Chapter 243 - Revival (2)

Ang pagsalba dito ay nagpatuloy gaya ng ginagawa ni Jun Wu Xie sa kaniyang naunang buhay. Ngayon walang ibang makakatulong kay Jun Wu Xie kundi ang kumalma.

Patuloy nitong nilalabanan ang lason sa pamamagitan ng pagpapalabas ng dugo, salitan niyang pinapainom ng elixir ito at pagkatapos ay papalabasin ang dugo sa katawan ni Mo Qian Yuan. Maingat si Jun Wu Xie na hindi ma overdose ang lalaki sa elixir para iwasan ang pagbagal ng katawan nito. Kapag nangyari iyon ay mas lalo lang manunuot ang lason sa dugo ng lalaki.

Unti-unting lumalabas ang lason sa katawan ni Mo Qian Yuan. Ang kubre-kamang hinihigaan nito ay puno na rin ng dugo at umaalingasaw na rin ang amoy niyon.

Nang mapansin ni Jun Wu Xie na bumabalik na sa normal na kulay ang dugong lumalabas sa pinagkakatusukan ng karayom, nagsimula na si Jun Wu Xie na painumin ito ng mas maraming elixir kasama ang maligamgam na tubig.

Hindi gumagalaw si Mo Qian Yuan sa pagkakahiga dahil na rin siguro sa mga baling buto nito. Nang bumuti na ang kundisyon at gumagana na ng normal ang mga lamang-loob nito, agad siyang nagsimulang gamutin ang litid sa binti ni Mo Qian Yuan. Umabot ang pagkakaputol non sa buto at kitang-kita iyon sa sugat. Tinahi iyon ni Jun Wu Xie gamit ang parang buhok na sinulid. Halos hindi mo iyon makita sa sobrang nipis.

Iyon ang unang beses na makakita si Drunk Lotus ng tinatahing litid. Nanlalaki ang mga mata nito sa pagkamangha sa husay ng kaniyang Mistress.

Mabilis ang galaw ng kamay ni Jun Wu Xie kung kaya ay mabilis nitong natapos tahiin ang napunit na litid. Nagpalit siya ng karayom at ang sugat naman ang kaniyang tinahi.

Dahil sa ginagawa ni Jun Wu Xie, nagmukhang isang manikang tinatahi si Mo Qian Yuan. Tahi dito, tapal doon. Simpleng paraan ngunit naipanumbalik nito ang buhay ni Mo Qian Yuan.

Una ay ang mga lamang-loob, sumunod ay ang mga ugat, pagkatapos ay ang mga nabaling buto.

Matapos matahi lahat ni Jun Wu Xie ang mga sugat ay nilapatan niya ito ng healing salve para maisarado iyon. Nabawasan naman ang pamamaga ng mga sugat dahil doon. Naglagay din si Jun Wu Xie ng mga balangkat bilang suporta sa mga nabaling buto ni Mo Qian Yuan.

Kalahating araw ang kaniyang ginugol para isalba ang nanganganib na buhay ni Mo Qian Yuan, bawat oras ay mahalaga dito. Sumisilip na rin ang araw sa kanluran bago tuluyang natapos si Jun Wu Xie.

Kahit na namumutla pa rin si Mo Qian Yuan, sa kaniyang nakikita ay bumabalik na sa normal ang paghinga nito. Ito ay nababalutan ng benda sa katawan mula ulo hanggang paa. Maingat na nakaalalay ang mga balangkat na nakalagay sa katawan nito kaya naman ay kaawawa-awa pa rin itong tignan.

"Tawagin niyo ang mga guwardiya sa pinto." Saad ni Jun Wu Xie nang ito ay tuluyan nang lumayo sa higaan at naupo sa upuan na malapit doon. Kakalapat lang ng kaniyang pang-upo nang maamoy niya ang aroma ng tsaa na nasa kaniyang harapan.

Nag-angat siya ng tingin at nasalubong ang mukha ni Jun Wu Yao. Tinanggap niya naman ito at maingat na sumimsim sa tsaa. Ang sarap sa pakiramdam ang malapatan ng mainit na tsaa ang kaniyang tuyong-tuyong lalamunan.

Pakiramdam ni Jun Wu Xie ay hindi ganoon katagal ang kaniyang ginugol na oras sa pagsalba kay Mo Qian Yuan. Sa kaniyang nakaraan, tatlong araw ang kaniyang ginugugol sa pag-oopera. Dirediretso iyon at walang tulugan kaya naman ay kailangan siyang buhatin palabas ng silid pagkatapos niyang mag-opera.

Kapag siya ay nanggagamot, nakakalimutan niya ang pagod. Basta't napagdesisyunan niyang magligtas, nagiging kalmado siya at tutok sa kaniyang ginagawa.