Gayunpaman, kahit na ano pa, dahil dumating na ito, hindi siya papayag na hindi niya ito makita. Agad na inutusan ni He Lan Chang na papasukin ito. Sa kaparehong sandali, ang mga katulong ay nagsagawa ng pagkapkap at pagsusuri sa katawan nito. Pinapasok na si Xinghe ng makumpirma na wala itong dalang mapanganib na bagay.
Ang isang babaeng tulad niya na naglalakad papasok sa kweba ng leon ng wala man lamang gamit para protektahan ang kanyang sarili, kahit ang mga katulong ay hindi maiwasan na hindi mag-alala sa kanya.
Kampante si He Lan Chang ng marinig niya ang balita, isang bodyguard lamang ang iniwanan niya sa kanyang tabi.
Sa sandaling pumasok na si Xinghe sa sala, nakaharap niya si He Lan Chang na nagtatapon sa kanya ng matalim at mala-demonyong tingin. Ang tingin naman na ibinalik ni Xinghe ay malamig at wala man lamang init.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nagkaharap sina Xinghe at He Lan Chang ng personal. Ang unang beses ay noong unang beses siya nagpunta sa Country R; mabait at magiliw itong host at isa naman siyang magalang na panauhin noon.
Gayunpaman, ang paraan ng pagtitinginan nilang dalawa ngayon ay lubusang magkaiba kaysa dati. Tila ba nakikipagtitigan sila sa kanilang kaaway. Nasa magkasalungat na kampo sila mula sa isa't isa; pareho nilang gustong mamatay ang nasa kabila.
Hindi na nag-aksaya pa si He Lan Chang para sa pagkukunwari. Nanlilibak na tumawa ito at pumuri, "Talagang nakakahanga si Miss Xia, inaamin ko na masyado kitang minaliit noon."
Hindi talaga niya inaasahan na isang babae ang patuloy na gagawa ng problema para sa He Lan family. Hindi lamang niya nagawang tahimik na manakaw mula sa kanila si He Bin pero nagawa din nitong maiwasan ang kanyang paghahanap dito sa napakatagal na panahon. Talagang nagawa nitong lampasan ang kanyang inaasahan.
Kalmadong lumakad paabante si Xinghe at sinabi, "Nakakahanga din naman si Old Master He Lan, kaya naman, siguro sa pagkakataong ito ay nakaharap na natin ang ating katapat."
Biglang tumawa si He Lan Chang pero ang lamig sa kanyang mga mata ay hindi nawala. "Nakita ang katapat ko? Ang isang batang babae na tulad mo? Xia Xinghe, huwag mo akong patawanin. Masyado ka pang bata para makatapat ang isang tulad ko! Isa pa, nagpunta ka sa bahay ko ngayon ng wala man lamang backup, kung hindi katangahan ito, hindi ko na alam kung ano pa ang itatawag dito!"
Ang mapanganib na intensiyon ni He Lan Chang sa kanya ay hayagang ipinakita pero wala man lamang bahid ng takot si Xinghe, tipid lamang na ngumiti ito. "Dahil nangahas akong pumunta nang mag-isa dito, nagsagawa ako ng ilang paghahanda, kaya naman maaari mong pag-isipang muli ang iyong plano para patayin ako."
Malamig na ngumisi si He Lan Chang. "Hindi na kailangan pang pag-isipan pa bago kuhanin ang buhay ng isang taong walang halaga na tulad mo. Matapos kitang patayin, mayroong isang tao na kamukha mo na lalabas mula sa lugar na ito para pumalit sa buhay mo. Huwag kang mag-alala, naghanda din ako ng husto, walang makakapagdiin ng kamatayan mo sa akin."
"Ganoon ba?" Naiintrigang tumango si XInghe. "Mukha ngang kailangan kong iwanan ang buhay ko dito ngayon."
"Tama iyon!" Masungit na tinitigan siya ni He Lan Chang. "Dapat ay alam mo nang kamatayan ang naghihintay sa iyo matapos mong magdesisyon na kalabanin kami! Xia Xinghe, kapag ibinigay mo sa akin ang lokasyon ni He Bin, maaaring pag-isipan ko kung bibigyan kita ng mabilis na kamatayan o kaya ay sakit na hindi mo maiisip na naghihintay sa iyo. Bata, pakinggan mo na ang payo ko sa iyo na huwag kakalabanin ang mga mas nakakatanda sa iyo dahil hindi magiging maganda ang magiging katapusan mo."
Ang bawat salita ni He Lan Chang ay punung-puno ng lason. Ito ang kanyang tunay na mukha; ang lalaking ito ay mas maraming kahalintulad sa isang alakdan na puno ng lason kaysa sa katulad niyang tao.
Gayunpaman, nananatiling kalmado si Xinghe. Walang bahid ng takot sa kanyang mukha. Naupo pa nga ito sa tapat nito at sumagot, ng may nakataas na kilay, "Nasaktan mo na ng husto si He Bin kaya bakit ba nagtatanong ka pa kung nasaan siya? Anak mo siya, hindi ba? Bakit hindi mo na lamang siya pabayaan?"
"Dahil hindi pa niya nababayaran ng buhay niya ang kanyang pagtatraydor. Kahit na kaunti lamang ang kalamangan niya sa isang aso na pinalaki ko, kailangang maipataw sa kanya ang nararapat na kaparusahan," direktang sinabi ni He Lan Chang.