Chereads / Princess Agents (Tagalog) / Chapter 157 - Chapter 157

Chapter 157 - Chapter 157

Hindi bababa sa dalawang oras, higit sa 3,000 sibilyan ang nagtipon sa tarangkahan ng siyudad sa naninigas na panahon. Ang ilan sa mga ito ay minumura na ang mga guwardiya ng tarangkahan, habang ang iba ay umiiyak na at nakikiusap na papasukin sila sa siyudad. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay balewala.

Lumipas ang apat na oras, ang araw ay sumikat na. Sa kagiliran ng kanluran, isang itim na anino na may hugis ng isang linya ang nagsimulang lumitaw. Ang anino, na binubuo ng 7,000 kabayong pandigma at natatabingan ng hamog, ay mabilis na paparating sa tarangkahan ng siyudad ng hindi man lamang gumagamit ng mga pormang pandepensa. Sa isang iglap, dumating na sila sa tarangkahan ng siyudad. Ang mga tropang nagbabantay sa tarangkahan ng siyudad ng Beishuo ay agad na inalerto ang mga komandante sa pagdating ng kanilang mga kaaway. Bago pa nakaatake ang mga tropa ng Xia na nasa silangang parte, ang mga tropa sa kanluran ay agad na nailabas ang kanilang mga espada, handa na lumaban. Ang Bise Heneral na si Cheng Yuan, na siyang nakatalaga para ipagtanggol ang tarangkahan sa kanluran, ay nakaramdam ng matinding kaba. Kung hindi dahil sa impormasyon ni Xue Zhiyuan, magiging katakut-takot ang konsikuwensiya.

Ang mga sibilyan ay nagpakawala ng mga sigaw sa pagkataranta, nananakbo patungo sa mga tarangkahan ng siyudad sa isang magulong paraan. Gayunpaman, sa panahong ito, sino pa ba ang magbubukas ng mga tarangkahan ng siyudad para papasukin sila?

Ang mga langitngit na tunog ay umalingawngaw mula sa ibabaw ng mga tarangkahan ng siyudad. Ito ang mga tunog ng mga higanteng pana na bumubukas. Nakatayo sa ituktok ng tarangkahan ng siyudad si Bise Heneral Cheng Yuan. Nakasuot siya ng isang malaki at luntiang balabal. Hawak niya ang isang espada sa kanyang kamay, tiningnan ang tanawin sa kanyang harapan at umismid. Inisip niya, Isa lamang itong hukbo na hindi hihigit sa 10,000, pero nangangarap na silang masakop ang siyudad ng Beishuo. Manatili silang nananaginip! Pabale-wala niyang sinabi sa kanyang tauhan na nasa kanyang tabi, "Hindi na kailangang magpakita ng anumang awa. Patayin silang lahat. Ang unang karangalan ng pakikipaglaban sa Beishuo ay mapupunta sa atin!"

Si Sun He, ang isa sa kanyang mga tauhan, ay napakunut-noo. Habang kinakaharap ang problema, nagtanong siya, "Gayunpaman, marami pa ding sibilyan sa labas ng tarangkahan."

Itinaas ni Cheng Yuan ang kanyang mga kilay at malamig na sumagot, "Sibilyan? Hindi ko sila nakikita." Hindi nagtagal, umalis na siya mula sa tarangkahan ng siyudad, pabalik sa silid niya para magpahinga.

Ang panahon ay napakalamig. Hindi na sulit pa ang patuloy na pananatili niya sa tarangkahan ng siyudad, lalo na at maliit lamang ang bilang ng mga kalaban.

Agad na nabasa ni Sun He ang mga intensiyon ni Cheng Yuan. Tumalikod siya at inutusan ang mga kumandanteng may gitnang ranggo sa tabi niya, "Ang mga sibilyan sa ibaba ay mga tropa ng Xia na nagbabalat-kayo. Ginagamit nila ang paraang ito para lokohin tayo, para pilitin tayo na huwag silang paulanan ng pana. Sa oras na buksan natin ang mga tarangkahan ng siyudad, ang mga taong ito ay kakalabanin at papatayin tayong lahat! Mauubos at mapapatay tayo, kasama ang siyudad ng Beishuo!"

Ang kasalukuyang naroroon ay nagsimula ng sumama sa diskusyon. "Ang mga aso mula sa Xia ay napakatuso. Mapang-api sila. Kung hindi natin sila papatayin, mawawalan na tayo ng dignidad na harapin pa ang mundo."

Ang antas ng ingay ay tumataas mula sa tarangkahan ng siyudad. Sa pagkakataong ito, ang buong hukbo ay tumigil sa pag-abante nito ng hindi kalayuan. Isang sundalo na nakasuot ng isang itim na balabal, na marahil ay ang pinuno ng hukbo, ay pumunta sa harap. Ang sundalo ay inalis ang sumbrero sa kanyang ulo, na siyang nagpakita ng isang magandang mukha ng isang binibini. Malakas na ipinahayag ng binibini, "Ako si Chu Qiao, isang opisyal mula sa Departamento ng Istratehiyang MIlitar. Sa likod ko ay ang aking hukbo, ang Southwest Emissary Garrison. Kanina ay pinatay namin ang mga tropa ng Xia. Pakiusap, buksan ninyo ang mga tarangkahan ng siyudad at papasukin kami!"

Kahit na hindi malakas ang kanyang tinig, ang lahat ng naroroon sa pader ng siyudad ay maliwanag na narinig ang kanyang tinig. Habang tinatapos niya ang kanyang pagsasalita, bumuhos ang tawanan mula sa pader ng siyudad. Kung hindi dahil kay Heneral Xue, talagang maloloko sila. Base sa sinabi nito, namatay si Heneral Chu sa pagtatanggol sa kanyang bansa. Pero, ang hukbong ito ay nangahas pa na gamitin ang simbolo ng kanyang hukbo para isagawa ang panlolokong ito? Southwest Emissary Garrison? Ano'ng pangkat ba iyon? Isa ba itong hukbo ng mga rebelde?

Hindi pa nakita ni Sun He ang mukha ni Chu Qiao dati, ang tanging nakikita niya ay ang anino nito na pandalian lamang ng ilang beses. Sa sandaling ito, ang hukbo ay napakalayo. Idagdag pa ang hamog, hindi niya maaninag ang kahit kaninong mukha. Dahil sa napalakas ang loob niya ng mga utos ni Cheng Yuan, malamig siyang tumawa at ikinaway ang kanyang kamay. "Para sa kalayaan! Patayin silang lahat!"

Isang malakas na hiyaw ang agad na pumailanlang! Higit sa 300 palaso ang umulan sa langit bilang sagot sa mga salita ni Chu Qiao. Tila ang mga ito ay isang higanteng itim na ulap na tumatabing sa langit. Ang mga umiikot na palaso ay bumaba patungo sa hukbo ni Chu Qiao!

"Protektahan ang Heneral!" Ang mga tropa ng Southwest Emissary Garrison ay nagmamadaling tinungo ang harapan. Higit sa sampung may kabataang sundalo ang ginamit ang kanilang sarili bilang taong pader para sanggalang si Chu Qiao.

Ang mga panang iyon ay personal na pinag-igi ni Chu Qiao. Epektibo ang mga ito at kayang magpakawala ng 38 palaso ng minsanan. Ang mga palaso, na napapalayo ng mga malalakas na pwersa, ay agad na nakakapaglakbay ng mabilis. Maituturing itong pinakamahusay na armas sa mundo para magtanggol sa mga siyudad. Ang mga pana ay agad na tumusok sa katawan ng sampung sundalo. Sa sandaling iyon, bumagsak sila sa lupa, nagmumukhang mga porcupine.

"Protektahan ang Heneral!" Nagmamadaling tinungo ni He Xiao ang harapan, inilihis ang isang pana palayo gamit ang kanyang espada. Daang sundalo ang sumunod sa kanya para sanggalang si Chu Qiao, walang pakialam tungkol sa kanilang buhay. Magaan lamang ang kanilang mga kagamitan, ni wala silang pananggalang o baluti. Sumunod sila kay Chu Qiao ng may intensiyon na dumaan sa Yan Bei ng ligtas. Wala na silang oras para magsagawa pa ng maayos na pormasyong pandepense. Habang inuulan sila ng mga unang palaso, ang mga katawan ay lumilipad kahit saan.

Isang batang sundalo ang humablot kay Chu Qiao at nagmamadaling umatras. Isang palaso ang tumagos sa kanyang dibdib, na naging dahilan ng maraming dugo na tumalsik sa mukha ni Chu Qiao. Hindi siya pinakawalan ng sundalo, nagpatuloy sa pagpapatakbo ng kanyang kabayo habang sumisigaw, "Protektahan ang Heneral! Takpan ninyo ako!" Gayunpaman, ang pandigmang kabayo ay tinamaan din, at bumagsak na din ito sa lupa. Ang sundalo ay gumulong sa lupa at tumayo, patuloy na tinutulungang tumakas si Chu Qiao.

"Mga kalaban! Protektahan ang Heneral!" Parami ng parami ang mga taong tumatakbo paabante. Ang hitsura nito ay tila isang serye ng mga kulay itim na alon. Habang ang isang hilera ng mga sundalo ay napabagsak na, panibagong hilera ng mga sundalo ang umaabante ng walang ipinapakitang kahit anong senyales ng kahinaan, pagkatakot o kahit anong intensiyon ng pagtakas. Sa oras na nakaalis na sila sa lugar na abot sila ng mga palaso, maraming bangkay ang nakahiga na sa lupa.

"Hahahaha!" ang nakakabinging tawanan ng mga sundalo ng Yan Bei ay sumabog mula sa pader ng syudad.

Mabigat na bumagsak si Chu Qiao sa sahig. Nagmamadaling lumapit si He Xiao, habang nag-aalalang sumigaw, "Heneral! Ayos ka lamang ba?" Humawi ang mga sundalo, nagbibigay-daan para kay He Xiao. Habang papunta ito sa kanyang tabi, nanlaki ang mga mata nito at sumigaw, "Pangahas! Ang lakas ng loob mong bastusin ang heneral!"

"Heneral He, huwag ka nang magsalita," lumabas ang ulo ni Chu Qiao mula sa pagkakayakap ng sundalo. Ang tono niya ay malungkot, habang ang mukha niya ay namumutla. Nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata pero hindi ito bumagsak. "Patay na siya. Iniligtas niya ako." Pinaluwag ni Chu Qiao ang higpit ng pagkakahawak ng sundalo sa kanya, at mabagal na tumayo. Napasinghap ang iba pang mga sundalo. Ang likuran ng sundalo ay tinamaan ng higit sa sampung palaso, tila isang porcupine. Ang tatlo o apat sa kanila ay tumama sa kanyang puso. Ang karamihan sa mga ito ay naputol na. Makikita dito kung ilang beses siyang natumba habang tumatakbo. Ang kanyang hitsura ay mabalasik at tila nababaliw. Tila ba na bago siya namatay, patuloy pa din siyang tumatakbo. Marahil ay namatay na siya noon, pero pinanatili pa din niya ang postura noong siya ay tumatakbo. Walang nakakaalam kung anong klaseng lakas ito. Inalis ni Chu Qiao ang kanyang balabal at itinakip ito sa sundalo. Tumingkayad siya at mabagal na isinara ang mga mata ng sundalo.

Swoosh! Ang binibini ay tumayo at naglakad patungo sa mga tarangkahan ng Beishuo.

"Heneral!" Sabay-sabay na umalingawngaw ang tinig ng mga sundalo.

Si He Xiao ang unang humarang sa kanyang daan, habang sumisigaw, "Heneral! Hindi maaari!"

Ang mga mata ni Chu Qiao ay malamig. Nag-uumapoy ang galit sa kanyang puso. Sa maikling panahong iyon, higit sa 100 sa mga ito ang namatay, habang higit naman sa 300 ang nasugatan. Ang mga taong ito ay sumunod sa kanya sa mahabang distansiya, mula sa rebelyon sa Zhen Huang pabalik sa Yan Bei. Dahil sa kanya, napilitan silang maging bandido sa mga kabundukan, at halos magsimula ng giyera sa Imperyo ng Tang. Sa kasalukuyan, napagresolbahan nilang bumalik sa Yan Bei dahil sa kanya. Sa bansa nilang napupuno ng kaguluhan, hinawakan nila ang kanilang mga espada ng walang alinlangan, handang ipagtanggol ang kanilang tinubuang bayan.

Kinilala silang mga traydor noong nakaraan. Hindi na mapapatawad pa at kasuklam-suklam na mga traydor. Sila ang mga alalay na hindi pinapansin noon sa Xia. Mga walang kwentang tao na kinamumuhian ng lahat! Gayunpaman, sila ang mga naunang naghasik ng rebelyon sa Xia, ang unang tumulong para labanan ni Yan Xun ang Xia. Ang kilalang rebelyon sa Zhen Huang ay nagsimula sa kanilang mga kamay. Ang pagkawasak ng sampu sa mga hukbo ng mga probinsiya sa hilagang-kanluran ay kagagawan din nila. Kahit na inabandona na sila, hindi nila kinalimutan ang kanilang mga responsibilidad at kung kanino sila dapat maging matapat. Buong-puso silang nagtiwala sa kanya, umaasa sa kanya bilang pinagmumulan ng kanilang lakas. Gayunpaman, sa sandaling ito, ang tanging idinulot niya sa kanila ay walang awang pagpaslang!

Galit na itinulak niya sa tabi si He Xiao, at matigas ang ulong naglakad sa unahan. Mabilis na tumayo si He Xiao, kumuha ng ilang hakbang paabante, lumuhod sa lupa sa harapan niya, at sumigaw, "Heneral! Hindi kami sigurado kung sila ay mga kaibigan o kaaway. Ang Siyudad ng Beishuo ay may hindi pagkakaunawaan tungo sa ating hukbo. Kapag umabante ka sa oras na ito, maaaring hindi ka na mabuhay! Huwag mo itong gagawin!"

Swoosh! Inilabas ni Chu Qiao ang kanyang espada, habang malamig na sinasabi, "Umalis ka sa daanan ko!"

"Heneral! Huwag mo itong gawin!" Habang tinatapos niya ang kanyang mga salita, sampu sa mga sundalo ang nagmamadaling umabante at lumuhod sa lupa.

Itinaas ni Chu Qiao ang kanyang mga kilay, ang intensiyon ay patuloy na maglakad paabante. Bigla, ang buong hukbo ay lumuhod sa lupa. Ang lahat ng 7,000 tinig ay sabay-sabay na umalingawngaw, "Heneral! Huwag mo po itong gagawin! Kung gusto ninyong pumunta doon, pakiusap ay tapakan mo muna ang aming mga bangkay!"

Napako sa lugar na iyon si Chu Qiao. Tumalikod siya, tiningnan ang sundalo na namatay sa isang karumal-dumal na kamatayan, at mabagal na ipinikit ang kanyang mga mata. Muli ay nag-alab ang kanyang galit. Humigit siya ng mga mababagal na paghinga para unti-unting pigilan ang lahat mula sa kaibuturan ng kanyang puso.

"Ihanda ang mga kabayo. Maghanda sa pagsalakay!"

Swoosh! Ang mga sundalo na nakatalaga sa mga pader ng siyudad ng Beishuo ay napaatras. Isang palaso ang tumagos sa ensign ng pinakagitnang hukbo nito. Ang layo ng narating ng palaso ay nalampasan pa ang nagagawa ng isang higanteng pana. Gayunpaman, ang kalaban ay nagawa ito gamit ang isang normal na pana. Ang lakas ng braso nito ay nakakatakot!

Ibinaba ni He Xiao ang kanyang pana. Ang lahat ay natahimik. Kahit ang mga sibilyan na pumunta doon para sagutin ang tawag ng kanilang bansa ay natigagal.

Sumakay si Chu Qiao sa kanyang kabayo at mabagal na naglakbay patungo sa unahan, ang puti at pulang watawat ay lumilipad sa ibabaw ng kanyang ulunan. Tumayo siya ng 100 hakbang sa labas ng distansiyang nararating ng palaso, at malamig na tinitigan ang mga kalaban. Malakas niyang ipinahayag, "Ako si Chu Qiao, isang opisyal mula sa Departamento ng Istratehiyang MIlitar. Gusto kong makita ang pinuno ninyong may pinakamataas na ranggo!"

Kalalabas lamang ni Cheng Yuan sa kanyang silid. Bago pa niya maikabit ang sinturon ng kanyang balabal, narinig na niya ang boses ni Chu Qiao at nanigas siya. Ang puti at pulang watawat sa labas ay lumipad ng mataas sa ere, na tila isang bolang apoy sa hamog ng umaga. Ang mga ekspresyon ng mga sundalo ay seryoso at nakakatakot. Ang pinipigilang damdamin ng pagkagalit ay tila isang higanteng balabal na nagbabantang sumaklob sa kanila. Kumuha siya ng isang tingin sa mga pwersang nasa labas at alam niya na ang hukbong ito ay hindi isa sa makakaya niyang talunin gamit ang mga walang kwenta niyang tropa. Maliban sa lamang sila ng bilang sa mga kalaban, wala na silang iba pang kalamangan.

"Ako si Chu Qiao, isang opisyal mula sa Departamento ng Istratehiyang MIlitar. Gusto kong makita ang pinuno ninyong may pinakamataas na ranggo!" Inulit ni Chu Qiao ang kanyang mga salita. Namutla ang mukha ni Cheng Yuan. Si Sun He, na nakatayo sa kanyang tabi, ay nakaramdam ng takot sa kanyang puso matapos makita ang hitsura ng nakatataas sa kanya. Kung ito ay totoo… Habang iniisip ang relasyon sa pagitan nito at ni Yan Xun, nanginig ang kanyang mga kamay.

"Heneral, siya… Huwag mong sabihin na siya ay…"

"Tanga!" Naningkit ang mata ni Cheng Yuan. "Pumalpak ka ng husto sa pagkakataong ito."

"Ihanda ang mga kabayo! Sabihan ang buong hukbo na sundan ako palabas ng siyudad para labanan sila. Kapag hinayaan nating mabuhay ang kahit isa sa kanila, hindi na natin kailangan pang bumalik ng buhay!" Hiyaw ni Cheng Yuan at bumaba sa hagdan gamit ang malalaking hakbang.

Mabilis na sumunod sa kanya si Sun He, at nagmamadaling nagtanong, "Heneral! Kung ito ay totoo, kung gayon ay tayo nang…"