Ang refugee camp sa Clear Breeze City ay nanatiling madilim at basa. Namamaluktot ang mga taong naroon habang nakahiga sa basang mga higaan.
Kalagitnaan ng tag-init kaya naman hinayaan ng mga taong naroon na bukas lang ang kanilang mga pintuan. Ang hanging nagmumula sa labas ang pumapawi sa init. Ilang mga bata ang na-heat stroke at walang ibang magawa ang kanilang mga nanay kundi umasa sa tubig para pahupain ang temperatura ng mga bata.
Maya-maya lang ay isang tunog ng gong ang narinig mula sa labas ng refugee camp. Naguguluhang lumabas ang mga refugee. Bumungad sa kanila ang paskil sa pader. Sunod-sunod ang pagpalo ng isang lalake sa gong.
Dahil sa lalaking lumilikha ng ingay at sa sulat na nakapaskil sa pader, agad na kumalat ang balita!
Hindi pa nila alam kung sino ang may butihing puso ang magpapatira sa kanila. Ang nakakagulat pa sa lahat ay bibigyan sila ng pagkain tatlong beses sa isang araw. Lahat ng iyon ay libre!
Ilan sa mga ito ay naghinala na baka may ibang motibo ang taong nasa likod ng lahat ng iyon kaya naman tumanggi silang umalis sa refugee camp.
Agad na nagsilipat ang mga kababaihang may mga batang-bata pang mga anak, hindi dahil sa hindi sila nag-iisip. Kundi dahil inaalala nila ang kanilang mga anak na hindi na kinakaya ang init sa refugee camp.
Determinado nilang kinarga ang kanilang mga anak para lisanin ang lugar na iyon at nagtungo sa hilagang bahagi ng lungsod. Doon nila nakita ang nagtataasang mga apartment at ang lalaking nagbabantay ay iginiya sila papasok ng gusali at binigyan ng silid na kanilang tutuluyan.
Hindi makapaniwala ang mga kababaihang iyon sa kanilang nakikita. Wala silang mataas na ekspektasyon bago sila naparito. Ang nais lang nila ay ang makaalis sa madilim at mainit na refugee camp. Nang sila ay makarating sa apartment, doon lang nila napagtantong mas maganda ang kanilang magiging kalagayan dito!
Hindi pa man sila nakakabawi sa kanilang pagkagulat ay hinatiran sila ng bagong luto at mainit pang mga pagkain. Nang maamoy nila iyon ay halos maiyak sila sa sobrang galak!
Simula nang ang unang grupo ng mga kababaihan ay lumipat sa apartment sa hilaga, agad na kumalat ang buhay na kanilang tinatamasa doon at umabot ang balita hanggang sa refugee camp. Agad na nag-impake ang iba at isang grupong nagtungo sa hilaga. Gusto nilang malaman kung totoo nga ang balitang nakarating sa kanila.
At doon nga, ang bawat indibidwal na nakarating sa apartment sa hilaga ay ayaw nang bumalik sa refugee camp kahit isang araw man lang. Sapat lang silang bumalik doon para ibalita kung gaano kagandang manirahan sa hilaga...
Nakatayo si Jun Wu Xie sa tapat ng bintana at pinapanood ang sunod-sunod na nagsisidating na mga refugee. Doon, siya ay napangiti.
Ang unit na ito ay ipinasadya niya para kaniyang gagamitin. Ang interior design nito ay iba kaysa sa ibang mga unit na naroon sa loft. Iyon ang magiging pansamantala niyang tirahan dito sa Clear Breeze City.