[Ang Dark Emperor ay hindi patay!] Sa sandaling ang isiping iyon ay nabuo sa utak ni Jun Wu
Xie, ay nagdala iyon ng kilabot sa buong katawan niya.
Ngunit matapos ang ilang sandali na iyon, ay agad niyang iwinaksi ang ideya. Sa lubos na
kapangyarihan ng Dark Emperor at ang pagiging palalo kung tunay ngang ito'y buhay pa, ay
hindi nito hahayaan ang mga tampalasan mula sa Twelve Palaces na pagnasaan man lang ang
kaniyang mga pag-aari, at hindi nito hahayaan ang Middle Realm na maging magulo.
Habang nasa malalim na pag-iisip si Jun Wu Xie, ang batang babae ay muling kinausap ang Hell
Rodent.
Itinuro nito ang mga mural na nasa bulwagan at sinimulan ang mahabang pagpapaliwanag
tungkol sa mga kuwento sa likod ng mural.
Ang mga mural sa pader ng bulwagan ay komplikado at natatangi at ang boses ng batang
babae ay puno ng isang uri ng paggalang at papuri na nagmula sa puso nito. Lumuhod ito sa
sahig habang tangan ang Hell Rodent sa kaniyang palad, marubdob na nakatitig sa matangkad
at misteryosong anyo na nakaukit sa mural.
Nasanay na ang Hell Rodent sa kakaibang gawi ng batang babae na tila pakikipag-usap nito sa
sarili at nanatili lamang itong nakahiga sa palad ng batang babae, walang pakialam sa mga
sinasabi nito.
Matapos ang mahabang pagsasalita, sa wakas ang batang babae ay sinupil na ang tapat na
pagsamba sa kaniyang mga mata at muling kinuha ang basahan upang ipagpatuloy ang
kaniyang ginagawa. Nang matapos linisin ang bawat sulok sa loob ng bulwagan at masiguro na
iyon ay malinis na malinis na ay saka pa lamang siya tumayo. Binuhat niya ang timba na may
lamang tubig pabalik sa pintuan kung saan siya nagmula at pinunasan ang pawis sa kaniyang
noo.
Nang inakala ni Jun Wu Xie na oras na para sa masipag na batang babae na maghanap ng lugar
upang makapagpahinga, biglang nagsalita ang batang babae sa Hell Rodent.
"Tapos na akong maglinis sa buong lugar. Ibalik mo na lahat ng bagay dito."
Matapos sabihin iyon ay yumuko ito at inilapag ang munting Hell Rodent sa sahig.
Pumihit ang Hell Rodent gamit ang munting mga paa nito at dahan-dahang nagalakad.
Ang sumunod na nagyari ay talagang nagpatigagal kay Jun Wu Xie!
Nakita niyang sumalampak ang Hell Rodent sa sahig at ang munting mga kamay nito ay
nagsimulang maglabas ng kung anu-anong bagay mula sa munting bibig nito!
Samu't saring kalansing at tunog ang umalingawngaw sa loob ng malaking bulwagan!
Hindi mabilang na halaga ng kayamanan, ginto, pilak, mahalagang mga batao at perlas ang
patuloy sa paglabas mula sa bibig ng Hell Rodent, mabilis na pinuno ang sahig na nasa harapan
ng Hell Rodent sa isang iglap!
Ngunit hindipa doon natatapos ang lahat. Ang bibig ng Hell Rodent ay tila isang walang
katapusan na butas habang ang walang katapusan na daloy ng mga kayamanan ang lumalabas
sa bibig nito. Maging ang mga bagay na maliwanag na ilang beses ang laki kaysa sa Hell
Rodent ay walang kahirap-hirap na lumalabas sa bibig nito!
Simula ng matanggap ni Jun Wu Xie ang Cosmos Sack mula kay Yan Bu Gui, ay napagtanto ni
Jun Wu Xie na sa mundong ito ay mayroon espesyal na inter dimensional na mga espasyo
kung saan ang mga tao ay magagawang magimbak ng mga bagay-bagay ngunit hindi niya
kailanman naisip na ang mga imbakan na iyon ay umiiral sa mga anyo na… may buhay rin!
At sa isang kisapmata, ang mga kayamanan na inilabas ng Hell Rodent ay nagawa ng punuin
ang halos kalahati ng napakalawak na bulwagan!
Ang kakayahang mag-imbak nito ay higit pa sa kakayahan ng kaniyang Cosmos Sack!
Sa sandaling iyon, napagtanto ni Jun Wu Xie ang paglalarawan ni Poppy sa Hell Rodent ay
naging tunay at tumpak.
Ang isang Hell Rodent na ang sukat ay kalahati lamang ng palad ay talagang nagawa na
lunukin ang gabundok na ginto at pilak!
Ang kaninang walang laman at hungkag na bulwagan ay biglang napuno ng iba't ibang
maningning na kayamanan. Kung pagmamasdan, ang buong sahig ay natabunan ng mga ginto
at pilak, mahahalagang gems at perlas. Ang mga gem na kasinglaki ng itlog ng pugo ay
nakakalat, nagsama-sama na parang mga batu-batong daan.
Ang Hell Rodent ay tuloy pa rin sa pagluwa ng mga bagay nang isang hindi matukoy na puting
bagay ang biglang lumabas sa bibig ng Hell Rodent at gumulong patungo sa jade na trono kung
saan nagtatago si Jun Wu Xie.
Sumilip si Jun Wu Xie sa siwang sa ilalim ng trono at nakita ang hindi matukoy na bagay na
gumulong at biglang sumikdo ang puso niya!
Ang bagay na iyon na gumulong patungo sa kaniya ay hindi piraso ng mahalagang kayamanan
kundi isang bungo!