"Ano ang nagawa namin na nagdulot sa inyo na isiping binawi namin ang aming pangako?" Pinunasan ulit ni Fan Qi ang kanyang kilay at pinagpawisan ng husto.
Ang malamig na mga mata ni Jun Wu Xie ay tumawid sa mga nakapulong at wala siyang sinabi kay Fan Qi nang tumigil ang kanyang titig, na bumagsak sa isang tao.
"Long Qi."
"Hinihintay ng inyong alagad ang inyong utos."
"Doon"
"Masusunod!"
Ang malinaw na boses ni Long Qi ay hindi pa nawawala nang ang kanyang mataas na katawan ay parang ipu-ipo, at pumasok sa mga nakatipon. Ilang sigaw ang maririnig, at tila kidlat, may dinukot si Long Qi na dalawang tao at bumalik kay Jun Wu Xie!
Dalawang pag-ungol ang maririnig. Ang dalawang tao ay binato sa paanan ni Jun Wu Xie, at nanginig sila ng husto.
Ang dalawang hinitsa sa sahig na parang manika ay si Ning Xin at si Yin Yan. Hindi nila inakalang dudukutin sila ni Long Qi mismo at ipapahiya sa harap ng iba pang mga disipulo.
Nang makita ni Ning Rui ang kanyang anak, nagbago agad ang kanyang mukha at siya'y napatayo.
"Binibining Jun, ano ang ibig sabihin nito?"
Natawa si Jun Wu Xie: "Ano ang ibig sabihin nito? Hindi ba halata? Ang ilan sa inyo ay nagpasyang ang pagpapaalis sa ilang mga disipulo ang lulutas sa problema? At itatago niyo pa ang totoong may pakana sa mga pangyayari? Ano? Akala niyo ba'y dahil malayo ang Kaharian ng Qi, mababalewala niyo na ang mga nangyari?"
Nang magsalita siya, yumuko si Jun Wu Xie at dinampot ang buhok ni Ning Xin at hinatak ito para dumeretso.
Ang sakit na tila pumunit sa anit ni Ning Xin ay nagpasigaw sa kanya at nagmakaawa ng umuungol. Si Yin Yan na nasa tabi niya ay umiiyak at bumaluktot para paliitin ang anyo niya.
"Tama na!" Nang makita ang ginagawa kanyang kaisa-isahang anak, nag-liyab ang mga mata ni Ning Rui.
"Tama na?" Naglabas si Jun Wu Xie ng malamig na tawa. "Binigyan ko kayo ng pagkakataon. Kung matuwid ninyong inayos ang problema, hindi ko na ito pinalala. Ngunit pinapakita lang nito na ang mga kasabwat lang ang pinarusahan at ang utak ng lahat ng ito ay nakatago, para takpan ang katotohanan. Kailangan ko pa bang ipaalala sa inyo? Ang dalawang salarin na may sala sa pag-pain sa isang Guardian Grade Spirit Beast para patayin ang mga miyembro ng Hukbo ng Rui Lin at ng Cloud Treading Peak ay ang dalawang ito. Ito ba ang sagot niyo sa amin?"
Nang marinig ang mga salita ni Jun Wu Xie, nagkagulo ang mga nanonood.
Ang mga sinabi ni Lu Wei Jie noong siya'y umalis ay nagtanim ng pagdududa sa mga puso ng mga disipulo, at ang lahat ng sinabi ni Jun Wu Xie ngayon ay nagpatatag sa mga kasalanan ni Ning Xin at Yin Yan!
Kasama si Yin Yan at Ning Xin sa grupo ni Lu Wei Jie noong Spirit Hunt. Habang ang lahat ng miyembro maliban sa dalawang ito ay pinaalis mula sa Akademya, ang kanilang pananatili ang nagdala ng pagdududa sa mga pangyayari.
"Mali siguro ang pagkakaintindi ni Binibining Jun. Walang kinalaman ang dalawang ito sa mga nangyari. Si Lu Wei Jie lang ang may kasalanan." Sinabi ni Ning Rui, habang pinipigilan ang galit.
Nakakapit si Ning Xin sa kanyang ulo at nanginginig na parang itlog na napisa, at inulit ang mga sinabi ni Ning Rui.
"Si Lu Wei Jie! Si Lu Wei Jie ang may kasalanan! Wala akong ginawa!"
"Oh?" Hinatak ni Jun Wu Xie ang kanyang kamay. Sa pagsigaw ni Ning Xin, wala na siyang nasabi pa.
"Kung tama ang naaalala ko, ang babaeng ito ang iisang anak ng Pangalawang Punong Tagapagturo ng Akademya, hindi ba? At ang nasa sahig naman ang kanyang utusan. Ang sinasabi ng Akademya ay maganda at masaya, ngunit sa katotohanan, hindi ba't pinapakita niyo lang ang pag-abuso niyo sa inyong kapangyarihan para ipagtanggol ang mga sarili ninyo? Nanong Xu, pumunta ka dito, ngayon na!"
Pinagutos ni Jun Wu Xie ng malakas.
Kahit si Nangong Xu ay nagulat at agad na lumapit.
"Alam mo kung ano talaga ang nangyari noong araw na iyon, sabihin mo sa Pangalawang Punong Tagapagturo, kung ano nga ba talaga ang nangyari noon." Natawa si Jun Wu Xie.