Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 881 - Dalawang Kilometro Kwadrado

Chapter 881 - Dalawang Kilometro Kwadrado

"Pero hindi ito ang buhay na gusto nila!" Galit na angil ni Sam.

Mariin ding sumagot ang pinakamatandang embahador, "Hindi namin maaaring ibigay ang buhay na gusto nila."

"Ito ay dahil sa kanila kung kaya ligtas ang Earth kung hindi ay napasabog ni He Lan Yuan ang planetang ito."

"Pero dahil din sa kanila kung kaya nalagay sa krisis ang Earth, na nagdulot ng malaking pinsala."

"Pero iyon ay dahil sa pinilit sila ni He Lan Yuan na gawin iyon; hindi iyon ang gusto nila."

Napabuntung-hininga din ang pinakamatandang embahador. "Hindi rin ito ang gusto namin."

So, sina Shi Jian at ang grupo niya ay napuwersang bantaan ang mundo at ang United Nations ay napuwersang i-kwarantina sila. Ang bawat panig ay may kanilang sariling lohika, kaya naman mahirap sabihin kung sino ang tama at sino ang mali.

Galit pa din si Sam; nagngingitngit pa din siya. Napansin niyang tahimik sina Xinghe at Mubai, kaya naman sinubukan niyang kumbinsihin ang mga ito. "Kailangan ninyong maintindihan na simple lamang ang kanilang mga kahilingan. Gusto nila ng mga simpleng bagay, normal na pamumuhay lang. Nais nilang maging malaya tulad ng isang karaniwang mamamayan. Nais nilang maging isang normal na tao. Ano sa tingin ninyo ang iisipin nila kapag trinato ninyo sila ng ganito?"

"Mr. Sam, kailangan mong maintindihan na hindi sila normal na mamamayan, sila ay mga high IQ na kriminal. Ang bawat isa sa kanila ay maaaring makalikha ng isang sakunang makakasira sa buong mundo. Sila ang pinakamalaking natatagong banta sa mundo. Naniniwala din ako na nagbago na sila, pero hindi lahat ay payag na maging mabait. Para sa kapakanan ng sangkatuhan at sa kaligtasan ng mundo, hindi namin sila maaaring paniwalaan ng lubusan! Isa pa, ang buhay sa isla ay hindi naman ganoon kasama."

"Pero matatago sila sa mundo, malayo sa pakikisalamuha sa iba pang tao, tama?" Malamig na tanong ni Sam.

"Kami na ang bahalang magbigay sa kanila ng bawat ispiritwal at materyal na pangangailangan nila."

Pero walang pakikipagsalamuha sa ibang tao. Lalo pang nagalit si Sam nang mapansin ang katigasan ng loob ng mga ito. Salamat na lamang, alam niyang huwag gumamit ng dahas at pinandilatan ang mga ito ng nakakuyom ang kaniyang mga palad. "Makinig kayo, kayong lahat ay binawi na ang mga pangako ninyo! Sumuko na sila, pero hindi ninyo tinupad ang mga salita ninyo; hindi ba lumalabis na kayo?!"

"Hindi namin binawi ang mga salita namin; hindi namin ipinangako sa kanila ang normal na pamumuhay. Itong desisyon na ito ang aming pinaka mabuting maibibigay," giit ng pinakamatandang embahador.

Kinamumuhian ni Sam ang mga ganitong klase ng mga tao. Patakaran lamang ang nakikita ng mga ito; wala silang konsiderasyon para sa kabaitan at pagiging disente ng tao. Ito ang tunay na mundo, at ang mga patakaran ay kailangang ipatupad, at may mga patakaran na may benepisyo para sa mga piling tao.

Pinigil ni Sam ang kanyang mga emosyon at kalmadong nagtanong, "Sige, kahit na hindi kayo nagtitiwala sa kanila ay dapat ninyong pagkatiwalaan ang kanilang kakayahan, tama? Bigyan ninyo sila ng pagkakataon na patunayan ang kanilang husay at tumulong na mapagbuti ang mundo, hindi ba't iyon na ang pinakamainam na solusyon?"

"Ikinalulungkot ko, pero ito ang desisyon ng United Nation. Wala na kaming kapangyarihan para baguhin ito."

"Gaano kalaki ang isla?" Biglang tanong ni Sam.

Nagulat ang embahador sa biglaang pagbabago ng tanong, pero matapat itong sumagot, "Dahil sa bilang nila, kaya hindi naman malaki ang magiging isla. Gayunpaman, magiging sapat na ito para makasiguro ng isang kumportableng gagalawan nila, kaya naman ang isla ay nasa dalawang kilometro kuwadrado."

Dalawang kilometro kuwadrado…

Napatawa ng malakas si Sam. Aabutin lamang siya ng isang oras para malibot ang lahat ng iyon sa isang maliit na espasyo.

"Mas maliit pa iyon kaysa sa base sa buwan. Kung alam ko lang ng maaga, siguro ay kinumbinsi ko na lamang sila na manatili sa buwan," sarkastikong komento ni Sam.

Napasimangot ang grupo ng mga embahador.