Nang magbalik siya sa kaniyang silid, biglang nagpakita ang pusang itim at tumalon sa kaniyang balikat habang malambing na hinahaplos ang kaniyang pisngi.
"Ganito ba dapat ang lahat ng mga lolo?" Nakaupo sa harap ng tansong salamin, nakatitig sa isang banyaga ngunit kilalang mukha.
"Base sa normal na relasyon, ganito nga ang dapat na nangyayari." Sagot ng itim na pusa habang kinakampay ang mabalahibo nitong buntot. Siya lang ang tanging nakakaalam kung ano ang tunay na ibig sabihin ng 'lolo' para sa kaniya.
"Ganun ba?" Panandaliang ipinikit ang mga mata habang marahang dinarama ang kaniyang puso. Sa loob ay nakaramdam siya ng init at sigla… bagay na ni minsan ay hindi niya naramdaman.
Hindi niya mawari ang kaniyang nadarama. Ngunit nakasisiguro siyang gusto niya ang pakiramdam na ito.
Minsan ay tinanong siya ni Jun Wu Yao kung siya ba ay nakadama ng pagkamuhi nang minsang dumalaw si Mo Xuan Fei kasama si Bai Yun Xian upang ipasa-walang bisa ang kanilang kasunduang kasal.
Sa kaniyang puso ang tanging sagot niya ay "bakit kinakailangan pa?".
Anuman ang nangyari sa katawang ito ay walang kinalaman sa kaniya. Maging ang pamilya Lin ay walang kaugnayan sa kaniya kung kaya't walang dahilan upang siya'y magalit. Ngunit nagbago ang lahat. Patuloy paring umuulit sa kaniyang isipan ang mga salitang binitawan ni Jun Xian. Ang mga angil nito sa kaniya sa tuwing iinom ito ng gamot, sa mga pagsisikap nitong magbiro upang siya ay mapangiti, lahat nang ito ay bago sa kaniya.
"Siya ang aking Lolo." Maaaninag mula sa salaming tanso ang munting ngiti. Ngiting sing-tingkad ng araw na kayang pumawi ng lamig ng puso ng sinuman.
Ito ang ibinigay ng Diyos na kabayaran kapalit ng nagdaan niyang buhay – ang mabigyan siya ng pagkakataong maramdaman kung paano ang may nag-aaruga at pumoprotekta sa kaniya. Kaya't sisiguraduhin niyang walang sinuman ang sisira ng pinagmumulan ng kaniyang kasiyahan.
"Ipinapangako ko, hindi ko hahayaang may anumang mangyari sa pamilya Lin, sa akin, o kay Lolo." Sambit ni Wu Xie nang may buong pananalig.
Noon ay walang karapat-dapat ng kaniyang panahon at pagmamalasakit, ngunit ngayon, marami ang nagbago.
Nasa lugmok na kalagayan ngayon ang pamilya ng Lin, at upang mapangalagaan ito, hindi siya nararapat mag-alinlagan sa kaniyang mga galaw. Ang mga bagay-bagay ay hindi na sing-payak tulad ng dati.
"Aking putting lotus… ano ka nga bang talaga?" Bulong niya habang binabakas ang kaniyang bakanteng palasingsingan. Isang banayad na liwanag ang nagmula sa kaniyang palasingsingan at muling nagpakitang muli ang puting lotus.
"Meow"
[Nais mo bang subukan upang makita mo ang kaya nitong gawin?] Patuloy ang pagkampay ng buntot ng itim na pusa sa tuwa habang nakatuon ang pansin nito sa puting halaman.
Inilagay ni Wu Xie ang puting lotus sa kaniyang palad at malumanay nitong hinaplos ang mga talulot ng halaman. Sandali pa ay nabalot ng matamis na halimuyak ang buong silid.
"Napakabango ng kaniyang amoy." Sabi ng dalaga habang inaamoy ito. Sa paanuman ay nakararamdam siya ng pagbabago sa daloy ng kaniyang dugo sa tuwing nalalanghap nito ang halaman, na tila ba may kaugnayan ang halimuyak ng halaman sa kaniyang nararamdaman.
Kakaiba ang halimuyak ng lotus. Nakaka-akit ang amoy nito at nakukondisyon ang daloy ng dugo. Marahil nga ay may iba pang gamit ang lotus na ito.
Dahil dito ay naisipan ni Wu Xie na pumitas ng talulot nang biglang…
"Aray! Aray! Masakit..!" Maririnig ang tinig ng isang bata nang halos mapigtas na ang talulot. Ang kaniyang paligid ay nabalot ng hamog.
Isang batang lalaki na umiiyak at nakaupo sa sahig ang biglang lumitaw nang mawala ang hamog. Hawak-hawak ang kaniyang bisig, tumingin ito kay Wu Xie na puno ng lumbay.
"Meow!" Ikinagitla ng itim na pusa ang biglang paglitaw ng batang lalaki na halos ikahulog nito mula sa balikat ni Wu Xie.
"…..…" Hindi makapag-salita si Jun Wu Xie sa kaniyang nakita. Tanging suot nito ay maliit na bib na may dibuho ng puting lotus. Ang puting lotus na kahalintulad ng kaniyang contractual spirit na puting lotus.