Gayunpaman, nang pumunta sila para isagawa ang pagsubok, ang sinabi nilang lahat ay pinalaki sila sa ampunan, kahit na wala sa kanila ang talagang lumaki doon.
Ang ilan doon ay may magulang pa at nagmula sa isang normal na pamilya. Ang mga tunay na ulila ay mabibilang lamang sa kamay. Ang lahat sa kanila ay nagsinungaling para umayon sila sa pamantayan. Maisusulat na kasakiman ito kung ito ay mga ilang kaso lamang, pero ito ay makikita sa bawat isa sa kanila, kaya naman siguradong may kakaibang nangyayari dito!
Kung hindi nakipagkita si Xinghe kay Ee Chen noong araw na iyon, hindi marahil niya malalaman ang layunin ng mga ito. Pero nakipagkita nga siya, at agad niyang nakita ang pinaplano ng mga ito. Ito ay para pagtakpan ang pagdududa laban sa He Lan family. Inililihis nila ang atensiyon mula sa ampunan.
Halos naloko na ni He Lan Qi si Xinghe at ang iba pa gamit ang masamang balakin niyang ito. Inisip siguro nito na kapag walang lumabas na resulta sa paghahanap, susuko na sila at aalis. Hindi niya inaasahan ang paglitaw ni Ee Chen o si Xinghe na personal na iimbestigahan ang background ng mga babaeng ito.
Ngayon, naiintindihan na ni Xinghe kung bakit napakasigasig nito at handang tulungan sila. Ito ay para mas madali para dito na lokohin sila.
At noon din, agad na napagtanto ni Xinghe kung ano ang nararamdaman niyang kakaiba sa ospital. Kung talagang pinalaki sa ampunan ang mga babaeng ito, bakit hindi nila binabati ang isa't isa o pinag-uusapan man lamang ang kanilang kabataan ng magkakasama?
Hindi makapaniwala si Xinghe na hindi niya agad nakita ang napakababaw na pag-arte ng mga babaeng ito. Pinagalitan niya ang sarili sa pagiging pabaya.
"Hindi mo kasalanan ito, dahil, wala naman sa atin ang nakapansin ng anomalyang ito," alo sa kanya ni Sam pero nagpatuloy sa madilim na tono, "Pero bakit kailangan pa ni He Lan Qi na sumailalim sa napakaraming pasikut-sikot para gawin ang palabas na ito at lokohin tayo? Ano ang anggulong itinatago niya?"
"Talaga bang may kaduda-duda sa pamliyang ito?" Dagdag ni Ali.
Mariing tumango si Cairn. "Sigurado, kasi bakit naman nila gagawin ito?"
"Oo nga, talagang may kaduda-duda sa kanila," malamig na sabi ni Xinghe. "May isang isyu tungkol sa kanila na kahina-hinala, at nakaisip na ako ng mas maayos na plano para sa kanila."
"Ano'ng isyu ba ito?" Nagulat si Sam.
"Ang ampunan nila. Siguradong may masamang nangyari sa ikalawang Shen Miss, at pareho sila ng nanay ko na may kaunayan sa kaduda-dudang ampunan na iyon," pagtatapos ni Xinghe, hindi niya isiniwalat ang Project Galaxy. Hindi naman sa hindi siya nagtitiwala sa mga ito, pero ayaw lamang niyang mapahamak ang mga ito.
Bago pa niya malaman ang lahat ng tungkol dito, kailangan niyang mag-ingat ng husto kung hindi ay baka magkaroon ng mga aksidente. Kaya naman, wala siyang sasabihin na kahit ano sa mga ito.
"Ang nanay mo?" Nagulantang si Ali, "Xinghe, iyon ba ang sinabi mo? Ano ang kaugnayan ng nanay mo sa ampunang ito?"
Tumingin si Xinghe sa kanila at sinabi, "Ngayon ko lang din nalaman ang tungkol dito, ang nanay ko ay isang batang lumaki sa ampunang ito, pero nawawala siya. Ang duda ko ay may kaugnayan ang kanyang pagkawala kay He Lan Chang at sa pamilya niya. Maliban doon, nadiskubre ko na ang He Lan family ay hindi ganoon kalinis tulad ng alam ng lahat sa panlabas. Kaya naman, para malaman ko na ang katotohanan, para mahanap ang aking ina at ang ikalawang Miss Shen, kailangan nating pakitunguhan muna ang He Lan family.