Chapter 1230 - Patayin (3)

Ang buong akala niya, kahit na tuso ang Emperor ng Condor Country, hindi ito mangangahas na galawin ang isang Emperor, subalit nagkamali siya.

Hindi akalain ni Grand Tutor He na mangangahas ang Emperor ng Condor Country na galawin ang munting Emperor sa harap ng mga pinuno ng iba't-ibang bansa.

"Young Master! Pakiusap! Iligtas mo ang mahal na Emperor! Nagmamakaawa ako!" Lumuhod si Grand Tutor He sa harap ni Jun Wu Xie.

"Iligtas mo siya...parang awa mo na! Bata lang siya!"

Naramdaman ni Jun Wu Xie ang pagsikip ng kaniyang dibdib. Tinulungan niyang makatayo si Grand Tutor He.

Masyado nang maraming atraso ang Condor Country sa kaniya. Hindi pa niya ito nababawian sa ginawang paglusob ng mga ito sa Qi Kingdom at heto, may idinagdag nanaman ang mga ito sa sisingilin niya!

Kahit hindi pa malalim ang pinagsamahan nina Jun Wu Xie at ng munting Emperor, hindi niya maitatangging magaan ang loob niya sa bata. Tuwing tinatawag siya ng munting Emperor na "Little Big Brother", napapaisip siya, kung magkakaroon siya ng kapatid, gusto niyang maging kasing cute at bait ng munting Emperor.

"Ililigtas ko siya. Pangako." Nagsalubong ang mga kilay ni Jun Wu Xie. Kumukulo ang kaniyang dugo sa nangyaring ito.

Ang binabalak niya ay magpaplano muna siya ng mabuti bago siya aatake sa Condor Country. Ngunit ngayon ay nabago ang sitwasyon!

"Maraming salamat! Salamat!" Paulit-ulit na yumukod si Grand Tutor He kay Jun Wu Xie sa labis na pagpapasalamat.

Nag-iwan si Jun Wu Xie kay Grand Tutor He ng mga elixir bago umalis.

Nag-aapoy sa galit ang puso ni Jun Wu Xie habang naglalakad sa ilalim ng madilim na kalangitan.

"Meh?" Sumunod naman si Lord Meh Meh kay Jun Wu Xie. Ramdam nito ang galit sa puso ng kaniyang amo.

Samantalang ang Sacrificial Blood Rabbit ay nanatiling tahimik at nakasunod lang din.

"Naaalala niyo ba ang bata? Ngayon ang panahon para pagbayaran ang pabor na ginawa niya sa inyo." Nanlilisik ang mga mata ni Jun Wu Xie.

Nagtinginan si Lord Meh Meh at Sacrificial Blood Rabbit. Gayong hindi nila maintindihan ang sinabi ni Jun Wu Xie, naiintindihan nila ang gusto nitong gawin nila.

Kumukulog at kumikidlat sa Imperial Capital ng Condor Country. Tumingala ang mga tao sa kalsada at naramdaman ang simula ng pagpatak ng ulan.

Isang malakas na kidlat ang gumuhit sa madilim na langit! At higanteng pigura ang lumabas doon!

Iyon ay kasing-puti ng niyebe na Spirit Beast. Bumaba ito mula sa itaas patungong sulok ng Imperial Capital!

Ang mga sundalong nakabantay sa daan papuntang courtyard ay gulat na gulat nang makita nila ang higanteng Spirit Beast. Napaawang ang kanilang mga bibig, hindi makapagsalita sa sobrang takot!

Isang pulang kidlat ang tumama sa mga sundalo ng Condor Country! Bago pa man nila malaman kung ano ang pulang kidlat na iyon ay naputol na ang kanilang mga ulo!

Nagkalat ang dugo sa lugar na iyon!

Nagsigawan ang mga sundalo! Ang mga sundalong pumatay kanina sa mga sundalo ng Buckwheat Kingdom ay nag-umpisang lukuban ng takot! Hinihiling na sana ay isa lang itong bangungot!

Naghalo ang dugo at ulan. Tumapak si Jun Wu Xie sa daang ginawa ni Lord Meh Meh. Sa bawat madaanan niya ay nagkalat ang mga patay na sundalo ng Condor Country.

Siya ay isang demonyong umakyat mula sa apoy ng impyerno, nag-aalab ang kaniyang paghihiganti!

Ang mga iyak kasama ng dagundong ng kulog ay kabayaran ng mga namatay na sundalo ng Buckwheat Kingdom. Makakapagpahinga na sila ng matiwasay!