Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 82 - SANDALING KAPAYAPAAN

Chapter 82 - SANDALING KAPAYAPAAN

Imbes na nag-aalala siya sa pagsasawalang-bahala ni Mubai sa trato nito sa mga babae na maski siya ay maaapektuhan, mas kampante pa si Tianxin.

Mayroon siyang baluktot na katwiran, mas nanaisin pa niya na hindi maging interesado sa lahat ng babae si Mubai, isama na siya, imbes na magmahal ito ng ibang babae. Ito ay isang 'kung hindi ka mapapasa akin, walang makikinabang sa iyo' klase ng ugali.

Takipsilim na ng lumabas si Xinghe sa hotel.

Nagmamadaling nagmaneho si Xia Zhi at agad siyang pinagbukas ng pintuan.

"Ate, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong niya dahil napanood niya ang mga pangyayari mula sa security monitor.

Nagpahinga si Xinghe sa passenger seat at malumanay na sumagot, "Zhi, ayos lang ako. Maaari mo ba akong dalhin sa fishing village doon sa may Northern Pier?"

"Bakit tayo pupunta doon?" Nag-uusisang tanong ni Xia Zhi.

"Para hanapin ang isang tao!"

"Sino?" Nangunot ang noo ni Xia Zhi na halatang naguguluhan pero tinungo pa rin niya ang direksiyon papunta doon.

Nangislap ang mga mata ni Xinghe sa liwanag ng gabi habang sinasabi niya, "Isang tao na makakapagpabagsak kay Chui Ming."

Nahigit ni Xia Zhi ang hininga sa kabiglaanan, at siya ay nagtanong, "Ate, ano ba ang talagang nangyari sa party?"

Kahit na nanonood si Xia Zh isa security feed, wala itong tunog kaya hinuhulaan na lamang niya ang mga nangyari base sa mga galaw at aksyon.

Kaya hindi maiaalis sa kanya ang galit matapos maikwento ni Xinghe sa kanya ang lahat ng pangyayari.

"May mga puso pa ba sila?! Pero ate, paano kung gantihan ka ni Chui Ming dahil sa pamamahiya mo sa kanila sa publiko?"

Malumanay na sumagot si Xinghe, "Diyan ka nagkakamali, dahil isa itong publikong kumprontasyon kaya hindi siya mangangahas na saktan ako."

Tinapunan ni Xia Zhi si Xinghe ng nagtatanong na tingin.

Nagpatuloy si Xinghe, "Mula sa nangyari ngayon, kinumpirma nila ang suspetsa ko na hindi sila makapaghintay na mapatay ako. Kaya, mayroon man o walang publikong kumprontasyon, ay hahanapin nila ako. Kaya ang publikong paghaharap namin ngayon ay isang pinlano ko. Kung may mangyari man sa akin sa loob ng ilang linggo, ang suspetsa ay awtomatikong mapupunta kay Chui Ming. Para makaiwas sa gulo, mapipilitan si Chui Ming na manahimik pansamantala. Naniniwala ako na gagawa lamang siya ng hakbang napirmahan at nasigurado na ang partnership niya sa Xi Empire. Kaya, mula ngayon, ay ligtas pa tayo. O, sa madaling salita, ito ang perpektong panahon para maghanda tayo at magpahinga."

Isang humahangang Xia Zhi ang napabulalas, "Wow, ate, hindi ko akalain na advance ka mag-isip! At tama ka, hindi mangangahas na gumawa ng ikasasama niya si Chui Ming, dahil kahit ano ang mangyari, ikaw ang nanay ng anak ni Mubai. Kung may masamang mangyari sa iyo, magsususpetsa sa kanya si Xi Mubai, at para sa kapakanan ni Lin Lin, ay kakanselahin niya ang partnership."

Oo, isinugal lahat ni Xinghe para sa delikadong plano na ito.

Hindi siya nakakasigurado na hindi siya babalikan ng dalawa nang araw na iyon pero nakakasigurado si Xinghe sa kayabangan at pagnanasa ng mga ito na sirain siya. Natupad naman ang mga iyon.

Kung sumablay man ang plano, mapipilitan siyang depensahan ang sarili, at ang mga galaw niya ay lubhang limitado.

Kaya, sa isang banda, ay nagpapasalamat siya sa sobrang galit ni Wushuang sa kanya kung kaya naisagawa niya ng walang sabit ang kanyang plano.

Ngayon, pagkakataon naman ng kabilang partido na kabahan dahil nakay Xinghe ang alas.

Wu Rong, Xia Wushuang, at Chui Ming, mag-ingat na kayo dahil ipiprito ko kayo ng sabay-sabay!

"Pero ate, makakagawa ba talaga tayo ng sapat na panlaban sa kanila o makakaatake tayo sa panandaliang katahimikan na ito?" Mabigat sa puso na tanong ni Xia Zhi.

Dahil pagkatapos ng lahat, hindi naman pipitsugin si Chui Ming, at naghihintay na lamang ito na mapirmahan ang partnership sa Xi Empire. Si Xinghe at ang kanyang pamilya ay halos walang-wala kaya paano nga ba sila makakapanindigan kung dumating ang pagkakataon iyon?

Related Books

Popular novel hashtag