Gusto niyang malaman ang lahat ng nalalaman nito!
Nakahanap ng isang tahimik na café si Xinghe para sa kanilang coffee break. Gustong makausap ng sarilinan ni Ee Chen si Xinghe at ito din ang intensiyon ni Ee Chen. Nagsalo sila sa isang mesa sa pinakadulo ng café kung saan walang makakarinig. Si Ali at ang iba pa ay nanatili sa may kalayuan para obserbahan sila, o kung didiretsuhin, inoobserbahan nila si Ee Chen, natatakot na baka saktan nito si Xinghe.
Sinulyapan sila ni Ee Chen at tumawa. "Mga kaibigan mo sila? Hindi sila mukhang mga bodyguard sa akin."
"Oo, mga kaibigan ko sila," mahinang sagot ni Xinghe at nagtanong, "Sabihin mo sa akin, bakit ka nandito? Bakit ka nagpunta para hanapin ako?"
Hindi agad sumagot si Ee Chen pero ginamit nito ang oras para pag-aralan ang kanyang hitsura. "Miss Xia, isang taon pa lamang ang nakakaraan, pero mas gumaganda ka. Oo nga pala, kumusta ang naging lagay mo noong nakaraang taon?"
"Hindi na masama, pero sa tingin ko ay wala tayong masyadong oras para magkwentuhan," sabi ni Xinghe. Dumeretso na siya sa punto, "Ee Chen, gusto kong malaman ang lahat ng tungkol sa Project Galaxy. Huwag ka nang magpaliguy-ligoy pa sa akin at baka sa oras na ito ay magkatulungan na tayo."
Kumurba ang mga labi ni Ee Chen para maging ngiti. "Direkta pa ding magsalita si Miss Xia pero sigurado ka bang gusto mong makipagtulungan sa akin? Ang kooperasyon ay mababase sa…"
"Ganito na karami ang sa akin, sapat na ba iyon?" Ipinakita ni Xinghe ang apat na daliri at ang hindi interesadong mga mata ni Ee Chen ay biglang tumalim.
Nagulat siya at hindi makapaniwalang nagtanong, "Ang tinutukoy mo ba ay ang bagay na iyon?"
"Ano pa nga ba ang tutukuyin ko?"
"Nagbibiro ka siguro; paano mo nagawang mahanap ang ganyan kadami?!" Napasinghap si Ee Chen sa pagkabigla. Dahil ginugol niya ang isang buong taon para mahanap ang isa, kung kaya naging dalawa na ang hawak niya.
Sa kaparehong panahon, nakahanap si Xinghe ng apat! Paano niya paniniwalaan ang bagay na ganito?
Mabagal na sumimsim si Xinghe ng kanyang kape at mabagal na sinabi, "Sa tingin mo ba ay magsisinungaling ako sa iyo?"
"..." naging seryoso ang tingin ni Ee Chen. Naniniwala siya na hindi siya lolokohin ni Xinghe. Kung ibang tao ito, ay magdududa siya, pero nagawa na siyang sorpresahin ni Xinghe ng dalawang beses noong nakaraang taon nang magkrus ang kanilang landas. Hindi niya kailangang magsinungaling dito…
Biglang naalala ni Ee Chen kung gaano siya kawalang kwenta. Kumpara dito, pakiramdam niya ay wala siyang nagawa. Inisip niya na sa wakas ay magiging kapareho na niya ito ng antas matapos ang isang taon, pero doon niya nakita na ang distansiya sa pagitan nila ay lalo lamang lumawak.
Hindi mapigilang magreklamo ni Ee Chen, "Miss Xia, hindi mo ba pwedeng bigyan ng pagkakataon ang ibang tao? Paano mo nagawang makahanap ng napakarami sa loob lamang ng isang taon?"
"Ang lahat ay nagkataon lamang," matapat na sagot ni Xinghe. Oo nga naman, tila ba ang mga pangyayari ay nasusulat na sa kanyang pabor at ang benepisyo ay patuloy na nahuhulog lamang sa kanyang mga kandungan.
Pakiramdam ni Ee Chen ay uubo na siya ng dugo. Hindi lamang talentado si Xinghe pero ang swerte ay kakampi din nito, ang hindi makipagtulungan dito ay parang pinakatangang desisyon na maiisip niya.
"Makikipagtulungan ako sa iyo!" Mariing anunsiyo ni Ee Chen na sumali sa kampo nito. "Kaya naman, kailangan mo ding makipagkooperasyon sa akin, dahil kapag hindi mo gusto, didikit ako sa tabi mo ng habambuhay."
Hindi makapagsalita si Xinghe. "Ang orihinal na plano ko ay makipagtulungan sa iyo, ngayon ay maaari mo na bang sabihin sa akin ang lahat ng alam mo?"