Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 278 - Chapter 278

Chapter 278 - Chapter 278

Tumayo si AhJing sa likuran ni Yan Xun, ang kanyang puso ay malapit nang lumundag palabas mula sa kanyang dibdib habang bumubulong siya sa kanyang kaluluwa: Kamahalan, nasa teritoryo nila tayo, maaari bang masalita ka ng mas kaunti sa isa o dalawang pangungusap?

Nagpatuloy ang labanan. Sa hatinggabi, ang hukbo ng Quan Rong ay nakalagpas mula sa hilagang-kanluran. Sinimulan muli nina Zhuge Yue at Yan Xun ang kanilang kabaliwang paghabol. Matapos tumugis ng apat na oras, ang kaliwang balikat ni Yan Xun ay tinamaan muli ng palaso, habang si Zhuge Yue ay tinamaan din sa kanyang balikat. Sa sandaling ito, mayroong pagdagundong ng mga yabag ng kabayo mula sa timog-kanluran. Bago pa man sila makapagpadala ng mga tagamanman, nagsimula nang makipagpalaban ang grupo ng nanghimasok sa mga taga-Quan Rong.

Sa pagpalibot na ito, ang pwersa ng Quan Rong ay tuluyan nang nalipol. Ang gitnang kampo ay nabihag sa huli ng nanghimasok na pangkat. Nagalit si Zhuge Yue tapos ay iniwanan niya si Yan Xun at sumugod upang makita kung sino ang nagnakaw sa kanyang biktima. Gayunpaman, hindi inaasahang nakita niya ang isang pamilyar na babaeng opisyales na sinusuri ang mga naiwan ng digmaan sa harap ng mga pormasyon. Nang makita si Zhuge Yue, natural niyang sinabi, "Ito ang Khan ng mga Quan Rong. Pagdating ko, nagpakamatay na siya."

Lubos na natigilan si Zhuge Yue. Sa kanyang duguang kasuotan ay tiningnan niya ang kanyang asawa habang hindi natural na nagtanong, "Bakit ka pumunta?"

Nagtaas ng kilay si Chu Qiao habang nakatingin sa kanya na para bang isa itong katunayan. "Dumating si Pingan ng hatinggabi upang sabihin sa akin na umalis ka upang makipaglaban. Paano ako darating?"

Sa sandaling ito, ang tunog ng yabag ng kabayo ay maririnig mula sa likuran. Ang pigura ni Yan Xun ay unti-unting lumitaw mula sa kadiliman. Sa kanyang tila-tintang baluti, may hindi mabilang na lugar ng pagkasira, at mukha siyang napakaputla, ngunit diretso pa rin ang tindig niya. Nakatayo sa tabi ni Zhuge Yue, naiilawan siya ng maraming sulo. Gayunpaman, tila hindi mailawan ng lahat ng apoy ang kadiliman na bumabalot sa kanya. Tiningnan lamang niya si Chu Qiao na may perpektong kalmadong mukha, hindi makikitaan ng anumang emosyon. Gayunpaman, ang mga mata na tila karagatan sa gabi ay puno ng mga hindi nakikitang alon sa ilalim.

Kumpara kay Zhuge Yue na pinamumunuan ang malaking hukbo, ang mga sugat ni Yan Xun ay mas malubha kaysa kay Zhuge Yue dahil 3,000 piling kabalyero lang ang pinamumunuan niya. Sa ngayon, may hindi mabilang na mga sugat, malaki at maliit, sa kanyang katawan. Sa kanyang balikat ay may putol na palaso, na nagdurugo pa rin. Gayunman, parang hindi niya ito nararamdaman.

Sa kaguluhan sa likuran, may mga sundalo na kinukutya ang mga katawan ng Quan Rong, at ang pagdaing ng mga nasugatan. Nariyan din ang pag lagitik ng mga sulo. Sa pag-ungol ng hangin, napapaligiran sila ng lahat ng uri ng ingay, ngunit tila hindi nila alintana ang lahat sa kanilang paligid habang nakatingin sila sa mata ng bawat isa. Nagtama ang kanilang mga tingin at napadala ang kislap, na sa kalaunan ay naging impyerno.

"Xing'er," biglang saad ni Zhuge Yue tapos ay kalmado siyang tumalon pababa sa kanyang kabayo, "Susuriin ko ang bilang ng nasawi. Nasugatan ang Emperador ng Yan, humanap ka ng tao upang gamutin siya." pagkasabi nito, tumalikod siya at pinayagan ang kanyang asawa na tumayo mag-isa sa madilim na tundra kasama ang taong ito na napakaraming relasyon sa kanya.

Sa mahabang oras, hindi alam ni Chu Qiao kung anong sasabihin. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niya si Yan Xun pagkatapos ng Labanan sa Huolei. Sa pagkakataong ito ay hindi sila pinaghihiwalay ng malaking pormasyon ng militar o ng dagat ng patalim; kaharap lang nila ang isa't isa. Mukha sa mukha, mata sa mata. Basta't magtaas ng tingin ang isa, makikita nila ang mga tampok ng bawat isa, at maririnig din ang pagkabog ng puso ng isa.

Sa sandaling iyon, tila ang mundo sa kanilang mga isipan ay lubusang nabaligtad. Anumang salita ay tila hindi kasing-kahulugan kumpara sa kung ano ang kanilang nararamdaman. Ang pakiramdam ng pangungulila ay nilamon sila dahil hindi na sila ang mga tao na dating sila, hindi na ang tao na pinaka pamilyar ang isa. Tila ang oras talaga ang pinakamalupit na anyo ng pagbabago.

Nakaupo si Yan Xun sa taas ng kanyang kabayo, tinitingnan siya, ang kanyang titig ay lubusang hindi natitinag. Hindi mabilang na mga tao ang dumaan. Ang apoy mula sa mga sulo ay kumutitap, binibigyan ang mga naglalakad ng isang umaandap na liwanag.

Iyon pa rin ang parehong pares ng kilay at mga mata. Iyon pa rin ang parehong mukha. Gayunpaman, ang tao ay hindi na ang isa na sinumpaan nilang makasama sa walang hanggan.

Posible bang maunawaan ng sinuman ang kalungkutan sa loob nila?

Marahil posible, marahil ay imposible. Ang mga salita ay lubos na walang kabuluhan. Tulad ng pulang dahon sa taglagas, kahit gaano kaganda, imposibleng maiwasan ang mga ito na malanta. Itim ang langit, maputi ang lupa. Ito ang parehong lupa, parehong langit, ang parehong lugar na pinangarap nila. Ngunit sa kung anong kadahilanan, nahihirapan silang makagawa kahit isang simpleng pag-uusap.

Tumingin si Yan Xun kay Chu Qiao. Mayroong malaking siga na nagsimulang maglagablab sa likuran niya. Tulad siya ng isang diyos sa dambana na may kabanalang tila hindi niya maabot. Bigla niyang naalala kung paanong maraming taon na ang nakalilipas, sa nagninyebeng gabi na iyon, sa madilim na bilangguan, inunat nila ang kanilang mga kamay sa pamamagitan ng lamat sa dingding at mahigpit na hinawakan ang bawat isa.

Marahil ay tulad sila ng dalawang buto na magkasamang nakaligtas sa taglamig sa pamamagitan ng pag-asa sa init ng bawat isa, naghihintay para sa pagdating ng tagsibol. Gayunman, nang dumating ang tagsibol, habang tinutulungan nila ang isa't-isa mula sa lupa, napagtanto nila sa wakas na hindi kaya ng lupa na palusugin silang dalawa. Dahil dito, lumipat sila sa kani-kanilang landas.

Biglang nakaramdam ng pagod si Yan Xun. Ang kanyang puso ay nagyelo tulad ng makapal na patong ng lupa na nananatiling nagyeyelo sa tuktok ng mga bundok sa Yan Bei. Matapos ang lahat ng mga taon na ito, kahit anong sitwasyon ang kanyang kinakaharap, hindi pa siya nakaramdam ng sobrang pagod. Sinabi niya sa kanyang sarili, oras na upang umalis. Dito, talagang tumalikod siya at nagsimulang maglakad palayo.

Gayunpaman, sa sandaling ito, isang mainit na boses ang narinig mula sa likuran niya, "Yan Xun!" Tunay nga, isa itong mainit na boses, dala nito ang isang pakiramdam na nawala sa loob ng maraming taon. Tulad ng kumukulong bukal, sa sandaling inabot niya ang kanyang napakalamig na kamay sa bukal, naramdaman niya ang gayong init na nagsimula siyang manginig.

"Yan Xun!" Tawag ulit ng babae, "Nasa likuran ko si Cheng Yuan, at tinantiya ko na darating siya sa lalong madaling panahon."

Hindi tumango at hindi nagsalita si Yan Xun, ngunit hinawakan lamang niya ang renda ng kanyang kabayo, hindi gumagalaw tulad ng isang estatwa.

"Nasugatan ka, gamutin natin ang mga sugat mo, ha?" Dahan-dahan siyang lumakad papunta sa gilid ng lalaki hanggang sa nasa harap na siya nito, inunat ang kanyang kamay at hinila ang renda ng kabayo nito. Matigas ang ulo siyang nagtanong, "Ha?"

Biglang nakaramdam ng kaunting kapaitan si Yan Xun. Tila mula noong bata pa, ang babae ang palaging may higit na lakas ng loob. Ilang mga doktor na dala ng kanilang lalagyan ng panggagamot ang mabilis na lumapit, tumayo sa likuran ng babae na nakatungo.

Hindi siya nagsalita at malayang hinayaan ang mga manggagamot na gamutin ang kanyang mga sugat. Nang mahila ang palaso, hindi man lang siya kumislot. Matapos ang halos isang oras, umalis na sa wakas ang mga manggagamot, pawis na pawis. Gayumpaman ay lumapit ang babae at ipinasa sa kanya ang duguang palaso.

Sa sandaling ito, ang puso ni Yan Xun ay tila nahihirapan habang siya ay napasimangot. Sa huli, hindi niya inabot ang kanyang kamay upang kunin ito. Kaswal niyang sinabi, "Patay na ang kaaway. Hindi na kailangang itago ito."

Tama, ang buong pangkat ng mga taga-Quan Rong ay nalipol. Kahit ang kanilang Khan ay namatay. Anong kaaway ang natitira? Ito ang nakaugalian niya sa loob ng maraming taon. Itatago niya ang lahat ng mga sandata na nagawang saktan siya. Hanggang sa magawa niyang maghiganti ay wawasakin niya sa wakas ang mga sandatang iyon.

Tila hindi ito nakalimutan. Kahit na subukan ng isang tao na huwag isipin ito, sa huli ay iuukit ng oras ang ilang karanasan sa mismong kaluluwa.

Matapos tumayo roon sa hindi matukoy na dami ng oras, umihip ang hangin mula sa kalayuan, dala nito ang natatanging samyo ng kabundukan ng Yan Bei. Tahimik na nag-angat ng ulo si Yan Xun at tumingin kay Chu Qiao na nasa harapan niya. Napakalapit nila, ngunit hindi na niya matatawid pa ang layo na iyon. Magagawa niyang payukurin ang buong mundo sa harap niya, at ang kanyang sandata ay magagawang lupigin ang anumang lupain sa mundong ito. Basta't gugustuhin niya, maaari niyang sirain ang anuman. Ngunit kapag nahaharap sa babae ay wala siyang magawa.

Ang isang tiyak na damdamin, na pinangalanang pangungutya sa sarili, ang lumitaw sa kanyang puso. Gustong tumawa ni Yan Xun, ngunit gumawa lamang ng malamig na ngiti ang kanyang labi. Bigla siyang tumalikod. Ang kanyang pigura ay tila napakataas na palutsina, mapagmataas at nag-iisa, subalit tila magagawa niyang paghiwalayin ang kalangitan. Ganoon lang, naglakad siya palayo. May mabibigat na hakbang, subalit pabilis nang pabilis siyang lumakad palayo.

"Yan Xun! Mag-ingat ka!" May tumawag sa likuran niya. Sino ang nagsasalita? Sino ang tinatawag niya?

Yan Xun, Yan Xun, Yan Xun…

Sa sandaling iyon, tila naranasan niya muli ang gabing iyon nang pinutol ni Wei Jing ang kanyang hinliliit, at paulit-ulit na isinigaw ng babae ang kanyang pangalan sa kalungkutan sa kadiliman ng gabi.

Yan Xun, Yan Xun, Yan Xun…

Wala nang tumawag sa kanya ng ganoon. Naging 'Kamahalan', ang 'Emperador', ang 'Imperyal na Kamahalan, ang 'Panginoon ng mga lupain na ito' siya, ngunit nawala na ang sarili niyang pangalan.

Yan Xun, Yan Xun, nandyan ka pa ba? Nakuha mo ang lahat, ngunit ano ang nawala sayo? Masaya ka ba talaga ngayon?

Hindi ko alam, at ayaw kong malaman. Hindi lamang ang pagiging masaya ang mayroon sa buhay. Mayroong ilang mga bagay na kahit na gawin mo, maaaring hindi ka masaya, ngunit may ilang mga bagay na kung hindi mo gagawin, siguradong hindi ka magiging masaya. Sa pinakadulo, nakuha ko ang gusto ko, hindi ba?

Mas bumilis ang kanyang lakad, mas determinado. Ang kanyang likod ay mas tuwid kaysa dati habang hawak niya ang renda at maliksing sumakay sa kabayo.

Walang sabihin, walang nakita. Ang bakal niyang puso ay napasok na sa wakas kaya dapat na siyang umalis ngayon! Agad! Dapat! Ngayon mismo!

Ang bigat ng mga alaala ay bumagsak sa kanya. Ang mga alaalang iyon na selyado sa kanyang isip sa napakaraming taon ay gumapang sa kanyang puso tulad ng mga bulok na puno. Nais niyang sugpuin, tumakas, at takbuhan ang lahat ng mga damdaming ito na pinandidirihan niya!

Kahinaan, kalungkutan, panghihinayang, pag-aalangan...

Maraming mga emosyon na dapat walang lugar sa kanyang puso.

Gayunpaman, nang iniwan niya ang lahat sa alabok, lumitaw ang isang salita sa kanyang puso, kanyang baga, lalamunan, bibig. Kumatok ang mga salita sa kanyang babagtingan, at halos mahayaan niya ang tunog na makalabas nang maraming beses. Malalim siyang napasimangot habang nagtiim-bagang siya na parang lobo, ganap na pula ang kanyang mga mata. Gayunpaman, ang kanyang panloob na boses ay hindi mapigilang nagsasalita sa kanyang dibdib habang ang mga alingawngaw at dagundong sa kanyang dibdib ay naging salitang iyon:

AhChu, AhChu, AhChu, AhChu, AhChu!

Walang nakakaintindi, at walang makakaalam. Siya lang, siya lang mismo.

Huminga siya ng malalim, para bang sineselyuhan ang mga salita pabalik sa kailaliman ng kanyang puso.

Tama, natapos na ang lahat. Tumigil sa pag-iisip, huwag tignan, tumigil na maging maramdamin.

Alis na.

Natapos na ang lahat. Nawala ang lahat sa iyong determinasyon. Ang lahat ng mga alaala ay magiging alikabok din. Lahat sa nakaraan ay makakalimutan mo, at magiging walang kahulugang abo.

Maayos ang lahat. Ako ang Emperador ng Dakilang Yan. Ako ang kanilang pinuno. Pinamumunuan ko ang lahat ng mga lupain na ito. Nakuha ko ang gusto ko.

Sa paa ng kabayo na tumatapak sa malamig na lupang permanente na nagyelo, mayroong malutong na kaluskos habang maraming maliliit na nyebe ang bumagsak, naglalaho kasama ang pigura na dahan-dahang nawala sa kadiliman ng gabi. Sa ilaw na nagliliyab, ang gintong-dilaw na watawat ay lumilipad-lipad sa kalangitan na may itim na agilang mabangis na inuunat ang mga pakpak nito. Iyon ang kanyang hukbo, ang kanyang mga tauhan, ang kanyang mundo. Tulad ng isang gintong kadena, nakagapos siya sa posisyon na iyon kung saan ipinagbabawal sa kanya ang anumang pag-aalangan o kawalan katiyakan.

Sa huli, siya ang Emperador ng Dakilang Imperyong Yan. Nakaupo sa kanyang trono na itinayo sa kanyang budhi, at dugo, at mga buto, wala siyang karapatang bumalik. Tulad nito, itinuwid niya ang kanyang likuran at nagpatuloy na maglakad sa daang ito nang hindi lumilingon. Nanatili siyang determinado at matatag sa kanyang mga yapak. Ang kanyang titig ay matalim tulad ng isang patalim, tulad ng kanyang buong pagkatao—matatag at hindi sumusuko sa anumang hamon.

Sa sandaling iyon, nakatayo si Chu Qiao sa niyebe at hangin, pinapanood ang naglalahong pigura ni Yan Xun. Bigla siyang may naintindihan. Sa tabi niya, may hindi mabilang na mga sulo, hindi mabilang na mga tauhan, at mga tagapaglingkod, gayunpaman mukha siyang labis na nalulungkot. Marahil ay hindi niya talaga maintindihan ang lalaki.

Ang gayong poot, ang kahihiyan ng pagbagsak mula sa langit hanggang sa impyerno. Ang sakit na kumutkot sa kanyang puso sa buong walong taon. Kahit na nasa tabi siya nito, hindi niya naialis ang gayong sakit para sa kanya. Ngayon na naisip niya ito, para sa dalawang taong tinulungan ang bawat isa, nanumpang hindi kailanman maghihiwalay, upang maabot ang ganitong estado ngayon, wala ba siyang pagkukulang?

Sinabi niya na huwag kailanman magtago sa isa't-isa, huwag magsinungaling sa isa't-isa, na pakitunguhan ang bawat isa nang may katapatan, at hindi kailanman pagdudahan ang isa't-isa. Ngunit nakamit ba niya talaga iyon?

Hindi, hindi niya nagawa.

Ang kanyang pasensya at ang pag-iwas niya sa mga isyu ay nagresulta sa huli na tahakin ng lalaki ang landas na iyon nang higit pa. Tinukoy ba ng personalidad ang lahat? Ito ang kanyang kapalaran?

Mga pagdadahilan lamang iyon.

Habang nagbabago at lumalayo ito, sinubukan ba niya ang kanyang makakaya upang mapigilan ito o baligtarin ang sitwasyon? Pormal ba siyang nagreklamo sa lalaki, ipinapahayag ang kanyang damdamin?

Hindi niya ginawa. Hinintay lamang niya na matapos ang lahat bago isinisi ang mga ito sa kanya nang hindi sinisikap na maiwasan ito. Nagmula siya sa ibang mundo, at bilang resulta, hindi niya masyadong pinahalagahan ang mga paniniwala niya. Gayunpaman hindi niya alam na ang ilang mga bagay sa mundo ay nangangailangan ng patuloy na pag-aalaga.

Sa huli, masyado silang bata at hindi naintindihan kung ano ang pag-ibig, at hindi alam kung paano ipahayag ang kanilang damdamin. Hindi nila alam kung paano protektahan ang pag-ibig na iyon. Matigas ang ulo at walang muwang na naniwala silang alam nila kung ano ang makabubuti para sa bawat isa at tahimik na ginawa ito. Gayunman, hindi nila naintindihan na anuman ang mga hamon na kinakaharap nila, ang tunay nagwasak sa kanilang pag-ibig ay ang katotohanan na nakalimutan nilang mag-usap.