Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 258 - Chapter 258

Chapter 258 - Chapter 258

Sa ikatlo ng Abril, opisyal na inihayag na sa wakas ni Zhao Che ang kanyang plano na dakpin ang taksil na si Zhao Yang. Sa gabi ng parehong araw, sumunod si Zhuge Yue, at sa kanyang napakalaking hukbo na higit sa 200,000, tumungo siya sa syudad ng Zhen Huang.

Sa parehong araw, ang personal na hukbo ni Zhao Yang, ang hukbong South West, sa ilalim ng pamumuno ng ilang mga mataas ranggong opisyal, ay bumalik sa syudad ng Zhen Huang City gamit ang Timog-Kanlurang daanan ng tubig. Nagawa niyang makamkam ang kapangyarihan mula sa ika-17 prinsipeng si Zhao Yi. Samakatuwid, isa pang 150,000 malakas na hukbo ang bumagsak sa ilalim ng kontrol ni Zhao Yang.

Doon, ang pakikibaka ng dalawang dragon na matagal nang namumuo ay pinatunog na sa wakas ang mga tambol ng digmaan.

Kahit sa pinaka umpisa, ang kalupitan ng digmaan ay ipinakita nang buong-buo. Upang maiwasan maharap sa parehong pamamaraan na ginamit ni Chu Qiao upang sirain ang pader ng kastilyo dati, sinukuan ni Zhao Yang na ipagtanggol ang kastilyo. Sa halip, nagpadala siya ng malalaking puwersa na higit sa 15 kilometro ang layo mula sa kastilyo. Sinimulan niya ang direktang laban kina Zhao Che at Zhuge Yue, na, sa sandaling ito, ay nalalamangan siya. Sa katotohanan, lumikha lamang si Chu Qiao ng maliit na bilang ng mga pasabog nitong nakaraang mga taon nang hindi sinasabi sa iba. Ito ay upang maiwasan ang kaalaman sa modernong sandata na kumalat at magdulot ng napakalaking kasawian.

Sa digmaan, ang mga tao ay bumabagsak tulad ng mga dahon, sunod-sunod na pulutong ang bumabagsak sa malulutong na berdeng madamong kapatagan. Ang miserableng trumpeta ng digmaan ay umalingangaw sa kalangitan, at nangangamoy ang lupa ng natatanging bakal na amoy. Araw-araw matapos ang pagsasalpukan ng mga sandata, ang mga medikal na pangkat ng bawat partido ay magdadala sa paligid ng mga stretcher upang mailigtas ang mga nasugatan, ngunit sa huli ang ginawa nila ay hindi upang magligtas ng buhay, ngunit upang bigyan ang mga malubhang nasugatan ng panghuling nakamamatay na hampas upang tanggalin sila sa kanilang paghihirap.

Kahit kay Chu Qiao na marami nang digmaan na nakita, makabasag-puso pa rin ang eksenang ito. Pribado niyang tinanong si Zhuge Yue dati kung talagang kinakailangan magsagawa ng ganoong madugong pakikipag-agawan sa kapangyarihan. Kailangan ba talaga para sa mga sundalong Xia na simulan patayin ang bawat isa?

Tinignan siya ni Zhuge Yue sa kanyang matatag at pirming mga mata, na naglalabas ng atrasyon. Tumugon siya sa pagsabing imposibleng maiwasan ang digmaang sibil. Pagkatapos ng lahat, matagal nang nasa kapangyarihan si Zhao Yang. Inalagaan niya ang sarili niyang kapangyarihan sa korte at nakakuha pa siya ng kontrol sa karamihan ng hukbo. Dito, imposible para sa kanya na magsilbi kay Zhao Che. Hindi lamang iyon, ngunit dahil kakabalik lang nina Zhao Che at Zhuge Yue sa eksena, halos hindi magagawa na dahan-dahang kamkamin ang kapangyarihan mula kay Zhao Yang. Ang digmaang sibil ay imposibleng maiwasan, at sa oras na ito, sa pagkamatay ng Emperador ng Xia na isinisisi kay Zhao Yang at ang iba't-ibang mga maharlika na nagsisimulang bawasan ang kanyang hukbo, ito ang maagang oras para sa digmaang sibil.

Nauusisa si Chu Qiao kung talagang namatay ang Emperador ng Xia. Kung gayon, sino ang gumawa nito? Si Zhao Yang, Zhao Che, o kahit Zhuge Yue ba? Sa huli, hindi niya kinailangang magtanong, at sa halip, sinabi sa kanya ang sagot.

Tunay na tadhana ito. Isa sa mga batang manggagamot sa imperyal na butika ang nasuhulan at nagpasok ng isang pangkat ng mga sirang sangkap. Nagkataon, sa ilang araw na lumala ang kalagayan ng Emperador, palihim niyang sinabihan ang kanyang pinagkakatiwalaang mga doktor na baguhin ang pormula ng kanyang gamot. Idagdag pa, sa takot na malalaman ng korte ang lumalala niyang kalagayan, inutos niya na walang sinuman ang makakaalam sa kanyang karamdaman. Ang higit pang nagkataon ay ang isa sa mga sangkap na kailangan ay nasa pangkat ng mga sirang sangkap. Ang pangyayaring ito ay unang nalaman ni Zhao Yang dahil matagal na siyang nagpasok ng ilang espiya sa loob ng butika. Gayunpaman, hindi niya alam na mayroong ilang espiya ni Zhao Che sa paligid niya, kaya't ang kanyang impormasyon ay nakarating din kay Zhao Che.

Doon, sinimulang inumin ng Emperador ng Xia ang bagong gamot, at ang pinagkakatiwalaan niyang manggagamot ang tanging namamahala sa paggawa ng gamot. Idagdag pa, ang eunuch na nakatalaga upang subukan ang gamot ay hindi naapektuhan dahil siya ay malusog sa simula palang. Para sa Emperador na nasa mahinang estado, nilisan na niya sa wakas ang mundo sa araw ng kasal ni Zhuge Yue.

Naging maingat ang Emperador Xia buong buhay niya, ngunit hindi niya naisip na mamamatay siya sa kamay ng sakim na batang manggagamot. Gayunpaman, kahit na alam ng dalawa niyang anak na lalaki ang tungkol sa pangyayaring ito, wala sa kanila ang nag-isip na iligtas siya.

Habang pinapakinggan ni Chu Qiao ang buong kwento, natahimik siya. Sa sandaling iyon ay bigla niyang naisip si Yan Xun at nakaramdam ng pagdurusa. Sa buong buhay nito, ang pinaka hinahangad ni Yan Xun ay patayin ang Emperador ng Xia upang ipaghiganti ang kanyang mga magulang. Gayunpaman, nang sa wakas ay nakakuha siya ng malaking awtoridad, at sa napakalaking hukbo sa ilalim ng kanyang utos, tahimik na namatay ang mortal niyang kaaway mula sa pagkaagnas ng ilog ng oras. Anong iisipin niya kapag natanggap niya ang balitang ito? Masaya ba siyang tatawa o maiiyak sa kabiguan? Marahil wala, marahil tahimik lamang siyang mauupo at pipigilan ang lahat ng kanyang damdamin sa kanyang puso. Sa ikalawang araw, ipgpapatuloy niya ang dapat niyang gawin.

Narinig muli ang mga tunog ng trumpetang pandigma. Inutusan ni Zhao Yang ang tatlong mga pangkat ng kabalyero na sumugod sa gilid. Tumugon si Zhuge Yue sa pag-aayos ng apat na pangkat ng pandagdag upang hadlangan ang pwersa nito. Ang labanan na ito ay tumagal na ng higit dalawang araw na walang pahinga sa pagitan. Ang lahat ng klase ng taktika ay ipinakita. Bilang si Zhao Yang at Zhuge Yue ay parehong nangunguna pagdating sa mga estratehiya, sa direktang paghaharap na ito, wala sa parehong panig ang mayroong partikular na kalamangan.

Ang hukbong Xiuli ay tatlong beses din na nakibahagi sa labanan sa isang maayos na pag-atake sa kanang gilid ng pormasyon ni Zhao Yang. Dalawang beses na winasak ni He Xiao ang pormasyon ng kaaway, ngunit sa parehong beses ay mabilis na napuno ng mga dagdag kawal ng kaaway ang butas. Alam ng lahat ng sundalo na ito ay isang labanan para sa pag-akyat sa trono. Ang magwawagi ay pamumunuan ang mundo samantalang ang natalo ay tiyak na mamamatay na walang maayos na libing. Bilang mga tagasunod ng mga pinuno na ito, haharapin nila ang parehong kahihinatnan. Dito, walang sinuman ang aatras. Kahit na ubusin nila ang kanilang dugo, pipilitin nilang lumaban hanggang sa kanilang huling paghinga.

Sa umaga ng ikatlong araw, nakaupo si Zhuge Yue sa plataporma na nakaharap sa mga sundalo. Hindi siya gumawa ng anumang pampasiglang pagsasalita at inilabas lamang ang kanyang sandata. May malakas na tinig, sumigaw siya sa kanyang mga tauhan, "Ito na ang huling araw. Pagkatapos ng araw na ito, maitatala sa kasaysayan ang ating mga pangalan!"

"Laban! Laban!" Libu-libong mga tinig ang dumagundong sa buong madamong kapatagan. Nakatayo sa likod ng karamihan, ngumiti si Chu Qiao habang nakatingin sa taong ito na napapaligiran ng napakalaking kumpol ng mga tao, ipinapakita ang maayos na hilera ng malinis na puting ngipin.

Kasunod ng mala-kulog na pagmartsa, isang anino ang lumitaw sa mga dulo ng madamong kapatagan. Sa tila walang katapusang madamong kapatagan, nakita na sa waka ng mga pwersa ni Zhuge Yue ang pangunahing kumpol ng pwersa ni Zhao Yang. Matapos ang dalawang araw ng labanan, ang magkabilang panig ay nakaranas ng malubhang kasawian, ngunit nakatayo doon ang parehong partido nang walang anumang tanda ng pag-atras.

Lumalaki ang anino, tulad ng isang kumpol ng papalapit na ulap ng bagyong lumalaki sa malawak na kalangitang umaabot sa abot-tanaw. Sa ilalim ng liwanag ng mga sinag ng sikat ng araw, makakakita ng malalaking ulap ng alikabok na nakasunod sa likod ng maayos na mga hilera ng pormasyon ng mga sundalo, nakatingin sa hukbo ni Zhuge Yue.

600 metro, 400 metro, 200 metro... Habang papalapit sa isa't-isa ang dalawang hukbo, halos nadadama na ng mga sundalo ang mainit na hininga ng mga pandigmang kabayo. Ang amoy ni kamatayan ay mas papalapit habang ang mga buwitre ay lumilipad sa himpapawid sa paghihintay ng pista.

Habang tumutunog ang mga tambol ng digmaan, ganoon din ang dagundong ng lupa mula sa libu-libong mga kabayo na pasugod sa isa't-isa. Ang mga panginginig ay mararamdaman na naglalakbay mula sa kanilang paa papunta sa kanilang mga binti, tungo sa kanilang mga likod, dahilan upang ginawin sila.

Nang tila napipinto ang kakila-kilabot na labanan, lahat ay nagpigil ng hininga habang kinuyom ang kani-kanilang sandata, para bang sinusubukan nilang pigain ang tubig sa kanilang mga sandata.

"Sugod." Tumingala si Zhuge Yue habang kaswal na ibinigay ang utos. Pagkabigay niya sa utos na iyon, malinaw na ang parehong utos ay ibinigay mula sa pinuno ng kanilang kaaway. Ang kabalyero mula sa unahang hanay ay sabay-sabay na inilabas ang kanilang mga sandata, nang ang tunog ng sandatang inilalabas mula sa lalagyan nito ay maririnig sa buong madamong kapatagan. Tila ba may diyos na bumahing. Ang hangin ay tila nasasamahan ng nakamamatay na hangarin habang wumawalis ito sa lupain bago mawala sa malayo, parang bang inaasahan ang isang labanan hanggang sa wakas.

At kung kailan mangyayari na ito, ang tunog ng pagtakbo ng mga kabayo ay maririnig mula sa pangunahing daan.

"Mahalagang impormasyon! Humihingi ng tulong si Heneral Zhu mula sa Timog-Kanluran! Mahalagang impormasyon! Humihingi ng tulong si Heneral Zhu!" Ang batang mensahero ay nababalot ng alikabok, makikita sa sunod-sunod na araw niyang paglalakbay. Sa gulat na tingin ng lahat, tumalon siya pababa ng kanyang kabayo. Lumuhod siya at sumigaw, "Heneral! Kamahalan! Huminto kayo sa pakikipaglaban! Mayroong mahalagang impormasyon mula sa Timog-Kanluran!"

Ang daan-daang libong mga sundalo ay natahimik. Walang nangahas na tumugon sa mapangahas na mensaherong ito.

"Anong sinasabi mo?" saad ng isang mababang tinig. Bilang pinuno sa rehiyon ng Timog-Kanluran, ang mga tauhan ni Zhao Yang ay karamihan mula din doon. Natural na magtatanong siya tungkol sa bagay na ito, at dahil dito, sumulong siya at tinanong ang mnensaherong ito.

"Kamahalan! Iligtas mo kami, Kamahalan!" Tuwang-tuwa ang sundalong iyon nang sa wakas ay nakita si Zhao Yang, nagpatuloy siya, "Pinangunahan ni Yan Xun ang higit sa 400,000 sundalo upang sumalakay, at napasok na nila ang ating teritoryo. Sa loob lamang ng dalawang araw, nasakop na niya ang 19 na lalawigan. Ang buong rehiyon sa Timog-Kanluran ay nawasak na! "

"Kasinungalingan!" Hinawakan ni Yue Qi ang kanyang sandata habang tinitingnan ang mensahero mula sa taas ng kanyang kabayo. Ngumisi si Yue Qi habang sinasabi, "Mayroong higit sa 300,000 sundalo na nakatalaga sa Yanming Pass. Paanong tahimik na mapapasok ni Yan Xun ang teritoryo ng Xia?"

Pagkarinig noon, lahat ng tao ay nagising mula sa pagkabigla. Pinigilan ni Chu Qiao ang pagkabigla na nasa puso niya rin. Kahit na ang imperyo ng Xia ay nasa gitna ng isang digmaang sibil, alam ng lahat ng mga kalahok ang kahalagahan ng Yanming Pass at ang banta mula sa Yan Bei. Kung Zhao Yang man o Zhao Che, hindi sila maglalakas-loob na mag-alis ng isang sundalo mula sa Yanming Pass. Sa tanggulan na tulad ng dati, paano naging posible na makapasok si Yan Xun mula sa Yanming Pass at makarating sa puso ng imperyong Xia?

"Heneral! Ang sinira ng Yan Bei ay hindi ang Yanming Pass, ito ay ang Baizhi Pass!" umiyak ang mensahero sa kalungkutan. "Magulo ang imperyong Tang. Nagpahayag ng pag-aalsa ang Ginang ng Jingan tapos ay nakipag-ugnayan siya sa dating tagasunod ng Hari ng Jingan. Pagkatapos ay binuksan niya ang Tanghu Pass at hinayaan ang pwersa ng Yan Bei sa imperyong Tang. Doon, ang buong garison ng imperyong Tang sa Timog-silangang rehiyon ay nalipol. Sa katunayan, ang kaligtasan ng imperyong Tang ay nakataya na habang ang kanilang kabisera ay naiwang nakalantad. Sa pamamagitan ng imperyong Tang, ang Yan Bei, kasama ang pwersa ng Song, ay sumalakay sa Baizhi Pass. Ang garison ng Baizhi Pass ay pinakilos lahat, na may kulang 10,000 sundalong natitira. Idagdag pa, ang mga hudyat na apoy ay nawasak ng mga espiya na ipinadala ni Lord Feng. Dahil doon, sa loob lamang ng dalawang araw, ang buong timog-kanlurang rehiyon ay nasakop!"

Sa sandaling iyon, ang lahat ng ingay ay nawala habang ang lugar ng digmaan ay lumubog sa isang kakila-kilabot na katahimikan. Patuloy na umiihip ang hangin, dumadaan sa tahimik na madamong kapatagan.

Kalendaryong Baicang, Taon 882, Ika-6 ng Abril, isang mensahe na tila isang masamang biro ang binigla ang lahat:

"Ikatlo ng Abril, pinangunahan ni Yan Xun ang 400,000 sundalo ng Yan Bei sa imperyong Xia sa pamamagitan ng imperyong Tang. Ang buong timog-kanlurang rehiyon ay sinalakay, at tinatayang apat na milyong sibilyan ang naging mga alipin."

Inangat ni Wei Shuye ang kanyang ulo, ang pulang araw ay pumapaso sa kanyang mata. Ang papaakyat na araw ay mapula tulad ng sariwang dugo, habang ang damo sa mapanglaw na kapatagan ay tahimik na umuugoy na parang itinatago ang gumagapang na kamatayang malapit nang bumaba. Ang pagdagundong ng mga tambol ng digmaan ay tila umaatungal sa kanyang tainga habang libu-libong ang namutiktik sa kanya. Ang malamig na walang pakiramdam nilang baluti ay tulad ng isang kumot na ikinumot sa lupain, dahan-dahang sinasakop ang buong lugar ng digmaan.

Naliligo na siya ng dugo. Ang kanyang makisig at pinong mukha ay natatakpan ng dugo, ang kanyang buhok ay magulo, puno ng tuyong dugo. Ang kanyang sandata ay nagsimula nang matapyasan habang ang kanyang kabayong pandigma ay nagsimulang manginig na parang babagsak ito kahit anong oras mula sa mga pinsalang natamo nito.

Sa malakas na pagsalakay ng kaaway, ang buong timog-kanlurang rehiyon ng Imperyo ay bumagsak sa mga kamay ng kaaway. Ang mortal na kaaway ng imperyong Xia ay matagumpay na binuksan ang tarangkahan sa kanilang teritoryo, subalit sa lahat ng maharlikang pamilya, tanging siya lamang ang ipinatawag ang kanyang pwersa upang ipagtanggol ang kanilang teritoryo.

Sa kahabaan ng daan upang kaharapin ang kaaway, nakita niya ang lahat ng napakaraming maharlikang pamilya na pinangungunahan ang kanilang pamilya at personal na hukbo upang tumakas sa hilaga. Ang walang katapusang daloy ng mga lumilikas ay tila isang mahabang dragon na tumatakas sa hilaga. Ang mga maharlikang iyon ay nakasuot ng magarang damit, at dinala ang maraming alahas, kasama ang kanilang buong pamilya na inihahatid ng pribado nilang hukbo. Ang ilang mga lokal na mahistrado ay tumakas pa hilaga kasama ang kanilang lokal na garison. Iwinawasiwas ang latigo ng kabayo nila at kanilang mga sibat, pinatabi nila ang mga sibilyan na humaharang sa daan, habang ang kanilang mukha ay puno ng pagkabalisa, lubos na wala ang kanilang karaniwang pagmamalaki.

Sinubukan iayos ni Wei Shuye ang mga pwersang ito upang palayasin ang mga kaaway. Sa katunayan, tinangka pa niyang isarado ang mga landas, pinipilit ang mga tumatakas na opisyales na iyon na tulungan siya sa kanyang pagpupunyagi. Gayunpaman, nagawa ng mga taong iyon na bigyan siya ng isang medyo sapat na paliwanag: Upang protektahan ang kabisera ng hari, o isang maistratehiyang pag-atras, o magtungo sa kabisera upang maiwasan ang isang digmaang sibil, o kahit na mapanatili ang mga pinili ng imperyo para sa isang disididong pakikipaglaban sa kaaway, at iba pa. Sa lahat, mas gugustuhin nilang labanan si Wei Shuye kaysa bumalik at labanan ang pwersa ng Yan Bei.

Ang ilan ay sigang sumigaw na ang regular na Timog-kanlurang Garison ay pinakilos na ng dalawang prinsipe upang labanan ang digmaang sibil. Kahit ang pamilya ng hari ay tila aabandunahin ang bansang ito, bakit sila mag-aabala? Nahaharap sa simponya ng pagtutol na ito, walang pangontra si Wei Shuye.

Related Books

Popular novel hashtag