Nakakaunawang tumango si Xinghe. "Dahil hindi ka man lamang magpapakita ng kabutihan sa iyong anak, ang kamatayan ko ay napagdesisyunan na sa oras na pumasok ako dito."
"Mabuti naman at naiintintihan mo iyan."
"Dahil mamamatay na din naman ako, bakit mo gustong maintindihan ko ito? Buong buhay ko ay hinahanap ko na ang aking ina, gusto ko lamang malaman kung nasaan siya," tanong ni Xinghe habang nakatitig siya dito, na lubusang kalmado. Ito ang sagot na nais niyang malaman.
Nanghahamak na umismid si He Lan Chang. "Bakit ka magtatanong ng isang bagay na ganyan sa akin? Ang mga ampunan ng He Lan family ay hindi isang ahensiya ng impormasyon, tanging ang responsibilidad namin ay ang palakihin siya, hindi na namin sinusundan pa ang mangyayari sa kanya kapag narating na niya ang legal na edad."
"He Lan Chang, maaari mo nang itigil ang pagkukunwari sa harapan ko," sabat ni Xinghe sa kanya. "Siguradong siya ay nasa inyong mga kamay at ano ang Project Galaxy?"
Natigilan si He Lan Chang. Pinasadahan ng mga mata niya ang kabuuan ni Xinghe at ang pagkamuhi sa kanyang mga mata ay lumalim. "Alam mo ang tungkol sa Project Galaxy?"
Kaswal na tumango si Xinghe. "Narinig ko na ang tungkol dito, pero wala talaga akong alam sa kung ano ito. Ang dahilan kung bakit pumunta ako ngayon ay para malaman ang lahat bago ako mamatay. Ipagpapalit ko sa iyo ang lokasyon ni He Bin para sa katotohanan."
"Hindi na kailangan pang maraming malaman ng isang babaeng malapit ng mamatay," malupit na sabi ni He Lan Chang. Humudyat siya sa kanyang bodyguard. Agad na inilabas ng bodyguard ang kanyang baril at itinutok ito kay Xinghe. Ang intensiyong pumatay ay tumabing sa buong sala na tila hamog.
Handa nang patayin ni He Lan Chang si XInghe. Kahit na nagdududa na siyang alam ni Xinghe ang kanilang sikreto, ang marinig na mabanggit nito ito ay nagpabigla pa din sa kanya. Dahil alam na nito ang kanilang sikreto, kailangan na nitong mamatay!
Ang kailaliman ng mga mata ni He Lan Chang ay tila isang malalim na balon ng kalupitan. Sa isang utos lamang niya, isang bala ang tatagos sa puso ni Xinghe. Gayunpaman, sa sandaling iyon, ay nanatiling kalmado pa din si Xinghe.
Tumawa siya. "Hindi mo na kailangan pang magmadali na patayin ako. Hindi ka ba interesado na malaman ang lokasyon ni He Bin?"
Malupit na ngumisi si He Lan Chang. "Kumpara sa iyo na masyadong maraming nalalaman, hindi na siya gaanong importante. Isa pa, hindi magtatagal ay makakabalik siya sa bahay na ito at pagbabayaran ang mga ginawa niya! Xia Xinghe, nagkusa kang isuko ang buhay mo sa akin kaya huwag ka nang babalik para multuhin ako. Matapos mong mamatay, ang nanay mo ay susunod para samahan ka, maaari mo siyang tanungin ng kahit na ano kapag nagkasama na kayong dalawa doon."
Nawala ang ngiti ni Xinghe at direktang nagtanong, "So hindi mo ibibigay sa akin ang kasiyahan na malaman ang katotohanan bago mo ako patayin?"
Ngumisi ng may kasamaan si He Lan Chang. "Mas nanaisin ko pa na mamatay ka nang may malaking pagsisisi sa iyong puso."
Napabuntung-hininga si Xinghe. "Umaasa ako na sasabihin mo sa akin ang lahat bago ka mamatay, pero mukhang dadalhin mo ang lahat ng sikreto mo patungong impyerno!"
Nalito si He Lan Chang, at bago niya maintindihan ang pangyayari, ang bodyguard ay humarap at itinutok ang baril kay He Lan Chang!
Agad na nag-iba ang mukha ni He Lan Chang. Tiningnan niya ng masama ang bodyguard sa pagkabigla at galit na nagtanong, "Tanga, ano ang ginagawa mo?!"
Malamig na sumagot ang bodyguard, "Old Master, patawarin mo ako. Sumusunod lamang ako sa utos ng young master."
"Young master?" Nagulat na naman si He Lan Chang. Wala siyang ideya kung ano ang sinasabi ng bodyguard. Pakiramdam niya ay may gumulo sa utak niya at binaliktad ang lahat; nahihirapan siyang tanggapin ang lahat ng nangyayari. Nananaginip ba ako? Bakit bigla akong kinakalaban ng tauhan ko?!
"Tama iyon, sumusunod lamang siya sa utos ko." Bigla ay lumitaw si He Lan Qi, at mabagal itong bumaba mula sa itaas.