Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 180 - Chapter 180

Chapter 180 - Chapter 180

Ang gamot ay malamig at nakakapawi, at napakakomportable kapag inilalagay. Ang paa ni Chu Qiao ay maliit at kaibig-ibig, at may maliit na parte ng kanyang binti ang nakalantad. Hawak ni Yan Xun sa isang kamay ang kanyang bukong-bukong, at nilagyan ng gamot ang isa. Ang boses ng lalaki ay parang dumaan na hangin, binigyang-diin ang pagka-asiwa sa pagitan ng dalawa.

"Oo, alam ko." Tumango si Chu Qiao at bahagyang kinagat ang kanyang labi. Ngunit hindi niya alam kung anong sasabihin. Bigla niyang naalala iyong mga taon sa palasyo, sa tuwing darating ang taglamig, magdudusa ang paa niya mula sa frostbite at namula at namaga, minsan ay may tumutulong nana. Sa pinakamalala niya, hindi man lang siya makaalis ng higaan. Sa mga araw na iyon, wala silang gamot, kaya kukuskusin ni Yan Xun ng alcohol ang kanyang sugat. Kapag nakikita siyang namimilipit sa sakit, magbibiro pa ito na lalasingin siya para hindi na siya makaramdam ng sakit. Nang oras na iyon, malinaw ang mga mata ni Yan Xun. Kahit ngayon sa panaginip niya, maaalala niya pa rin ang mga mata nito noon. Napaka dalisay ng kanyang mata na ang pag-alaala pa lang dito ay mapapalimot sa kanya kung naging ano na ito ngayon.

"Magpahinga ka ng mabuti." Matapos ilagay ang gamot, tumayo si Yan Xun. Dala-dala ang mangkok, sinabi niya, "Aalis na ako."

"Yan Xun..." nang kakatalikod pa lang niya, napagtanto niya na ang dulo ng kanyang damit ay hinablot ng maliit na puting kamay. Napaka payat ng kamay, at naririnig ang boses ng babae, lumambot ang kanyang puso. Tumalikod siya at kalmadong nagtanong habang nakatingin sa mga mata ni Chu Qiao, "Anong problema?"

"Galit ka pa rin ba sa akin?"

Nakatingin sa babae, kalmadong sumagot si Yan Xun, "Dapat ba akong magalit?"

Medyo hinihingal mula sa pagkakulang ng sirkulasyon sa tolda. Kagat ang labi siyang sumagot, "Hindi ko alam."

Ang buong kapaligiran ay nanigas habang lumubog silang dalawa sa katahimikan. Ang amoy ng pagkaasiwa ay nanatili ulit sa tolda. Si Yan Xun, na diretso lang nakatayo, na may itim na itim na buhok at tila obsidian na mata, ay nakatingin lang sa kanya. Maputla ang pisngi ni Chu Qiao, at sa wakas, dahan-dahan niyang inangat ang kanyang ulo, at nakatingin sa mga mata ni Yan Xun, hinila-hila ng babae ang kanyang manggas, bago bumulong, "Hayaan mo na akong sumunod sa inyo, pakiusap?"

Napakatagal na tahimik na tumayo lang doon si Yan Xun habang nakatingin sa mukha ni Chu Qiao. Maraming emosyon ang kumislap sa isip niya, dahilan para hindi niya mawari ang sarili niyang nararamdaman. Ang pag-angat ng Yan Bei ay napakabilis na nangyari, at ngayon ay sumasalungat sa daloy. Ang bawat hakbang na tinahak nila ay dapat na maingat at kalkulado. Nakasimangot niyang naisip ang mga plano niya sa hinaharap at mga istratehiya bago binuka ang kanyang bibig, "AhChu, alam mo ba kung anong pinakamalaking banta na kinakaharap ng Yan Bei ngayon?"

Nag-angat ng tingin si Chu Qiao pero hindi siya sumagot. Alam niyang patalumpating tanong ito.

Katulad ng inaasahan, nagpatuloy si Yan Xun, "Sa maraming pangkat sa loob ng militar, lahat ay may sariling pinuno. Sa paglusot ng pwersa ng Da Tong, hindi matatag ang militar, dahil ang lahat ay may sariling pinuno na sinusunod. Ito ang magiging kahinaan ng hukbo ng Yan Bei." Inunat ni Yan Xun ang kanyang kamay at magaan na hinaplos ang buhok ni Chu Qiao bago nagpatuloy, "Ang lahat ng ito ay mga bagay na nananatiling kailangang isaayos. Walang dudang magiging madugong proseso iyon, ngunit isa itong landas na kailangan tahakin para maitatag ang bagong gobyerno. Walang tama o mali dito, at tinatahak ko lang ang landas na ito dahil sa mga sirkumstansyang nakaharap ko. Hindi ko gustong madamay ka din sa gulong ito. Naiintindihan mo ba?"

Tumango si Chu Qiao. "Naiintindihan ko. Yan Xun, ayoko ng kontrol sa kahit anong pwersa. Nais ko lang manatili sa tabi mo."

Nang marinig si Chu Qiao, medyo natigilan si Yan Xun. Akala niya ay sinundan ni Chu Qiao ang pwersa niya para kuhanin pabalik ang posisyon nito bilang pinuno ng Southwest Emissary Garrison. Sa oras na iyon, nagsimula siyang magduda sa nauna niyang hatol tungkol sa intensyon nito. Ngunit, sa init na kumakalat sa kanyang puso, tumango siya at malumanay na sinabi, "Mabuti iyan."

Ibinaba ni Yan Xun ang kamay ng babae at paalis na sana. Isinuot ang asul niyang roba, para bang pumayat ang pigura niya. Nang makita ang anino ng lalaki, biglang naramdaman ni Chu Qiao na sumakit ang puso niya. Kinagat niya ang kanyang labi at nagtanong, "Yan Xun, nagtitiwala ka ba sa akin?"

Napatigil ang lakad ni Yan Xun ngunit hindi siya lumingon. Gayumpaman, umalingawngaw ang kanyang boses, tulad ng malambot na tunog ng alon na tumatama sa buhangin.

"AhChu, hindi kita pinagdudahan. Hiling ko lang na bago tumama ang bagyo, mapoprotektahan kita mula sa labanan."

May ugoy ng tabing, naglaho ang pigura. Nakaupo sa higaan, nawala na ang kanina'y antok ni Chu Qiao. Sa tunog ng orasan sa likuran, ang lahat ay payapa. Bigla niyang naalala ang pangakong ginawa nilang dalawa dati. Walang mga sikreto at habang-buhay silang magiging tapat sa isa't-isa. Hindi nila dapat hayaang humarang sa pagitan nila ang hindi pagkakaintindihan o kahit anong balakid! Gayumpaman, isa lang itong kathang-isip. At maraming bagay na kailangan itago ng isa mula sa iba, at lalo na, sa minamahal ng taong iyon.

Dapat siyang maniwala sa lalaki.

Tahimik na kinagat ulit ni Chu Qiao ang kanyang labi. Kung hindi niya paniniwalaan ang lalaki, kanino siya maniniwala? Ginawa niya ang lahat para kumbinsihin ang sarili bago nahiga muli. Bago niya ipinikit ang mga mata, ang tanawin ng mga napugutan ng ulo sa square ay bigla niya ulit naalala.

Matapos maglakbay ng pitong magkakasunod na araw, nakarating na sa wakas ang hukbo sa ilog ng Xuekui sa probinsya ng Yuyao. Itinayo ang pinakakampo sa may bundok, ang 200,000 sundalo ay nanalagi na. Mula sa malayo, isang buong tapal ng metalikong puti lang ang makikita.

Binitawan ni Chu Qiao ang pamumuno niya sa Southwest Emissary Garrison sa magandang dahilan. Matapos ang laban ng Beishuo, ang reputasyon ni Chu Qiao sa Beishuo ay kapantay ng kay Yan Xun, na maraming kumakanta ng papuri sa kanya sa hukbo. Idagdag pa, dahil sa katotohanang sinundan niya si Yan Xun nitong mga taon na ito, kasama ang mga katangi-tangi niya nakamit, siya ang itinuring na pangalawang pigura sa Yan Bei. Gayumpaman, bilang pwersa na direktang naging sanhi ng pagkatalo ni Yan Shicheng, ang Southwest Emissary Garrison ay nakapukaw ng magkahalong mga emosyon mula sa madla. Mayroong iba na galit sa kanila sa nakaraang pagtataksil nila, at iba na pinasalamatan sila sa pagtanggol sa Yan Bei. Ang ganoong mga salungat na emosyon ay madaling magagamit ng kahit sinong may binabalak.

Ang katapatan ng Southwest Emissary Garrison kay Chu Qiao ay alam ng lahat. Hangga't hawak niya ang pamumuno sa mga sundalong ito, mawawala kay Yan Xun ang buong kontrol sa kanyang hukbo. Ang mga sundalong ito ay literal na magiging pribado niyang hukbo. Ang ganoong bagay ay hindi matitiis ng kahit sinong naghahari. Sa gayon, dapat niyang bitawan ang kanyang awtoridad at tumayo sa tabi ni Yan Xun. Sa gayon, kung may mangyari man, nasa posisyon siya na walang kinakampihan, at makakatulong ito sa kanya at sa Southwest Emissary Garrison.

Ang ideyang ito ay orihinal na isang mahusay na naisip. Gayumpaman, nang makita niya ang bagong komander na natalaga para pangunahan ang Southwest Emissary Garrison, wala siyang maisip na sabihin. Mas lumalim pa ang pagsimangot niya habang ang kanyang tingin ay naging tumatagos na antagomismo. Ang batang komander na nakasuot ng uniporme na asul ay tahimik na sumaludo bago walang emosyon na binati siya, "Matagal-tagal na rin, Master Chu."

"Heneral Cheng." Nanigas ang tingin ni Chu Qiao tapos ay ngumisi siya. Tahimik niyang sinabi, "Sa paghiwalay sa Beishuo, kakila-kilabot na namatay si Heneral Xue Zhiyuan. Dahil umalis ka kasama si Heneral Xia An, akala ko ay hindi ko na makikita ulit ang mukha mo. Hindi ko inaasahan na magkikita ulit tayo. Isa itong masayang pagkikitang muli."

Ngumiti ng kaunti si Cheng Yuan. "Ang mundo ay maliit lang. Naniniwala ako na nakatadhanang magkita muli tayo."

Suminghal si Chu Qiao at naglakad tungo sa tolda ni Yan Xun. Bago umalis, malamig siyang nag-utos, "He Xiao, bantayan mo ang mga tauhan mo. Bago ako bumalik, walang gagawa ng kahit ano sa Southwest Emissary Garrison!"

"Masusunod!" malakas na tanggap ni He Xiao.

Sa malamig na hanging umiihip sa kanyag mukha, naisip niya, Heneral Xue, sa wakas ay maipaghihiganti na kita!

Pareho ulit ang napanaginipan ni Yan Xun. Sa noo niyang puno ng malamig na pawis, ang kanyang mata ay humpak tulad ng walang hanggang bangin. Nakatungo sa kanyang lamesa, ang buong panloob na damit niya ay basa. Inunat ang mahaba niyang daliri para abutin ang tasa, makikita ang malinis na pagkakaputol niyang kuko, kasama ang makapal na kalyo na resulta mula sa mga taon niyang nagsasanay ng martial arts. Sa kabila na buong lakas niyang hawak ang tasa, nanginginig pa rin ang mga daliri niya. Makalipas ang mga taon, hindi na malinaw ang kanyang alaala, at lahat ay lumabo na. Laging niyang naiisip na ang mga taon ng pagtitiis sa Royal Capital ay hinayaan siyang makakalimot. Gayumpaman, isang paminsan-minsan na panaginip lang ang kinailangan para lahat ng pagsisikap niya na makalimot sa nakaraan ay masayang. Iyong mga emosyon at alaala na pinigilan niya ay nilamon ulit siya, binabalot siya na parang kumot ng patalim, bumabaon sa kalamnan niya, kumakayod sa mga buto niya.

Sa panaginip, walang tigil sa pagdaloy ang dugo. Mulat na mulat ang mata ng mga magulang niya habang nagsimulang tumulo ang dugo mula sa kanilang mata, nagmumukhang mataas na kalidad ng red wine. Makalipas ang mga taon, akala niya ay nasanay na siya sa mga nagngangalit na emosyong iyon. Ngunit, sa puntong ito na tumapak siya sa lupain ng Yan Bei, iyong mga nakatagong emosyon na nanatiling natutulog ng mga taon na iyon ay sumabog na muli. Iyong mga emosyon na iyon ay natulog tulad ng ahas hanggang maistorbo. Kahit nakapikit ang mga mata, alam nito kung saan kakagat. Sa pinaka oras na ito, naintindihan na niya sa wakas na ang pagbalik lang sa Yan Bei ay hindi ang pagkasalba niya ngunit isa lamang gamot para pigilan ang kanyang mga emosyon.

Nakatulala, ang kanyang mata ay wala sa pokus habang ang kanyang paghinga ay pirming kumalma. Gayumpaman, isang labis na poot ang umakyat sa loob ng puso niya. Isang pagkauhaw sa dugo ang nagsimulang lumaki sa puso niya. Mayroon siyang walang kabusugang kagustuhan na hablutin ang kanyang sandata, iwasiwas ito, at maramdaman ang saya ng paghiwa sa laman at buto.

Sa puntong ito, mayroong kaguluhan sa harap ng pinto. Isang galit na tunog ng babae ang tila ay tumatagos. Napatigil ang iniisip niya. hindi na kailangan pang mag-isip, malalaman niya kung sino ang bisita niya. may malakas na sigaw, sinabihan niya ang mga gwardya, at agad, pinayagan pumasok ang babae.

Suot pa rin ni Chu Qiao ang kasing puti ng nyebeng roba. Sa panahon na ito, tila mas tumangkad siya. Nakatayo doon, makikita na hindi na siya isang bata.

Inayos ni Yan Xun ang sarili habang itinago niya ang mga emosyon niya. Malumanay siyang nagpaliwanag, "Bago ang mga gwardyang iyon kaya hindi ka pa nila kilala."

"Bakit nasa hukbo si Cheng Yuan?" hindi nag-aksaya ng oras ni Chu Qiao at lubos na hindi nabahala sa pagkakapigil sa kanya sa labas ng tolda.

Si Yan Xun, nang makita na mukhang napakaseryoso ng babae, ay umupo din ng diretso, at may seryosong mukha siyang sumagot, "Madami siyang nakontribusyon. Pinatay niya ang tumakas na si Heneral Xia An, at bumalik kasama ang Beishuo Garrison. Dapat iyong bigyan ng parangal."

Kumislap ang mga mata ni Chu Qiao at tumingin kay Yan Xun, para bang nais niyang makahanap ng butas sa ekspresyon nito. Umupo lang sa tabi ang lalaki, lubos na walang emosyon, lubos na walang inaalala.

"Gusto ko siyang patayin," marahang saad ni Chu Qiao. Ang kanyang boses ay napakakalmado, ngunit may bahid ng pagkauhaw sa dugo ang kumislap sa kanyang mata.

Bahagyang tumaas ang kilay ni Yan Xun habang napaka tahimik niyang inoobserbahan si Chu Qiao na hindi sumasagot. Bumigat ang pakiramdam sa kapaligiran, at halos maririnig na ang tunog ng hangin na umiihip lagpas sa mga tolda.

"Sinabihan na kita. Aalis na ako ngayon," tahimik na saad ni Chu Qiao tapos ay tumalikod siya para umalis.

"Sandali." Naningkit si Yan Xun, at mukhang hindi masaya, nakasimangot siyang tumingin sa babae. Marahan siyang nagbanta, "Sa ngayon, si Cheng Yuan ang Heneral ng Southwest Emissary Garrison. Kung may mangyari sa kanya, hindi matatakasan ng Southwest Emissary Garrison ang krimen na hindi maayos na pagprotekta sa kanilang komander."

Tumalikod, nagtaas ng kilay si Chu Qiao. "Pinagbabantaan mo ba ako?"

"Hiling ko lang na sana ay huwag kang gumawa ng pagkakamali."

"Pinatay niya si Xue Zhiyuan at ang mga sundalo ng Southwest Emissary Garrison. Halos mapatay na niya ako. Kung hindi dahil sa kanya, ang digmaan ng Yan Bei ay hindi magkakaroon ng maraming kawalan. Ang taong ito ay nakamumuhi at malupit, at isang duwag na sumisipsip lang sa mga may kapangyarihan. Hinihiling mo na protektahan ang ganoong tao?"

Nakatingin sa galit na si Chu Qiao, hindi nagbago ang ekspresyon ni Yan Xun. Kalmado niyang sinabi, "Maraming tao sa Yan Bei na walang takot sa kamatayan o yumuyuko sa awtoridad. Sa tingin ko ay hindi kapuri-puri ang mga katangian na iyon."

Sumagot pabalik si Chu Qiao, "Ang pagka walang utang na loob at pagiging duwag ay isang bagay na kapuri-puri?"

"Ang isang tao ay dapat na may kagustuhan at ikinakatakot para madali silang makontrol. AhChu, hiling ko na sana ay kumalma ka at pag-isipan itong mabuti."

Tumingin si Chu Qiao kay Yan Xun. Ang tanawin ng mga mandirigmang namatay sa ilalim ng pader ng Beishuo, kasama ang kamatayan ni Xue Zhiyuan, ay umulit sa kanyang isip. Bigla ay naramdaman niyang kumulo ang dugo niya, habag ang kanyang tingin ay naging matalas tulad ng patalim. Matatag niyang sinabi, "Paano kung ipilit ko na gusto ko siyang patayin. Anong gagawin mo sa akin?"

Related Books

Popular novel hashtag