Sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan ng kaniyang apo ay nananatili itong masigla. Higit pa rito, naging kapuna-puna rin ang kaniyang pag-uunawa. Dahilan ng kaniyang magkasalungat na damdamin, at hindi maiwasang mapa-isip.
Matapos ang lahat ng mga nangyari, pakiramdam niya ay hindi niya nagampanan ang pagiging isang lolo kay Wu Xie. Kahit matagal nang panahon ang lumipas nang pumanaw ang mga magulang niya, hanggang ngayon, hindi pa rin niya maprotektahan ng maayos at mabigyan ng isang tahimik na pamumuhay ang apo.
"Ipapaubaya ko na sa iyo ang bagay na ito. Gawin mo ang anumang naisin mo. Basta't lagi mong tatandaan, hangga't naririto ako, walang sinumang makapananakit sa'yo." Pahayag ni Jun Xian nang may kislap sa kaniyang mga mata. Lubos siyang nagagalak sa ipinakitang pagbabago ng dalaga.
"Maraming salamat, lolo." Sagot ng dalaga.
"Isa tayong pamilya, hindi mo na kinakailangan pang maging pormal. Bilang iyong lolo, panatag ang loob ko basta't masaya ka." Makakabuti para sa kaniya kung tunay ang kaniyang pagkahumaling sa larangan ng medisina. Lubos na mabuti sa halip na isipin pa niya ang palalong si Mo Xuan Fei.
"Sasabihan ko ang mga tagapaglinkod updang ipaghanda ka ng mga aklat pang medisina at mga halamang gamot para sa iyo. Ano pa man ang kulang sa mga iyon, magsabi ka lang kay Uncle Fu."
Isa si Uncle Fu sa mga mahahalagang tao mula sa Palasyo ng Lin. Mula pagkabata ay magkasama na sina Jun Xian at si Uncle Fu, at pangalawa sa mga pinuno ng Hukbo ng Rui Lin bago isalin ang kapangyarihan sa unang anak ni Jun Xian, ang ama ni Jun Wu Xie. Matapos niyang lisanin ang hukbo ay nanilbihan siya bilang punong tagapangasiwa ng Palasyo ng Lin.
Bago mananghalian, ang silid ni Jun Wu Xie ay napuno ng mga aklat ng medisina at malalaking kahon ng halamang gamot mula sa mga tagapaglingkod, sa utos na rin ni Uncle Fu. Maging si Jun Xian ay ipinag-utos gawing parmasya ang silid malapit sa tahanan ng dalaga.
Matapos matiyak ni Uncle Fu na nasa-ayos ang lahat ay agad din siya nitong iniwan sa kaniyang silid. Agad ay nagtingin si Wu Xie sa mga aklat na malapit sa kaniya. Pagkatapos magbasa ng ilang mga pahina ay itinabi rin ang mga ito.
Ang lahat ng aklat na ito ay pambihira bagaman at hindi pa rin ito nabibilang sa matataas na kalidad ng mga aklat pang medisina. Kailangan niya lamang mabasa ang mga laman nito upang maunawaan ang bawat bahagi at makakabuo rin siya ng lunas na higit pa sa isinasaad sa aklat.
Dahil sa kaniyang pagkadismaya sa karanasan sa kamay ng mga manggagamot sa mundong ito, nais niyang matutunan agad ang posibleng pagkakahalintulad ng mga halamang gamot sa mundong ito mula sa kaniyang pinanggalingang mundo. Ang kaniyang husay sa paghahalo ng mga halamang gamot at mga kaalaman mula sa dating mundo ay kamangha-mangha. Sa loob ng isang araw ay nagawa niyang pag-aralan at maunawan ang gamit ng bawat sangkap. Ang lahat ng ito ay naitala niya sa kaniyang isipan sa loob lamang ng maikling panahon.
[Kailan k amagsisimula?] Tanong ng munting pusa habang naglalakad sa loob ng parmasya, sa kaniyang paglalakad ay bumabalik sa kaniya ang isang alaala. Ang buong silid ay napupuno ng halimuyak ng mga halamang gamot. Sa kaniyang ala-ala, ang kaniyang Mistress ay nakaupo sa isang kahalintulad na silid, at napapalibutan ng samu't saring halaman at mga aklat pang-medisina habang subsob sa iba't ibang panlunas at pamamaraan ng nagdaang dekada.
"Hindi ako nagmamadali." Mahinahong tugon ni Jun Wu Xie habang kinukuha ang munting lotus. Upang maisaayos at maipalabas ang buong kakayanan nina Jun Xian at Jun Qing, kinakailangan niyang maging dalubhasa sa lahat ng bagay na may kinalaman sa munting lotus.
Ang puting lotus na tila isang koronang hiyas, ang kaniyang mga talulot ay parang mga Kristal, hindi tulad ng ibang lotus na kaniyang nakita. Sa kaniyang pagkamangha ay hindi niya maiwasang namnanmin ang kagandahan sa kaniyang harapan.
Kumuha siya ng isang binhi at ito'y kinain. Walang ibang mas mahusay na pamamaraan upang masubukan ito kundi ang gamitin ito sa sarili.
Sa umpisa ay nakaramdam lamang siya ng bahagyang pagkablisa sa kaniyang buto, ngunit habang tumatagal ay hindi na niya matiis ang sakit na nararamdaman. Tila may isang patalim na patuloy na sumasaksak sa kaniyang buto. Di nagtagal, ang kaniyang katawan ay napuno ng pawis habang pilit kinikim ang sakit.
Ang kaniyang pakiramdam, mas masahol pa kaysa sa sinaksak ng isang patalim!