Gayunpaman, nakikita pa din ng grupo ni Xinghe ang kaba sa mga mata ng mga ito. Dahil naturuan sila mula pagkabata na huwag magtanong at sumunod lamang sa mga utos, hindi nila isinatinig ang kanilang masamang pakiramdam. Kahit na noong tawagin ng grupo ni Xinghe ang mga bata para maghanpunan, hindi tulad ng mga normal na bata, walang tulakan o naglalaro ng pagkain, ang lahat ay maayos na nakapila at nagsimulang kumain na tila ba misyon nila itong gawin.
Isang bata ang nahirinan sa kanyang pagkain, pero sinubukan nito ang lahat para hindi makapag-ingay. Nakita ito ni Xinghe at agad na lumakad palapit dito. Agad na natigilan ang maliit na batang lalaki nang mapansing palapit siya dito. Pinanood siya ng pares ng kinakabahang mga mata nito, natatakot na may ginawa siyang mali. Hindi man lamang ito nangahas na gumalaw kahit isang pulgada.
Sa pagkagulat ng bata, yumuko si Xinghe para ipasa sa kanya ang isang bote ng mineral water.
"Tandaan mong inumin ito kapag nahihirinan ka sa pagkain, okay?" Mahinang paalala niya dito. Ang tono niya ay hindi sobrang lambing, pero tila isa itong balahibo na kumikiliti sa tainga ng bata. Ang maliit na batang lalaki ay nagulat at maingat na tinanggap ang bote ng tubig. Naghintay siya ng isa o dalawang segundo bago maingat na sumimsim ng tubig.
Alam ni Xinghe kung gaano nag-iingat ang mga bata sa mga matatanda, kaya naman hindi na siya gumugol ng oras na magsalita. Dumeretso na siya ng tindig at naghandang umalis.
"Kami ba…" Bigla, binuksan ng batang lalaki ang bibig para magsalita. Ang boses nito ay kaunti lamang ang ipinagkaiba sa bulong. Gayunpaman, narinig siya ni Xinghe kaya naman nagtataka itong humarap.
Sinalubong ng bata ang kanyang mga mata at matapos masigurado na hindi siya magagalit, maingat itong nagtanong, "Mamamatay ba kami?"
Sa oras na ito, mas malakas na ang kanyang tinig, ang totoo halos lahat ng mga bata sa paligid niya ay narinig siya. Ang bawat isa sa kanila ay sensitibo sa tunog, mabilis silang makaresponde sa auditory stimuli. Kaya naman, ang tanong niya ay nagdulot na lingunin at magpokus ang maraming bata kay Xinghe.
Kaharap ang napakaraming walang buhay ngunit nahihintakutang pares ng mga mata, may kumpiyansang sumagot si Xinghe, "Hindi, lahat kayo ay magiging ayos lang."
Tumalikod na siya para umalis matapos sabihin iyon, hindi alam ang malaking epekto nito sa mga bata. Ang kalmadong tono sa kanyang tinig ang nagbigay sa mga batang ito ng panghahawakan, at marahil sa unang beses sa kanilang mga buhay, nakaramdam sila ng init at kabutihan.
Ang totoo, wala silang ideya kung paano tutugon. Wala silang clue kung ano ang nararamdamang init at kakaibang pakiramdam sa kanilang kalooban. Wala sa loob na tinitigan nila si Xinghe habang lumalakad ito palayo sa kanila…
…
Matapos isaayos ang lahat, napabuntung-hininga sa ginhawa ang grupo ni Xinghe. Ang plano nila ay naging matagumpay, walang aksidente o mali na nangyari. Sa wakas ay oras na para harapin ang ilang tiyak na tao!
Tumayo si Xinghe sa papadilim na gabi at ang tingin niya ay napako sa lugar ng kwarantiya sa hindi kalayuan. Ang lamig sa kanyang tingin ay kasing dilim ng gabi. Ang grupo ni Ali na nakasunod sa kanya ay sabik na nagtanong, "Xinghe, oras na ba para kumilos kami?"
"Oo, tara na." Nagsimula nang lumakad patungo sa lugar ng kwarantina si Xinghe. Ang grupo ni Ali ay mabilis na sumunod sa kanya. Kasama nila si Lu Qi na bitbit ang kanyang medical bag. Ang mga bodyguard at doktor na tumatao sa ampunan ay mga pinili ni He Bin. Sila ang pinakatapat na tagasunod ni He Lan Qi. Gagawin nila ang iniuutos ni He Bin sa kanila ng walang tanong.
Para sa operasyong ito, ibinigay sila ni He Bin sa kontrol ni Xinghe. Ang grupo ni Xinghe ay mabilis na nakakuha ng access sa lugar ng kwarantiya. Dahil sa espesyal na katauhan ni Deqing, mayroon siyang sariling silid sa pinakataas ng gusali. Mayroon din siyang dalawang doktor na nagbabantay sa kanyang sakit sa lahat ng oras.
Ang hindi niya alam ay ang buong lugar ng kwarantina ay siya lamang ang laman. Natural lamang na ang pagkaka-ayos na ito ay para matupad ang plano ni Xinghe.