Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 164 - Chapter 164

Chapter 164 - Chapter 164

"Hahaha!" Ngumisi si Chu Qiao nang tumalikod siya. Ang kanyang pigura ay mukhang napaka pagod at mahina, "Ni hindi mo nga maprotektahan ang mga mamamayan ng isang rehiyon, tapos binibigyan mo ng hustisya ang mga aksyon na ito sa pagsabi na para ito sa pangarap ng lahat? Nakakatawa." Binuksan ni Chu Qiao ang kurtina ng tolda at umalis.

Napasimangot si Lady Yu at hinabol siya tapos ay nagtanong, "Chu Qiao, aalis ka?"

"Hindi ang Yan Bei ang tahanan ko, ngunit ito ang pinaniniwalaan ko. Kahit na ayaw mo na dito, ako gusto ko. Kahit na abandunahin mo ito, poprotektahan ko pa rin ito. Sabihin mo kay Yan Xun, kapag namatay ako, hindi na niya kailangan pang ipaghiganti ako dahil siya ang pumatay sa akin."

"Tigil!" Taimtim na banta ni Lady Yu, "Hindi kita papayagang makaalis!"

Lumingon si Chu Qiao at ngumisi. "Pwede mo akong patayin. Ngunit mamamatay muna ako bago ko abandunahin ang Yan Bei!" Inilabas ang nakatagong patalim mula sa kanyang sapatos, miserableng tumawa si Chu Qiao habang tinutok niya ito sa sarili niya. Marahang umaatras tungo sa kabayo, sumakay si Chu Qiao dito.

"Ang malaking pagkakamali ay hindi pa nagagawa, at ang pagbalik ngayon ay maaari pa. Sabihin mo sa kanya, hihintayin ko siya sa syudad ng Beishuo! Giddyup!" Tumalikod ang dalaga at madaling naglaho sa malawak na kaputian, ang kanyang roba ay pumapagaspas sa hangin.

Balisang lumapit si Song Qifeng at nagpahayag, "Lady, bakit mo hinayaan makaalis si Master Chu? Ilang beses kang sinabihan ng Kamahalan na hindi mo dapat sabihin kay Master Chu ang plano…"

Tahimik na ngumiti si Lady Yu habang marahan niyang inangat ang kanyang ulo. Ang sinag ng bukang-liwayway ay maliwanag na sumikat sa kanyang mukha. Ang kanyang mukha na kasing putla ng papel, halos isa na siyang multo.

Ang minamahal kong Yan Bei, tunay na wala akong kwenta. Iyon lang ang magagawa ko para sayo.

"Sabihan ang Kamahalan na malapit nang bumagsak ang Beishuo. Matigas ang ulong pinilit ni Master Chu na depensahan ang Chidu at tulungan ang Beishuo. Makakatagal sila ng halos limang araw. Matapos iyon, mawawasak ang Yan Bei."

Sa pinaka oras na ito, bumagsak ang syudad ng Chidu sa nakakalungkot na katahimikan habang si Master Chu ay hindi makita kahit saan. Sa wakas, nalaman nila na kagabi, ang mga gwardya niya ay may inihatid na karwahe palabas ng syudad. Bumaha ang kawalan ng pag-asa sa isip ng lahat. Ang mga sundalo na nakasuot ng gamit na gamit na kasuotan, ay nanginginig na nakatayo sa nyebe habang hinuhulaan na, "Inabanduna ba tayo ng Master?"

Bago pa man niya matapos ang kanyang sinasabi, nasipa na siya sa lupa ng sundalo na mula sa Southwest Emissary Garrison. Si He Qi, ang kapatid ni He Qiao, ay malamig na nagpagalit, "Hinding-hindi tayo aabandunahin ni Master Chu! Kahit sa syudad ng Zhen Huang, sa ganoong sitwasyon, hindi niya kami inabanduna. Ngayon ay magiging ganoon ulit!"

"Kung ganoon ay saan siya pumunta?" Isa sa mga orihinal na gwardya ng Chidu ang desperadong sumigaw, "Pare-pareho lang ang mga opisyales na iyon!"

Ang mga piling sundalo ng Chidu ay nagsimula ding magkagulo habang ang iba ay umalingawngaw ang pagsang-ayon, "Iyon siguro ito! Nang makitang malapit na tayong matalo, tumakas siya!"

"Katulad ng sinabi ko, ang mga opisyales na iyon ay hindi dapat pagkatiwalaan! Saka, isa siyang babae!"

"Naku! Naabanduna na ba talaga tayo? Anong dapat nating gawin?"

Lumakas ang ingay, hababg ang iba ay nagsimulang umiyak. Sa abot-tanaw, nabubuo ang maitim na ulap, habang ang nyebe ay nilipad pataas na parang isang perang papel na inialay sa namatay.

"Anong tinatayo niyo dito? Malapit nang umatake ang kalaban!" Lumapit si He Xiao at taimtim na nagpangaral.

"Commander He! Inabanduna tayo ng Master at tumakas!"

"Imposible iyon!" Malamig na sagot ni He Xiao. "Hindi ko paniniwalaan iyon at kahit ang mga sundalo ng Southwest Emissary Garrison. Hindi ganoon ang Master!"

"Pero…"

"Isang beses ko lang papayagan na masabi ang mga salitang iyan! Kung may marinig na sinisiraan si Master Chu, magiging kaaway siya ng buong Southwest Emissary Garrison!" Mabilis na inilabas ng lalaki ang kanyang sandata. Ang kislap ng kanyang sandata ay maliwanag na kuminang habang nag-uutos siya, "Ano pang hinihintay niyo? Umakyat na kayo sa pader!"

Matapos ang pagsaayos sa gabi, sa wakas ay itinigil na ng Xia ang padalos-dalos nilang pagsulong. Gayumpaman, ang Southwest Emissary Garrison ay nawalan din ng kanilang depensa dahil ang kanilang pangbala ay madaling naubos, at kahit ang mga sunog na lutuan ay naubos na ng gabing iyon. Sa kahapunan, nagsimula nang sumugod ang mga sundalo ng Xia. Walang takot na umatake ang mga sundalo ng Xia gamit ang mga hagdanan, at ang mga namamana ay walang humpay na tumira sa mga nagtataklob sa papalapit na mga sundalo. Sa mga alon ng mga palasong lumilipad mula sa syudad, tila isa itong malaking bagyo. Maidedeskriba lang ang pader na nakakapangilabot habang ang mga sundalo ay patuloy na bumabagsak matapos tamaan ng mga palaso.

Isang batang sundalo ang tinamaan ng higit sampung sundalo, na karamihan sa mga ito ay tinamaan ang mahalagang parte ng katawan niya. Isang kaibigang sundalo ang nag-alok na palitan ang pwesto niya para makapagpagamot siya, pero sumandal lang ito sa pader at inosenteng ngumiti, pinakita ang kanyang puting ngipin. Kumaway pabalik, sinabi niya na, "Pagkabalik ni Master Chu, tulungan mo akong may sabihin sa kanya. Sabihin mo sa kanya na ang buong kampo ng sundalo natin ay may gusto sa kanya." Pagkasabi niya noon, tumalon siya pababa ng pader ng syudad, gamit ang sarili niya bilang bala at dinaganan ang mga sundalo ng Xia. Doon, isang buong pangkat ng irit ng sakit ang narinig mula sa ilalim, na para bang ang mga taga Xia ay kumakanta ng kanta ng kawalan ng pag-asa para sa sundalong kakabagsak lang.

Malapitang pakikipaglaban ang sa wakas ay nangyari na nang malaking pangkat ng kalaban ang nakaakyat sa pader ng syudad. Ang buong unahang linya ng depensa ay na durog, habang may mga lumilipad na palaso, na umaayon sa umiibabaw na tunog ng pagpatay at kakila-kilabot na sigaw. Dumami ang mga sundalo ng Xia sa pader, habang pulang dugo ang kumulay sa lupa. Sa oras na ito, kahit ang mga pinilit na mga sundalo ay sumugod na rin sa pader para labanan ang mga sundalo ng Xia. Hindi na sila naduduwag sa takot sa harap ng kamatayan. Alam nila na sigurado ang kamatayan nila, kung lumaban man sila o hindi, ngunit kahit papaano, ang paglaban sa mga kalaban ay bibigyan ang kanilang mga pamilya ng mas maraming oras para tumakas mula sa walang-awang hukbo ng Xia. Ginamit nila ang lahat ng meron sila, lumalaslas gamit ang sandata, tumutusok gamit ng sibat, nanghahampas gamit ang bato, kahit mangagat gamit ang kanilang ngipin. Makikita ang kalupitan ng digmaan.

Malayo ang kinatatayuan ni Situ Jing na inoobserbahan ang labanan, at may gulat na mga mata, tinanong niya ang mga tauhan niya, "Sigurado ka bang ang mga sundalong iyon na nasa tuktok ay mga pinilit na sundalo lang?"

Nang araw na iyon, talagang saglit na natunaw ang ilog ng Chidu. Patong-patong na mainit na dugo ang naipon sa nagyeyelong patong, tinutunaw ang ibabaw nito. Kahit na, hindi nagtagal, nagyelo ulit ang ibabaw. Ang buong tanawin ay nagkulay pula, na may mga katawan na nakahiga kahit saan. Isang binti ng sundalo ang naputol, ngunit walang pag-aalinlangan na tinapon niya ang sarili niyang binti sa mga sundalo ng Xia. Isang sundalo na umaakyat ng pader ang lubos na nagulat na tipong lumuwag ang hawak niya at bumagsak sa hagdanan, diretso sa matigas na malamig na lupa.

Ang buong ikapitong pangkat ng Southwest Emissary Garrison ay nalipol na bukod sa nag-iisang mensahero. Matapang siyang nakatayo sa taas ng pader, ginagamit ang katawan ng kakampi bilang sandata upang hampasin ang mga sundalo ng Xia na nagtatangkang umakyat. Sa huli, wala nang natira pang mga katawan at siya mismo ay ilang beses nang tinamaan. Ang batang sundalong ito ay sumigaw, "Mabuhay ang Master!" Bago hinablot ang isa sundalo ng Xia at tumalon sa pader ng syudad.

Ang kontrol sa pader ay ilang beses na nagsalitan sa dalawang kampo. Kahit si He Xiao ay may ilang sugat sa katawan niya, ngunit matigas ang ulo niyang lumalaban. Tumayo siya sa pader at sumigaw, "Mga kapatid! Huwag niyong ipapahiya ang Master! Kahit na mamatay tayo dito, ipaghihiganti niya tayo! Patayin sila!"

Nang marinig iyon, ang mga mandirigma ay napuno ulit ng kagustuhang lumaban. Para bang bigla silang napuno ng lakas, tumayo sila, at ang sugatang mga katawan nila ay inilabas ulit ang mga sandata tapos ay nakipagsalpukan sa mga kalaban.

Nagpatuloy ang nagngangalit na hangin tapos ang pag-ulan ng nyebe ay nagsimula muli. Umalingasaw ang amoy ng dugo sa buong labanan. Walang tigil pa rin ang pagdating ng mga sundalo ng Xia. Ang dalawang pwersa na nakikipaglaban na simula kaninang umaga ay nakikipaglaban pa rin hanggang dapit-hapon.

Nakatayo si Zhao Yang sa malapit na dalisdis habang nag-oobserba, at hindi niya maiwasan na mapabuntong-hininga, "Ang Southwest Emissary Garrison ay isa talagang mabangis na hayop para labanan!"

Matapos bumagsak ulit sa kontrol ng kalaban ang pader ng syudad, lumubog na sa kawalan ng pag-asa ang syudad ng Chidu. Isang batang sundalo ang mahinang inilabas ang kanyang sandata sa papadating na sundalo ng Xia, at naghahanap nalang siya ng kanyang kamatayan sa huling laban. Ngunit nang kakalapit lang ng sundalo ng Xia, isang pigura ang madaling lumapit, at isang sandata ang mabilis na dumaan. Kasama ang labing anino ng sandata, lumipad sa ere ang ulo ng sundalong iyon, nagtilamsik ng dugo sa paligid.

Nakangangang nakatingin ang sundalo, lubos na natigalgal bago tumalikod ang pigurang iyon at sumigaw, "Anong tinatayo-tayo mo dyan? Sabayan mo akong sumugod!"

"Master?" Hindi makapaniwalang sumigaw ang sundalo, "Bumalik na ang Master!"

Ang mga pagod na pagod na sundalo ng Southwest Emissary Garrsion ay tumingin, para lang makita ang nag-iisang babaeng diretsong nakatayo habang may hawak na sandata sa kumpol ng tao. Kung hindi ito si Chu Qiao, sino pa ba ito?

"Hindi tayo inabandona ng Master!" Isang hindi kilalang tao ang nagsimulang magalak, sinundan ng sumasabog na hiyawan na kumalat sa buong hukbo. Ang dating pagod na mga sundalo ay biglang tumayo sa galak, para bang bigla silang nagkalakas ulit.

Hangga't nandito ang Master, hindi tayo matatalo! Ang ganoong kaisipan ang bumaha sa isip ng mga nagtatanggol. Nahihindik na nakatingin ang hukbo ng Xia habang ang kanilang kalaban na kanina lang ay mabubuwal na sa dulo ng pagkatalo ay biglang napuno ulit ng lakas, at sumugod sa kanila pabalik na tila nagugutom na mga hayop. Para bang ang pagod kanina ay isa lang pakulo.

"Mga kapatid! Samahan niyo akong sumugod!" Sigaw ni He Xiao. Isang wasiwas niyang pinugutan ng ulo ang sundalo ng Xia at masayang sumigaw, "Mabuhay ang master!"

"Mabuhay ang master!"

"Mabuhay ang master!"

Ang nakakabinging sigaw ay dumagundong ulit. Nakita kung paanong ang mga sundalo ay biglang nag-umpisang sumugod na parang baha, sa wakas ay kinaharap na ni Zhao Yang ang nakakatakot na reyalidad ng pagkatalo.

"Kamahalan, kung hindi pa rin natin maookupa ang syudad na ito, mahihirapan tayong ipaliwanag ito sa Ikatlong Prinsipe."

"Sino nagsabi na hindi ko gusto ng ganoong pagkapanalo?" Bumuntong-hininga si Zhao Yang habang nakatingin siya sa maliit na syudad ng Chidu.

Sumapit ang gabi habang umatras ulit ang hukbo ng Xia. Nakita ni Chu Qiao si Pingan na nakatali sa imbakan ng pagkain. Nakatulog talaga siya. Nagising ito at nakita si Chu Qiao na ligtas, nagalak siya sa gulat at kasayahan.

Sa laban ngayong araw, napakalaki ng nawala sa Chidu. Ang pinakamalaking pwersa ng Southwest Emissary Garrison ay nawalan ng higit 2,000 sundalo. Kasama ang naunang kawalan na 1,500, ang buong Garrison ay may kulang 3,000 sundalo, na may kulang-kulang na 2,000 pinilit na magsundalo na kaya pa makipaglaban. Ang mga pinilit magsundalo ay nakaranas ng pinakamalaking kawalan na may halos 20,000 kamatayan. Labis ang pagkasira ng pader ng syudad, at kung ang kalaban ay may sandata tulad ng catapults, masisira nila ang buong pader sa loob ng isang araw.

Pumailanglang ang amoy ng dugo kahit saan, at nagkalat ang bangkay sa buong syudad. Ang gamot sa loob ng syudad ay naubos na, at ang mga mandirigma ay magagamot nalang gamit ang malinis na tubig at tela. Sa gabi, ang buong lugar ay napuno daing at ingit ng mga nasugatan. Ilang kalye ang layo, walang galaw na mga katawan ang nakahiga sa maayos na linya. Ang mga katawan na ito ay maayos na nakahanay habang may mga dilaw na telang nakatakip sa kanilang ulo.

Dinadaanan ang lahat ng ito, unti-unting bumigat ang lakad ni Chu Qiao. Sa madilim na kalangitan, maririnig ang putak ng uwak, nagdala ng ginaw pababa ng kanyang likod. Sa buong buhay niya, ito ang unang beses na nakaramdam si Chu Qiao ng ganitong kalungkutan at kawalan ng magawa. Ang pag-asa at pangarap niya ay lubos na nasira, ngunit kailangan pa rin niyang diretsong tumayo at magkunwari para sa lahat ng mandirigma. Kailangan niyang ipakita na may kumpyansa pa rin siya at magpapatuloy siya na pamunuan ang lahat na buhay na makalabas sa lugar na ito.

Ang malamig na hangin ay dumampi laban sa kanyang mahinang pigura habang nakarinig siya ng paghiging mula sa malayo. Ang kanta ay puno ng kalungkutan, at naglakad palapit si Chu Qiao sa pinagmulan nito. Pagliko sa dulo, nakakita siya ng sundalo. Isa siyang gwapong binata, at hindi pa siya tinutubuan ng balbas at bigote. Ang mahina niyang mukha ay tila isa siyang iskolar na mas bagay mag-aral kaysa makipaglaban. Isa sa mga binti niya ang nawawala na mula sa tuhod pababa. Nakaupo lang siya doon. Imbis na dumaing sa sakit, ngumiti lang siya, sa inosente at malinaw niyang mata, para bang nahipnotismo siya ng kung anong masayang memorya mula sa nakaraan habang patuloy siya sa pagkanta, "Paalam, maganda kong binibini. Pupulutin ko ang aking sandata para ipagtanggol ang ating lupain. Handa na ang kalaban, at kailangan kong protektahan ang ating paraiso. Siguro, hindi ko na makikita pang muli ang maganda mong mga mata. Siguro, hindi ko na maririnig pa ang pagkanta mo. Ngunit pakiusap, paniwalaan mo ako, habang-buhay kong tatandaan ang lugar kung saan ka nagpaalam sa akin, sa papalubog na araw na kinulayan ng pula ang tanawin, habang nakangiti ka, bumubulong sa akin na bumalik kaagad…"