita ng diretso kapag kaharap siya, para bang isang mahiyaing dalaga. Kahit na ang pinakamakapal na tao ay mapapansing may kakaiba sa kinikilos ng lalaki.
Noong una, akala niya ay ganoon rin ang mangyayari ngayon. Ngunit, tinignan lang siya ni Zhang Xuan saglit at tumalikod, ang dating paghangang nababakas sa kanyang mga mata na kasing linaw ng tubig sa batis ay tuluyan nang nawala, para bang hindi na siya tinatablan ng kanyang kagandahan.
Ang pinaka importante sa lahat, si Zhang Xuan ay hindi malakas, at mababa rin ang nakuha niyang score sa Teacher Qualification Examination. Dahil dito, nanliliit siya sa tuwing kaharap niya ang ibang mga guro, dahilan para mawalan siya ng tiwala sa kanyang sarili. Ngunit, sa mga oras na 'to, kahit na nakatayo lang siya, kitang kita na malaki ang tiwala niya sa kanyang sarili at kita sa kanya ang aura ng isang pambihirang tao. Kung titignang mabuti, ibang-iba ang pagkatao niya ngayon kaysa sa dati. .
Naalala niya ang mga pangyayari noong nagkita sila kahapon, ang lakas ng loob ni Zhang Xuan na harapang sagut-sagutin si Shang Bin. Hindi mapigilan ni Shen Bi Ru na mapaisip dahil dito. Kailan pa nagbago ng ganito yung taong 'to?
"Elder Mo, nandito din ako para magbasa. Bakit siya pinayagan mong pumasok tapos ako hindi?" Walang kaalam-alam si Zhang Xuan sa iniisip ni Elder Mo.
Kahit na pareho silang mga guro, ipinagkakait pa rin sa kanya ang pribilehiyo na magbasa ng mga libro. Kamalas-malasan nga naman!
"Pumasok si Shen laoshi sa pavilion para mag-aral. At sa kung ano ang iyong motibo, ikaw dapat ang mas nakakaalam nun! Gusto mo ba talagang sabihin ko pa para sayo?" galit na sinabi ni Elder Mo.
"Mga manual lang naman ang nasa loob, ano pa bang ibang magagawa ko doon?" Umiling si Zhang Xuan na may pilit na ngiti sa kanyang mukha. "Malamang papasok ako ng pavilion para magbasa ng mga libro at palawakin ang aking kaalaman!"
"Palawakin ang iyong kaalaman? Hmph!" Hindi kumbinsido si Elder Mo.
[Paglipat sa mga pahina ng walang tigil at hindi man lang siya huminto para basahin ito ng maigi at pag-aaral ba ang tingin niya doon? Ang bawat cultivation technique sa loob ay napaka halaga. Imposibleng madagdagan ang kaalaman mo sa pamamagitan lang ng paglilipat ng pahina ng mga libro ng hindi man lang nagsusulat! Paano ka nakakapag-aral ng ganito?]
"Elder Mo!"
Magpapaliwanag pa lamang sana siya, nang bahagyang ngumiti si Shen Bi Ru, na para bang isang bulaklak, at sinabing, "Baka naman nandito talaga si Zhang laoshi para mag-aral. Bakit di mo na lang siya papasukin?! Kapag pinigilan mo siya ng ganyan, mag-iiwan yan ng masamang impresyon sa iba pang mga guro!"
"Un! Dahil sa pinakiusapan ako ni Shen laoshi, papayagan na kita. Pero, sasabihin ko 'to sayo. Kung gusto mong magbasa ng libro, basahin mo itong mabuti. Kapag nakita kitang nagpapalakad-lakad at nagpapakitang-gilas loob, hintayin mo lang at malalagot ka sakin!"
Ang sabi ni Elder Mo.
"Maraming salamat!" Tumango si Zhang Xuan, sabay pinaglakip ang kanyang mga kamay sa direksyon ni Shen Bi Ru bilang pasasalamat bago siya pumasok sa Compendium Pavilion.
"Un?"
Noong una, akala ni Shen Bi Ru dahil sa tinulungan niya si Zhang Xuan, gagamitin ng lalaki ang oportunidad na ito upang kausapin siya. Ngunit, naglakad lamang siya paalis, dahilan para mapaisip si Shen Bi Ru.
Kahit na medyo nagulat siya, ipinagsawalang-bahala niya ito at sumunod sa Compendium Pavilion.
Gusto lang talaga niyang tulungan si Zhang Xuan, wala siyang ibang dahilan o intensyon sa kanyang ginawa. Ayaw rin naman siyang kausapin ni Zhang Xuan, kaya masaya na rin siya na hindi niya kailangang makipag-usap dito.
"Hindi ko alam na napaka hirap palang pumasok sa Compendium Pavilion. Sa susunod, siguradong hindi na ako makakapasok pa kahit kailan!"
Nakatayo lang si Zhang Xuan sa harap ng mga hilera ng libro, hindi muna siya nagbasa agad-agad at napakamot na lamang siya ng ulo.
Hindi niya alam kung bakit siya pinigilan ni Elder Mo, pero sigurado siyang may koneksyon ito sa kanyang katauhan bilang pinakawalang kwentang gurosa akademya.
Ang katauhang ito ay nagdadala sa kanya ng problema kahit saanman siya magpunta. Hindi lang sa paghikayat ng mga estudyante, pati ang mga kapwa niya guro ay ayaw rin sa kanya. Ang dahilan lang kung bakit siya nakapasok ngayon ay dahil sa mga sinabi ni Shen Bi Ru. Pero, paano na sa susunod?
"Hindi naman ganun kalaki ang Compendium Pavilion. Kapag nagmadali ako, maari kong mabasa lahat ng libro sa loob lang ng isang araw. Sa ganitong paraan, hindi ko na kailangang bumalik dito!"
Biglang may pumasok na ideya sa kanyang isipan.
Dahil determinado si Elder Mo na pigilan siya, titiyakin na lang niya na hindi niya na kailangan pang bumalik dito sa hinaharap.
Sa laki ng library, mayroong daan-daan at libu-libong libro dito. Kahit na siguro tumira sila rito ay hindi nila ito magagawang basahin lahat. Ngunit, naiiba siya sa lahat! Kahit na anong libro pa ang ibigay sa kanya, basta't masilip niya ang mga pahina nito, makakagawa siya ng libro na katulad nito sa Library of Heaven's Path na may nakasulat na mga kahinaan at kamalian nito!
Kung bibilisan niya ang kilos, hindi imposibleng makabisado niya ang lahat ng libro sa loob ng isang araw.
Kapag nagtagumpay siya, hindi na niya kailangan pang mamroblema na pumunta dito para manghiram ng libro.
"Simulan na!"
Sa oras na pumasok ito sa kanyang isipan, hindi na nagpaliguy-ligoy pa si Zhang Xuan at nagmadaling naglakad papunta sa unang hilera ng mga libro.
Hindi niya alintana kung ano ang mga librong iyon, kumuha siya ng maraming libro at huala, binuklat niya ang mga pahina ng mga libro.
Hu hu hu!
Gaya ng kanyang inaasahan, ang Library of Heaven's Path ay gumana at isang kahalintulad na libro ang lumitaw sa isang bookshelf nito.
"Un, ganyan dapat!"
Nang mapansin niyang posibleng gawin 'to sa maraming libro ng sabay-sabay, naglakad siya palapit sa mga bookshelf para kumuha ng libro at sabay-sabay itong binuklat.
Hualala! Hualala!
Ang mga tunog ng yabag at paglipat ng mga pahina ay umalingawngaw sa buong Compendium Pavilion.
"Ang taong iyon, itinatanggi pa niya… na hindi siya nagpapakitang-gilas para magmukha siyang magaling?"
Si Elder Mo, na nagbabantay sa labas ng library, ay minamatyagan si Zhang Xuan simula ng pagpasok niya rito. Noong nakaraan, nagbuklat siya ng ilang libro bago ito ibalik. Kahit na halatang hindi siya seryoso sa kanyang ginagawa, mukha pa rin naman itong katanggap-tanggap. Ngayon naman ay kumukuha siya ng napakaraming libro at pinaglalaruan niya lang ang mga ito, ibabalik niya ang mga ito sa lalagyan bago pa man niya makita ang pangalan ng aklat.
Anong kalokohan ang ginagawa niya?
Nandito ba siya para magbasa o para mamili ng repolyo?
Hindi lang iyon, pagkatapos niyang tignan ang mga librong kinuha ni Zhang Xuan, muntik na siyang matawa sa mga nakita niya.
"Cultivation ng Wisteria", "Mga Panimula sa Relasyon ng Isang Lalaki at Babae", "Ang Paraan ng Paghahalo ng Yin at Yang", "Ang Pagsasala sa Berdeng Emerald Pill", "Mga Importanteng Aspeto na Dapat Tandaan sa Paggawa ng Armas"… Merong mga libro sa iba't ibang larangan.
Cultivation technique, battle technique, pag-aalaga ng mga halamang medsinal… pati relasyon ng lalaki at babae… Hangga't ito ay isang libro, wala siyang palalampasin kahit isa!
Lahat ng tao ay may pagkukulang at kahusayan at meron ring hangganan ang kakayahan ng isang tao. Imposible para sa isang tao na maging bihasa sa lahat ng larangan. Kaya naman, dapat ay pinipiling maigi ng isang tao ang mga libro na babasahin. Subalit, ang taong ito ay walang pakundangan sa pagkuha ng mga libro. Sigurado ba siya na hindi siya nandito para gumawa ng gulo?
"Malamang andito siya para manggulo! Pagkaalis niya ay titiyakin kong tuturuan ko siya ng leksyon!"
Nagdilim ang mukha ni Elder Mo at pagalit na huminga ng malalim.