Nagngangalit ang mga ngipin, pinagkadiinan ni Wushuang ang mga salitang binitawan niya, "Hindi na iyon mahalaga dahil mas masahol ka pa sa akin! Sa anong dahilan kung bakit lahat ng maganda at mainam ay ibinibigay sa iyo ni Daddy? Bakit? Kailan iyon naging patas?"
"Simple lang, dahil ako ang tunay niyang anak." Sagot ni Xinghe ng deretsahan. Ipinakita niya kung gaano kawalang-katwiran ang pinagsasasabi ni Wushuang.
"Dahil doon kaya ako namumuhi sa iyo!" Ang mga mata ni Wushuang ay nag-aapoy sa galit, tila nawawala na ito sa sarili habang sinasabi nito na, "Huwag kang mag-alala, may plano na ako na handang sumira sa iyo. Masasabi mo ba kung ano iyon?"
Kumpara sa kanya, kaaya-aya pa ding tingnan si Xinghe.
"Hindi ko alam, pero sabihin mo sa akin."
Biglang lumapit si Wushuang, akmang yayakapin siya.
Ngunit bago ito makalapit, tumigil ito at niyakap ang tiyan at humagulgol, "Ate, huwag ka nang magalit sa akin. Kasalanan ko ang lahat, ate, patawarin mo ako…"
Bago pa matapos ni Wushuang ang kanyang sinasabi, sumigaw ito at nalugmok sa sahig na para bang may sumipa dito ng malakas.
Hinawakan niya ang kanyang tiyan na may nahihirapang ekspresyon at takot na napasigaw, "Ang tiyan ko, tulungan ninyo ako, ang tiyan ko, masakit na masakit…"
Salamat sa kanyang ginawa, karamihan sa mga bisita ay sa kanila nakatutok.
Base sa palabas na nakita nila, inakala nilang itinulak ni Xinghe si Wushuang sa sahig at lahat sila ay nagulat.
Ang mga sigaw ni Wushuang ang nakatawag-pansin sa karamihan hanggang sa ang lahat ng dumalo sa pagtitipon ay nanonood na sa kanila.
Hindi nila alam na ito ay isa lamang palabas, gulat silang napapatingin sa inaakala nilang ginawa ni Xinghe.
Kapani-paniwala namang talaga ang pagpapanggap ni Wushuang…
Ang pagpalahaw ni Wushuang ay nakakuha din ng atensiyon ng kanyang asawa.
Parang naririnig na niya ang kanyang cue, agad na lumapit si Chui Ming.
Lumuhod siya sa tabi ng asawa at nag-aalalang nagtanong, "Wushuang, ano ang nangyari sa iyo? Sino ang may gawa nito?"
Sino ang gumawa nito?
Wala namang ibang nakatayo na malapit sa kanya maliban kay Xia Xinghe.
Sinulyapan ni Wushuang si Xinghe bago hinawakan ang braso ng asawa, at nagmamadaling sumagot, "Honey, sigurado akong hindi naman ito sinasadya ni ate. Mamaya na natin alalahanin iyon, mas nag-aalala ako… sa anak natin…"
Anak?!
Lahat ng nakarinig ay biglang natakot. Kung nasaktan ni Xinghe ang baby fetus ni Wushuang, maaari siyang maaresto dahil sa pagkamatay ng bata.
Dahil may potensiyal naman ito na mabuhay.
Maaaring makulong si Xinghe kapag napatunayan ito.
Nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Chui Ming. Galit niyang binalingan si XInghe, ang boses niya ay punung-puno ng masamang hangad, "Itinulak mo ang asawa ko dahil gusto mong mapatay ang anak namin?"
"Honey, sinabi ko na sa iyong hindi ito sinadya ni Ate. Aksidente ang nangyari…" pagmamakaawa ni Wushuang sa asawa para kay Xinghe.
"Wushuang, hindi mo siya kailangang ipagtanggol. Inaapi ka na niya mula pa ng kayo ay bata pa at ngayong alam niya na buntis ka, ginawa niya ito para malaglag ang bata dahil hindi niya kayang makita na maging maligaya ka sa buhay. Napakasamang babae! Tumawag kayo ng pulis! Kailangang maparusahan agad ang masamang babae na ito!" Pagmumura ni Chui Ming.
"Honey…" sinubukan pang makiusap ni Wushuang pero sumabad si Chui Ming, "Darling, mahal kita dahil alam kong mabuti kang babae na naniniwala sa kabutihan ng ibang tao pero sinubukan niyang saktan ang buhay ng anak natin, hindi pa ba sapat na ipakita noon ang tunay na ugali niya?"
Nanahimik agad si Wushuang at nanlulumo sa kabiguan na iniiwas ang tingin.
Iyon ay para bang ngayon lamang niya nakita ang pangit na katotohanan tungkol kay Xinghe at hindi na niya ito kayang depensahan pa…
Sa galing ng kanyang pagpapanggap, nakuha niya ang simpatya ng lahat ng nanonood sa kanila.
Kaya ang unang paghanga nila kay Xinghe ay napalitan ng sobrang pagkagalit.