Walang nasabi si Qiao Chu habang pinapanuod niya ang paalis nang si Jun Wu Xie. Naiwang nasa ere ang kaniyang kamay sa biglang pag-alis nito.
Hindi naman siya tumututol na pinagbawalan siya nitong pumasok sa silid nito, ngunit dapat iniwan nito ang pusa! Hindi niya madadala ang pusa kay Brother Hua kung bawal siyang pumasok sa silid ni Jun Wu Xie!
Klinaro niya sana iyon bago umalis!
Sa pagbukang-liwayway kinabukasan, ang na tutulog pang si Qiao Chu ay nagising sa malakas na tunog ng kalmot sa kaniyang pinto. Pagkabukas niya ng pinto ay nakita niya ang pusang itim na nakaupo sa tapat ng kaniyang pintuan.
"Pinapunta ka ba ng iyong amo?" Tumingin si Qiao Chu sa kalangitan at nakita niyang nagsisimula pa lang sumikat ang araw. Ang mga pinto ng ibang disipulo ay sarado pa, marahil ay mahimbing pang natutulog ang mga ito.
Nagsalubong naman ang mata ng pusang itim. Ang disgusto nito sa kaniya kagabi ay naglaho at napalitan ng malalamig na titig.
Kinarga naman ni Qiao Chu ang itim na pusa. Nakita niya ang malamig at kalmado ng mata ng pusa. Ang nasa kaniyang harapan ay hindi ang pusang itim kundi si Jun Wu Xie mismo.
Ang mga mata ng iyon! Parehong-pareho sila!
Nang matitigan ni Qiao Chu ang mga matang iyon ay nag-alangan na siyang buhatin ito. Pakiramdam niya ay binubuhat niya si Jun Wu Xie.
Hindi naman nilabas ng pusa ang mga kuko nito ngayon. Tumabi ito kay Qiao Chu at tumalon papunta sa kaniyang balikat.
Nanatiling tahimik ang pusa, ang paa nito ay marahang bumaon sa damit ni Qiao Chu. Umupo ito sa harap niya at tumingala. Sinalubong niya ang tingin nito at malamig pa rin ang titig na binibitawan nito.
"Bakit ganito?! Bakit nararamdaman kong nilikha kayo ng iyong amo sa parehong hugis?" Ang mga matang iyon, personalidad ay isang replica ng amo nito!
Pero iba ang reaksyon ng pusang itim kagabi.
Wala na siyang oras para isipin pa iyon. Sinamantala ni Qiao Chu ang madilim pang kalangitan para magtungo kay Hua Yao.
Nananaginip pa si Hua Yao nang magising siya dahil sa malakas na kalabog. Napabalikwas siya ng upo at masamang tumitig sa tampalasang lumusot nanaman sa kaniyang bintana!
"Magandang umaga Brother Hua!" Bulalas ni Qiao Chu sa kaniya. Nagbihis muna siya ng matinong damit bago nagtungo dito.
Hinimas ni Hua Yao ang kaniyang sintido. Pakiramdam niya ay sasakit ang kaniyang ulo. Pinigilan niya ang sariling sakhalin ito.
Hindi ba nito magawa ng kumilos katulad ng normal na tao? Iyong marunong kumatok!
Nagtimpi si Hua Yao sa kaniyang inis dito. Naagaw naman ang kaniyang atensyon ng itim na pusang dala nito.
Nang pumasok si Qiao Chu sa kaniyang bintana ay tumalon ang itim na pusa galing sa balikat nito patungo sa kaniyang lamesa. Nakaharap ang pusa kay Hua Yao na nakaupo pa rin sa higaan nito.
"Iyan ay.....?" Sumimangot si Hua Yao sa kalmadong pusa na nasa kaniyang harapan.
Umupo naman si Qiao Chu sa upuan at nakangiting sumagot: "Inutusan ako ni Little Xie na dalhin ito sa'yo. Ang sabi niya ay dalhin mo ang pusa sa inyong pagpupulong kasama ni Qin Yue. Brother Hua, ano sa tingin mo ang kahulugan ng pagsama sa pusa?"
Kahit si Hua Yao ay naguluhan din. Sa kaniyang talino, natigilan siya. Wala siyang maisip na dahilan kung bakit kailangang ipadala ni Jun Wu Xie ang pusang iyon sa pagpupulong.
Walang ibang preparasyon kundi ang magdala ng pusa?
Pinipiga ni Hua Yao ang kaniyang utak para makaisp ng magandang rason. Ang pusang kanina pa sila pinapanuod ay nagbuka ng bibig para magsalita.
"Kailan darating si Qin Yue?
Ang malinaw at malamig na boses na iyon ay pamilyar sa kanila. Mukha silang kinidlatan, at halos tumakas ang kanilang kaluluwa sa kanilang katawan sa labis na gulat!