Ang dormitory ni Jun Wu Xie ay matatagpuan sa unang gusali na pinagdalhan sa kanila ni Tian Ze. Siya ay sa ikatlong palapag.
Nang makarating si Jun Wu Xie sa harap ng loft, nakita niya ang isang pamilyar na pigura na naglalakad.
"Ha...Little Xie..." Saad ni Qiao Chu, bakas dito ang pagal na nararamdaman. Kuba itong naglalakad, malayo sa madalas nitong postura na tuwid. Kumaway ito kay Jun Wu Xie sa kabila ng pagod na nararamdaman nito.
"Akala ko mamamatay na ako." Malungkot ang mukhang sabi ni Qiao Chu, halos paiyak na ang itsura nito.
Pansamantala silang hinati-hati ni Tian Ze para sa unang assesment ng Cloudy Brook Academy. Ang mga makakapasa lang ang maaring maging disipulo ng Cloudy Brook Academy at mabibigyan ng dormitory.
Magkakaiba ang mga pagsubok, nakabase iyon sa kung ano ang iyong kakayahan o tribung pinagmulan.
Maging si Jun Wu Xie ay nasubukan iyon at alam niyang hindi nga ganoon kasimple ang kailangan nilang gawin. Ngayong nakita niya ang itsura ni Qiao Chu, alam niyang nahirapan din ito.
"Ow ow! Hindi ko na kaya! Little Xie, pwede mo ba akong tulungan?" Gustong ituwid ni Qiao Chu ang kaniyang likod ngunit hindi niya iyon magawa dahil sa sobrang sakit.
Tumingin si Jun Wu Xie kay Qiao Chu saka lumapit dito para ito ay tulungan.
Kumapit si Qiao Chu sa braso ni Jun Wu Xie.
"Ang academy na ito ay parang impyerno! Lintik! Ang mga guro ay parang mga demonyo at halimaw at walang awa kaming pinapahirapan." Daing ni Qiao Chu. Nasa Purple Spirit third stage na ito, malayo sa mga spirit power ng iba pang kabataang kasama nila ngunit ramdam niya pa rin ang hirap/
Paano na lang kaya sa mga kabataang mas mababa ang spirit power kaysa sa kanila?
Sinabi ni Qiao Chu kung saan ang magiging silid niya at sa 'di-inaasahang pagkakataon ay nasa parehong palapag sila ni Jun Wu Xie.
Tinulungan siya ni Jun Wu Xie na makaakyat hanggang sa ikatlong palapag.
Ayon kay Qiao Chu, ang kanilang pagsubok ay binase sa lakas ng kanilang spirit power. Kasama nito si Hua Yao at Rong Ruo at nauna ang mga itong matapos kaysa sa kaniya. Nasa ibang palapag din ang silid ng mga ito.
Matapos ihatid si Qiao Chu sa silid nito, nagtungo na sa kaniyang silid si Jun Wu Xie.
Gusto pa sanang magreklamo ni Qiao Chu tungkol sa kaniyang sinapit, ngunit nang makaupo ito sa kaniyang kama ay agad itong nakatulog.
Kahit na ganoon kahirap ang unang assesment nila, mabuti na lang at maganda ang kanilang dormitory na tutuluyan.
Ang lahat ng kanilang kailangan ay nasa silid at may kalakihan din iyon. Sa bintana ay makikita mo ang magandang tanawin sa labas.
Sandaling umupo si Jun Wu Xie sa kaniyang silid bago niya naramdaman na hinihila na siya ng antok.
Hindi namalayan ni Jun Wu Xie na tatlong araw ang kaniyang binuno para sa assesment na iyon.
Pero kumpara sa iba, mas mabilis na nakatapos si Jun Wu Xie.
Nang magising si Jun Wu Xie, wala pa sa sampu ang nakakabalik sa dormitory. Sa katunayan, mas nauna ng ilang sandali sina Fan Zhuo na makabalik dito at hindi na rin sila gaanong nakapag-usap. Tulad ni Jun Wu Xie, pagod na pagod rin ang mga ito matapos pahirapan sa assesment.