Napansin ang katahimikan ng Madam Presidente, dinagdag ni Xinghe na, "Siguro ay may nagsulsol sa tainga niya para hindi niya ako maunawaan at patindihin ang pagkasuklam niya sa akin. Gayunpaman, nagtataka naman ako kung sino ang may masidhing pagkasuklam sa akin na sinasadya nilang impluwensiyahan si Miss Tong at gamitin siya laban sa akin."
Agad na sumeryoso ang mukha ni Madam Presidente. "Tama ka. May kaduda-duda ngang pangyayari. Huwag kang mag-alala, aalamin namin ang puno't dulo nito."
"Salamat, madam. Sana ay malaman natin kung sino ang mga taong nasa likod ng mga eksenang ito."
"Asahan mo!" Pangako ni Madam Presidente. Ang partidang ito ay nangahas na gamitin ng ganito si Tong Yan, kaya kailangan nilang pabagsakin ang partidong ito. Inimpluwensiyahan nila si Tong Yan na gumawa ng bagay na ilegal gaya ng pagpatay, kaya dapat na matukoy ang mga taong ito at maparusahan.
Matapos na makupirmang ligtas si Xinghe, bumalik na si Madam Presidente sa bahay ng presidente.
Habang pinapanood ang papalayong sasakyan nito, sinabi ni Xinghe kay Mubai, "Inisip ng Lin family na magagamit nila si Tong Yan na patayin ako at ligtas sila sa implikasyon dito. Sa pagkakataong ito, malalaman nila kung ano ang ibig sabihin ng pagbaril sa sarili nilang mga paa."
"Dapat ay iwanan mo na ang Lin family sa akin sa hinaharap; hindi mo na kailangang maghirap pa ng husto." Tiningnan siya ni Mubai ng buong pagmamahal at pag-aalala. Para tulungan siyang maghiganti at tulungan ang Xi family, halos nawala ang buhay niya. Nakaramdam ng sobrang pangongonsensiya si Mubai. Pakiramdam niya ay wala siyang silbi, na kung nagising siya ng mas maaga, hindi na sana niya dinanas ang ganitong mga pahirap.
Naiintindihan ni Xinghe ang ibig niyang sabihin.
Umiling siya at mariing sinabi, "Pakiusap ay huwag mong sisihin ang iyong sarili, ginawa ko ang lahat ng ito ng kusa. Pero ikaw, kagigising mo lamang; hindi ka dapat na naririto."
"Paano ako kakalma kung wala ako dito?"
"..." naiintindihan ni Xinghe ang ibig nitong sabihin; natatakot ito na may masamang mangyari sa kanya tulad ng pagkatakot niya na may masamang mangyari dito. Ang sigasig nitong hanapin siya ay tulad ng kanyang sigasig sa pagtulong dito na maghiganti. Para silang pinagbiyag na bunga, nawawala ang kanilang katinuan para sa kapakanan ng bawat isa.
"Umuwi na tayo, pagod na ako," biglang sambit ni Xinghe.
Sa oras na iyon, hiling niya ay makatakas sa mga pakana at paghihigantil ang tanging hiling niya ay magkaroon ng oras na kasama ito.
"Okay," sagot ni Mubai ng may napakagwapong ngiti.
…
Dinala ni Mubai si Xinghe sa bahay na pagmamay-ari ng Xi family sa Hills Residence. Ang lugar ay malaki at nasa palagiang pag-iingat.
Mayroon nang kumite na sumasalubong sa kanila na naghihintay noong sila ay dumating. Ito ay ang grupo ni Sam at si Lu Qi.
Natawagan na sila ni Xinghe para ibalita ang kanyang kaligtasan noong nasa daan sila patungo dito, kaya naman nagtipon na ang mga ito sa bahay para hintayin siya.
"Xinghe, ayos ka lamang ba?" Nag-aalalang tanong ni Ali nang makita siya nito.
Tumango si Xinghe. "Ayos lang ako."
"Sino ang nangahas na puntiryahin ka?" Galit na angil ni Ali. "Sabihin mo sa amin at kami na ang bahala sa kanya!"
"Pag-usapan natin ito sa loob." Bumaling si Xinghe kay Lu Qi. "Lu Qi, pakisuri ang kondisyon ni Mubai, kagigising lamang niya ngayon."
Agad na sinabi naman ni Mubai na, "Ayos lang ako, ang kailangang suriin ay ikaw."
"Hindi, mas kailangan mo ng atensiyong medikal kaysa sa akin," ganti ni Xinghe.
Nakangiting pinanonood ni Lu Qi ang kanilang pagtatalo. "Pareho ko kayong susuriin. Pero sa nakikita ko ngayon, maliban sa pagkapagod, mukhang ayos lamang si Xinghe, kaya si Mubai muna ang susuriin ko."
"Xinghe?" Biglang pinukulan siya ng malamig na tingin ni Mubai. "Wala akong alam na napalapit na kayo ng husto na napunta na kayo sa first name basis."
Biglang natigilan si Lu Qi sa biglaang pagkagalit nito. "Inaasahan na ito dahil ginugol namin ang mga panahong ito na magkatrabaho ng magkasama."