Tumango ang kasama ni Yin Yan sa pagsang-ayon ngunit naramdaman niya ang lamig ng puso nito.
Marahan at pino kung titingnan ang panglabas na katangian ni Yin Yan ngunit may nagtatagong
kasamaan sa ilalim ng kaniyang magandang maskara na nakapaninindig ng balahibo ng kasama niya.
"Ano daw ang kailangan ni Senior Ning sa akin?" isinantabi na muna ni Yin Yan ang nangyari kanina at
tinanong ang kasama.
Umiling lang ang kasama niya "Hindi sinabi ni Senior Ning, basta ang utos niya sa akin ay puntahan ka at
dalhin ka sa kaniya."
Hindi nagtanong pa si Yin Yan.
Makaraan ang ilang sandali narating na nila ang silid-aralan ng Beast Faculty. Sa ikalawang palapag ng
silid-aralan, kapansin-pansin ang babaeng nakagayak ng uniporme ng Zephy Academy na nakaupo sa
tabi ng bintana. Kaakit-akit tingnan ang babaeng binabalot ng sinag ng liwanag na nanggagaling sa
bintana.
Nakatutok ang mga mata ng babae sa aklat ng binabasa.
Hindi maialis ni Yin Yan ang mga mata sa babaeng tutok sa kaniyang pagbabasa. Marahang tumikhim
siya para makuha ang atensiyon nito bago tinawag ang pangalan nito, "Senior Ning."
Umangat ang tingin ng babae sa kaniya. Tila nahihipnotismo si Yin Yan sa kagandahang taglay ng babae.
Halos hindi siya makahinga dahil sa paraan ng pagtitig nito sa kaniya kung kaya naman umiwas siya ng
tingin.
Dinaanan ng mata ng babae ang kasama ni Yin Yan at mabilis na umalis ito.
Nagtanong ang babae sa mahinang boses "Ang bagong disipulo na nasa pangangalaga ni Fan Jin ay
kasama mo iisang silid?"
"Oo, kanina ko lamang nalaman." Sagot ni Yin Yan.
Nagpatuloy ang babae "Nakita mo na ito?"
"Oo."
"Ano naman ang masasabi mo?"
"Masyadong bata pa, parang nasa edad labing-apat o labing-lima lamang at maliit ang pangangatawan.
Mukha namang pangkaraniwan lamang." Kwento ni Yin Yan. Kung hindi si Fan Jin ang nagdala sa bagong
disipulo, malamang hindi niya ito pagtutuonan ng pansin.
Pasimpleng tiningnan ng babae si Yin Yan "Kung siya ay pangkaraniwan lamang, bakit siya ang piniling
turuan ni Fan Jin?"
Naging tradisyon na sa mga nakatatandang disipulo ang pagkuha ng mga bagong disipulo upang sanayin
at turuan ngunit walang nakakaalam kung sino lang ang pwedeng magkaroon ng bagong disipulo na
sasanayin.
Pero may pagbubukod sa tradisyong ito.
Una, ang mga disipulo ng Spirit Healer Faculty ay libre sa tradisyong ito. Kaunti lamang ang mga disipulo
sa Spirit Healer Faculty at walang nakakaalaam sa kung ano ang pamantayan ni Master Gu Li Sheng sa
pagpili ng disipulo. Taon-taon, dadalawa o tatatlo lamang ang natatanggap sa Spirit Healer Faculty at
hindi ibig sabihin na kapag natanggap ka na sa kagawarang ito ay hindi ka na matatanggal. Kung sa tingin
ni Gu Li Sheng na hindi naangkop ang isang disipulo para magsanay bilang Spirit Healer, hindi siya
magdadalawang-isip na sibakin ito sa programa. Sa mga nakaraan na taon, dalawa hanggang tatlo ang
natatanggap at tanging isa lamang ang natitira na maging disipulo ng mga Spirit Healer.
Sa ngayon, umaabot sa humigit kumulang walo o siyam na disipulo lamang ang mayroon sa Spirit Healer
Faculty.
At ang walo o siyam na disipulo ng Spirit Healer Faculty ang higit na kinaiinggitan ng lahat sa buong
Zephyr Academy! Sinasabing hindi na gumagawa ng ibang mga gawain ang mga disipulo ng Spirit Healer
Faculty at nakatutok lamang sa kanilang pagsasanay upang maging prominenteng Spirit Healer ng
Zephyr Academy.
Sila din ang nangunguna sa Spirit Battle Tournament!
Ang Spirit Battle Tournament ay taon-taong isinasagawa sa Zephyr Academy. Ang iba't ibang ring spirit
kasama ang mga dispulo ay maglalaban-laban. Sa paligsahang ito pipiliin ang nangungunang sampung
disipulo.
Ang sampung ito ay makakatanggap ng magandang alokasyon ng gamit at iba pa kumpara sa ibang
disipulo. Mahigpit ang labanan ng lahat ng disipulo sa taonang Spirit Battle Tournament na ginaganap
bago matapos ang taon.
Si Fan Jin ay ikaapat sa nakaraang Spirit Battle Tournament kaya hindi niya obligasyong kumuha ng isang
disipulo upang sanayin.